CHAPTER 23 "Craig, alam mong hindi puwedeng ganoon na lang iyon. Buong akala ko, maaasahan kitang mahuli pati ang sindikato niya, iyon pala ay mismong si Karl ay malaya pa rin?! Hinayaan mong maging malaya 'yung taong pumatay kay Mirabel?!" pagalit ni Zyx. Halata sa boses ng binata na hindi siya mapakali ngayong nalaman niyang nasa labas pa si Karl. Bigla na lang ay bumalik sa ala-ala niya ang lahat ng ginawa nila mula nang araw na tumakas sila sa mga pulis hanggang ngayon. Ang tanging hiling lang niya ay sa haba ng panahon na 'yon, hindi pa sila nakikita ng kalaban kahit napakaimposibleng bagay man iyon. "Hindi ko 'yon gusto! At sa maniwala ka't sa hindi, kung ako ang masusunod, siyempre gagawin ko ang lahat para mabulok siya sa kulungan." Napayuko si Craig bago itinuloy ang sinasabi n

