Pupungas pungas na iminulat ni Silver ang mga mata pagkagising kinaumagahan. Medyo mababa ang energy niya ngayon at medyo inaantok pa dahil late na nga siya natulog kagabi ay halos ilang oras lang din ang itinulog niya sa buong magdamag.
Mula sa patagilid na pagkakahiga ay ipinihit niya ang katawan upang tumahiya kasabay ng mabagal at paulit-ulit na pagbukas-sara ng mga mata. Nilingon niya ang malaking pintuan ng terasa upang alamin kung may liwanag na sa labas ngunit wala siyang naaaninag indikasyon na hindi pa sumisilip ang haring araw. Tuloy ay napatingin siya sa orasan sa teleponong nakalagay sa katabing night stand. Alas singko pa lamang ng madaling araw. Agad siyang pumataob para bumalik sa pagtulog ngunit imbes na matulog ay biglang pumasok sa alaala niya ang nangyari kagabi sa pagitan nila ni Darling. Dahil doon ay sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
May katagalan din ang nangyaring pagtititigan ng kanilang mga mata nang saluhin niya ang babae mula sa muntikan na nitong pagkahulog sa terrace. Nalanghap niya ang pinaghalong amoy ng toothpaste at aroma ng kape sa hininga ng babae na ilang inches lamang ang agwat ng mukha mula sa kanya. Matatandaang hindi iyon ang unang beses na paglalapit nilang dalawa, noong una ay nakabitaw ito sa kanya nang alalayan niya sa pagbaba sa sasakyan. At gaya noong nakaraan ay tila huminto rin ang mundo niya sa pag-inog.
Napalunok siya ng laway nang mapagmasdan ang mga labi ng babae na bahagya nang nakaawang. Kasabay ng mabilis na pagtibok ng puso ay ang pagsubok na ilapit pa ang mukha sa babae upang tikman ang mamula-mulang labi nito nang biglang kumilos si Darling at bahagyang nataranta sa napansing ayos ng suot-suot nitong roba. Kita na ang cleavage nito pati na ang kasingit-singitan na konti na lang talaga ay sisilip na ang pinakatago-tagong maselang parte ng katawan. Nagpumiglas ang babae at nagpumilit na ibalik ang sarili sa pagkakaupo. Dagli naman niya itong tinulungan. Mula sa kinauupuan nito ay marahan itong tumalon sa sahig ng terasa upang maiayos ang suot-suot.
“I-m so sorry, sir,” tumalikod ang babae para ayusin ang sarili. Ang totoo ay hindi nito alam kung para saan ang hininging paumanhin. Sa nalaglag ba na tasa na pag-aari ng lalaki o sa hindi natuloy na paglalapit ng kanilang mga labi.
“No,” iling niya. “Ako dapat ang humingi ng paumanhin, hindi dapat nangyari iyon, I mean---,” Natataranta siya sa pagpapaliwanag, hindi niya alam kung anong tamang salita ang gagamitin.
“Hindi sir, ako po ang may kasalanan. Nabasag ko ho ang tasa ninyo. Sorry ho ulit,” hindi ito makatingin ng diretso sa lalaki.
“Hayaan mo na iyon, pero yung---” gusto niyang ipunto ang muntikan na nilang paghahalikan ngunit agad na umentra ang babae.
“Papasok na po ako sa loob. Inaantok na po ako eh. Good night ho,” dali daling binuksan ni Darling ang sliding door ng terasa at agad na pumasok doon.
Hindi na siya nakapagsalita pa nang maglaho itong parang bula sa harapan niya.
Naipikit niya ng madiin ang mga mata kasunod ng pagsuklay ng kamay sa buhok sa pagkadismaya. Alam niyang mali ang ginawang pagtangkang paghalik dito sa kadahilanang may sarili na itong pamilya ngunit sa kabila noon ay may panghihinayang siyang naramdaman dahil hindi iyon natuloy. It’s been days na niyang binabalewala ang natatagong nararamdaman kay Darling. Sa pagkakaroon ng pagkakataon na masolo ito, hindi na talaga niya napigilan ang sarili na mapagbigyan.
Oo. Nagsinungaling siya dito nang tanungin siya nito kung bakit lubos-lubos ang pagtulong niya sa mga ito. Given na na mabubuting tao sina Darling at Rodolfo pero ang totoo, nabihag na agad siya ng babae magmula nang makita ang isa’t isa sa kakahuyan. Lalo na nang maranasan ang pagdampi ng kamay ni Darling sa kanyang katawan. Hindi man tama pero paano niya pipigilan? Pagkatapos ng ilang taong paglayo ng dating kasintahang si Fatima ay ngayon na lang niya ulit naramdaman kung paano magmahal. At kilala niya ang sarili kapag nagmahal, ibinubuhos ang lahat-lahat.
Napabuntong hininga siya kasunod ng pagkagat sa pang ibabang labi. Mali man iyon ngunit bakit wala naman siyang nararamdamang pagtutol mula sa babae? Maluwag sana sa loob niya na iwasan na lang ito ngunit bakit may pakiramdam siya na kailangan niyang magpatuloy. Lalo na nang maramdaman niya ang mahigpit na yakap nito nang abutan niya ito sa daan. Ramdam niya ang totoong emosyon nito. Ibig bang sabihin ay kahit papano ay may pagtingin din ito para sa kanya?
‘Imposible.' Sarili niya na rin ang sumagot sa mga katanungang namuo sa kanyang isipan. Mariin niyang isinubsob ang mukha sa malambot na higaan. Sana nga ay single na lang si Darling para maging madali na lang sa kanya ang lahat. Hindi yung feeling niya ay napakawalang hiyang tao na niya sa kagustuhang maangkin ang isang taong may asawa’t anak na.
Maya-maya pa ay naiangat niya ang kanyang ulo sa masarap na amoy na kasalukuyang naglalakbay sa kabuuan ng kanyang kuwarto? Napaupo siya sa kama at nakiramdam. Mula sa ibabang parte ng bahay ang naririnig niyang ingay na tila mga gamit sa pagluluto. Napakunot ang noo niya. At 5 in the morning ay may nagluluto na sa kanyang kusina eh alas sais pa ang dating ng kanyang kusinera? Napatalon siya sa pagtayo nang maalalang baka si Darling iyon.
“Ang aga mo naman magising,” saad niya habang isinusuot ang t-shirt na mabilis lang na hinablot mula sa kanyang closet.
“Sir Silver,” bungad ni Darling sa lalaki na mukhang inaasahan na ito dahil hindi na rin nagulat sa pagsulpot nito. “Good morning po.”
“Good morning rin.”
“Pagpasensyahan n’yo na po kung nangealam na ako sa kusina ninyo. Nagugutom na kasi ako,” nangingiming sambit nito. “Naisip ko rin naman na magluto na para sa breakfast ninyo dahil pagkatapos po nito ay uuwi na ako,” isa-isa nitong inilipat sa mga plato ang piniritong itlog at ham, pati na rin ang tuyo at ang sinangag na bahaw.
“Bakit ang aga naman? Ni wala pa ngang araw,” he tried not to sound like he’s whining.
“Okay lang po iyon, baka kasi magdamag akong hinanap ni Rodolfo.” dinala niya isa-isa ang mga iyon sa dining area na isang pader lang ang dibisyon mula sa kusina.
“Ihatid na kita,” presinta niya na siyang kumuha na ng dalawang plato at mga kubyertos.
“Ay huwag na ho, sasakay na lang ho ako at maglalakad. Im sure naman sa mga oras na ito ay may masasakyan na rin,” simpleng ngiti ang ipinukol nito sa lalaki ngunit mahahalata ang hindi pagtingin ng diretso dito. Gaya ni Silver ay sinusubukan din nitong magpakapormal.
Pinasadahan ng mga mata ni Darling ang mga pagkaing nakalagay na sa lamesa at nang may maalalang nakaligtaan ay agad na bumalik ulit sa kusina.
Walang ano-ano ay tumunog ang doorbell ng bahay kasunod ang pagbukas ng pinto ng main door. Mula roon ay pumasok ang may kaedaran nang babae na siyang kusinera ni Silver. Binigyan ito ng sarili nitong susi para magamit sa paglabas-masok nito doon. Nagdirediretso ito sa dining area na nabungaran agad si Silver na nakatayo sa tapat ng lamesa.
“Mukhang may nagluto na ng agahan ninyo sir ah. Amoy na amoy ko sa labas eh,” tiningnan nito ang mga pagkaing nasa hapagkainan.
Napangiti lang ang binata. “Isa po sa mga taong tinutulungan ko,” saad niya.
“Tamang-tama ho sir at balak ko ho sana na magpaalam muna. Tumawag po kasi ang kapatid ko kagabi para ipaalam na may sakit ang Nanay namin. Ilang linggo lang naman po ako mawawala. Kung pwede po ay siya muna ang pumalit na kusinera ninyo. Pansamantala lang naman po, sir.” mababanaagan ang pag-aalala sa mukha nito.
Hindi agad nakaimik si Silver. Tamang-tama naman ang pagbalik ni Darling dala sa mga kamay ang dalawang baso at isang pitsel na may lamang orange juice.
Nilingon ng kusinera ang sumulpot na babae at biglang natigilan.
“P-pricess A-amira?” nauutal na sambit nito habang pinakatitigan ang babae.
Sa narinig ay gaya nito’y natigilan din si Darling. Hindi niya inaasahan na sa lahat ng lugar na pinuntahan ay dito pa sa bahay ni Silver ito makakahanap ng taong makakakilala dito. Bahagya itong kinabahan.
Dahil sa reaksyon ng mga ito ay may pagtatakang pinalipat-lipat naman ni Silver ang paningin sa dalawa. May narinig siyang pangalang binanggit ng matanda ngunit dahil hindi naman iyon pinansin ni Darling ay ipinagkibit niya na lang din iyon ng balikat bagkus ay ipakilala na lang ang mga ito. “Aling Nenita, si Darling nga po pala. Darling, si Aling Nenita, ang siyang nagluluto dito araw-araw.”
Parang na-pipi na ang mga ito lalo na ang kusinera. Alam nitong hindi Darling ang totoong pangalan ng kaharap na babae. Ito ang nawawalang prinsesa na matagal nang pinaghahanap sa lugar nila. Tanda pa nito noon na nagpataw pa ng malaking halaga ang Datu sa kung sinong makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng babae.
Muntik namang mabitawan ni Darling ang mga dala-dala.
“Kain na tayo,” pag-aaya na ni Silver. Iniurong nito ang mga upuan na uupuan nilang tatlo. “Saluhan n’yo na kami aling Nenita at uuwi na rin si Darling sa bahay nila mamaya-maya lang,” saad pa nito. “About ho sa ipinagpaalam ninyo, pwede naman ho. Basta balitaan n’yo agad ako kung kelan kayo makakabalik. Huwag n’yo nang alalahanin kung sino ang mag-luluto, ako na ang bahala doon,” dugtong pa nito.
“Naku, salamat na lang ho sir. Kailangang-kailangang ko na ho talagang umuwi,” somehow ay naging atat na ang matanda na makaalis.
“Sige na ho at umupo na kayo,” pagpupumilit pa ng binata dito ngunit matigas itong humindi.
“Ay huwag na ho sir. Uuwi na ho ako para makapag-impake na at para makabili na rin ng plane ticket papuntang Sulu.” anito na tinapunan pa ng tingin ang babae. “Nice meeting you po, Ma’am D-Darling,” nauutal pa nitong banggit sa pangalan nito.
Pagkalabas ng kusinera ay nagdesisyon na silang simulang kumain. Tahimik sila na tila bumalik ang pagkailang nila sa isa’t isa. Samantala, hindi pinahahalata ni Darling ang tensyong naramdaman nang may makakilala sa kanya. Nagsimula nang maglakbay ulit ang kanyang isipan sa kung ano ang nararapat na gawin kung sakaling ituro ang kinaroronan niya ng matandang babae sa mga magulang. Hindi na tuloy niya naenjoy ang pagkain.
Ilang sandali pa ang nakalipas nang muling tumunog ang doorbell, hindi lang isang beses kung hindi tatlong beses na sunod-sunod. Napakunot ang noo ng lalaki na tumayo upang tunguhin ang pintuan at pagbuksan kung sino man ang nasa labas.
“Nandito ho ba si Darling? Pumunta ho ako dito para sunduin ang asawa ko,” taas ang noo, at matapang ang pagkakasabing iyon ni Rudolfo nang makaharap ang may-ari ng bahay na pinuntahan.
Samantalang natigilan ulit si Darling sa narinig na pamilyar na boses mula sa labas ng bahay. Napatayo ito at mabilis na nagkubli sa kusina. Mabuti na lamang at nakaharang si Silver sa pintuan kaya hindi ito napansin ng lalaki. Hindi kasi alam ni Darling kung anong iisipin ni Rodolfo kapag nalamang sabay na nag-aagahan ang dalawa.
“Rodolfo,” banggit ni Silver sa pangalan nito. Bahagyang tumaas ang kilay niya sa tila may pagkaaroganteng pag-aaproach nito sa kanya. “Pasok ka.”
“Hindi na ho. Nandito lang ho ako para sunduin ang asawa ko,” matigas ang loob na saad nito. Kagabi ay sinundan nito ang babae nang magtatakbo ito palayo sa kanilang bahay. Hindi na nito naabutan pa ang babae ngunit nakita nito ang sasakyan ni Silver na papalayo. Napamura ito nang maaninag na sakay noon ang asawa. Galit ang unang namayani sa puso nito sa hindi mapaliwanag na nakita. Alam na nga ng babae na lubos nitong pinagseselosan si Silver ngunit heto ito ngayon at sinamahan pa ang lalaki. Nag-amok ito sa kalsada at ibinuhos ang sama ng loob sa pagsipa at pagsuntok sa hangin. Nang mahimasmasan rin naman pagkatapos ng ilang minuto ay agad ring pinakalma ang sarili at pinagtanong-tanong sa mga kalapit na bahay kung saan nakatira ang binata. Naalala pa nito ang sinabi ng isang nakausap.
“Hindi mo ba alam na si Silver Salazar ang may-ari ng sinasaka mong lupa at pinagtitirikan ng bahay mo?”
Natigilan pa ito sa pagkakarinig sa pangungusap na iyon at napaisip. Para saan ba ang ginagawang pagtulong ng lalaki sa kanila? Na imbes na palayasin sila sa sariling lupain nito dahil wala silang paalam sa paggamit noon ay heto at pinagawan pa sila ng bahay at balak pang bilhan ng mga kagamitan.
Tila naramdaman ni Silver ang namumuong galit sa dibdib ng lalaki.
“Pwede bang makausap ka lalaki sa lalaki?” tanong nito na pakiwari niya’y magkasing edaran lang sila.
Dahil ayaw pumasok ni Rodolfo ay siya na lamang ang lumabas para kausapin ito ng masinsinan.
“Ayaw ko man na manghimasok pero sa nakita ko kagabi ay hindi na tama ang palaging pag-aaway ninyong mag-asawa. Alalahanin mo at may anak kayo na nagsisimula nang magkaroon ng isip. Hindi iyon makabubuti para kay Utoy. Sana hindi na iyon maulit pa. Maswerte ka nga at mahal ka ng asawa mo,” labag sa kalooban niya na pagsabihan ito para sa ikabubuti ng pagsasama ng dalawa dahil ang totoo lang ay nagsisimula na siyang mangarap na mamuhay kasama ang babae ngunit iyon lang ang naiisip nitong paraan para tigilan na nito ang pagiging mainitin ang ulo at ang pang-aaway sa babae sa walang kadahilanan. Ang kaligtasan ni Darling ang lubos niyang iniisip sa panahong iyon.
Tila nagliwanag naman ang mukha ni Rodolfo sa narinig. Ang totoo ay nilakasan lang nito ang loob na pumunta sa bahay ng binata sa kabila ng isipin na baka nagsumbong na ang babae sa sinapit sa kamay nito kagabi ngunit heto at sinabi pa nitong mahal ito ng asawa.
“Actually, maagang nag-agahan ang asawa mo para maagang makauwi sa inyo,” may selos siyang naramdaman sa binitawang salita.
Napatango ang lalaki kalakip ang ngiti sa labi.
“Ang gusto ko lang ay hindi na makarinig ng pagwawala mo at pagtakas ng asawa mo,” pag-uulit niya at pagdidiin sa mga sinabi kanina.
“Oho sir. Pangako yun.”
Tumango lang si Silver. “Sandali lang at tatawagin ko siya.”
“Salamat ho, Sir!”
Pagkatapos niyang tumalikod ay napahugot siya ng malalim na buntong hininga. Iniisip pa lang na makakasama na naman ni Darling ang asawa nito ay tila nadudurog na ang kanyang puso.
Lumakad siya papasok sa loob ng bahay at nagdire-diretso sa dining area. Napag-alaman niya na nakakubli pala ito sa likuran ng pader. Simpleng ngiti at isang tango lang ang ibinigay nito sa kanya. Muli ay sandaling nagtagpo ang kanilang mga mata at tila mabilis na nag-usap. Nadismaya siya sa nabasa sa mga mata nito na tila ba napipilitan lang na sumama sa asawa. Gusto niyang hilahin ang babae at ikulong na lang sa bisig at huwag ibigay sa lalaking nasa labas ng bahay. Kumilos ito at lumakad na palabas ng kanyang mansion. Sinundan lang niya ito ng tingin na may mabigat na dinadala sa dibdib.
“S'ya nga pala, nangangailangan kami ng mga tauhan sa hacienda, pati na rin kapalit pansamantala ni Aling Nenita, kung interesado kayong magtrabaho sa akin, hindi ako magdadalawang isip na tanggapin kayo para naman kahit papaano ay may pinagkakakitaan kayo,” pumihit siya para harapin ulit ang dalawa.
Nanlaki ulit ang mga mata ni Rodolfo sa tuwa. Napagtanto nito na iba naman pala talaga ang hinuha nito patungkol sa binata. Akala nito’y tuluyan nang magiging sagabal ito sa pagsasama nilang mag-asawa ngunit hindi naman pala. Akalain mong pagkatapos ng lahat ay heto at bibigyan pa sila ng trabaho. Masayang napatingin ito sa asawang babae na noo’y lumilipad na ang isipan tungkol sa matandang babaeng nakakilala dito. Mayamaya’y tanaw na ni Silver ang dalawa na magkasabay na naglalakad palabas ng sariling bakuran.
Nakataas ang noo niya habang pinagmamasdan ang dalawa. Sa ginawang alok sa mga ito he will take a risk lalo na kapag tinanggap rin ng lalaki ang pagtatrabaho sa kanyang hacienda. Yet nakaramdam siya ng excitement, dahil kapag tinanggap naman din ni Darling ang alok na maging cook niya, he will be able to see her everyday, inside his own house. Suddenly his heart rejoices.