(CAMILLA)
(CAMILLA)
Sunday na. Pero ang atmosphere namin dito ay parang Biyernes Santo. Walang nagsasalita sa amin, at hindi ko alam kung bakit. Ah, dahil pala 'yon sa nakakahawang katahimikan ni Gette. Aware naman kami na tahimik talaga siya mula pa noon. Pero ngayon, parang mas tumahimik pa siya—kahit tanungin namin kung may problema, iiling lang siya o kaya tatango. May problema talaga.
"I can't take this anymore. Gette, ano talagang problema?" biglang sabi ni Jhoanne. Malamang, napanis na ang laway nito. Hindi niya siguro kinaya ang isang araw na walang usapan. Parang mamatay ata siya 'pag hindi nakapagsalita kay Eraizha. Ako? Kaya ko 'yun.
"Wala, okay? Saan ba tayo pupunta?" Mahinahon niyang sagot. For the past two days, ngayon lang uli namin siya narinig magsalita.
"Imposible. Hindi kami sanay na ganyan ka ka-tahimik. Well, tahimik ka naman talaga, pero parang sumobra na ata. Kulang na lang, magsign language ka na rin sa amin kapag kinakausap ka. Last Friday hindi ka pa ganyan. Ano bang inaalala mo?" nag-aalalang sabi ni Eraizha.
Nakarating na kami sa may garden ng resort at nagsquat sa bermuda grass. Aside sa loob ng hotel, dito rin kami pinapayagang tumambay tuwing may half-day break kami. Para na rin makapag-relax kahit papaano. Hindi nga lang kami pinapayagang tumambay sa dalampasigan, which is mas gusto ko sana dahil mas chill ang ambiance doon. Kaya hanggang tanaw lang kami sa malayo.
"Inagaw ko yung part niya kahit hindi ko naman ginusto. I mean, matagal na niyang prinactice 'yon pero sa isang iglap, napunta sa akin. Ang sama ko ba?" paliwanag ni Gette. Medyo hindi ko pa rin naiintindihan.
"What do you mean na inagaw mo?" tanong ko. Huminga siya ng malalim.
"Noong Friday kasi, pumunta si Miss Venna para tingnan ang practice namin. Maganda na ang flow, pero bigla niyang pinagpalit kami ng part ni Jillian. Yung sa kanya, killing part. Matagal na niyang pinaghirapan 'yon pero napunta sa akin. Kaya nagiguilty ako." Mahaba niyang paliwanag.
"Really?! Hahaha! I can't believe it. Gosh. Anong reaction niya nun?" masayang tanong ni Eraizha. Sa aming lahat, siya lang ata ang natuwa. Although, hindi ko rin alam ang ugali ni Jillian.
"Era, stop. It's not funny. You wouldn’t like it if you were in her situation," sabat ni Ellese. Hindi na nagsalita si Era.
"So, what happened after that?"
"Nag-walk out siya. Tapos pagbalik niya, lalo siyang naging cold. Pati mga kasama ko nahihirapang i-approach siya. Nag-aalala kami na baka madala niya ‘yung hinanakit niya hanggang performance day."
"O-kay? Pero sana bilang leader sa group niyo, naiintindihan niya na para ‘yon sa ikabubuti ng buong team." sabi ko. "Bakit niya pinipersonal? Gusto ba niya lagi siyang nasa spotlight? Eh lahat naman tayo gusto ring mapansin. Pero kailangan rin niyang matutong magpaubaya—lalo na’t group performance ‘to."
"Mas mabuting kausapin mo siya nang kayong dalawa lang. I-explain mo ang side mo. Tandaan, team kayo, hindi solo." dagdag ni Ellese.
Nagpalit na kami ng topic. Sa wakas, nakisali na rin si Gette sa usapan hanggang sa dumilim na, kaya nagdesisyon na kaming bumalik para mag-dinner.
Patayo na sana ako pero napaupo uli dahil nag-clats ang paa ko. Ang tagal kasi naming nakasquat. Napahawak ako sa damuhan—at dun, may nahawakan akong isang bagay. Pag-angat ko, nakita kong kwintas pala siya. Hindi ordinaryo. Para siyang dog tag na kwentas ng mga sundalo. May nakaukit na malaking M sa harap, at sa likod ay baligtad na M—kaya naging W.
"Huh! Saan mo naman napulot 'yan, Carms?" tanong ni Eraizha. Nakatingin din siya sa hawak ko, kaya tinuro ko kung saan ko ito nakuha.
"Hala, baka destiny 'yan! Uyyyy!" singit agad ni Jhoanne. Napairap ako. Mahilig talaga siyang magpair—akala mo si Cupid.
"Itago mo na 'yan. Finders keepers!" sabi ni Ellese. "Pero infairness, unique ‘to. Gold pa. Patingin nga."
Binigay ko naman sa kanya. Kinilatis niya.
"Wow. Totoong gold nga!"
"Talaga?! Tara, isangla natin!" excited na sabi ni Jhoanne.
Binatukan ko siya. "Sira! Baka hanapin pa ‘yan ng may-ari. Baka importante. Saka walang sanglaan dito, no. Akin na nga ‘yan." Kinuha ko uli at nagdesisyon na lang na ibigay sa information desk.
"Mauna na kayo, ibibigay ko lang ito." Tumango sila’t nauna nang maglakad. Ako naman, naghintay ng attendant sa desk. Medyo matagal. Wala man lang tao. Safe naman ang lugar pero sana hindi sila basta umaalis sa pwesto.
Maya-maya, may papalapit na babae. Nakasuot siya ng uniform kaya alam kong siya ang naka-assign.
"Ahm, sorry Ma’am. Nag-CR lang po ako saglit. Naghintay po ba kayo ng matagal? May maitutulong ba ako?"
"Hindi naman masyado. Ahm, may napulot po akong kwintas kanina sa may garden. Ibibigay ko sana, baka hanapin ng may-ari."
"Sige po Ma’am. Patingin nga po." Pinakita ko naman.
"Ikaw na mag—" hindi ko na natapos ang sasabihin dahil biglang may humablot sa kamay ko. Napalingon ako. Isang lalaking nakatayo sa likod ko—seryosong nakatitig.
"This is mine." malamig niyang sabi, diretso ang tingin sa akin.
Hindi ko alam pero bigla akong kinabahan. Nag-iba ang pakiramdam ko.
"Sorry, napulot ko lang kasi 'yan sa garden. Kaya dinala ko dito sa information." Lumingon ako sa babae para ipaliwanag, pero…
Nakita kong naglalakad na siyang paalis. Ay. Bastos.
"Sakanya nga 'yan, Ma’am. Sayang, gwapo sana—suplado naman," bulong ng babae. Ngumiti na lang ako’t nagpaalam.