Congrats, Georgia! Ikaw pala ang napili para gumanap na Lacey sa Love Me, Woman! Ang galing mo!" Maganda ang bungad sa kanya ng choreographer nila habang naghihintay siya ng salang nila ng dance group niya sa isang noontime show. "Salamat..." nahihiya naman niyang sagot. Kanina ay ipinatawag na sa meeting ang buong cast ng teleserye at naibigay na sa kanya ang script. Kahit nadismaya siya dahil hindi natuloy ang meeting nila ni Justine noong isang araw ay tuloy-tuloy naman ang trabahong dumadating sa kanya. Magsisimula na sa isang araw ang shooting dahil sa susunod na buwan na ipapalabas ang teleserye. Kailangan daw nilang magawa na kaagad ang full trailer nito sa lalong madaling panahon. "Paano 'yan, hindi ka na makakasama sa mga raket natin sa ibang shows? Magiging busy ka na

