CHAPTER 6: Maitim Na Balak.
Written by: CDLiNKPh
Two days later...
LUMINGON sa paligid si Dino. Tanghaling tapat at mainit ang sikat ng araw kaya naman halos wala siyang nakikitang tao sa paligid. Isa na sa mga tao na iyon si Harmony. Ang saya niya dahil hindi niya nakikita ang mukha nito sa paligid.
Dala na niya ang bike niya at nakaangkas na siya roon para ayaing mag-date si Dina.
Alam niyang wala ngayon si Harmony dahil ikinasal ang pinsan nitong babae sa probinsya kaya solong-solo niya ngayon si Dina. Ito na ang pagkakataon niya para matalo si Harmony!
Agad na niyang pinaandar ang bike niya papunta sa tapat ng bahay nina Dina. Bumaba siya nang marating ang gilid ng bahay at isinandal ang bike sa pader. Dumiretso na siya sa tapat ng gate at agad nang nag-doorbell.
Nang bumukas ang gate ay nakita niya ang napakagandang mukha ni Dina. Simple lang ang suot nito. Pulang sleeveless na blouse at pantalon na maong pero kahit ganoon, ang lakas pa rin ng dating nito sa kanya!
"Hi, Dina, good morning! Yayayain sana kitang mamasyal, e. Wala ka namang gagawin ngayon, 'di ba? Please? Samahan mo naman ako. Ang boring kasi sa bahay, e." Binigay niya ang pinaka-gwapong ngiti niya kay Dina. Iyong ngiti na siguradong makakapagpalaglag sa panty nito.
"Sige, Dino. Naboboring nga rin ako kasi wala si Harmony ngayon kaya wala akong ka-kwentuhan. Balak ko na rin talagang mamasyal, e. Buti na lang, dumating ka. Saktong-sakto." Ito naman ngayon ang ngumiti ng ubod ng tamis. Halos mapatulala siya sa ngiting iyon dahil pakiramdam niya ay muling nagbukas sa kanya ang pintuan ng langit.
Agad nang isinara ni Dina ang gate at sumama na ito sa kanya papunta sa kinaroroonan ng bike niya. Umangkas na ito sa likuran niya at humawak pa ito sa balakang niya.
Pakiramdam niya ay nakaramdam siya ng butterflies sa tiyan niya dahil sa sobrang saya niya. Sa wakas! Nasolo na rin niya si Dina. Ang sarap sa feeling na kasama mo ang babaeng pinakamamahal mo. Kahit na lalaki siya ay nakakaramdam talaga siya ng kilig!
Pinaandar na niya ang bike niya. Pupunta sila sa playground na malapit sa lugar nila. Sa tingin niya, mag-eenjoy doon si Dina dahil marami roong mga bata. Alam niyang mahilig sa mga bata si Dina at bukod doon, may mga makakainan din naman doon katulad ng kikiam at fishball kaya parang nagdedate na rin sila kahit hindi nito alam. Hahaha! Gusto niyang maging simple lang pero masaya ang araw ni Dina.
"Ayos ka lang ba, Dino? Naiinitan ka rin ba?" nag-alalang tanong ni Dina nang mapansin nito na parang natahimik siya.
Ang hindi nito alam ay nag-iimagine na siya ng mga magagandang bagay kasama nito kaya siya nangingiting mag-isa at hindi niya alintana ang init ng araw habang nagba-bike sila.
"Oo naman. Ayos na ayos lang ako, Dina." Abot hanggang MOA ang haba ng ngiti niya kahit ang totoo ay init na init na rin siya.
"Umm, Dino... Naiinitan kasi ako, e. Okey lang ba kung magpahinga muna tayo saglit?" Nagpakatotoo na si Dina.
Bigla namang nawala ang ngiti niya. Hindi niya naisip na maaaring mainitan si Dina habang angkas niya ito. Totoo naman kasi na mataas nga ang sikat ng araw kaso ano namang magagawa niya? Wala naman siyang kotse.
Nang maisip ang salitang kotse ay sakto namang may humintong kotse sa harap nila kaya naman nahinto siya sa pagbibisekleta. Bumukas ang bintana ng sasakyan at nanlaki ang mga mata niya nang makita ang nakangising mukha ni Harmony!
"Hi, Dina Babes! Saan kayo pupunta? Ikaw, ha! Wala pa akong isang araw na nawawala e, nakikipag-date ka na kaagad sa iba!" naghihinampong sabi ni Harmony na akala yata nito e, girlfriend na nito si Dina.
Kanina ay nawala lang ang ngiti niya pero ngayon ay napasimangot na siya!
"Ano'ng ginagawa mo rito, Harmony? Akala ko ba kasal ng pinsan mo?" nakasimangot na tanong niya.
"Wala e, hindi natuloy ang kasal dahil tumakas sa kasal ang pinsan ko. Nagbago yata ang isip. Ayun, biglang iniwan sa altar ang groom. Buti pa nga na gano'n ang nangyari, wala naman kasing naidudulot na maganda ang mga lalaking 'yan!" naiiling na sagot nito,
"At talagang kinukunsinti mo pa?! Lumayas sa kasal ang pinsan mo at ni hindi ka man lang nagpunta roon para umalalay? Ano namang klaseng pinsan ka?" hindi makapaniwalang kastigo niya rito.
Tumaas ang isang kilay ni Harmony. "Bakit, kapag ba pumunta ako roon ay magbabago pa ang isip niya na magpakasal na? Hindi ko hawak ang utak no'n, 'no. Malaki na siya kaya alam na niya ang ginagawa niya at bakit ka ba nangingialam? Nandito ang kabiyak ng puso ko kaya dapat, nandito rin ako. Mahirap na, maraming ahas sa tabi-tabi," pagpaparinig pa nito sa kanya.
"Ako, ahas? Bakit, kayo na ba ni Dina, ha? Wala ka pang karapatan na tawagin akong ahas!"
"Ahas ka dahil gumagawa ka ng moves nang wala ako! Hindi ka lumalaban ng patas!"
"Stop it! Nag-uumpisa na naman kayong magtalo, e!" Sumingit na sa usapan si Dina. Natahimik silang parehas.
Nabingi yata sa katahimikan si Dina at hindi kayang magsungit ng matagal kaya iniba na lang nito ang usapan at ngumiti na kay Harmony.
"Pupunta kami sa playground ni Dino. Gusto mo bang sumama?" tanong ni Dina.
Ngumiti naman ng ubod ng tamis si Dina. "Talaga? Sure! Parang gustong-gusto ko nga talagang mamasyal ngayon, e! Tara! Dito ka na lang sa kotse ko sumakay dahil halatang-halata naman na init na init ka na riyan! Come here, baby!" Sumenyas pa si Harmony na lumapit si Dina.
Tumingin pa sa kanya si Dina. "Dino, pasensya ka na, ha? Sobrang init na kasi. Magkita na lang tayo sa playground, ha? Mauuna na kami ni Harmony," halos pabulong pa na sabi nito sa kanya.
Ngumiti siya ng ubod ng kaplastikan. "Walang problema, Dina. Mag-iingat ka lang sa babae na 'yan, ha?" sabi na lang niya.
Iyon lang at agad na itong umalis sa pagkakaupo sa bike niya saka agad na pumasok sa malamig at kumportableng kotse ni Harmony.
Parang nanalo sa lotto si Harmony nang mapatingin sa kanya. "Oh, Dino? Gusto mo rin bang sumakay? Baka init na init ka na riyan sa bike mo! Don't worry, pwede nating ilagay sa likod ng malaki kong sasakyan iyang bike mo," nakangising pang-iinsulto pa nito.
Nginisian na lang din niya ito. "Mas gusto ko pang sumakay sa kariton kaysa sumakay diyan sa kotse mo."
Nagkibit-balikat lang si Harmony. "Ikaw ang bahala. Sumunod ka na lang do'n, a? Huwag kang mag-alala dahil ililibre kita ng ice cream pagdating mo. Sigurado kasi ako na bago ka pa makarating sa playground e, naliligo ka na sa pawis mamaya." Humalakhak pa ng malakas si Harmony bago tuluyang pinaandar ang magarang kotse nito at pinausukan pa talaga siya!
Napasuntok na lang siya sa hangin dahil wala siyang magawa. Para siyang natangayan ng laruan dahil sa ginawa ni Harmony. Hindi lang ang sasakyan ni Harmony ang nag-uusok kundi ang ilong din niya sa sobrang inis!
Naisahan na naman siya nito!
"HOY!"
"AY, TAE NG KALABAW!" Napasigaw sa gulat si Dino. Ginulat na naman kasi siya ng maloko niyang kaibigan na si Bruno at ni hindi man lang niya namalayan na nasa likuran na pala niya ito.
As usual ay nasa paboritong tambayan pa rin nila sila. Sa tindahan ni Aling Gloria na katabi lang ng bahay nila at tanaw na tanaw ang bahay nina Harmony at Dina.
"Ano, napasagot mo na ba si Harmony— Este, si Dina pala? Ha-Ha-Ha!" pang-aasar na naman nito.
"Alam mo, Bruno, matagal ko nang pinag-iisipan kung kaibigan ba talaga kita. Wala kang ibang ginawa kundi bwisitin ang araw ko, 'no? Alam mo namang asar na asar ako sa babaeng 'yon, tapos palagi mo pang binabanggit ang pangalan!" naiinis na sabi niya sabay kagat sa cup cake na ginagawa niyang meryenda.
Tumabi ito sa kinauupuan niya. "At wala ka ring ibang ginawa kundi ang mapikon sa mga pinagsasabi ko! Masyado kang high blood kapag si Harmony na ang pinag-uusapan!"
"Paano namang gaganda ang mood ko kung mukhang natatalo na naman ako ng Harmony na 'yun?"
Napatingin si Bruno sa tinatanaw niya. Nakikita nila mula sa kinauupuan nila sina Harmony at Dina na kasalukuyang nakaupo sa swing nina Harmony. May grill kasi ang gate nina Harmony kaya kitang-kita ang dalawa mula roon. May binulong si Harmony kay Dina na ikinatawa nito. Ang sarap ng tawanan ng dalawa na mas lalong ikinapuputok ng butsi niya!
"Huwag mong sabihin na sinagot na ni Dina si Harmony?"
"Hindi pa pero mukhang talagang nauungusan niya na ako, e. Parehas silang babae ni Dina kaya nagkakasundo sila. Ultimo sa mga damit at mga hilig sa mga bagay-bagay. Hindi ko pa rin maintindihan hanggang ngayon kung bakit babaeng kumilos 'yang Harmony na 'yan pero babae rin naman ang type! Para lang silang magkaibigan pero may malisya pala!"
Nagkukutkot na naman ang dibdib niya habang tinitingnan ang nakangiting mukha ni Harmony. Ang ganda-ganda talaga nitong tingnan kaya nakakapeke. Kahit sino ay mag-aakalang straight ito.
"Alam mo, may naisip ako. Matagal na talaga itong naglalaro sa isip ko, e. Eversince e, ginawa mo nang karibal 'yang si Harmony. Hindi mo lang siguro napapansin pero sa totoo lang ay parang umiikot na lang 'yang buhay mo sa pakikipagkumpetensya sa kanya. Kaya minsan ay naiisip ko na baka ano, eh..." Ibinitin ni Bruno ang sinasabi nito.
"Na ano?" iritadong tanong niya.
"Na baka in love ka talaga sa kanya. Na baka defense mechanism mo lang talaga 'yang pakikipag-away sa kanya pero ang totoo ay type mo talaga siya!"
Nailuwa niya ang iniinom na coke. Iyon na yata ang pinakamalaking kagaguhang narinig niya sa buong buhay niya!
Hindi na niya napigilan ang pagkawala ng kanyang malakas na tawa. Bakit ba palagi na lang siyang napagkakamalang may gusto kay Harmony?!
"P're! Sabihin mo nga sa akin, naka-drugs ka ba? Sa dami ng babae e, iniisip mo pa talaga na kay Harmony ako may gusto? Malabo 'yun, 'no! E, lalaki rin iyon, e! Ha-ha-ha!"
"Mukha ba akong nagbibiro, ha, Dino? Problema sa 'yo e, hindi ka tumitingin sa paligid mo kaya nagiging manhid ka na! Sa tingin ko nga ay may gusto rin 'yan sa 'yo si Harmony, e. Kaya nga lang ay hindi pa niya alam sa ngayon dahil iniisip niya na lesbian siya. Parehas lang kayong hindi pa aware sa mga nararamdaman ninyo pero na-se-sense ko talaga na para kayo sa isa't-isa! Kayo ang soulmates, Dino!" pagpipilit pa rin ni Bruno.
Nilapitan niya ito at sinalaksak sa bunganga nito ang fudgee bar. "'Yan! Lumamon ka at mukhang nalipasan ka na ng gutom! Huwag kang mag-ilusyon dahil wala akong gusto kay Harmony, okay?" Bumalik na siya sa kinauupuan.
Napakamot na lang ito sa ulo nito at 'di na nagsalita. Kinain na lang ang fudgee bar na sinubo niya rito.
Maya-maya ay muli na namang napunta ang tingin niya kay Harmony. Well, maganda naman talaga ito at walang kahit na sinuman ang makakatutol doon. Hindi naman siya bulag para hindi rin iyon makita. Kung hindi lang siguro niya alam na lesbian ito ay baka nagkagusto na rin siya rito. Pero dahil alam niya ang bulgar na nitong sikreto at alam niya ang ugali nitong parang isip bata ay malabong magustuhan niya ito.
"'Tol, may naisip ako e. 'Di ba matagal-tagal na rin simula no'ng maligawan iyang si Harmony?" Maya-maya ay umandar na naman ang matabang utak ni Bruno. Ang dami na namang sinasabi. Inakbayan pa siya nito habang nakatanaw sila parehas kina Harmony. "Hindi lang halata pero kahit marami nang nakakaalam na lesbian 'yan si Harmony e, marami pa ring lalaking nagkakagusto sa kanya sa School. Sa tingin ko, kung may manliligaw na lalaki riyan at seseryosohin siya e, magiging babae ulit 'yan," dugtong pa nito sa sinasabi.
"Ano ba talagang gusto mong palabasin, ha?" nakakaramdam ng tanong niya.
"Paibigin mo si Harmony."
"Ano?!"
"Bingi ka? Sabi ko, paibigin mo si Harmony! Gusto mo pa ba english? Make her fall in love with you!" pagsigaw na nito.
Itinulak niya ito ng bahagya saka ito binatukan sa ulo.
"Aray naman!" reklamo nito.
"'Yan ang nararapat sa 'yo dahil kung ano-anong lumalabas diyan sa bibig mo! Liligawan ko si Harmony? Baliw ka na nga!" Uminit na nang tuluyan ang ulo niya.
"Ano namang masama roon? Lalaki ka, babae siya. Parehas naman kayong single at mukhang wala namang interes sa inyo si Dina, bakit hindi na lang kasi kayo?" pangungulit pa rin nito.
"Isa pa, Bruno. Mainit na ulo ko sa 'yo."
"Fine! Fine! Kung ayaw mo ng idea ko, pwede pa rin naman na si Dina ang piliin mo, e. Subukan mo lang na paibigin 'yang si Harmony. Malay mo naman magwork 'di ba?"
"Ano naman ang bago sa sinabi mo kanina? Parang parehas lang naman na itinutulak mo ako papunta kay Harmony!" reklamo niya.
"Diyan ka nagkakamali! Subukan mo kasing tingnan muna ang logic, 'Pre! Paiibigin mo lang naman si Harmony para malayo mo siya kay Dina. Kapag na-realize niya na babae pala talaga siya e, hindi na manliligaw 'yun kay Dina. Kapag nawalan na siya ng gana kay Dina ay do'n ka na umentra, Dino. Hindi naman magagalit si Dina sa 'yo dahil papalabasin mo naman na hindi mo sinasadyang ma-inlove sa 'yo si Harmony. Parehas lang kayong lalabas na kawawa. Kapag wala nang interes si Harmony kay Dina ay pwede mo nang ligawan nang malaya si Dina na walang asungot. Ayaw mo pa ba no'n?" nakangising suggestion ni Bruno.
"'Yang mga pinag-iisip mo talaga, ano? Puro kademonyohan! Gusto mo na paibigin ko si Harmony? Parang malabo pa sa pagsikat ng uwak ang sinasabi mo! Baka nga lalapit pa lang ako ay sapukin na ako no'n, paibigin pa kaya? Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo?"
"E, akala ko ba ay love mo si Dina?"
"Oo naman!"
"Puwes, gawin mo. Kahit ano pa ang sabihin mo ay babae pa rin si Harmony. Bibigay pa rin iyan kapag pinakitaan mo ng maganda. Pakita mo sa kanya na kahit masungit siya sa 'yo ay mabait ka pa rin sa kanya. Tingnan lang natin kung hindi mahulog ang loob no'n sa 'yo. Pero syempre, huwag na huwag mong sasabihing mahal mo siya. Pafall ka lang katulad ng ginagawa ng ibang lalaki riyan para hindi ka mahirapang hiwalayan siya sa bandang huli," sabi pa nito.
Natahimik siya at nag-isip ng malalim.
"Pero to the point na aabot ako sa gano'n? Na lolokohin at papaasahin ko si Harmony? Kahit naman gano'n iyong tomboy na iyon ay nakakakunsensya pa rin..." sabi niya na umupo na rin.
"Kaysa naman hayaan mo na lang na sila ang magkatuluyan na wala kang ginagawa? Tandaan mo, ikaw na mismo ang nakakapansin na nakakalamang na si Harmony sa 'yo. Kapag hindi ka pa kumilos ngayon ay baka maging huli na ang lahat at maging katulad lang din si Dina ng mga babaeng hindi ikaw ang pinili. Sige ka, ikaw din. Ako ay nagsasuggest lang naman sa 'yo bilang kaibigan."
Muli siyang nanahimik. Kaya nga ba ng kunsensya niya na gawin iyon?