CHAPTER 17
Nash's POV
Naging tahimik ang paglalakad namin ni Bash. Tila pareho kaming nag-oobserba sa paligid. Kahit hindi nababago ang itsura ng Domus, iba pa rin ang uri ng mga taong maari naming makilala rito.
Sa gitna ng paglalakad, hindi ko maiwasang hindi magtaka sa mga reaksyon ng mga mukha nila. Lahat ng nakakasalubong namin ay ngumingiwi at tila ayaw nila kaming tingnan. Napapaisip tuloy ako kung may ideya ba sila sa nadagdag na kasalanan ko sa pahina ko.
Sumagi rin sa isip ko kung ano ang mga opinyon ng mga taong nakakita ng naging paglalaban namin ni Hash. Walang batas dito na nagbabawal na makipag-away ka, dahil hangga't walang kinaalaman sa kaslanan mo ang isang pangyayari, hindi na nila iyon papansinin pa.
Nagpalinga-linga ako habang naglalakad, sinusubukan ko kung makikita ko ba si Kesh dito. Matagal ko na siyang hindi nakikita at tila bahagya rin akong nag-aalala kung ano na ang lagay ng batang iyon.
"Ah, Nash, may sasabihin sana ako sa 'yo."
Napalingon ako kay Bash nang magsalita siya. Ang hilig niya talaga magkwento kapag ganitong pagkakataon na may ibang laman ang isip ko. "Ano ba 'yun?" sabi ko saka ibinalik ang tingin sa mga taong nakikita ko sa paligid.
"Ang totoo, level 4 na ako."
Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko iyon. Tila hindi agad naproseso ng utak ko kung ano ang nangyari.
"Talaga? Kung gan'on ay magandang balita iyon!" masigla kong sambit.
Pero sa halip na matuwa siya sa balita gaya ko, isang dismayadong mukha ang ipinakita niya sa akin.
Agad na kumunot ang noo ko. "Bakit hindi ka masaya?" tanong ko.
Alinlangan siyang tumingin sa akin. Naglalakad kami kaya hindi ko siya masyadong matingnan ng harapan, pero puno talaga ng pagtataka ang tingin ko sa kanya dahil siya mismo na umakyat ang level ay hindi masaya. Ano pang silbi ng pagsabi niya n'on?
"Dahil kahit makaakyat ako hanggang level 5, wala rin iyong saysay. Hindi ko pa rin nabubura ang kasalanan kong pagpatay," aniya.
Napayuko rin ako. Bigla akong nakaramdam ng awa dahil may punto siya. Hindi pa rin niya makukuha ang kalayaan dito sa Domus kung may kasalanan pa rin siyang nakalista.
Huminto ako sa paglalakad dahilan para mapahinto rin siya. "Pasensya na, p're. Kaso talagang ayaw niyang makipag-usap sa 'yo, eh," sabi ko.
Pagak siyang tumawa. "Ayos lang! Hindi mo naman 'yon kasalanan," aniya saka naunang naglakad sa akin.
Agad ko siyang hinabol sa paglakad. At sa oras na magkasabay kami, iyon din ang oras na may grupo ng mga tao ang biglang humarang sa daraanan namin.
Naging alerto ako nang maramdaman ko na may isa pang grupo na lumitaw sa likuran namin.
"Pare, mukhang sumbong tatay iyong nakalaban natin, ah?" ani Bash.
Walang reaksyon ang mukha ng mga lalaki sa harap namin. Naghihintay ako ng magiging kilos nila dahil aminado akong tiyak na ang pagkatalo namin dahil sa dami nila.
Kung kasama man nila ang Hash na 'yon, naiintindihan ko na bakit kay Rash sumama si Mosh. Hindi ko akalain na mayroon palang mga ganitong grupo rito sa Domus.
Ilang segundo na rin siguro ang lumipas pero hanggang ngayon ay walang kumikilos sa amin ni Bash, maging sa grupo ng mga lalaking humarang sa amin ay nananatili lang sila sa kanilang posisyon.
Hanggang sa may isang lalaki mula sa gitna ng grupo ang bigla na lang lumitaw. Kumunot ang noo ko dahil medyo may edad na siya kumpara sa mga binatang kaharap namin. Huwag nilang sabihin na isang matanda ang ilalaban nila sa amin?
"Pasensya na kayong dalawa, pero gusto ko lang sana itanong kung kayo ba ang dalawang binata na tumalo sa isang babae at isang lalaki sa level 1?" sabi ng may edad na lalaking kaharap namin.
Agad kaming nagkatinginan ni Bash at pareho kaming may kanya-kanyang kunot sa noo. Hindi ako makapaniwala na ganitong tanong ang unang maririnig ko mula sa kanya.
Bumaling muli ang tingin ko sa nagsalita. "Kung ang tinutukoy n'yo ay ang lalaking may virtus ng teleportation at isang babaeng may psychometry, kami nga ang nakalaban nila. Bakit? Kakilala n'yo ba ang dalawang iyon?" diretsahan kong tanong.
Tila nahiya ang matanda. "Ah, wala! Alam kong abala kayo sa pagbura ng inyong kasalanan sa pahina ninyo sa Crime Dictionary, pero sana ay mapaunlakan ninyo ang alok kong makausap kayo kahit sandali lang. May ilang bagay lang akong gusto sabihin sa inyo," aniya.
Napalunok ako. Wala akong ibang maisip na dahilan para harangan nila kami ng ganito kundi tungkol lang ito kay Rash. Kasama ba nila sa grupo ang Hash na 'yon?
"Tungkol saan?"
"Sumunod kayo sa akin."
Muli kaming nagkatinginan ni Bash. Puno kami ng pagtataka at pagdududa dahil hindi manlang niya sinagot ang tanong ng kasama ko. Lalo akong nahihiwagan sa pakay niya.
Walang kumilos sa aming dalawa, hindi ko na maaring hayaan ang sarili kong masabak muli sa panibagong gulo. Kung gusto nila ng away, puwede na namin iyong tapusin agad ngayon.
"Walang gagawing masama sa inyo ang amo namin, isang simpleng pag-uusap lang ang hiniling niya sa inyo."
Bumaling ang tingin ko sa lalaking lumapit sa amin. Nawala na rin ang kumpol ng mga taong nakapalibot sa amin. Tingin ko, lahat sila ay sumunod sa may edad na lalaki.
"Pero hindi niya sinabi kung ano ang pag-uusapan. Paano naman kami maniniwalang wala kayong gagawing masama?" tanong ko.
Seryoso ang mukha niya. "Kung iniisip ninyong kakampi o kilala namin ang nakalaban ninyo, pwes nagkakamali kayo. Sino man sa dalawang iyon ay walang kinalaman sa bagay na gustong sabihin sa inyo ng amo namin. Siguro naman ay sapat na ang dahilan na iyon para maniwala kayong hindi namin kayo sasaktan."
Nabaling ang tingin ko kay Bash nang magsalita siya, "Wala naman siguro masama kung ganoon, 'diba?"
Napabuntong hininga na lang ako at humarap muli sa lalaking kausap namin. "Sige, dalhin mo kami sa kanya."
Ilang kwarto ang nalampasan namin hanggang sa nakarating kami sa isang kwarto na sarado ang pinto. Kumatok doon ang lalaking naghatid sa amin at sinabi sa kung sinong tao sa loob na narito na kami. Sa pagbukas ng pinto ay agad kaming pinpasok at pinaupo.
Gaya ng inasahan ko, opisina ng itsura ng kwarto. Maaring ito na rin ang kwarto ng lalaking may edad na kumausap sa amin. Siya lang ang kasama namin ni Bash sa loob, inutusan niya ang lalaking nagdala sa amin na isara at bantayan ang pinto mula sa labas.
"Ngayong nandito na kami, baka naman puwede mo nang sabihin kung ano ang kailangan mo?" agad kong tanong. Hindi ko gugustuhing magtagal dito kung wala naman akong mapapala.
"Hijo, alam mo bang madami sa mga tauhan ko ang nakakakilala sa 'yo?"
Kumunot ang noo ko. "Anong sinasabi mo?"
"Alam ko na may nakaaway kang lalaki, at napatay mo ang lalaking iyon. May nakakita na nagdanas ka ng sakit pagkatapos ng naging laban ninyo at isang patunay lang iyon na nakagawa ka ng kasalanan dito sa Domus."
Lalong lumala ang pagdududa ko sa kanya, una palang ay nakakapagtaka na kung bakit gusto niya kami makausap. At lalong lumakas ang kutob ko na dapat akong mag-ingat sa lalaking kaharap ko.
"Ano naman sa 'yo kung meron nga?" tanong ko ulit.
"Pare naman." Siniko ako ni Bash.
Hindi natinag ang tingin ko, nanatili ito sa matandang lalaki dahilan para sagutin niya ang tanong ko.
"Alam mo bang maaring hindi ka na makalabas sa lugar na ito dahil sa ginawa mo?"
"Pagkatapos ng nangyaring iyon, alam ko na ang posibilidad na iyan."
"Kung gan'on, may ginawa ka na bang hakbang para matiyak na makakalabas ka pa rito?"
Napalunok ako. "Sa ngayon, wala. Plano ko na munang tumaas ang level ko at kapag nasa level 5 na ako ay saka ko poproblemahin ang tungkol sa bagay na 'yan."
"Pansin ko nga mabilis ang proseso ng pagtaas mo. Ano bang ginagawa mo?"
Sa tanong na iyon ay nag-alangan na akong sagutin. Parang nililitis niya 'ko o 'di kaya ay kinukuhanan ng ideya.
"Bakit mo ba inuusisa ang mga bagay tungkol sa akin?"
"Dahil nag-aalala ako sa kalagayan mo. Tumataas ang level mo na hindi ka naghihirap."
"Pinaghirapan ko rin ang bagay na natanggap ko!"
"Mahirap na pala para sa 'yo ang magnakaw ng level ng iba."
Sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan ang sarili kong mapatayo. "Hindi ako nagnanakaw! Pinaghipan ko iyon at hindi ko inagaw ng sapilitan. Hindi ko na kasalanan kung nabawasan ang level nila dahil pumayag din naman silang ibigay 'yon sa akin ng kusa."
Nanatili siyang kalmado kahit halatang mainit ang ulo ko. Sa totoo lang ay hindi naman talaga mainit ang ulo ko, gusto ko lang sindakin ang lalaking ito nang sa ganoon ay masabi niya agad ang pakay niya. Ayokong magpakita sa kanya ng rason para magamit niya ako.
"Pero ang isang pandaraya ay mananatili pa ring pandaraya kahit pa malinis ang ginawa mo. Siguro naman ay alam mo ang tamang paraan para tumaas ang level mo, ito ay ang burahin ang mga kasalanan mo o 'di kaya ay gumawa ka ng mabuti," aniya.
Napaupo ako at napayuko. Ikinuyom ko ang kamao ko nang magsalita ako, "Pero iyon lang ang tanging paraan na alam ko para makaalis sa no level. Dahil ayokong maiwan ako ng tuluyan ng mga kasama ko," paliwanag ko.
"Narito ka na sa Domus pero ang pag-uugali mo ay gaya pa rin ng sa ordinaryong tao. Kahit magkakasama pa kayong makaakyat hanggang level 5, hindi ka pa rin makakaalis dito dahil sa malaking kasalanang ginawa mo na hanggang ngayon ay nasa pahina mo pa rin. Hindi mo ba ito iniisip?"
Umangat ang tingin ko sa kanya. "Alam ko! Noon pa ay alam ko!" Napayuko akong muli. "Alam ko..." muling sambit ko.
"Nash, tama na ang dalawang beses na paggamit ng level booster. Sapat na iyon para patunayan mong pursigido kang makalabas ng Domus. Ngayong nandito ka na sa level 2, ang dapat mo nang pagtuunan ng pansin ay ang paggawa mabuti at burahin mo ang dalawang pinakamabigat mong kasalanan."
Bumalik ang tingin ko sa kanya. "Anong sinabi mo? Dalawa lang ang dapat kong burahin?"
Kumunot ang noo niya sa akin. "Hindi mo alam?"
Nagkatinginan kami ni Bash. Pagkatapos ay sabay kaming tumingin muli sa lalaking kaharap namin. Nagbitiw ng tanong ang kasama ko, "Kung ganoon, kahit hindi na namin burahin ang ibang kasalanan namin ay ayos na? Makakaakyat pa rin kami sa Creator at makakalabas pa rin kami rito?"
"Walang taong perpekto, lahat ay sadyang nagkakasala. Kaya imposible ang pangarapin mong mabura ang lahat ng kasalanan mo kahit pa gamitin mo ang virtus. Ang dahilan kaya naaalala mo ang pinakamabigat na kasalanang nagawa mo ay para pagtuunan mo ito ng pansin at magawa mo itong burahin. Iyon ang kasalanang maaring magtulak sa 'yo na gumawa pa ng mas maraming kasalanan. Kaya para maiwasan iyon, inagaw kayo ng Creator sa kapahamakan at dinala rito para magbago."
Tila nalinawan ang isip ko dahil sa narinig kong paliwanag ng lalaki. Nagkaroon ako ng pag-iisip na hindi na 'ko muli gagamit pa ng level booster para lang umangat.
Tumingin ako kay Bash. "Kailangan nating pagplanuhan ulit na makausap si Mosh. Iyon na lang ang kulang mo para makaakyat ka ng level 5 at makapunta sa Creator," sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang panglungkot ng mata niya. "Pare naman, para mo naman akong tinataboy niyan, eh. Ayaw nga akong kausapin, 'diba?"
Hindi ko na siya sinagot. Hinarap kong muli ang lalaking kausap namin kanina pa. "Sino ka? Bakit mo sinasabi ito sa amin?"
"Ako si Ash. Hangad ko lang makatulong sa taong tumulong din sa amin."
Kumunot ang noo ko. "Tulong? Anong tulong ang ginawa ko?"
"Ang lalaking tinalo mo ay dating miyembro ng grupo namin. Hindi maganda ang ginawa niya rito, puro problema at panggugulo lang ang idinulot niya. Pero wala ni isa sa amin ang nagawang pigilan ang mga kalokohan niya hanggang sa siya na mismo ang umalis sa amin. Mula noon ay hindi pa kami nakakaganti sa kanya, masama mang sabihin pero natuwa ang karamihan na nagawa n'yo siyang talunin kahit pa hindi para sa amin ang ginawa ninyo."
"Ah, wala iyon. Siya ang nagsimula ng gulo kaya tinapos ko lang." Sandali akong huminto sa pagsasalita pero nang hindi siya umimik ay muli akong nagsalita, "Ano nga pala ang ginagawa ninyo? Ibig kong sabihin, bakit kayo may grupo?"
Ngumiti siya sa akin. "Gaya ninyong dalawa, layunin din naming makatulong sa mga no level kapalit ng blessing. Ginawa ko ang grupong ito para tulungan ang iba na hindi maligaw ng landas dito sa Domus at malaman nila kung ano ang dapat gawin para madali ang kanilang paglabas. Ito rin ang rason bakit alam ko ang tungkol sa 'yo," aniya.
Napatunayan ko ngayon lang na hindi lang pala ako ng nakaisip ng bumuo ng grupo para mapabilis ang pag-angat. Pero isang bagay ang nagbigay sa akin ng pagkalito. "Kung ganoon ang ginagawa mo, bakit nandito ka pa rin sa level 2? Ang dami ninyo at tiyak kong madami na rin ang natulungan ninyo, tiyak na sapat na ang blessing na iyon para umangat ang level mo. Bakit hindi ka pa rin nakakaakyat sa Creator?"
Hindi siya agad umimik. Napakunot na lang ang noo ko nang makita ko ang pagyuko niya at ang paglalaro sa kanyang daliri.
Pero ilang sandali lang ay sumagot din siya, "Iyon ay dahil gaya mo...may nagawa rin akong kasalanan dito sa Domus. Hindi na ako makalabas dahil doon."
Muli akong napatayo. Nakaramdam ako ng pangamba na maaring ganoon din ang sapitin ko. Bumilis ang t***k ng puso ko, puno ito ng pag-aalala na maaring kahit gawin ko ang mga ipinayo sa akin ni Ash...hindi na talaga ako makakalis dito.
Sumagi rin sa isip ko ang palagi kong tinatanong sa sarili ko noon pa: Mali bang bigyan mo ng hustisya ang kamatayan ng taong nag-iisang importante sa 'yo?