“Ako, ako ang may hawak ng manibela nung araw na mangyari ang aksidenteng iyon.” Walang pag-aalinlangan na sagot ko sa tanong ng abogado.
Halatang hindi inaasahan ng abogado ang naging sagot ko, at hindi iyon maikakaila ng ekspresyon na nakikita ko sa kanyang mukha. Samu’t-saring reaksyon ang nababasa ko sa mukha ng mga tao na nasa aking harapan, narun ang galit, inis, pagdududa, lungkot at higit sa lahat ay pagkamuhi. Sa kabila ng mga nanghahamak na tingin na natatanggap ko mula sa mga tao ay hindi nito natibâg ang katatagan ko na panindigan ang aking mga salita, at masasalamin iyon mula sa seryoso kong mukha.
Sandaling katahimikan...
“No, pakiusap anak, huwag mong gawin ito..” ang pagsusumamo ng aking ina ang siyang bumasag sa pananahimik ng lahat. Parang piniga ang puso ko ng matitigan ko ang luhaan nitong mukha habang paulit-ulit na umiiling ang ulo nito, tanda ng di pagsang-ayon sa naging pahayag ko. Mas pinili ko na ibaling na lang sa ibang direksyon ang aking tingin, dahil hangga’t nakikita ko ang nakakaawang mukha ni mommy ay baka bumigay na ang dibdib ko.
“Ms. Louise Howard, nalalaman mo ba ang mga sinasabi mo? Dahil sa pag-amin mong ito ay lalo mo lang idinidiin ang iyong sarili.” Malumanay pa ring tanong ng aking abogado ngunit ramdam ko sa tinig nito na tila nais niyang baguhin o bawiin ko ang nauna kong pahayag na batid naman namin na hindi na maaari.
“Nalalaman ko, at nauunawaan ko ang lahat, your honor.” Matatag kong sagot.
“Sinasabi mo lang ba ito upang pagtakpan ang iyong kaibigan? Dahil alam mo na hindi ka makukulong, sapagkat ikaw ay minor de edad pa lamang, tama ba ako Miss, Howard.” Matigas na tanong ng aking abogado habang nakatitig ng diretso sa aking mga mata.
Inaamin ko, labis akong nabigla sa diretsahang tanong nito sa akin. Subalit aware na ako sa mga ganitong sistema dahil sa pinag-aralan kong law. Inaasahan ko na mas bibigat pa ang mga tanong na ibabato nito sa akin.
“No, your honor, bakit ko ipapasalo sa iba ang aking kasalanan kung kaya ko naman itong panindigan?” Matatag kong sagot, pinilit ko pa rin na maging mahinahon sa pagsasalita kahit na ang dibdib ko ay parang minamaso sa lakas ng kabôg nito. Hindi sinasadya na nahagip ng tingin ko ang mukha ni Denice at kita ko ang ekspresyon ng mukha nito na wari mo ay napahiya sa huling tinuran ko.
“Pero naisalaysay mo kanina, mula pa man noon hanggang ngayon ay dinadamayan n’yo na ni Miss Melendez ang isa’t-isat. Miss Howard, sa tingin n’yo ba ay laro lamang ang ginagawa natin dito? Kaya ganun na lang kadali para sa inyo ni Miss Melendez na pagtakpan ang isa’t-isa upang huwag lang makulong ang isa sa inyo? Hindi mo man lang ba naisip ang isang taong nag-aagaw buhay ngayon dahil sa kasalanan ng isa sa inyo?” Matigas ngunit may diǐn ang bawat pagbigkas ng abogado, na para bang iisipin mo na galit ito. Batid ko na paraan niya ito upang kunsensyahin ako at mapilitan na sabihin kung ano ang totoo.
“Objection, your honor!” kaagad namang kinontra ng panig ni Denice ang nang-uusig na tanong sa akin ng aking abogado.
Nagsimulang tumaas ang tension sa katawan ko at naging tuliro na rin ang utak ko dahil nagtagumpay ang tagapag tanong na basagin ang konsentrasyon ko. Umalingawngaw sa loob ng silid ang tunog ng malyete ng ipokpôk ito ng kagalang-galang na hukom. “Proceed.” Ani nito na siyang ikinatahimik ng lahat.
Mas pinili ko na lamang na manahimik upang protektahan ang aking sarili.
“Since na inamin mo sa harapan ng lahat na ikaw talaga ang may hawak ng manibela. Huling katanungan, Miss. Howard. Nakikilala mo ba ang babae sa litrato?” Seryosong tanong ng aking abogado. Habang ibinababâ nito ang isang larawan sa aking harapan ay nanatiling matiim ang titig ng kanyang mga mata sa mukha ko, na wari mo ay hinihintay ang magiging reaksyon ko.
Nanlaki ang aking mga mata dahil sa labis na pagkabigla. Mula sa larawan ay nakikita ko ang aking sarili na walang malay. At ang duguan kong ulo ay nakapatong sa ibabaw ng manibela nang kotse. Ngunit, ang mas lalong gumimbal sa akin ay ang kaalaman na ako ang nakaupo sa driver seat. Dala ng labis na pagkabigla ay nakalimutan ko na nasa isang paglilitis ako, dahil nagsimula ng magpanik ang buong sistema ko.
“T-Teka! Paano akong napunta sa driver seat?” Naguguluhan kong tanong ngunit isang tanong din ang mabilis na naging sagot sa akin ng abogado. “Sinasabi mo ba ngayon Miss, Howard na hindi ikaw ang ang may hawak ng manibela nang araw na naganap ang aksidente? Ano ang totoo Miss. Howard?” Matigas na tanong ng abogado, dahil sa magkakasunod-sunod na tanong nito ay nalito na ang utak ko at hindi ko na alam kung paano pa sasagot. Mabilis na nalipat ang tingin ko kay Denice at nagtatanong ang aking mga mata na tumitig sa kanya. Ngunit, nagbabâ lang siya ng tingin na wari mo ay walang alam sa mga nangyayari. Nilibot ko ang aking mga mata upang hanapin si Rhed dahil ngayon lang siya sumagi sa isip ko, ngunit ngayon ko lang din nalaman na wala ang presensya nito sa paligid.
“Sagutin mo ang tanong ko Miss. Howard, pinagtatakpan mo lang ba ang kaibigan mong si Denice Melendez? Dahil alam mo na hindi ka makukulong!?” “Hindi! At hindi rin si Denice ang may hawak ng manibela ng araw na ‘yun!” Medyo nalilito na ang isip ko kaya medyo tumigas din ang boses ko dahil naiinis na ako sa paulit-ulit na tanong nito. “ kung ganun, sino ang totoong may hawak ng manibela Ms. Louise?”
“Hindi! Hindi ko alam! Hindi ko alam! Mommy! Mommy!” Halos sumigaw na ako ng sagutin ko ang mga tanong nito, malakas na rin ang panginginig ng aking katawan dahil sa matinding tensyon. Kung ano-ano na ang tumatakbo sa utak ko. Narun ang mga alaala ng pagmamakaawa ni Denice, ang kapakanan ng sanggol sa sinapupunan nito. At ang imahe ng lalaking duguan ang mukha habang ang kamay nito ay pilit akong inaabot at ang huli ay ang pag-aagawan ni Rhed at Denice sa manibela ng sasakyan.
“Objection, your honor! Tinatakot mo ang bata!” Biglang sabat naman ng abogado ng pamilya ni Rhed. “Hindi ko siya tinatakot, dapat niyang malaman na ang ginagawa natin dito ay hindi biro. Kailangang managot ang totoong may kasalanan sa nangyari sa biktima na si Mr. Alistair Thompson, at isinasaalang-alang ko rin ang kinabukasan ng batang ito at ang kapakanan ng mga inosenteng tao na masisira ang buhay dahil lang sa isang maling desisyon.”
Matatag na sagot ng abogado bago muling tumingin sa akin. Kita ko mula sa kanyang mga mata na tila naaawa ito sa akin dahil parang alam na niya kung ano ang nangyayari sa pagitan namin ng aking kaibigan, at the same time ay may kasamang disappointment sa ekspresyon ng mukha nito..
Nahimasmasan lang ako ng maramdaman ko ang mahigpit na yakap ng aking ina. At mula sa kanyang mga bisig ay nakaramdam ako ng kapanatagan. Tama si mommy sa mga oras na ito ay wala akong ibang masasandigan kundi ang aking pamilya. Habang nakayakap ako sa aking ina ay tumingin ako sa mukha ni Denice at ni Tita Cynthia. Labis akong naguluhan kung bakit sila mga nakangiti gayung napakakumplikado ng sitwasyon. May hindi ba sila sinasabi sa akin?”
Labis na naguguluhan si Louise sa kakaibang ikinikilos ng kanyang kaibigan. Ang labis na ipinagtataka niya ay ang larawan kung saan ay siya ang nakaupo sa driver seat. Parang sumamâ ang kanyang loob ng mapagtanto niya ang isang bagay at hindi siya makapaniwala na nagawa siyang lokohin ng taong pilit niyang pinoprotektahan.