Chapter 4
Hindi ko inakala na ang buhay ko bilang si Mikael ay ganoon lang pala kaiksi. Hindi mo talaga malalaman kung kailan na ang oras mo kaya’t dapat ay mabuhay ka ng ang bawat araw ay parang huli na.
Lumipas ang ilang taon sa mundo ng Chromus, hindi nawala ang dating ala-ala niya noong si Mikael pa siya. Nahirapan siyang tanggapin noong una ang pangyayari. Inakala niya na siya ay nasa isang malalim na panaginip lamang. Ngunit ilang araw pagkatapos niyang malaman na muli siyang isinilang sa ibang mundo ay natanggap na niya ang katotohanan.
Sa mundo ng Chromus siya na ngayon si Evan Ignatius Rozel Doumentry. Ang ika-pitong prinsipe ng Doumentry kingdom. Ang kapangyarihan nila ay yelo.
“Mag-pokus ka, Evan! Hindi maaaring kung saan-saan ka nakatingin kapag may kalaban!”
Mabilis na tumalon siya upang iwasan ang atake ng kaniyang kapatid na si Kasimiro ang ika-apat sa kanilang pitong magkakapatid.
Ito ay si Kasimiro Suanzel Doumentry. Labing-tatlong taong gulang.
Narito sila ngayon sa labas at nagsasanay. Napahinga siya ng malalim. Walong taong gulang na siya ngayon bilang si Evan at nakita niya kung ano ang ugali ng kaniyang anim na mga kapatid.
“Kasimiro, Evan, tumigil na muna kayo sa pagsasanay at magmeryenda.”
“Mama!” sigaw ni Kasimiro nang makita ang mahal na reyna na kanilang ina. Nakatingin lamang siya sa mga ito. Mabuti ang reyna, may busilak itong puso at bukas sa mga nangangailangan. Ang hari naman na asawa nito ay strikto at seryoso.
“Evan? Halika na rito,” sabi ng kaniyang ina. Tumalima naman siya at kaagad na naglakad palapit sa mga ito. May inihandang minatamis ang kanilang ina para sa kanila. Ngayong araw kasi ay sila lamang ni Kasimiro ang nag-eensayo dahil ang iba nilang mga kapatid ay mayroong pagsusulit.
Nalaman niya na lahat ng prinsipe ng Doumentry ay sa maagang edad kailangan matuto nang magbasa, magsulat at makipaglaban. Kailangan na mamulat ang mga ito sa gulo ng mundo ng Chromus at maaaring anumang oras ay lusubin sila ng mga kalaban.
Para naman sa kaniya, bilang si Mikael sa nakaraang buhay, baliwala na lang sa kaniya na pag-aralan ang mga pagsusulit na ibibigay. Marunong siyang magbasa at magsulat dahil napunta lang naman siya sa katawan ng isang bagong silang na sanggol.
Ang mga kakayahan niya ay naroon pa rin, ang dating mga kaalaman ay hindi nawala.
Nagulat pa nga ang lahat nang makita nang mga ito, sa edad na dalawa ay maayos na siyang nakakasulat. Sa edad na tatlo ay nakakabasa na siya ng diretso, mapatagalog o ingles na salita. Nang malaman iyon ng hari a reyna noon ay ikinatuwa iyon ng mga ito. Ngunit hindi ng ibang mga kapatid niya.
“Mama.”
Napalingon siya sa nagsalita.
Sa harap niya ay nakatayo ang panganay na anak ng hari at reyna ng Doumentry Kingdom, ang kaniyang kapatid.
Si Osvar Sneizel Doumentry. Labing-anim taong gulang. Ang panganay sa kanilang magkakapatid. Isa itong striktong prinsipe.
Napansin niya kaagad na napahinto sa pagsubo si Kasimiro nang makit si Osvar na naroon. Kaagad nitong nilunok ang pagkain sa bibig nang sulyapan ito ng kanilang panganay na kapatid. Uminom ng tubig si Kasimiro at hindi na ito muling kumain pa. Alam niya kung bakit ganoon ang naging reaksyon ng kaniyang ika-apat na kapatid kay Osvar.
Marami ang takot rito kasama na si Kasimiro. Sa kanilang lahat na magkakapatid ay si Kasimiro ang pinakamakulit at maingay. Ugali na ayaw na ayaw ni Osvar. Palagi nitong pinapagalitan at pinapalo si Kasimiro noon at nakikita niya iyon. Hindi niya lamang alam kung alam ng kanilang mga magulang ang ganoong mga gawain ni Osvar.
Kaya’t lumaki nang may takot si Kasimiro dito, pati na ang pang-anim sa kanilang magkakapatid na si Leopold.
Leopold Monzel Doumentry. Siyam na taong gulang.
Si Leopold naman ay madalang na magsalita, tahimik ngunit mapag-obserba sa paligid. Dahil sa sila-silang magkakapatid ang madalas magkasama upang mag-aral ng mga kasaysayan ng Chromus at upang magsanay, napansin ni Leopold ang pagiging strikto at mapanakit ni Osvar sa tuwing may magkakamali sa kanila.
“Ano ang kailangan mo sa akin, Osvar?” malumanay na tanong ng kanilang ina.
Nanatili siyang nakatingin kay Osvar. Nang gumawi ang mga mata nito sa kaniya ay naglakad ito palapit. Hindi siya natinag. Hindi katulad ni Kasimiro at ni Leopold ay hindi siya natatakot sa kanilang panganay na magkakapatid.
“Nakita ko na masipag magsanay ang aking mga kapatid, mama, nang mapansin ko silang nagsasanay ay nanood ako. Nang makita naman kita na lumapit ay naglakad na ako rito upang bumati. Wala naman akong ibang kailangan,” sagot ni Osvar.
Nakita niyang ngumiti si Osvar. Alam niyang peke ang ngiti nito. Sa tuwing nakaharap ang hari at reyna ay mabuti ang pakikitungo ni Osvar sa kaniya at sa ibang mga kapatid nila ngunit alam niya ang tunay na ugali nito.
Si Osvar ang tipo ng tao na nais na palaging narito ang antensyon ng lahat.
Kaya’t alam ko na ayaw niya sa akin. Ayaw na ayaw.
Inilayo niya ang paningin at naupo siya sa tabi ni Kasimiro na hindi pa rin gumagalaw. Kumuha siya ng isang platitio na may laman na minatamis at kaagad na kinain iyon. Nang mapansin niya na tumingin si Kasimiro sa kaniya ay inalok niya ito ng pagkain na hawak ngunit natuon naman ang pansin nito kay Osvar na naroon pa rin.
“Maraming salamat at sinusuportahan mo ang mga kapatid mo, Osvar. Narinig ko rin na kahit abala ka sa pag-aaral mo sa fevius ay hindi mo kinakalimutan na turuan ang mga kapatid mo rito sa ating kaharian.”
Nais ni Evan na mapangiti. Napakagaling magpanggap ni Osvar. Magaling rin itong gumawa ng kuwento para lamang mapagnada ang imahe ng pangalan nito sa kanilang mga magulang.
“Sila ay mga kapatidi ko, mama. Responsibilidad ko rin na sila ay turuan ng mga bagay na nalalaman ko. Hindi ba, Evan?”
Bago siya sumagot ay ibinaba niya ang platito na hawak at tumingin kay Osvar. Ngumiti siya dito, alam na alam niya ang mga ganoong ugali nang nasa nakaraang buhay pa lamang siya bilang si Mikael. Sa kanilang unibersidad ay marami ang mapagmagaling, mapanira at nagkukunwaring tumutulong ngunit ang totoong intensyon ay ang mapuri at masabihan ng magaganda, upang mapaganda ang pangalan.
Ganoon na ganoon ang ugali ni Osvar.
Tumingin sa kaniya ang kaniyang ina nang nakatingin lamang siya kay Osvar. Nang makita niya na napakunot ang noo ni Osvar ay ngumiti siya at tumayo. Humarap siya sa kanilang panganay na kapatid at yumuko.
“Nagpapasalamat ako sa mga tulong na ibinibigay mo sa akin kahit abala ka sa pag-aaral mo,” sabi niya.
Ito ang mga salita na nais niyang marinig sa akin at wala nang iba.
Ngumiti si Osvar at hinawakan nito ang ibabaw ng kaniyang ulo.
“Hindi na rin ako magtatagal, mama,” sabi nito at humarap sa kanilang ina. Siya naman ay bumalik na sa upuan sa tabi ni Kasimiro. Nakita niya ito na nakayuko pa rin at hindi gumagalaw. Iba talaga ang takot nito kay Osvar.
“Oh, sige,” sagot ng kanilang ina.
Nang makaalis si Osvar ay narinig niya ang malalim na paghinga ni Kasimiro. Muli nitong kinuha ang platitio na hawak kanina at nagpatuloy na sa pagkain. Tiniis nito ang presensiya ng kanilang kapatid.
“Mama, maraming salamat po sa paghanda ng mga meryenda na ito,” baling niya sa ina.
Ngumiti naman ang reyna at hinawakan nito ang kaniyang pisngi.
“Nakikita ko ang dedikasyon ninyo na matuto ng iba’t-ibang mahika at kung paano makipaglaban. Sa ganitong paraan ay nais ko na maramdaman ninyo ang suporta ko.”
Natapos ang oras ng kanilang pagsasanay ni Kasimiro kaya’t bumalik na sila sa loob. Oras naman nila upang pumunta sa malawak na silid aklatan ng kanilang kaharian. Sa sobrang lawak ay hanggang apat na palapag ang taas. Lahat ng mga libro tungkol sa Chromus ay naroon. Mayroong rin mga kaalaman tungkol sa limang kaharian sa mundong iyon.
“Hindi ka ba natatakot kay Osvar, Evan? Ilang beses na kitang narinig makipag-usap sa ating nakatatandang kapatid, h-hindi ka manlang ba nakakaramdam ng takot kahit noong mga bata tayo ay madalas niya tayong saktan?” tanong ni Kasimiro sa kaniya.
Pumasok na sila sa loob ng silid aklatan. Walang ibang tao na naroon maliban sa kanila. Tinungo nila ang dulong bahagi upang ipagpatuloy ang libro na inatasan sa kanila na basahin at pag-aralan.
“Wala naman akong dapat na ikatakot sa kaniya, Kasimiro,” sagot niya.
Nang nasa hanay na sila ng mga libro na naatasan sa kanila ay umakyat siya ng hagdan hanapin kung saan niya itinago ang librong iyon. Kailangan niyang itago ang libro dahil ilang beses nang nawawala ang mga libro na binabasa niya. Hindi niya alam kung sino ang kumukuha non.
“Ang p*******t na ginawa ni Osvar noon ay narito pa rin naman, Kasimiro, pero isipin mo, sa oras na matuto tayo ng mga mahika, sa oras na matuto tayong ipagtanggol ang ating sarili kayang-kaya na natin labanan ang kung sino mang magtatangkang manakit sa atin,” sabi niya.
Kinuha niya ang libro na itinago pati na ang libro ni Kasimiro at bumaba na siya ng hagdan. Nakita niya naman ang takot sa mga mata ng kapatid. Iniharap niya rito ang libro na babasahin nito.
“Kahit sino pa iyon, kahit isa pa sa mga kapatid natin, Kasimiro.”
Naglakad na siya papunta sa lamesa na naroon habang nakasunod ang kaniyang kapatid.
“Alam mo, Evan, minsan nagtataka ako sa ‘yo. Malapit na rin akong maniwala na talagang pinagpala ka. Sa klase ng pananalita mo, sa mga tingin mo pakiramdam ko ay napakarami mo nang nalalaman sa mundong ito. Noon nga na limang taong gulang ka pa lang narinig ko na nag-uusap ang ilang mga kawal natin, sinabi nila na isa kang matalinong bata, lahat ay alam mo sa murang edad.”
“Ito rin ang dahilan noon kaya ka sinasaktan ni Osvar, hindi ba?”
Naupo si Kasimiro sa tapat niya. Nang marinig niya ang sinabi nito ay tumingin siya sa kapatid.
“Sinasaktan ka noon ni Osvar hindi dahil makulit ka o maingay ka na kagaya ko. Sinasaktan ka niya kasi ayaw niya sa presensiya mo. Naaagaw mo kasi ang atensyon na nais niya. Kahit wala ka naman na kasalanan ay pinag-iinitan ka niya noon.”
Ramdam niya iyon ngunit sa mga panahon na palagi siyang pinag-iinitan ni Osvar ay naroon naman si Philiph upang ipagtanggol siya.
Si Philiph Hanzel Doumentry ang ika-lima sa kanilang magkakapatid. Sampung taong gulang na ito. Si Philiph ang kasundo niya, mabait ito katulad ng kanilang ina. Ito rin ang kasama niya sa pag-aaral ng iba’t-ibang mga mahika.
“Wala naman tayong magagawa noon sa mga gustong gawin ni Osvar. Pero, ngayon na lumalaki na tayo at nagkakaroon ng kaalaman sa mga bagay-bagay, hindi ba at mas ngayon tayo dapat na lumaban, Kasimiro? Lalo ka na, masyado ang takot mo kay Osvar. Gusto mo ba na sa pagdating ng panahon ay maging sunud-sunuran ka sa kaniya?”
Umiling naman si Kasimiro. Binuksan nito ang libro na hawak at nakita niyang namuo ang luha sa mga mata nito.
“Sa ating lahat na magkakapatid kasi ako iyong pinaka duwag, tingnan mo nga. Ikaw na bunso pa ang nagpapangaral sa akin, gayong dapat ako ang gumagawa non dahil mas matanda ako sa ‘yo. Hindi ko na nga alam, Evan, siguro lumaki ako na ganito dahil sa mga ginawa noon ni Osvar. Kahit pagbanggit lang ng pangalan niya ay natatakot na ako.”
Napahinga siya ng malalim. Trauma ang inabot ni Kasimiro kay Osvar. Siguro kung wala ang dati niyang ala-ala bilang si Mikael at kung hindi niya naiintindihan ang pagmamanipula ni Osvar ay baka katulad rin siya ni Kasimiro at ni Leopold na takot rito.
Nagpapasalamat na lang rin ako dahil nang isilang akong muli sa bagong mundo na ito bilang si Evan ay narito pa rin ang mga kaalaman ko sa nakaraang buhay. Malaki ang tulong nito upang kahit papaano ay mailigtas ko ang ilang mga kapatid ko sa kamay ng mapanakit at mapagmanipulang si Osvar.
Mas magiging delikado na kung magiging hari pa si Osvar.
“Huwag kang mag-alala, wala naman iyon sa edad, Kasimiro. Ang mahalaga ay ang magkakapatid an nagtutulungan, iyong hindi nagkakasakitan. Andito lang naman ako palagi para sa ‘yo. Huwag mo nang isipin ang edad,” sabi niya.
Pinalis ni Kasimiro ang mga nahulog na luha at itinuon na nito ang mga mata sa libro. Nagsimula na itong magbasa at ganoon na rin siya.
Nang malaman niya na kailangan nilang magsanay ng mga mahika, at kung paano makipaglaban ay kaagad siyang nasabik. Bilang si Mikael sa nakaraang buhay, marunong siya ng iba’t-ibang klase ng mga self-defense. Nais niyang malaman kung kaya niyang gawin ang mga napag-aralan sa bagong mundo na iyon bilang si Evan. Ngunit nang malaman niya na ang dahilan ay upang maglaban silang magkakapatid sa trono ay nawala ang pagkasabik niya.
He doesn’t want the throne. Ang nais lamang niya ay ang masayang buhay. Hindi niya gusto ang mga kumpetisyon pagdating sa kapangyarihan.
Ngunit iyon ang nais ng kanilang ama.
Si King Evan Ignatius Doumentry. Ang hari ng Doumentry Kingdom. Napanatili nito ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan sa loob ng apatnapung taon. Nakasulat iyon sa history ng Doumentry kingdom. Malakas ang kanilang ama, walang kahit na sinong mga kaaway ang napaluhod ito, walang mga halimaw ang pumantay sa kapangyarihan nito.
The kingdom of Doumentry is the most beautiful and peaceful kingdom in the Chromus world because of their father.
Isa sa ikinaiinis sa kaniya ni Osvar ay dahil isinunod ng hari at ng reyna ang pangalan niya sa mga naging hari ng Doumentry kingdom. Ang alam kasi ng mga tao ay kung sino ang anak na kasunod na pangalan ng nakaupong hari ay ang siyang magiging hari sa hinaharap.
“Reincarnation...”
Umangat ang kaniyang tingin kay Kasimiro nang magsalita ito.
“Evan, kung muli kang mabubuhay sa ibang mundo at hindi bilang isang prinsipe, anong buhay ang pipiliin mo?” tanong nito.
Ngumiti siya at tumingin sa labas ng bintana.
“Ako? Isang simpleng guro na nagtuturo kung paano ipagtanggol ang sarili. Nais ko ng tahimik na buhay. Gusto kong magpatayo ng mga paaralan na nagtuturo ng iba’t-ibang klase ng pagdedepensa ng sarili.”
Nang ibalik niya ang mga mata kay Kasimiro ay nakita niya ang gulat sa mukha nito.
“Ang bilis ng sagot mo, ah? Samantalang ako hanggang ngayon wala akong maisip. Kaya tinanong na lang kita.”
Muli niyang ibinalik ang kaniyang paningin sa labas ng bintana. Maraming mga ibon ang lumilipad ng sama-sama. Bigla ay naalala niya ang mga kaibigan niya. Walong taon na ang nakalipas simula nang magsimula siyang tanggapin ang panibagong buhay niya na iyon.
Sa walong taon na iyon ay hindi nawala sa kaniyang isipan ang kaniyang pamilya, ang mga kaibigan na kasama niya bago siya naaksidente at namatay. Ang mga paaralan na itinayo niya. Kamusta na kaya ang mga ito?
“Mukhang ang lalim ng iniisip mo.”
“Oh, Philiph!” sabi ni Kasimiro.
Nilingon niya Si Philiph na naupo sa tabi niya. May hawak rin itong libro. Ang pamagat ng libro ay ‘In the darkness’. Nabasa na niya ang librong iyon. Tungkol iyon sa isang ama na itinakwil ng kaniyang pamilya nang magkaroon ito ng kapansanan.
“Tapos na ang pagsusulit?” tanong niya kay Philiph.
“Oo, katatapos lang kaya nagpunta na ako dito. Si Kasimiro lang ang kasama mo? nasaan si Leopold?” tanong nito.
Ibinalik niya ang mga mata sa binabasa at inilipat ang pahina.
“Nasa silid si Leopold, masakit ang kaniyang tiyan. Nabalitaan ko lang kanina sa isang kawal,” sagot niya.
Mula sa gilid ng kaniyang mga mata ay nakita niyang binuksan ni Philiph ang libro at nagsimula na itong magbasa. Ilang minuto ang lumipas na namayani ang katahimikan sa loob ng silid aklatan. Tahimik lamang silang nagbabasa ni Philiph at si Kasimiro naman ay nakatulog na.
Hindi na naman ito makakatapos ng isang libro sa loob ng tatlong araw. Binigyan lamang sila ng tatlong araw upang makatapos ng isang libro at sa loob ng isang araw ay mayroon lamang silang limang oras upang magbasa at isulat ang mga mahahalagang impormasyon na nabasa nila sa librong iyon.
Nang matapos ang limang oras ay isinarado niya ang libro. Natapos na niya sa loob ng dalawang araw. Kinuha niya ang pluma at papel na nasa gilid at kaagad na isinulat ang mga mahahalagang impormasyon na kaniyang nabasa.
“Hanga talaga ako sa talino mo, Evan.”
Napatigil siya sa pagsusulat nang marinig ang sinabi ni Philiph. Nakababa na ang libro nito at nakatiklop. Nakatuon ang mga mata nito sa kaniyang pagsusulat.
“Sa ating dalawa ay ikaw ang mas matalino. Natutunan ko lang rin ang mga bagay na nalaman ko dahil sa ‘yo,” sabi niya at ngumiti.
Mabuting kapatid si Philip at ito ang kapatid na masasabi niya na talagang tinutulungan sila ng bukal sa puso. Palangiti si Philiph na tulad ng kanilang ina, ang mga mata nito ay parang nangungusap kapag tumingin. Hindi rin niya kailanman nakitaan ng galit na emosyon sa mga mata si Philiph hindi katulad ng kay Osvar.
"Magaling ka sa lahat, Evan."
Nagpatuloy siya sa pagsusulat at ngiti lamang ang isinagot kay Philiph. Kahit sa dating mundo niya ay mahilig na siyang magbasa. Gustong-gusto niyang nagkakaroon ng bagong librong babasahin.
“Hindi ko kayang tumapos ng isang libro sa loob lamang ng dalawang araw, Evan. Ang alam ko ay ganoon rin si papa. Isa iyon sa nabanggit niya sa amin nila Osvar nang nakaraan. Kung siguro ibibigay sa iyo ang oras ng umaga hanggang tanghali ay baka makatapos ka ng isang libro. Isa pa, ang lahat ng mga impormasyon na isinulat mo ay tama. Kahit na ang ating ama ay hangang-hanga.”
Kaya mas nagagalit sa akin si Osvar. Tiyak na hanggang paglaki ay hindi niya ako ituturing na kapatid kung hindi isang kalaban sa posisyon na inaasam niya.