Gumising kana (Room 1)
Hello mga horror loverz... kamusta po kayo? Sana po ay nasa mabuting kalagayan ang lahat.
___ ___
Friday 6 A.M.
Mahimbing akong natutulog ng bigla akong nagising dahil sa may nagsasalita malapit sa tenga ko.
"Apple, gumising kana.........gumising kanaaaaaaa........... Appleeee............."
Hindi pa ako nagbubukas ng mga mata ay nanindig na agad ang aking mga balahibo dahil sa malumanay nitong pagsasalita na animo'y bulong sa hangin at ang boses neto ay katulad na katulad ng sa lola ko.
Ginalaw ko ang aking mga paa dahil sa akala ko ay nasa panaginip lang ako o di kaya ay nakararanas ako ng sleep paralysis.
Kapag ikaw ay nakararanas ng sleep paralysis, ang pakiramdam mo ay akala mo gising kana kasi nakikita mo ang paligid mo kahit nakapikit ka, naririnig at nararamdaman mo ang mga nangyayare sa paligid mo pero hindi mo maigalaw ang iyong katawan. Madalas kapag nagse-sleep paralysis ako ay nararamdaman ko ang mga nasa paligid ko at naririnig ko rin ang kanilang mga pag-uusap. Kung paano ang katawan ko nakapwesto kapag nagse-sleep paralysis ako ay ganon din ang pwesto ng katawan ko kapag nagising na ako. Marami ang nagsasabi na madalas ka raw makaranas nito kapag natulog ka ng hindi pa natutunawan o di kaya ay marami-rami ang iyong nakain at natulog ka kaagad.
Mabilis ko namang naigalaw ang aking kanang binti pero bakit patuloy parin ito sa pagsasalita. Ang pinagtataka ko pa ay bakit sa kaliwang tenga ko ito naririnig eh nasa dingding na bahagi ng kwarto ang kaliwa kong tenga. Kung sa kanang tenga lang ito ay iisipin ko talaga na baka mga roommates ko lang ang bumubulong sakin para gisingin ako.
Dahil sa hindi talaga tumitigil ay naglakas loob akong buksan ang aking mga mata. Laking gulat ko ng makakita ako ng itim na usok na nasa kaliwang bahagi ko. Sa takot ko ay pinikit ko ang aking mga mata at nagdasal sa aking isip ng Hail Mary. Tumigil ito at pagbukas ko ulit ng aking mga mata ay napapikit ulit ako dahil nandoon parin ang itim na usok. Nagsalita ulit ito pero ngayon ay hindi ko na maintindihan ang kanyang mga sinasabi basta bumubulong sya ng napakabilis sa tenga ko. Pumikit ulit ako at nagdasal ulit ng Hail Mary.
Sa ika-tatlong Hail Mary ko ay tumigil ang pagbulong sa tenga ko. Naghintay ako ng isang minuto bago ko binuksan ang aking mga mata. Pagmulat ko ay wala ng itim na usok at kasabay nun ay ang pagpasok ng dalawa kong roommates na mga galing sa banyo at kakaligo lang. Kung hindi sila siguro pumasok ay baka nandon parin ang itim na usok.
Kinuwento ko yun kay Cara habang nakikinig si Tita tere. Sabi ni tita ay may matandang babae daw doon noon na namatay. Pero bakit kaboses ni lola?
Kapag daw may nagpaparamdam sayo na kaluluwa kapag ito ay babae, dapat daw ay Our Father ang iyong ipanalangin at kapag lalaki naman ito ay dapat daw Hail Mary.
___ ___
Matangkad na lalaki (Room 1)
___ ENJOY and be SCARED ___
___ ___
Ito ay nangyari ng hindi pa ako nakakalipat ng Room 1 at kasalukuyang nasa Room 2 pa ako.
Ang room 1 ay nasa kanang bahagi ng room 2 at ang pintuan nito ay nasa harap ng hagdanan paakyat sa ikalawang palapag. Diba? Pintuang nasa harap ng hagdanan ay scary na....
Hindi ko rin maintindihan bakit ang Body size mirror ay nilagay talaga sa gilid ng pintuan ng Room 1 at nakaharap rin ito sa hagdanan. Yung kapag bababa ka galing sa pangalawang palapag ay makikita mo sarili mong bumababa....
Ang natutulog sa Room 1 ay si Tita tere, Bebe at si Tito noy. Dahil sa may konting pagtatalo ang dalawa ay naisipan ni Tita tere na doon na muna sa room 2 kasama namin sila matutulog ni Bebe.
Mag 11 P.M. na ay nahihirapan parin akong makatulog sa hindi maipaliwanag na dahilan. Kung makakatulog man ay nagigising pagkaraan ng isa o dalawang oras. Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko ng gabi nayon. Wala naman akong naiisip na nakakatakot pero basta hindi lang talaga ako makatulog.
Nung umaga na ay wala akong kagana-ganang bumangon at naligo na. Kinasanayan na naming sabay sabay kumain sa iisang lamesa. Habang kumakain ay nagtanong si Tito Noy kung bakit daw pasilip silip si Tita sa labas ng kwarto.
"Ha? Ang sarap nga ng tulog ko dahil wala akong katabi." Pabirong sabi ni Tita Tere dahil sa medyo masama pa ang loob nito sa asawa.
"Nakita kita kagabi na sumilip sa pintuan paglabas ko ng kwarto, akala ko nga ay gusto mo na ulit tumabi sakin." Natatawang sagot ni Tito Noy.
"Wala akong alam sa sinasabi mo. Tumigil ka." Seryosong pagkakasabi ni Tita.
"Tito ako dalawang beses kitang narinig na nagbukas ng pintuan." Pagsali ko sa usapan. Dahil sa hindi ako makatulog ng mabuti ay narinig ko ito.
"Nung una kong labas ay nakita ko ang tita mo na sumilip sa pintuan(Room 2) at dahil sa naiihi na ako ay dumeretso muna ako sa banyo. Pagbalik ko ay nakasara na ang pintuan(Room 2). Hinayaan ko nalang at pagbukas ko ng pintuan(Room 1) para matulog na sana nang hindi pa ako nakakapasok ay bumukas ulit ang pintuan (Room 1) at may sumilip. Pagtingin ko ay ang tita mo ulit. Tinanong ko kung bakit gising pa sya at kung gusto nya nabang matulog katabi ko pero wala akong narinig na salita mula dito. Patuloy lang ito sa pagtitig sa akin at magsasalita pa sana ako ulit ng dahan-dahan nitong isara ang pintuan. Kaya pumasok nalang rin ako sa kwarto(Room 1) at inisip na baka masama parin ang loob sa akin." pagkukwento ni Tito Noy.
Pagpapatuloy nito: "Mga 4 A.M ng nagising ako ulit at lumabas para umihi. Pagbukas ko ng pintuan ay gulat na gulat ako ng may nakita akong matangkad na lalaki. Sa sobrang tangkad nito ay iisipin mo talagang hindi ito ordinaryong tao. Dahil sa kakaunting liwanag na galing sa labas ng boarding house ay kitang kita ang anyo nito. Maitim ang buong katawan at punong pono ito ng mga makakapal na balahibo. Hindi ito tumingin sakin at patuloy ito sa pag-akyat sa ikalawang palapag. Sa takot ay mabilis kong sinira ang pintuan at nakiramdam kung magnanakaw ba o hindi pero wala namang ingay mula sa taas. Nung mga 6 A.M ko na ulit na alala na naiihi pala ako." Pagtatapos nya ng kwento.
Marami pang nagtanong sa kanya ng kung anu-ano pero hindi na ako nakinig dahil sa iba ang nasa isip ko. Sino ang nagbukas ng pintuan namin sa room 2? Sino ang sumilip ng dalawang beses na akala ni Tito Noy ay si Tita tere? Hindi naman sila gagawa ng mga kwento kwento kung hindi naman totoo kasi ayaw rin nilang matakot ang mga boarders at umalis.
Napatingin ako bigla sa hagdan at napaisip, ang matangkad na lalaking nakita ng landlord at ang matangkad rin na lalaki na humawak sa braso ko ay iisa kaya? Anong klaseng nilalang yun? Bakit dito pa? Bakit kami pa?
___ ___
* Marami ang nagsasabi na pangit daw kapag may salamin at pintuang nakaharap sa hagdanan dahil pwede daw itong maging daanan ng mga espiritu.
*Hello mga horror loverz.. sana po ay nag eenjoy kayo habang natatakot na nagbabasa. Hehe
*Marami pa po akong mga real life experiences na gustong ibahagi sa inyo. Nagsisimula palang po tayo.