Chapter 14

2206 Words
CHAPTER 14 Nash's POV Agad kong sinamaan ng tingin ang lalaking bigla na lang lumitaw sa harap ko. Hindi ko agad napansin ang presensya niya dahil abala ko na kausapin si Mosh, isama pa na ginagamit ko ang virtus ko para hindi niya mabasa ang isip ko. Tumayo ako habang pinupunasan ko ang labi ko. "Ano bang problema mo?!" singhal ko sa lalaking bigla na lang sumuntok sa akin. Hindi ito sumagot. Bagkus ay ngumisi ito sa akin at balak na naman magpakawala ng isa pang suntok kaya agad akong umilag. Dahil hindi niya ako tinamaan ay inulit niya ito at muli akong umilag. Naglakad ako ng may malaking hakbang palayo sa kanya pero sa kada hakbang at iwas ko ay patuloy lang siya sa pagsunod kasabay ng suntok sa hangin. "Ano ba?! Tumigil ka na!" sigaw kong muli. "Lalaki ka, 'diba? Bakit hindi ka lumaban?" aniya. Nagsalita siya sa unang pagkakataon. Panay pa rin ang iwas ko. "Walang sapat na rason para patulan kita at wala ring rason para aksayahin mo ang oras mo sa akin. Huwag kang naniniwala sa mga sinasabi sa 'yo ni Mosh!" Tumigil siya sa pagsuntok. "At sino naman ang gusto mong paniwalaan ko? Ikaw?" aniya habang nakangising muli. Naningkit ang mata ko. Hindi ko alam kung anong kalokohan ang laman ng utak ng lalaking ito, pero sapat na ang narinig ko para makumbinsi ang sarili ko na may pinaplano si Mosh na hindi maganda. Sa tingin ko, balak niya akong gamitin para makapaghiganti kay Bash. Maaring wala siyang nakalistang pangalan na pagpatay o pakikipag-away kaya naghanap siya ng mauutusan niya na gawin ito. Sinagot ko ang lalaki, "Hindi ko sinasabing paniwalaan mo ako. Ang punto ko rito—" "Ang dami mong daldal!" Sa isang iglap, lumitaw siya sa harap ko habang naka-amba ang kanyang kamao. Hindi ko inaasahan ang nangyari kaya tinamaan akong muli ng suntok niya. Mas malakas ang suntok na iyon dahilan para magpagulong-gulong ako sa sahig. Nang tumama ang likod ko sa pader ay lalo kong naramdaman ang sakit ng katawan ko. Madaling nanghina ang katawan ko, hindi ko na halos maramdaman ang likod ko dahil ito ang pinaka nagtamo ng matinding pinsala. Kahit wala akong ideya sa nakaraang buhay ko, sigurado ako na hindi ko kailanman nagawang makipag-away noon. Wala akong alam kung paano ba dapat lumaban. Hindi ko pinilit tumayo. Pakiramdam ko ay magiging laruan na lang niya ako ngayon dahil sa lagay kong ito. Pero kahit ganito na ang inabot ko, kahit papaano ay natutuwa pa rin ako sa sarili ko na nagawa ko pa ring panatilihing sarado ang isip ko nang sa ganoon ay wala nang malaman na kahit ano si Mosh. Alam ko na ang pakay niya ay isang bagay na may kinalaman sa mga alam ko o di kaya ay naghahanap siya ng bagay sa utak ko na maari niyang magamit laban kay Bash. Pero pakiramdam ko, para na rin siyang may personal na galit sa akin kung ipabugbog niya ako. Hangga't may malay ako, hindi ko hahayaang may malaman siya kahit kaunti tungkol sa kaibigan ko. Hindi ako papayag na magtagumpay siya sa gusto niya. Nakarinig ako ng halakhak ng isang babae dahilan para magmulat ako ng mata. Kilala ko ang boses kaya tiyak kong si Mosh iyon. "Hanggang diyan lang pala ang kaya mo, kahit yata ako ay kaya kitang patumbahin," aniya. Hirap man akong makakita ay pinilit ko ang sarili ko na maglibot ng tingin sa paligid. Hinahanap ko ang lalaking gumawa nito sa akin dahil hindi ko na naman maramdam ang presensya niya. Naiinis akong isipin na lahat ng nakakalaban ko ay may kakayahan na hindi kayang alisan ng bisa ng virtus ko. Hindi ako sigurado, pero dahil hindi ko pa rin maramdaman ang lalaki sa paligid ay inisip ko nang wala na naman siya rito sa kwartong ito. Teleportation...iyon lang ang naiisip kong maari niyang virtus para magawa ang bigla na lang lilitaw sa harap ko. Nakahanap talaga ng magaling na kakampi ang bruhang ito. "T-talaga...?" kahit hirap, pinilit kong sagutin si Mosh. Hindi ako maaring magpakampante sa sinabi ni Kesh na magkaiba sila ng virtus. May kutob ako na kaya panatag ang babae ito na umaalis bigla sa kwarto ang lalaki ay dahil kaya niya itong kausapin gamit ang kanyang isip para sabihan kung kailan ito babalik. Kaya dapat ko siyang pigilan na magkaroon ng pagkakataon na magawa iyon. Kung balak niya na akong patayin ngayon, kailangan ko munang masubukang gawin ang ipinangako ko kay Bash. Kahit sarado ang utak ni Mosh ay hindi pa rin ako dapat mawalan ng pag-asa na papayag din siyang kausapin ang kaibigan ko. Muli akong nagsalita, "K-kung k-kaya mo n-naman p-pala a-ako...b-bakit nagtawag ka pa ng k-kasama?" Sinubukan at pinilit ko rin ang sarili ko na makabangon. Siyempre, mahirap...idagdag pa na masakit ang katawan ko. Pero kailangan kong tumayo para bumaling sa aki ng husto ang astensyon ni Mosh at makalimutan na niyang tawaging pabalik ang tauhan niya. Isang tawa na naman ang narinig ko mula sa kanya. "Ang galing mo talaga! Lalo akong nagkakainteres sa 'yo! Nagawa mo pang tumayo pagkatapos ng mga bugbog na iyon!" aniya saka pumapakpak pa. Nakahawak ako sa pader at tinulungan ko ang sarili ko na makasandal sa pader. At ngayon...naging malinaw na ang totoo niyang pakay....gusto niya ang virtus ko...gusto niya akong sapilitang kunin. Maaring hindi ito dahil lang sa gusto niyang patayin o saktan si Bash. May iba pa silang balak at mukhang ako ang nakita niyang magandang laruan para r'on. Ang dahilan bakit kailangan pang mawala ng lalaki ay para mabigyan siya ng kalayaan na makumbinsi akong lumipat sa kanya. Tinatakot at binubugbog niya ako para mapapayag ako. Sa ganoong paraan, magagamit na niya ako...maihihiwalay niya pa ako kay Bash. "Kung masaya ka na may nakikitang nasasaktan dahil sa kalokohan mo, hindi na ako nagtataka na hindi ka masaya sa buhay mo," sabi ko. Hindi ko na kaya pang lumingon sa kanya. Sa totoo lang ay pinipilit ko lang ang katawan ko na manatiling nakatayo kahit ang totoo ay kanina ko pa gustong humiga kahit dito lang sa malaming na sahig. "Manahimik ka! Sinabi ko na sa 'yo...wala kang alam sa buhay ko at wala ka nang pakialam pa doon!" galit nitong sigaw. Sa paraan palang ng pananalita niya, alam ko nang totoo nga ang suspetsa ko tungkol sa kanya. "Makinig ka, kung patuloy kang magkakaganito...talagang hindi sasaya ang buhay mo," sabi ko. "Kaya kong sumaya sa sarili kong paraan at hindi ko kailangan ng opinyon mo kaya mas mabuti pang manahimik ka na lang. Huwag mong hintayin na mapuno ako sa 'yo at tapusin kita ngayon para tapos na rin ang paghihirap mo!" "Sabihin mo, saan ba nagkulang sa 'yo ang kaibigan ko? Ano ba ang dapat niyang punan sa 'yo? Ano ba ang hindi niya nagawa sa 'yo na gusto mong gawin niya?" "Talagang walang utak ang mga lalaki. Hindi lahat ng bagay ay kaya n'yong intindihin. Kaya kahit sagutin ko ang tanong mo ay hindi mo pa rin maiintindihan ang ugat ng galit ko!" "Paano ko maiintindihan kung hindi mo sasabihin? Napaka simple lang ng tanong ko. Kung matalino ka nga, siguro naman ay kaya mong sagutin 'yon." "Tahimik!" Pagkatapos ng sigaw na iyon ay naramdaman ko na naman ang pagsulpot ng isang taong gumamit ng virtus. Naramdaman ko siya pero hindi ko siya kayang iwasan dala na rin ng panghihina ng katawan ko. Muli akong tumilapon sa kabilang sulok ng kwarto pagkatapos niya akong sipain at muli na naman akong bumagsak. Habang nag-uusap kami ni Mosh, pinagmasdan ko ang paligid. Walang kahit anong pwesto o lugar na maaring pagtaguan ng lalaking iyon. Kaya ang puwede niya lang pagpilian para mawala at lumitaw ay ang labas ng kwarto. Nagagawa niya akong balikan dahil hindi ako umaalis ng pwesto. Sa tapat ng pinto nakaupo si Mosh, at ngayon ko lang napansin na talagang pinapunta ako rito ng lalaki para hindi ko matanaw ang labas. Maaring mahina ang katawan ko...pero kaya ko pang gamitin ang utak ko. Hindi ako papayag na matatalo lang ako ng ganito. Muli, pinilit ko ang sarili kong tumayo. "Hindi na kita kukulitin kung ano ang problema mo kay Bash...pero ipipilit ko pa rin na sana...bigyan mo siya ng pagkakataong kausapin ka." "Iyan pa rin talaga ang sasabihin mo?! Hindi ka manlang ba magmamakaawa sa buhay mo?" aniya. Habang nakasandal sa pader at hirap halos makatayo ng tuwid, pinilit o ang sarili kong makaisang hakbang. "Hindi ko gagawin ang bagay na ikatatagumpay ng plano mo. Dahil hanggang sa dulo, gagawin ko ang plano ko..." "Talaga palang malala na ang sira ng ulo mo! Hindi mo pa rin ba naiintindihan?! Ginagawa ko 'to—" "Ginagawa mo 'to para sumuko ako at mapilit na sundin ko ang utos mo. Gusto mong ako ang pumatay sa sarili kong kaibigan, 'diba? Makikipagkasundo ka na magkakaroon ng kapalit ang gagawin ko." "Paano mo...nalaman?" aniya. Unti-unti kong iniangat ang ulo ko para tingnan siya. Ngumisi ako at muling nagsalita, "Kapag nalaman ko na ang kahinaan ng kalaban, siguradong panalo na ako..." Isinara ko ang isip ko. Hindi ako makapaniwala na magugulat pa siyang nalaman ko ang plano niya, napakasimple lang ng ideya niya. Masyado siyang nagtiwala sa lakas ng kasama niya. Patuloy akong naglakad palapit sa kanya. "Kung sana kinausap mo ako ng mahinahon, baka nagkaroon pa tayo ng mas magandang paghaharap kaysa rito. Makikipagtulungan ako sa 'yo basta gagawin mo rin ang gusto ko." Si Mosh ang uri ng babae na kumplikado kung tingnan ang isang bagay na hahantong pa sa puntong ikaw na kausap niya ay malilito sa kung ano ba talaga ang gusto niya. Pero kapag nagawa mong buuin ang palaisipan na ginawa niya, masasabi mong simple lang siya mag-isip. "Ano bang sinasabi mo?" aniya, napapansin ko na nanghihina na ang boses niya. "Alam mo naman na may balak din ako makipag-usap sa 'yo, 'diba? Tiyak kong nabasa mo na sa isip ko ang plano ko. At kung nagkaroon tayo ng mapayapang pag-uusap, puwede tayong magpalitan ng kondisyon." "Talagang baliw ka! Paano naman ako maniniwalang papayag ka sa gusto kong patayin ang lalaking iyon? Samantalang heto ka at tinitiis ang bawat suntok at sipa ni Hash para lang mapilit akong kausapin siya dahil umaasa kang magkaka-ayos kami kapag nakapag-usap kami. Pero huwag kang mag-alala, hindi rin ako titigil para ipaunawa sa 'yong hindi na kami magkaka-ayos kahit pa ialay mo ang sarili mong buhay!" Naningkit ang mata ko, kung ganoon ay Hash pala ang pangalan ng lalaking iyon. Siguradong matutuwa si Kesh kapag nakilala niya ang taong 'yon. "Wala na tayong buhay kaya wala na akong maiaalalay na kapalit," sagot ko sa kanya. Patuloy lang akong naglalakad ng dahan-dahan. "Talaga bang—" "Pero...oras na pagbigyan mo akong makipag-usap ka sa kanya at natapos ang pag-uusap n'yo na wala pa ring nangyari...ako na mismo ang papatay sa kanya." "Ano ako, sira na kagaya mo? Kahit bata, hindi maniniwala sa kondinsyon mong 'yan!" "Kilala mo si Bash. Alam mo kung gaano ka niya kamahal sa kabila ng nangyari sa inyo. Nakita ko 'yon sa kanya nang ikwento niya sa akin ang alaala ninyong dalawa. Pero bago niya pa naikwento sa akin 'yon, sinabi na niyang may gusto siyang patunayan. Kaya nang makita kita at malaman ko ang kwento n'yong dalawa, alam ko na kung ano ang bagay na gusto niyang patunayan. At sana, maibigay mo manlang iyon sa kanya bago ko siya patayin." "Paano naman ako makakasigurong hindi mo ako niloloko?" "Burado na ang kasalanan kong 'sinungaling' sa pahina ko sa Crime Dictionary. At wala rin naman ako mapapala kung magsisinungaling ako, lalo pa ngayon na alam kong may kasama kang malakas." "Hindi ko siya kilala. Kasama siya ng isang lalaki na nag-alok ng tulong sa akin para harapin ka." Agad kong ibinaling ang tingi ko sa kanya. "Anong sabi mo? Sinong lalaki?!" Iyon kaya ang lalaking pumatay kay mama? Pero imposible...napatay ko na siya! May ibang tao pa ba rito na may galit sa akin? Sandali...puwedeng grupo silang pumatay kay mama. Maaring ang grupong iyon ay magkakasama rin dito sa Domus at nabalitaan nila ang nangyari sa kasama nila kaya nagpasya silang paghigantihan ako. Pero kung gusto nilang maghiganti, bakit pa sila mag-aabalang iutos sa ibang tao? Ayaw ba nilang magpakilala? "Hindi ko rin kilala. Basta siya ang nagbigay sa akin ng planong ito." Naikuyom ko ang kamao ko. Hindi ko kilala si Hash, wala akong naramdaman na kahit ano na konektado siya sa pagkakapatay ni mama. Ibig sabihin, maaring 'yung nag-utos lang ang konektado r'on. Tama, alam niya ang nangyari sa kasama niya at alam niyang ganoon din ang mangyayari sa aming dalawa kapag nagkita kami. Sinamantala niya ang pakay ni Mosh sa akin at ginamit niya iyon para makapaghiganti siya ng hindi nagapagod! Bwisit na lalaking iyon, nagkaroon pa siya ng blessing dahil sa pagtulong niyang ito! "Mosh, dapat—" Hindi ko na nagawang magsalita pa nang bigla na namang lumitaw sa harapan ko si Hash. "Madami ka nang nalalaman, dapat ka nang mamatay..." Isang sipa ang muli kong natamo mula sa kanya kaya muli akong tumilapon. Pero sa pagkakataong ito ay malapit na ako sa pintuan. "Nash!" Bago unti-unting nandilim ang paningin ko, narinig ko pa ang sigaw na iyon ni Mosh.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD