“Magkahawak kamay na naglalakad kaming mag-asawa dito sa pasilyo ng hospital. Habang sa kanang kamay ay hawak ko naman ang isang paper bag na may lamang lunch box. Ipinagluto ko kasi ng masarap na pagkain ang aking biyenan. Masarap ang pagkakaluto ko nito dahil pinalambot ko pa ng husto ang karne ng baka gamit ang pressure cooker. Ilang araw na ring naka-confined ang aking biyenan sa hospital na ito. At ayon sa doctor ay maayos na ang kondisyon ni Mamâ at baka daw bukas ay maaari na itong umuwi at sa bahay na lang magpagaling. “Sweetheart, ano kaya kung ikaw na lang ang pumasok sa loob? Alam mo naman na galit sa akin si Mamâ, natatakot ako na baka mas lalo lang lumala ang kanyang karamdaman sa oras na makita niya ako.” Malungkot kong wika, habang nakatingin ang mga mata ko sa sahig.

