“PURO ka na lang trabaho, Paolo. Wala ka nang oras sa akin,” malungkot na sabi ni Sydney na bakas din ang panunumbat.
“Look who’s talking?” tila pikon na agad na sabi sa kanya ni Paolo. “Ever since, alam mo ang oras ng trabaho ko, Ney. Monday thru Friday, eight to five. Alright, I work overtime until nine pero hindi iyon araw-araw. I still make time for us. Ikaw itong palaging walang oras sa akin.”
Tumingin siya dito at agad na nagbanta ang luha sa kanyang mga mata. Ganoon naman siya. Kahit kailan na magkaroon sila ni Paolo ng pagtatalo, tama man siya o mali, kapag nagsalita na ito ay daig pa niya ang balat ng sibuyas sa nipis.
“Alam mo rin naman ang nature ng trabaho ko. Gabi ang airing ng programa ko sa FM radio. At karamihan sa mga event na kinakantahan ko ay gabi ginaganap especially kapag weekend.”
“I know. Pero sana man lang, hindi ka basta tanggap ng tanggap ng alok sa iyo. Nasayang lang ang paghahanda ko, iyon pala mas importante sa iyo ang mga singing engagements mo.”
“Weeks ago pa na-schedule iyon, Paolo. Hindi naman ako puwedeng umatras sa last minute.”
“Kaya isinakripisyo mo na lang ako, ganoon,” naiiling na sabi ng binata. “Naiintindihan ko ang trabaho mo, Ney. Hindi ba’t ako pa ang nag-encourage sa iyo noon para pagpursigihan mo ang pagkanta? Pero sana naman, huwag mo naman akong balewalain. Paminsan-minsan na nga lang tayo magkaroon ng oras sa isa’t isa tapos—”
“I’m so sorry, Paolo.”
Hindi ito kumibo at tumingin lang sa malayo.
Kilala niya si Paolo. Kapag ganoon ang naging kilos nito, ibig sabihin ay hindi puwede ang basta sorry lang. Isa pa, na-realize din naman niya ang pagkakamali niya. Lately ay wala talaga siyang tinanggihan sa mga singing stint na inalok sa kanya. Ang nasa isip niya kasi ay busy naman si Paolo sa pagtatrabaho nito lalo at nagsisikap itong makuha ang inaasam nitong promotion.
At isa pa, bahagi rin ng pagrerebelde niya ang ginawa niyang pagpuno sa kanyang schedule.
Eight anniversary nila noong isang araw. At nasanay siya kay Paolo na isang buwan bago ang mismong anibersaryo nila ay excited na ito sa pagsasabi sa kanya ng plano nito kung paano nila iseselebra iyon.
At napakalaking pagkakaiba ng taong iyon. Wala siyang narinig anumang plano buhat kay Paolo. Kahit na magpahaging siya dito ng tungkol sa nalalapit na petsa ay parang wala itong naririnig.
In fact, tila wala itong interes doon. At sa halip, ang palaging bukambibig ay ang trabaho nito at ang pag-asam ng promotion.
8 years. Milestone na iyon sa kanya. Nalampasan na nila iyong sinasabi ng iba na seven-year-itch. Hindi na matatawaran nag walong taong itinagal ng relasyon nila. Pero iyon nga, mukhang wala sa itsura ni Paolo na gawing espesyal ang anibersaryo nilang iyon.
Siyempre ay nagtampo si Sydney. Kaya bawat ialok sa kanya na singing engagement, basta hindi magko-conflict sa nauna niyang natanguan ay tinatanggap niya.
At hindi lang iyon. Sa mismong anniversary nila ay dumayo pa siya sa malayong lungsod ng Lucena para kumanta sa isang kasalan doon.
Ni hindi siya nag-abalang batiin si Paolo. Ang katwiran niya, ang binata ang dapat na maunang bumati sa kanya. Walong taon na sila, for jeez’ sake! Mula’t sapul ay si Paolo ang nauunang bumati sa kanya. Ngayon pa ba naman mag-iiba?
At bahagi ng pagtatampo niya ay ang pagpatay niya ng cell phone niya. Nang umagang magising siya na ni sa text ay hindi siya binati ni Paolo, inis na pinatay na niya iyon. Baon niya sa Lucena City ang cellphone pero hindi niya iyon binuksan hanggang sa kinabukasan.
Sa isang hotel sa Lucena siya nag-overnight kasama ang ibang wedding girls na nagtrabaho para sa kasalang iyon. Kahit pabalik na sila sa Maynila, hindi niya binuhay ang cellphone niya.
Sa sumunod na araw ay ganoon din. Bukod sa sinadya niyang hindi siya makontak sa cellphone ay hindi rin siya umuwi ng bahay. Nag-check in siya sa isang resort sa Bulacan at doon mag-isang nagmukmok. Buhat nang mabiyuda ang mommy niya ay namalagi na ito sa isang kapatid niya sa Australia. At kapag gusto niyang magmukmok kundi siya mang-abala sa mga kaibigan ay mag-isa siyang nagtutungo sa isang lugar.
At ngayon nga ay hindi maipinta ang mukha ni Paolo. Isang tingin pa lang dito ay alam niyang nagpabalik-balik na ito sa condo niya. Pag-aalala at pagkainis ang agad na nabasa niya sa mukha nito nang magkita sila.
At dahil ilang araw na siyang nagmumukmok, panunumbat dito ang agad na isinalubong niya.
At hindi na rin nakakapagtakang pikon na agad si Paolo.
Isang buntong-hininga ang ginawa niya. “I’m sorry, honey,” mababa ang tinig na sabi niya.
Nilingon siya nito, ang anyo ay halatang masama pa rin ang loob.
“Lumagpas ang importanteng araw na iyon na ni sa text, hindi tayo nagkausap,” sabi nito.
“Ikaw naman kasi, eh. Nagpaparinig na nga ako sa iyo dati ng tungkol sa anniversary natin, dedma ka lang. Tapos noong mismong anniversary natin, ni hindi ka man lang nag-text. Masama bang magtampo?” amin niya.
“May sorpresa ako sa iyo, Ney, kaya sinadya ko talaga na kunwari ay hindi importante sa akin iyon.”
“Anong sorpresa?”
Umiling ito. “Wala na. It’s gone.”
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Nagpareserba ako ng isang kuwarto sa hotel. Pinaayos kong mabuti. Pagkain, bulaklak, every thing na alam kong makakapagpasaya sa iyo. I wanted to surprise you, Sydney. But it seemed ako ang nasorpresa dahil sa ginawa mo.”
Saglit siyang hindi agad nakaapuhap ng sasabihin. Na-realize niyang meron din naman siyang pagkakamali. Nakalimutan niyang paminsan-minsan ay gumagawa rin ng sorpresa si Paolo sa kabila ng alam nitong wala siyang hulig sa sorpresa.
“I’m so sorry, Paolo,” mangiyak-ngiyak na sabi niya. And this time, mas sinsero ang pagso-sorry niya.
Pero sa wari ay hindi basta makukuha ng sorry si Paolo. Tumayo na ito.
“Saan ka pupunta?” habol niya.
“Uuwi na. Kaya lang naman ako nagpunta dito ay nag-aalala din ako kung ano na ang nangyari sa iyo dahil ilang araw na kitang hindi makontak. Sa tingin ko naman ay okay ka lang at pinagtaguan mo lang akong talaga. Aalis na ako.”
“Paolo!” Inabot niya ang braso nito.
“Mukhang pagod ka, Sydney. Hindi ko na itatanong kung saan ka nanggaling. Alam ko namang lumayo ka sandali para pagtaguan ako, di ba? Mamahinga ka na lang.”
“Paolo, sorry na nga, eh!” paiyak na habol niya uli. “Nagtatampo naman kasi ako kaya ko ginawa iyon, eh. Patawarin mo na ako. Puwede naman tayong bumawi sa isa’t isa, di ba?” lambing pa niya dito at niyakap ito.
Isang paghinga ang pinakawalan ni Paolo at marahang binaklas ang pagkakayakap niya dito.
“Saka na lang tayo uli magkita, Sydney. May karapatan din naman akong magtampo, hindi ba?” malumanay na sabi nito at mabilis nang tumalikod.
Naiwan siyang parang natuka ng ahas. Nang ganap nang wala si paolo ay saka siya lalong nag-iiyak na may kasama pang padyak. Padabog na naupo siya sa sofa at halos sabunutan ang sarili. Inis na inis siya. At hindi niya alam kung para iyon sa kanya o para kay Paolo.
“Pakipot ka pa, Paolo!” sigok niya mayamaya. “Makikita mo.”