“YOU ARE the song, playing so softly in my heart…”
Pangatlong kanta na iyon ni Sydney. So far ay nagagawa niyang kantahin nang mabuti ang bawat kanta. Hindi pa siya gaanong nahihimasmasan sa biglaang pagkikita nila ni Paolo pero nahimasmasan na siya sa pag-aakalang ito ang ikinasal.
Pakiramdam niya ay walang problema sa showmanship niya sa maliit na crowd na iyon. Huwag lang siyang titingin maya’t maya kina Paolo at Missy ay hindi masisira ang diskarte niya habang kumakanta siya. Sa ilang beses kasing pagsulyap niya sa dalawa, tila bibitaw ang boses niya sa tamang tono. Kung bakit naman kasi tila kagaya din ang mga ito nina Lizzy at John sa labis na sweetness. Mas mukhang bagong kasal ang mga ito sa sobrang clingy sa isa’t isa.
Karaniwan na ang tatlong set sa bawat kasalang kinakantahan niya. At hindi naiba ang gabing iyon. Bagaman gusto pa sana ni Ivan na kumanta pa siya ng isang set ay kinontra na ito ng ibang naroroon.
Lagpas na ng alas nueve ng gabi. Nagtutudyuhan na ang ilang bisita na kailangan na ng mga bagong kasal na makapagsarilinan.
At pabor din naman iyon kay Sydney. Hindi na siya naghahangad na kumita pa ng extra. Para sa kanya ay napatunayan na niya ang propesyunalismo nang gabing iyon. Sapat na iyon.
Baka kung hihirit pa siya ay mapasama pa. Mientras tumatagal ay nakikita niya ang sweetness nina Missy at Paolo. Baka mamaya ay bumitaw ang propesyunalismo niya at lumutang ang personal niyang damdamin. Mahirap na.
Matapos ang huling kanta, minsan pa ay bumati si Sydney sa mga bagong kasal. Sinsero ang kanyang pagbati kagaya ng lagi niyang ginagawa sa mga bagong kasal na kinakantahan niya. Pero palagay niya ay mas sinsero siya ng gabing iyon. nang sabihin niya sa mga ito na “I’m happy for you” parang kasing-kahulugan na rin iyon na “I’m happier for me!” dahil mali ang akala niya na sina Missy at Paolo ang ikinasal.
Si Ivan ang lumapit sa kanya nang bitawan na niya ang mikropono.
“You did a great job, Sydney,” nakangiting sabi nito at iniabot sa kanya ang isang sobre. “Here. Nabanggit na sa akin ni Jenna ang rate mo. Pinasobrahan ko na iyan.”
“Thank you.” At nagpaalam na siya kay Ivan.
Palabas sa pintuan ay hinabol siya ni Ivan. “Hindi ka ba magpapaalam kay former friend?” tanong nito na hindi niya tiyak kung nanunukso o nang-iinsulto. Mahirap kapain ang sinseridad ni Ivan sa tanong na iyon dahil kapatid nito mismo ang karelasyon ni Paolo.
Sumulyap siya sa kinaroroonan nina Paolo at Missy na tila lalo pang nagiging sweet sa isa’t isa.
“Ayokong makaabala,” sabi niya sa kaswal na tinig.
Inihatid siya ni Ivan hanggang sa may elevator. Nang nasa loob na siya ng elevator ay tumunog ang kanyang cell phone. Si Haidee ang tumatawag, ang pinaka-close niyang kaibigan sa mga wedding girls.
“Bakit?” sagot niya dito.
“Wala ka na bang raket ngayong gabi? Tara, gimmick tayo.”
Tumaas ang kanyang kilay. Hindi naman gimikera si Haidee kaya ikinagulat niya ito pa mismo ang nagyayaya.
“Maglalasing ka lang yata, dadayo ka pa. Bumili ka na lang ng alak at lunurin mo ang sarili mong mag-isa,” natatawang sabi niya dito.
“Hindi, ‘no! Naiinip lang ako dito sa bahay.”
“Bakit? Nasaan si future husband Tim?” Buhat nang maging boyfriend ni Haidee ang college friend nito ay nabawasan na ang oras nito sa kanya. At siyempre ay naiintindihan naman niya iyon.
Pero minsan ay nalulungkot din siya. Naiisip niyang sana ay ganoon na lang ang istorya nila ni Paolo. Dating magkasama sa kolehiyo at nang magkitang muli ay na-develop sa isa’t isa. Samantalang sila, mula college hanggang noong three months ago ay magkarelasyon pero nauwi naman ngayon sa wala.
“Nasa China,” narinig niyang sagot ni Haidee.
“At hindi ka sumama?”
“Isinasama ako pero tumanggi ako.”
“At bakit?”
“Siyempre naman, ‘no? Noon iyon, okay lang na sumama ako kasi friends pa lang kami noon. Eh, iba na yata ngayon.”
“Gagah! Dapat nga, ngayon ka sumama. Kung makakita siya doon ng iba? Mapalitan ka pa,” pananakot niya dito.
“May tiwala ako kay Tim. Kaya lang naman ayokong sumama ay dahil umiiwas akong matukso kami sa isa’t isa. Siyempre, isang hotel lang ang tutuluyan namin.”
Hindi niya napigil na matawa nang malakas. “Haidee, don’t tell me until now virgin ka pa rin?”
“Bakit, masama ba iyon?” ganting tanong nito sa kanya.
At higit na malakas na tawa ang naging reaction niya.
“Balak na naming magpakasal sa first quarter ng susunod na taon. Nagpa-feng shui kami. Maganda raw ang petsang napili namin. At napag-usapan namin na tutal, ilang buwan na lang ang ipaghihintay namin, magtitiis na lang muna kami. Baka mas good omen kung virgin bride ako.”
“Oh, my goodness!” aniya, humahagikgik pa.
“Hmp! Liberated!” kantiyaw nito sa kanya. “Madami na kayong pinagdaanan ng ex mo, ‘no?”
Hindi niya pinatulan iyon. “Teka nga, desidido ka bang mag-aya ngayon na lumabas?”
“Hindi kita tatawagan kung hindi.”
“Puwes, magkita na lang tayo doon. Saan doon?”
Sinabi ni Haidee kung saang bar sila magkikita. “Sabado nga pala ngayon, hindi ka yata tumanggi?” tanong nito mayamaya.
“Wala naman akong ibang raket. Pauwi na ako kung hindi ka tumawag,” sagot niya at naisip na mamaya na lang siya magkukuwento kay Haidee kapag nagkita na sila.
“Alright, pamorningan tayo sa bar, ha?” sabi nito, walang nahahalata sa tinig niya.
“Oo ba!” game namang sagot niya.
“MAY problema ka, ‘no?” deretsang tanong sa kanya ni Haidee nang tumalikod sa kanila ang waiter na kumuha ng order nila.
“Kailan mo pa kinarir ang pagiging manghuhula?” paiwas na sagot niya.
Itinirik ni Haidee ang mga mata nito. “Hindi ko kailangang maging manghuhula. Magkaibigan tayo kaya kilala kita. Sa order mo pa lang, alam ko na. Naka-food trip ka, Syd. Alam kong may problema ka kapag nagtatakaw ka.”
“Malay mo naman kung buntis ako,” bahaw ang tawang sabi niya.
“You’re dreaming! Di ba, matagal na kayong wala ni Paolo?”
“Matagal na ba iyon tatlong buwan?” parang nasaktang tugon niya. Tila kahapon lang nila pormal na tinapos ang kanilang relasyon.
“Naman! Iyong sa isang araw, ang daming nangyayari, iyon pa kayang tatlong buwan. Baka nga pinalitan ka na ng Paolo na iyon, eh.”
“Aray ko naman, Haidz. Pero alam mo, manghuhula ka nga. Tama ka. Pinalitan na nga ako ni Paolo.”
Tila nagulat si Haidee at tinitigan siya nito. “Masakit?” Bumaba ang tinig nito at bumakas doon ang concern.
Tango ang isinagot niya. “I’m trying to move on. Actually, I’m doing my best to move on.”
“Pero mukhang nahihirapan ka,” seryosong sabi nito sa kanya. “Humarap ka na ba sa salamin? Walang spark ang mga mata mo. Well, napansin ko na iyan kanina pa. Hindi ko nga lang inisip agad na si Paolo ang dahilan.”
“I wish I could forget him as easy as snapping of a finger. Pero alam ko ring hindi. I still love him.”
Napailing lang si Haidee. Tila nag-isip pa ito ng susunod na sasabihin kaya dumaan ang maraming segundo na katahimikan ang namayani sa kanila.
“Naiintindihan kita,” wika nito mayamaya. “Gusto kong sabihing time heals all wounds pero hindi naman mababawasan niyon ang sakit na nararamdaman mo. Ganito na lang, Sydney. If you feel you want to talk, go ahead. Nandito ako, makikinig ako sa iyo. Kahit abutin tayo ng Lunes dito kung hindi ka pa tapos magsalita, hindi tayo aalis dito. Huwag ka lang maglalasing. Alam naman nating pareho na hindi makakaresolba ng problema ang paglalasing,” at nginitian siya nito.
“Alam mo na ang istorya namin ni Paolo. Wala naman akong sasabihin pa.”
“Palagay ko ay meron pa. Come on, Syd, say it. Makakagaan sa pakiramdam mo kung magsasalita ka. I won’t mind kung nasabi mo na sa akin ang gusto mong sabihin ngayon. Ganoon talaga kung minsan. Kapag masama ang loob mo, ulit-ulit mo lang sinasabi ang sentimyento mo. Pero parang therapy na rin iyon. And then you will realize, teka nga, para na akong sirang plaka, ah? Bakit ko ba siya iniisip pa samantalang hindi naman yata niya ako iniisip pa?”
Napangiti siya. “Ang galing mong magpayo,” tudyo niya.
Umirap lang si Haidee. “Sige na, Syd, unload it.”
Bumuntong-hininga siya. “Do you know kinontak ako ni Jenna two weeks ago? May ibinigay sa aking kasal para kantahan. Iyon ang pinanggalingan ko kanina bago ako napunta dito.”
“Uh-huh?”
“Nandoon si Paolo saka iyong bago niya…” at para siyang mapupunong dam na nabuksan ng harang. Tuloy-tuloy na siyang nagkuwento kay Haidee ng mga pangyayari.
At habang nagkukuwento siya, hindi niya maiwasang isipin ang naging sanhi ng paghihiwalay nila…