CHAPTER THREE- The Decision

1825 Words
“SHEENA, kumusta na nga pala ang mga magulang mo? Ilan kayong magkakapatid? Ano ang trabaho ng nanay at tatay mo?” Mabilis na nilunok ni Sheena ang pagkain sa kanyang bibig. Sa sunud-sunod na tanong ni Mrs. Clemente ay hindi niya malaman kung ano ang unang sasagutin. Parang masyado naman yata itong interesado sa buhay niya. “Perlas, hayaan mo munang matapos kumain si Sheena bago mo siya tanungin.” Hinawakan pa ni Mr. Clemente ang kamay ng asawa. “Naku. Hindi po. Ayos lang…” aniya. “Hindi na po ako magsisinungaling sa inyo. Ang totoo niyan ay naglayas ako sa amin dahil sa hindi maganda ang pakikitungo sa akin ng stepfather ko. Mas okay na rin siguro na lumayo ako sa amin at mabuhay mag-isa para sa ikakaginhawa naming lahat.” Balewalang turan niya. “Ibig sabihin pala ay parang ulila ka na? Saan ka nakatira dito sa Maynila?” “W-wala po, e. Iyong perang ibinigay niyo sa akin ay gagamitin ko para umupa sa kahit maliit na bahay.” Napahawak sa dibdib niya si Mrs. Clemente. “Diyos ko po! Nakakaawa ka, iha!” Humarap ito kay Mr. Clemente. “Generoso, baka naman napag-isipan mo na iyong sinabi ko sa iyo kagabi bago tayo matulog.” Hindi sumagot si Mr. Clemente. Napayuko na lang ito at sumubo ng hiniwa nitong itlog. Malakas ang pakiramdam ni Sheena na ang tinutukoy ni Mrs. Clemente ay ang kagustuhan nitong ampunin siya. Ngunit kung iyon nga, tatanggihan niya ang mga ito. Tama nang binigyan siya ng pera ng dalawa. Ayaw niyang umabuso pa. Isa pa, nais din niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Gusto niya na kapag bumalik siya sa probinsiya nila ay magugulat ang nanay niya at ang bago nitong asawa sa tagumpay na narating niya nang dahil sa sarili niyang pagsisikap at hindi umasa lang sa iba. “Ano pong ibig niyong sabihin?” kunwari ay walang idea na usisa niya. Kinuha ni Mr. Clemente ang table napkin upang punasan ang bibig nito. “Ang gusto kasi ng aking asawa ay ampunin ka namin Sheena. Tamang-tama na wala ka na palang uuwian sa ngayon. Isa pa ay parehas kaming magaan ang loob sa’yo. Kamukha mo kasi ang namayapa naming anak na si Kayla. Magka-edad pa kayong dalawa kaya naaalala namin siya sa iyo.” Napalunok ng laway si Sheena. Nakangiti siyang umiling. “Pasensiya na po pero… tatanggihan ko po iyang gusto niyo. Ah, aalis na po ako. Salamat po.” Naiilang na tumayo na siya dahil hindi na niya gusto ang usapan. Kailangan na rin niyang umalis dahil sa medyo naiiyak na si Mrs. Clementa. Mahina pa naman ang puso niya sa mga ganoon at baka mapapayag siyang magpaampon na sa mag-asawa. Sa pagtayo niya ay tumayo rin si Mrs. Clemente at nakahawak ang sa dibdib na nilapitan siya. “Sheena, hindi mo ba nagustuhan ang mga sinabi namin? W-wala namang problema kung ayaw mo basta manatili ka muna dito nang ilang araw pa.” anito sa kanya. “Naku, hindi na po, Mrs. Clemente. Patas na po kasi tayo. Nabangga niyo ako, tinulungan niyo ako. Okay na ako doon. Maraming salamat po ulit.” Kahit ang paghawak ng ginang sa kanyang braso ay hindi nakapigil sa pag-alis ni Sheena. Dire-diretso siya sa paglabas ng bahay ng mga Clemente. Isang lalaki na naka-uniporme ng parang pang-driver ang nagbukas ng gate para sa kanya. Hindi malaman ni Sheena pero tila nakahinga siya nang maluwag nang makaalis na siya ng tuluyan sa lugar na iyon. -----***----- BUO man ang loob na huwag magpa-ampon sa mga Clemente ay may panghihinayang pa rin na nararamdaman si Sheena habang naglalakad-lakad siya sa kalye. Kung tinanggap niya siguro ang alok na iyon ay siguradong magbubuhay prinsesa siya at kahit hindi na siya magtrabaho buong buhay niya. Hindi na rin niya poproblemahin ang tirahan niya, hindi katulad ngayon na sumasakit na ang paa niya kakahanap ng murang matutuluyan. Sampung libo ang perang dala niya. Inilagay niya iyon sa likurang bulsa ng kanyang pantalon. Wala naman kasi siyang wallet o bag na pwedeng paglagyan niyon. Mukhang wala sa lugar na kinaroroonan niya ang hinahanap na murang apartment o bahay kaya naman huminto na siya paglalakad upang maghintay ng bus na pwedeng sakyan. Ilang sandali lang at may nakita na siyang bus na paparating. Pinara niya iyon at huminto iyon sa harapan niya. Pagsakay niya, huli na para malaman niyang wala nang bakanteng upuan. Bababa na lang sana siya ngunit umandar na ang bus kaya wala siyang pagpipilian kundi ang tumayo na lang. Nagbayad na rin siya matapos siyang bigyan ng ticket. Marahil ay wala pang isang minuto nang huminto muli ang bus at may sumakay na anim na puro mga lalaki. Tumayo ang mga iyon sa tabi niya. Dalawa sa likuran niya at dalawa sa magkabilang gilid. Sa biyahe ay panay ang tingin niya sa dinaraanan niya. Baka sakaling makakita siya ng murang paupahan. Pumara ang anim na lalaki at bumaba. Umandar na ulit ang bus. Sa hindi malamang dahilan ay tila may bumulong kay Sheena na i-check ang pera sa bulsa niya. Pagdukot niya sa bulsa na pinaglagyan niya ng pera ay para siyang binuhusan nang malamig na tubig nang wala na iyon doon. Natataranta na chi-neck din niya ang iba pang bulsa pero wala din doon. “N-nadukutan ako…” Nanghihinang turan ni Sheena. -----***----- MARAHIL kung hindi lang sana siya nadukutan ay wala siya sa harapan ng bahay ng mga Clemente ngayon. Kanina pa siya nag-iipon ng lakas ng loob upang pindutin ang doorbell pero talagang inuunahan siya ng hiya. Ang pakay niya dito ay tatanggapin na niya ang alok ng mag-asawa na ampunin siya. Naisip niya kasi kanina na hindi niya kaya ang mamuhay ng mag-isa sa magulong siyudad katulad ng Maynila. Nasanay kasi siya sa payak na buhay sa probinsiya. Aminado siyang walang-wala na siya, sa isang pitik ay nanakaw sa kanya ang sampung libo. Kailangan niya sina Mrs. Clemente. Lulunukin na lang niya ang hiya niya. Hanggang sa may marinig siyang ugong ng sasakyan na paparating. Huminto iyon sa harapan niya at bumaba ang salaming bintana sa may likuran. Bumungad sa kanya ang nakangiting si Mrs. Clemente. “Sheena! Anong ginagawa mo dito?” Nagtatakang tanong nito sa kanya. “Mrs. Clemente… P-pumapayag na po ako…” Lakas-loob na sabi niya. Kumunot ang noo nito sa kanya. “Pumapayag saan?” “Sa gusto niyo. Magpapa-ampon na ako sa inyo.” Diretsang sagot niya. -----***----- “HINDI mo pagsisihan ang desiyon mo, Sheena. Simula ngayon, tatawagin mo na akong Mama Perlas at si Generoso naman ay si Papa Gener. Okay ba sa iyo iyon?” Napipilitan na ngumiti si Sheena sa sinabi ni Mrs. Clemente o Mama Perlas sa kanya. Nasa silid siya ngayon ng namatay nitong anak na si Kayla. Nakaharap siya sa salamin habang nakaupo sa upuan at sinusukatan siya nito ng mga alahas. Sa harapan siya ay nakalatag ang napakaraming mamahaling alahas na pagmamay-ari daw ni Kayla. “Okay po, Mrs. Cle—Mama po pala.” “Very good! Teka, mukhang bagay sa iyo ang necklace na ito. Favorite itong isuot ni Kayla noon!” Tinanggal ni Perlas ang kwintas na nasa leeg niya at pinalitan ng bago. Sa totoo lang ay kanina pa siya kinikulabutan sa ginagawa ni Perlas sa kanya. Nang pumayag siyang magpa-ampon ay tuwang-tuwa ito. Inakyat siya agad sa kwarto ni Kayla at doon ay mahigpit na niyakap. Pinasuot nito sa kanya ang paboritong bestida ni Kayla at ngayon naman ay ipinasusuot sa kanyang ang mga alahas nito. Kinikilabutan siya dahil gamit ng isang patay na ang ipinasusuot nito sa kanya! “'Ayan… Kamukhang-kamukha mo na si Kayla ko. Siguradong matutuwa si Gener pagdating niya mula sa trabaho. Magugulat pa marahil iyon dahil bumalik ka na dito sa bahay…” Mula sa kanyang likuran ay niyakap siya ni Perlas. Nangingimi na ngumiti na lang si Sheena habang hawak niya ang braso nito na nakayakap sa kanya. -----***----- ISA lang ang napansin ni Sheena sa silid ni Kayla. Walang kahit na isang litrato si Kayla doon. Kahit sa buong mansion ay wala siyang nakikita. Wala tuloy siyang pagbabasehan kung kamukha niya talaga ito o mas maganda siya dito. “Simula ngayon ay magbabago na ang takbo ng buhay ko…” Palinga-linga sa paligid ng kwarto ni Kayla na turan niya. Ini-imagine na niya ang magiging buhay niya kasama ang abgong pamilya. Pero, nais pa rin naman niyang magpasalamat kay Kayla dahil kung hindi niya ito naging kamukha ay hindi naman siguro magkakainteres ang mag-asawa na iyon na ampunin siya. Napatingin siya sa relong pambisig. Ala-singko pa lang ng hapon. Ibig sabihin ay isang oras pa bago dumating si Mr. Clemente o Papa Gener niya. Isang oras pa bago sila maghapunan. Medyo naiinip na siya. Wala kasing telebisyon sa kwartong ito. Nasa salas pa. Nahihiya naman siyang bumaba at doon manood. Medyo naiilang pa rin siyang kumilos dahil bago pa lang siya dito. Ano kaya kung tingnan ko na lang ang mga kwarto dito sa second floor? Naisip niya. Tumayo na siya at lumabas ng kwartong iyon. Walang katao-tao sa pasilyo sa ikalawang palapag. Merong limang na kwarto doon kasama ang kay Kayla. Naglakad siya papunta sa pintong katapat ng kwarto niya. Akmang pipihitin na niya ang seradura nang may biglang magsalita sa gilid niya. “Mahigpit na inuutos ni Senyora Perlas na huwag bubuksan at papasukin ng ibang tao ang mga bakanteng silid dito. Hindi mo dapat sila suwayin…” Naaalala niya ito. Si Yaya Felina. Binawi ni Sheena ang kanyang kamay. “Ganoon ba? Sorry, ha. Hindi ko kasi alam. Pero bakit?” “'Wag mo na lang itanong. Ang silid mo lang ang pwede mong pakialaman dito.” “Okay. Sabi mo, e. Wait lang, Felina. May itatanong pa ako.” “Ano iyon?” “Bakit wala akong nakikitang picture ni Kayla dito sa mansion? Nakatago ba? Pwede ko bang makita para malaman ko kung kamukha ko ba talaga—“ “Wala kahit isa.” Mabilis na putol nito sa pagsasalita niya. “Simula nang mamatay si Kayla ay pinasunog na lahat nina senyora ang litrato ni Kayla. Labis lang kasi silang nasasaktan kapag nakikita nila ang mga iyon. Nasasaktan sila kapag naaalala ang anak nila.” Tumango-tango siya. Pero kung nasasaktan ang mga ito kapag naaalala si Kayla, bakit pictures lang nito ang dinispatsa? Bakit hindi isinama ang mga gamit nito sa silid. Iyong mga damit, alahas, sapatos at kung anu-ano pa. Medyo nagtataka siya doon. “Mabuti naman. Pinapasabi nga pala ng senyora na maghanda ka na dahil parating na si Senyor Gener. Sumunod ka na sa akin sa ibaba pagkalipas ng tatlumpung minuto.” Pagkasabi nito ay bumaba na rin ito agad. Nagtataka na napatingin na lang si Sheena sa mga nakasaradong pintuan sa palapag na iyon. Ano kayang meron sa mga silid na iyon at bawal siyang pumasok?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD