Three days earlier...
Urong-sulong si Rod sa pintuan ng simbahan. Noong isang araw pa nya gustong mangumpisal, pero palagi syang tinatamaan ng kaba at hiya.
Pakiramdam ni Rod ay sya na ang pinakamasamang tao sa buong mundo. Walang gabing hindi sya binangungot ng imahe ni Agatha na walang saplot sa dilim, yakap ang sarili, pilit itinatago ang kahubaran, at hilam ng luha ang mga mata. Ang halimaw sa panaginip ay walang iba kundi sya. Ang masaklap ay totoong nangyari ang bangungot na yon sa kanya.
Parang sirang plaka na paulit-ulit sa kanyang utak ang mga masasama at masasakit na salita na sinabi nya kay Agatha nang gabing iyon. Galit na galit sya noon, sa pakiramdam na pinaglaruan sya ng dalawang taong mahal na mahal nya. Labis syang nasaktan sa natuklasan. Ilang beses man nyang itanggi at ipagkaila ay sarili lamang nya ang kanyang niloloko. Mahal na nya si Agatha... kahit noon pa.
Minsan natanong ni Rod ang sarili, nahinto ba sya sa pagmamahal sa dalaga mula noong mga bata pa sila? Kaya ba napakadaling napukaw ni Joan ang kanyang atensyon, dahil sa may pagkakahawig ang dalawa?
Biglang tumunog ang kampana ng simbahan. Iyon ang nagpabalik kay Rod sa kasalukuyan. Malaki nga ang kanyang naging kasalan, at ito na ang oras upang mangumpisal at ihiyag isa-isa ang kanyang mga kasalanan.
>>>>>>>>>Present...
“Bakit kaya hindi na lang gawing gamot ang makahiya, noh, beh. Para naman may maigamot sa mga makakapal ang mukha!” Sabay irap ni Maggie. Kung nakakapunit lamang ang irap ay baka kanina pa sira-sira ang damit nila ni Mac.
Napasulyap sya sa katabi. Ni sa hinagap ay di nya naisip na makakatabi sa isang upuan ang Past ni Agatha. Nakayuko lamang ito at tutok ang mga mata sa... sa sapatos nya?
Napatingin na rin sya. Kaya pala, nandon pa sa sapatos nya ang mantya ng laman ng latang sinipa nya kagabi, na sa kasamaang palad ay tumama sa noo ni Agatha. Nang mamukhaan sya ng dalaga kagabi ay agad itong tumalikod at nagmamadaling pumasok ng apartment. Hindi na muling lumabas ng kwarto ang babae hanggang ngayon.
“Pagpasensyahan nyo na yang si, Maggie. Bitter yan at wala kasing jowa. Hintay-hintayin nyo lang at bababa na rin yong si Agatha. Lately kasi madalas na syang tanghaliin ng gising eh. Di ba, Maggie,” litanya ni Georgina habang nilalantakan ang leche flan na dala ni Mac.
Tss! Leche flan. Kaya nya ring gumawa non. Maya-maya pa ay nakarinig na sila ng yabag pababa ng hagdan.
“Agatha.”
“Agatha,” sabay nilang sabi ni Mac, at sabay na sabay din silang tumayo.
Napakunot ng noo si Agatha, hindi kay Mac, kundi sa kanya.
“Anong ginagawa mo rito?” may halong inis sa boses nito.
“Nandito ko para pakasalan ka.”
Natahimik ang paligid. Tanging tunog ng sasakyan sa labas at electric fan sa loob ng bahay ang maririnig. Blangko ang mukha ni Agatha, habang nakanganga naman sina Maggie at Georgina. Kunot noo naman si Mac. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at kay Agatha.
“Hanuraw?!!!” basag ni Maggie sa katahimikan. “Teka, makapagpiga nga ng makahiya nang mapainom dito. Gamot yun sa makakapal ang feslak eh.”
“Ang mabuti pa, Maggie, tara na, tumaas na muna tayo. Hayaan nating makapag-usap silang tatlo.” Tinapik muna ni George sa balikat si Agatha bago hinatak pataas ng hagdan si Maggie. Ayaw pa sanang sumama ng huli.
“Maupo kayong dalawa,” utos ni Agatha.
“Ah, Agatha, hindi na rin ako magtatagal. Dinala ko lang 'tong leche flan na gusto mo. Aalis na rin ako.”
Parang piniga ang puso ni Rod nang makitang nalungkot ang mukha ni Agatha. Kinakabahan sya. Hindi kaya mahal na ulit ng dalaga si Mac?
“Ganon ba? Sige mag-iingat ka. Hatid na kita sa labas.” At yun nga ang ginawa ng dalawa, magkasabay nitong tinungo ang pinto.
Tinanguan lamang sya ni Mac, at yon din naman ang kanyang ginawa. Nang makalabas ay nagkandahaba ang leeg ni Rod sa pagsilip sa dalawa. Nalamukos nya ang throw pillow nang halikan ni Mac sa pisngi si Agatha. Matagal-tagal din na nag-usap ang mga ito. Nang makabalik ay poker face na ulit ang maamong mukha ng dalaga. Naupo ito sa upuang nakatapat mismo sa kanya.
Biglang pinagpawisan nang pagkalapot-lapot si Rod. Tila sya lilitisin ng hukuman.
“Anong sinasabi mo na pakakasalan mo ko huh, Father Rod!” sinadya ni Agatha na idiin ang salitang Father.
Lumuhod sya sa harap nito at ipinatong ang kamay sa kamay ng dalaga.
“Hindi na ko magpapari, Agatha,” sinsero nyang sabi.
“Oh? Talaga? Anong nagpabago sa isip mo? Ay, never mind. Malamang si Kim ang nagpabago ng isip mo.”
“Si Kim?” salubong ang kilay na tanong nya kay Agatha. “Paanong napasok si Kim?”
“Tss! Rod, nakita ko kayong naglalampungan ng hipon na yon sa loob ng sasakyan,” sabay irap ng dalaga.
Napayuko si Rod. Paano nya ba sasabihin kay Agatha na sinadya nyang ipakita iyon rito. “Agatha... mapapatawad mo ba ko?”
“Bakit, Rod, ako ba napatawad mo na?”
“Maniniwala ka ba kapag sinabi kong hindi ko pala kayang magalit nang matagal sa'yo? Na sa lahat ng masasakit na salita ko sa'yo, doble yung sakit na naramdaman ko habang sinasabi yon. Walang araw na hindi ako binangungot ng ginawa ko sa'yo, Agatha. Alam kong wala akong karapatang hingin sa'yo 'to, but I have to try. Patawarin mo sana ko.”
Sinapo ni Agatha, ang magkabilang pisngi ni Rod. Ngumiti ang dalaga sa kanya, ngunit kita pa rin ang lungkot nito sa mga mata.
“Hindi ka namin sinasadyang saktan ng Mama mo, Rod. Ang gusto lang naman ni Ninang ay magkaroon ka ng sariling pamilya at mabigyan mo sya ng maraming apo. Plinano talaga namin, o plinano ko, na akitin ka, magkasala, ganon, para hindi ka na matuloy sa pagpapari. Pero habang tumatagal, hindi lang pang-aakit ang gusto kong gawin sa'yo. Ginusto ko na rin na makuha ang puso mo, dahil minahal na kita simula pa lang nang pakitaan mo ko ng kabaitan at pag-aalaga.”
Napangiti si Rod. Sinapo nya rin ang pisngi ng dalaga at tinawid ang maikling distansya ng kanilang mga mukha. Banayad nyang dinampian ng halik ang labi ni Agatha.
“Mahal din kita, Agatha. Mahal na mahal.”
Biglang kinabahan si Rod nang walang itinugon sa kanya si Agatha. Marahan din nitong inalis ang kanyang kamay na naka-sapo sa magkabilang pisngi nito. Tumuwid na ito ng upo. Sya man ay bumalik na sa upuanm, ngunit muling ipinatong ang palad sa kamay ng dalaga.
“Rod... sana... hayaan mo muna ako.”
“Agatha, anong ibig mong sabihin?” bumilis ang t***k ng puso ni Rod. Wag naman sana. Wag na sanang mawala ulit si Agatha sa kanya.
“Mahal kita, mahal mo ko. Hanggang doon na lang muna tayo. Uuwi na ko sa amin, Rod. Napatawad na ko ng pamilya ko. Gusto ko na munang bumawi sa kanila. Ang mahalaga, nagkaayos na tayo.”
“Agatha, paano tayo?”
“Walang tayo...”
Ngayon ay alam na ni Rod ang pakiramdaman ng binabagsakan ng langit at lupa.
Itutuloy...