POV of a Class President
Bumaba ako ng jeep kasama ang magulang at kapatid ko, isinama nga rin nila ang iba ko pang pinsan. Ngayon na kasi ang araw na hinihintay ng lahat ng highschool students, ang graduation.
Nakasuot ako ng puting long sleeves at hawak ko ang aking itim na kurbata, katerno nito ang isang itim na pantalon. Ginamit ko na din ang kiwi na nakatambak sa bahay para mapakintab naman ang itim kong sapatos na puro gabok.
Naglakad pa kami ng konti para makarating sa eskwelahan na pinapasukan ko.
May mangilan-ilan akong nakakasabay na batchmates pero madami sa kanila ang may dalang sariling sasakyan. Hindi isang elite school ang paaralang pinapasukan ko. Simple lang. Para lang sa mga taong namumuhay ng normal.
Dahil wala miski isa sa amin ang marunong magsuot ng kurbata, naghihintay ako ng guro na lalabas sa faculty para magpatulong.
Wala pang isang minuto, lumabas ang bakla kong teacher sa P.E. Magsasalita pa lang sana ako para humingi ng tulong eh nakuha nya na agad ang kurbata at isinuot sa akin.
Isa sya sa mga gurong kinainisan ko sa loob ng ilang taon. Hindi maiiwasan ang bagay na yun. May mga oras na lagi nya akong ipinapahiya, pero isa syang guro na napakagaling magpayo.
3rd year ng ako ang maging Class President ng classroom namin. Nung una, hindi ko yun mapaniwalaan dahil sa’kin nila binigay ang tiwala nila. Akala ko, ibinoto nila ko dahil trip lang nila. Pero ang gurong nagkakabit ng kurbata ko ngayon, isa sya sa mga tumulong sakin para maging isang mahusay na lider. Nagtiwala din sya sa kakayahan ko.
Pumasok na ko sa gate ng school, duon nakahilera ang MOCC na pinahirapan naming mga CAT Officer sa loob ng pitong buwan. Naka cross sword sila at pinatunog nila ito ng dumaan ako.
“Congrats po Sir!”
“Sir! Graduate ka na po! Congrats!”
“Salamat po Sir!”
Nagpasalamat ako sa kanila at sinuklian sila ng isang ngiti. Ang sarap sa pakiramdam na may mga taong nakakaalala ng tagumpay mo. Yung tipong pinahirapan mo na nga sila, pero hindi ka nila nakakalimutan.
Dumiretso ako sa classroom namin kung saan sinalubong ako ng mga kaklase ko.
“Foreman! Ang gwapo mo!”
Napatawa na lang ako. Talagang mapagbiro ang mga kaklase ko. Foreman ang tawag nila sa’kin dahil ako ang nangunguna at namumuno sa kanila.
Pumasok ako sa classroom at nandun ang mga kaklase kong nagpi-picturan.
Napansin ako ng kaklase kong may pagkaluka-luka.
“Foreman! Tara! Picture!”
Naglakad na lang ako papalapit sa kanila bilang pag sang ayon. Hindi naman talaga ko ganun kahilig sa picture pero huling araw na namin toh bilang magkakaklase, hindi ko pa ba pagbibigyan?
Ilang click sa camera ang tumunog at nagsalita na ang EMCEE. Pinapunta na kami sa labas at pumila.
3rd section nga pala kami kaya medyo malayo pa bago tawagin ang pangalan ko.
Nung una, akala ko hindi ako magiging masaya sa section na kinabilangan ko. Nagkamali ako. Napakalaking pagkakamali ang akala kong yun. Naging isa kaming pamilya sa lahat ng pagkakataon, hindi maiiwasan ang mga bagay na nagiging sanhi ng hindi pagkakaunawaan pero minuto lang ang lilipas at magkakaayos ayos na ulit.
Napatingin ako sa stage, nagsimula na palang umakyat ang mga kaklase ko.
Sino bang mag aakala na makakagraduate ang mga toh? Eh sa tigas ng ulo, mapapa face palm ka. Pero sa bagay, kami rin ang naging magkakatulong para sabay sabay na magpaalam sa aming alma mater. Ayaw namin ng may maiiwan sa amin.
“Delos Reyes Pierre”
Umakyat ako ng stage kasama ang aking inay. Nang makarating ako sa gitna, napatingin ako sa mga kaklase ko, lahat sila ay nakangiti sa’kin na para bang sinasabi na, YES! NAGAWA NATIN!
Nag bow ako tsaka bumaba. Dumiretso ako sa upuan ko pero nanatili kaming nakatayo, hinhintay matapos ang lahat sa pagba-bow.
Nang matapos, nag-umpisa na ang mismong seremonya. Nagbigay ng panalangin ang aming 1st honorable mention at sinundan naman ito ng speech ng aming salutatorian. Winewelcome yung guests. Pero sa halip na pagwe-welcome lang ang nangyari ay napaiyak agad sya, syempre, sobra syang nagpasalamat sa mga magulang namin na walang sawang sumuporta sa aming paglalakbay sa isang chapter ng aming buhay.
Isang mahaba pang speech mula sa guest of honor. Boring. Inaamin ko yun. Pero nakikinig pa din ako dahil kinekwento nya kung pano sya naging matagumpay na tao.
Nakarinig ako ng plastik na bumukas, tumingin ako kung saan nanggaling yun at tama nga ang hinala ko, kumakain ang katabi ko.
“Itago mo yan, bawal yan di ba?”
“Sorry Foreman!”
Napangiti na lang ako, talaga ngang nadisiplina ko sila.
Maya maya pa ay tinawag na ang nagkamit ng mga karangalan, wala ako. Wala akong natanggap pero sobrang saya ko pa din.
Hindi pa ba karangalan ang makagraduate na kasama ang mga kaibigan kasabay ng pagpalakpak sa’yo ng yong mga magulang?
Sobra sobra pa yun sa mga medalyang nakasabit sa leeg mo. Idi-display mo lang din naman sila.
Nagsimula ng magspeech ang aming valedictorian, english pero madami ang nanatiling nakikinig. Siya ang nanguna sa’ming lahat, hindi lang sa academics kundi pati na din sa co-corricular. Isa pang dahilan, kaibigan ko sya. Syempre, nakaka proud din na may kaibigan kang nagsasalita sa harap ng madaming tao.
Matapos ang napakahaba nyang speech, tumugtog na ang aming graduation song.
Farewell.
Ito na lang palagi, kung iisipin, sobrang boring na nga nito. Pero yung gustong sabihin ng kanta ang talagang nakakapag palungkot sa amin.
Unti unting namuo ang luha sa gilid ng aking mata. Pinigilan ko itong pumatak
“Foreman! Wag mo ng pigilan yan, salamat sa apat na taon at naging kaibigan kita..”
At dun pumatak ang luha kong kanina pang gustong pumatak. Pamilya na din ang turing ko sa kanila. Mamimiss ko sila.
Kasabay ng pagtatapos ng kanta, nagkaroon kami ng group hug. Yung sobrang higpit. Ang sarap sabihin na may kaibigan akong katulad nila.
Sunod kong pinuntahan ang pamilya ko at inabot sa kanila ang aking diploma.
“Inay, tatay, salamat sa inyo!”