WALANG pagsidlan ang tuwa ni Gener nang malaman nito na pumayag na siyang magpa-ampon sa mga ito. Pagkadating nito ay agad na sinabi dito ni Felina ang bagay na iyon. Isa daw iyong magandang advance birthday gift. Limang buwan na lang daw at kaarawan na nito. Naging magana ang mag-asawa sa pagkain at panay ang sabi na kamukha niya talaga si Kayla.
Matapos ang hapunan ay inihatid na siya ni Perlas sa silid niya na dating silid ni Kayla. Nakahawak pa ito nang mahigpit sa kanyang kamay na parang ayaw na nitong bitiwan iyon. Ramdam na ramdam ni Sheena ang pananabik ng ginang sa isang anak.
"Sheena, anak... Maraming salamat, ha. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya na pumayag kang maging ampon namin. Pero huwag kang mag-alala, kahit ampon ka namin ay ituturing ka namin na parang isang tunay na anak!"
"Ako nga po ang dapat na magpasalamat sa inyo. Nang dahil po sa inyo, may bago na akong pamilya."
Nangingilid ang luha na niyakap siya nito. "Sige na. Good night na, anak. Baka magkaiyakan pa tayo dito, e."
"Good night din po..."
Nang iwanan na siya nito ay saka lang siya pumasok sa loob ng silid at pagod na pagod na ibinagsak niya ang kanyang katawan sa malambot na kama. "Sa wakas! Nakakapagod ang mag-asawang 'yon, ha! Lahat yata ng ginagawa noon ni Kayla ay dapat kong gawin. Ang gusto yata nila ang buhayin si Kayla sa katauhan ko. Kainis!" Nakatingin sa kisame na monologue pa niya.
Pero talagang nawe-weirduhan siya sa mag-asawa. Kanina habang kumakain sila ay nabanggit niya ang tungkol sa apat na silid dito sa second floor at nalaman niya na tama nga si Yaya Felina. Ipinagbabawal ng mga ito na pasukin niya iyon. Hindi na lang din siya nag-usisa pa dahil baka isipin ng mga ito na pakialamera siya. Isa pa ay iyong walang kahit na isang naitagong litrato si Kayla sa buong bahay. Sayang, gusto pa naman niyang makita kung kamukha niya talaga ang babae.
Umikot si Sheena para dumapa. Maaga pa para matulog kaya naman tumayo siya at nagpalit ng damit. Iyong suot niya nang bumalik siya dito. Kanina pa talaga tumataas ang balahibo niya kapag naiisip niya na patay na ang dating may-ari ng mga nakasuot sa katawan niya. Pati ang mga alahas ay tinanggal na rin niya. Bukas, kakapalan na niya ang mukha niya at hihilingin niya sa mag-asawa na baka pwedeng bumili siya ng kahit ilang piraso lang ng damit.
Dahil wala naman siyang mapaglilibangan sa silid ay nagdesisyon siya na lumabas doon. Pababa na sana siya sa hagdan nang may marinig siyang sitsit na tila nanggagaling sa isa sa mga silid na nasa ikalawang palapag. Natigilan si Sheena. Hindi niya alam ngunit tila may bumubulong sa kanya na pasukin ang iba pang kwarto na naroon kahit ipinagbabawal sa kanya na gawin iyon.
Wala naman sigurong makakahuli sa akin. Saglit lang din naman ako. Titingnan ko lang ang loob tapos lalabas na rin ako. Sa pagkakataon na iyon ay nilamon na si Sheena ng kanyang kuryosidad at hindi na niya iyon kayang labanan pa.
Mas dumami kasi ang katanungan niya nang malaman niyang bawal niyang pasukin ang apat na iba pang silid.
Naglakad na si Sheena papunta sa pinaka malapit na pintuan. Pero ganoon na lang ang panlulumo niya nang malaman niyang nakakandado iyon. Sinubukan din niyang buksan ang iba pang pinto ngunit katulad ng nauna ay hindi rin niya iyon mabuksan.
Nang walang mapala ay bagsak ang balikat na bumalik na lang siya sa kanyang silid. Ang kailangan niyang gawin ay hanapin ang susi sa mga pintong iyon para mapasok na niya. Bukas ay aalamin niya kung nasaan ang mga susi. Sa ngayon, ang kailangan na lang niyang gawin ay matulog dahil unti-unti nang lumalalim ang gabi.
-----***-----
MAAGANG nagising si Sheena kinabukasan. Ala-singko y media sakto. Naisip niya na huwag nang magtagal sa pagkakahiga at bumangon na lang para tumulong sa paghahanda ng almusal. Ayaw naman niyang mag buhay prinsesa kahit sabihin pang ampon na siya ng mag-asawang Clemente. Isa pa'y hindi rin siya sanay nang walang ginagawa.
Bumangon na siya at inayos ang higaan. Akmang bubuksan na niya ang pinto para lumabas nang may marinig siyang yabag ng mga paa sa labas. Hindi muna siya lumabas. Iniawang niya ng bahagya ang pinto at sumilip. Nakita niya si Felina at binuksan nito ang isa sa mga ipinagbabawal na silid gamit ang isang susi. Pumasok ito sa loob at isinara iyon. Wala pang isang minuto ay lumabas na rin agad ito. Nakita niya na isinilid nito ang susi sa bulsa ng suot nitong palda.
Ibig sabihin pala ay si Felina ang may hawak ng susi sa mga kwarto... Kailangan ko iyong makuha sa kanya!
Agad na bumuo ng plano si Sheena sa kanyang isipan.
-----***-----
HABANG kumakain ay sinabi na niya ang kagustuhan niyang bumili ng kahit konting damit na pambahay at panglakad. Wala namang nakuhang negatibong reaksiyon si Sheena sa mag-asawa. Bagkus ay agad siya nitong binigyan ng pera na pang-shopping.
"Ang mabuti pa ay isama mo na rin sina Yaya Felina at Homer para may makatulong ka, anak." ani Perlas. Si Homer ay ang driver nila.
"Sige po, kung papayag po sila." Mabuti na rin na sumama sa kaniya si Felina dahil baka dala nito ang susi.
"Anong oras mo ba balak umalis?"
"Mamaya rin po. Bago ang tanghalian para saktong pag-uwi namin ay tanghalian na. Hindi naman po kami magtatagal, Mrs.-Mama po pala..."
"Okay. Basta mag-iingat kayo. At bumili ka na rin ng cellphone mo para nako-contact ka namin ng Papa mo."
"N-nakakahiya naman po, Mama. Sobra-sobra na po yata iyon."
"Hindi iyon sobra-sobra, Sheena," sabat ni Gener. "Dapat lamang iyon dahil anak ka na namin simula ngayon. Ikaw, ako at si Mama Perlas mo ay pamilya na ngayon kaya dapat masanay ka nang pinapaulanan ka namin ng mga bagay na kailangan at makakapagpasaya sa iyo."
Nakangiting sinulyapan ni Perlas ang asawa. "Tama si Gener, anak. At sa isang linggo ay ipapa-asikaso na namin ang adoption papers para maging legal na anak ka na namin. At hindi lang iyan, sa susunod na taon, sa pagbubukas ng school ay mag-e-enroll ka."
"T-talaga po? Salamat po!" Sa sobrang saya ni Sheena sa sinabi nina Gener at Perlas ay tumayo siya at niyakap ang mga ito.
Talaga ngang masasabi niyang tinamaan siya ng swerte!
-----***-----
MAINGAT ang bawat galaw ni Sheena habang iginagala niya ang mata niya sa silid ni Felina. Naririnig niya ang lagslas ng tubig sa nakapinid na pinto sa silid nito. Nasa banyo ito at naliligo at ito na ang tamang pagkakataon para makuha niya dito ang susi sa mga kwarto sa itaas. Wala na siyang ibang naiisip na paraan kundi ang nakawin ang susi.
Nakita niya ang lagayan nito ng maruruming damit at agad niyang nakita ang suot nitong palda kanina. Nagmamadali na ginalugad niya ang bulsa ng palda at nakuha naman niya doon ang susing hinahanap. Isang susi lang iyon. Ibig bang sabihin ay isang susi lang ang nakakapagbukas sa lahat ng kwarto sa itaas?
Bago pa man matapos sa paliligo si Felina ay naisilid na niya ang susi sa bulsa ng kanyang pantalon at malalaki ang mga hakbang na lumabas na siya doon.
-----***-----
PAGDATING sa mall ay nagpaalam si Sheena kina Felina at Homer na magpupunta lang siya sa banyo bago sila mamili. Pero ang totoo ay maghahanap lang siya kung saan pwede niyang ipa-duplicate ang susi na nakuha niya kay Felina. Naisip niya kasi na hindi pwedeng hanggang mamayang gabi ay nasa kanya iyon dahil baka gamitin ulit iyon ni Felina at malaman nitong nawawala ang susi. Kailangan niyang maibalik iyon pagkauwi na pagkauwi nila ng mansion.
Hindi naman siya nahirapan sa paghahanap. Sa second floor ng mall ay nakakita siya ng store ng mga susi at nagdu-duplicate din doon. Agad niyang pina-duplicate ang susi at bumalik na rin siya kina Felina.
Blouse, shorts at palda ang una niyang binili. Sunod ay ang dalawang pares ng sapatos at tsinelas. Pati bags ay hindi niya rin kinalimutan. Huli ay bumili na siya ng cellphone. Iyong android phone gaya ng nakikita niya sa mayayabang niyang kapitbahay sa probinsiya. Hindi na niya kailangan makipag-chat sa foreigner para yumaman dahil inampon na siya ng mayamang pamilya. Ibinili rin niya ng tig-isang damit sina Felina at Homer kahit tumanggi pa ang mga ito. Napansin niya na parehas ng ugali ang dalawa. Tahimik at parang masungit.
Nang sandaling iyon ay walang pagsidlan ng kasiyahan si Sheena. Sa tanang ng buhay niya ay ngayon lang siya nakapamili ng ganito. Iyong lahat ng magustuhan niya ay nabibili niya. Hindi niya akalain na mararanasan niya rin ang bagay na ito. Isang blessing din na matatawag na nabangga siya. Iyon pala ang magiging daan para yumaman siya. Pati na rin ang pagkawala ng sampung libong piso niya dahil hindi niya maiisip na magpa-ampon sa mga Clemente kung hindi iyon nanakaw. Parang gusto niya tuloy hanapin ang magnanakaw na iyon at bigyan pa ito ng pabuya!
"Homer, Felina, gaano na kayo katagal sa mga Clemente?" tanong niya sa dalawa habang nasa biyahe na sila pabalik ng bahay.
"Sampung taon kami parehas. Twenty-two pa lang ako nang magsimula akong manilbihan sa kanila at twenty-one naman noon si Felina. Magkapatid kami ni Felina at malayong kamag-anak kami ng mga Clemente," si Homer ang sumagot. Mababa at seryoso ang tono ng boses nito. Parang natakot na tuloy siyang makipag-kwentuhan pa dito.
Si Felina naman ay diretso lang ang tingin. Katabi niya ito sa backseat. Gusto pa naman san niya itong maka-close dahil ito lang ang babae sa bahay na medyo kalapit ng edad niya pero imposible yatang mangyari iyon. Ayaw man lang siya nitong kausapin nang hindi ito seryoso.
Teka lang, napansin kaya nito na nawawala ang susi sa hinubad na palda nito? Sa wari naman niya ay hindi. Sana ay sinabi na nito kanina sa amo nito kung alam na nitong nawawala ang susi.
-----***-----
MATAGUMPAY naman na naibalik ni Sheena ang orihinal na susi sa silid sa taas kung saan niya ito kinuha. Ginawa niya ang bagay na iyon habang abala si Felina sa pagluluto sa kusina. Sa wari naman niya ay hindi nito napansin na nawala nang ilang oras ang susi.
Habang naghihintay ng pananghalian ay umakyat muna siya sa kanyang silid at doon ay masayang isinukat ang lahat ng pinamili niya. Nagpaikot-ikot siya sa harap ng salamin habang pinagmamasdan ang sarili na suot ang mga magagandang damit.
Nang matapos ay nakangit niyang ibinagsak ang katawan sa ibabaw ng malambot na kama.
"Ang sarap pala ng ganitong buhay... Ang sarap maging mayaman!" pakli niya.
Bigla niyang naalala iyong pina-duplicate niyang susi. Kinapkap niya ang bulsa ng pantalon at kinuha doon ang susi. Pinagmasdan niya ito. Ano nga kaya ang meron sa apat na silid? Ah, mamayang gabi ay malalaman na rin niya ang kasagutan sa kanyang tanong.