CHAPTER 18
Nash's POV
Sinabi na rin sa akin ni Bash ang tungkol sa ganitong pagkakamali. Matagal ko nang alam na may posibilidad talagang hindi na ako makalabas dito dahil sa isang kasalanang aminado akong ginawa ko naman.
Pero hindi ko iyon binigyan ng mataas na pagpapahalaga. Kahit kailan ay hindi ko naisip na darating 'yung oras na ito, kakabahan ako at magagambala dahil sa kwento ng iba. Hindi ko na puwedeng takasan ang katotohanan ng ginawa ko.
Dati, palagi ko lang sinasabi sa sarili ko na makakagawa naman ako ng paraan para makalabas. At alam kong hindi mangyayari 'yung ganoon. Pero paano nga kung hindi na talaga ako makalabas? Anong gagawin ko rito? Habang buhay na pagsisisihan ang kasalanang marapat ko naman talagang gawin?
"Paanong hindi ka na makalabas? Hindi ko maintindihan, eh," tanong ko kay Ash.
"Hanggang ngayon pala ay hindi mo pa rin matanggap sa sarili mo?" aniya.
"K-kasi...hindi naman puwedeng hindi ka lalabas dito, 'diba? Dahil kaya ka nga nagpunta rito para—"
"Tama na! Tanggapin mo na lang sa sarili mong dito ka na mabubulok! Darating ang araw na unti-unti mong masasaksihan ang sarili mong maglaho at wala ka nang magagawa r'on."
"Anong sinasabi mo?"
"May hangganan ang manikang katawan na gamit natin ngayon. Sapat lang ang oras na itinatagal nito para magawa mo ang pagbura sa matinding kasalanan mo at makaakyat sa pinaka itaas ng Domus. Pero kung hindi mo magagawa iyon sa palugit ng buhay ng katawan na ito, maglalaho ka na lang ng parang bula at wala ka nang pag-asa na makabalik pa sa dati mong mundo."
Alam ko 'yun...sinabi na sa akin ni Bash ang lahat ng tungkol sa bagay na 'yun. Bakit ba hindi ko pinakinggan ang mga paalala niya?
Napayuko ako, wala na akong nasabi pagkatapos kong marinig ang mga paalala niyang iyon. Paano pa 'ko makakapagsalita pagkatapos akong sampalin ng sarili kong kapusukan?
"Bakit mo ba sinisira ang loob ni Nash? Hindi lang ikaw o kayong dalawa ang taong nakagawa ng kasalanan dito sa Domus, marami pa! At sigurado akong nakalabas pa rin sila," ani Bash.
"Gaano ka kasigurado sa sinasabi mong 'yan? Nakita mo bang nakalabas sila? Ano ang kasalanang nagawa nila, may ideya ka ba? Nakasama mo ba ang mga taong iyon at napatunayan mo bang may basehan ang mga sinabi mo?"
Tumingin ako kay Bash, umaasa na may isasagot siya sa mga tanong ni Ash. Pero nang hindi na talaga siya sumagot, naikuyom ko na lang ang kamao ko.
Muling nagsalita si Ash, "Kung hindi mo kayang sagutin kahit ang isa sa tanong ko, dapat mo nang tigilan ang pagbibigay sa kaibigan mo ng maling pag-asa. Tanggapin mo na lang na may kapalit na kaparusahan ang lahat ng nagawang kasalanan."
"Ipinaghiganti ko lang ang mama ko. Pinatay ko lang ang taong pumatay sa kanya. Mali ba 'yon?!" Diresto akong tumingin sa lalaking kaharap ko.
Tumingin din siya sa akin, seryoso at tila nakikipaglaban sa akin. "Walang kahit na sinong matino ang magsasabi sa 'yong tama ang ginawa mo. Hindi uubra ang pagrarason mo."
Wala na akong laban. Wala na rin naman akong magagawa. Napaupo na lang ako dahil sa panghihina.
"Bukas ang aming grupo para tanggapin ang gaya mo, Nash. Tutulungan ka naming makalimutan ang sakit na nararamdaman mo."
"Ano pang silbi ng grupo n'yo at ng pagtulong n'yo kung hindi ka pa rin naman makakalabas dito?" inis kong tanong.
"Ang magkaroon ng maluwag na kalooban. Baka nakakalimutan mo, patay ka na. At narito ka lang sa Domus para burahin ang kasalanan mo kapalit ng isang hiling. Karamihan lang ng nakakalabas ay ginugusto nilang mabuhay muli kaya pinaniniwalaan na ang lugar na ito ay pag-asa ng lahat para makabalik sa mundo natin. Pero ang taong namatay na, dalawang lang ang maaring puntahan. Kaya kung hindi ka na makakalabas ng Domus, kahit manlang sana sa paraiso ay makapunta ka."
Naiintindihan ko na isa sa mga rason bakit naaalala mo ang isang parte ng nakaraan mo ay para iyon ang maging basehan kung anong hiling ang dapat mong hingin. Sa lagay ko, wala akong ibang hangad kundi ang mabuhay at makasama muli ang mama ko.
"Blessing ang maaring makatulong sa 'yo para matanggap ang pagkakamali mo maging ang katapat nitong kaparusahan. Iyon ang rason bakit kami bumuo ng grupo. Kaya sana, imbes na inuubos mo ang natitira mong oras sa Domus sa paghahanap ng level booster, gumawa ka na lang ng mabubuting bagay. Malay mo, mabura pa ang mabigat mong kasalanan at mabawasan ang tatak pagkakamali mo rito sa loob," dagdag pa ni Ash.
"Ibig mong sabihin, mabubura ng blessing ang kasalanan niya rito sa Domus?" tanong ni Bash.
"Mababawasan ang bigat pero hindi mabubura. Magkaiba 'yon," sagot niya.
Hindi na ako nakatiis. Marahas akong lumabas ng kwarto para ilabas ang galit ko sa pamamagitan ng pagsuntok sa pader.
"Pare!" pigil sa akin ni Bash. "Tama na, p're!" sabi pa niya.
Nagpupugmiglas ako sa pag-awat niya sa akin. "Pabayaan mo nga ako!" sigaw ko.
Maharas ko siyang tiningnan. "Narinig mo 'yung sinabi niya, 'diba? Puwede kong gawin ang gusto ko habang may oras pa 'ko rito. Kaya huwag mo akong pakialaman!"
Pagalit akong bumitiw kay Bash. Tila kinakain ako ng galit dahil sa dami ng suntok na ginawa ko sa pader. Paulit-ulit at parang ayoko nang tumigil.
Kusa kong naiintindihan ang lahat ng bagay na sinabi sa akin ni Bash noon hanggang sa bagay na sinabi ni Ash ngayon. Hindi ko lang matanggap ay kung bakit sa dami ng taong puwedeng mabigyan ng ganitong parusa, bakit ako pa?
Ang tanging gusto ko lang naman ay bigyan ng katarungan ang ginawa ng taong 'yon sa mama ko. Kasi dahil sa ginawa niya, nasira ang buhay ko at naging mag-isa ko. Dahil sa ginawa niya, napilitan akong magnakaw para lang masalba ko ang buhay ni mama. Kasalanan niyang lahat kung bakit ako nasa sitwasyong ito, pero bakit ako ang sumasalo ng parusa?!
Tanggap ko naman na mali ang ilang desisyong nagawa ko, alam ko naman ang mga kasalanan ko. Pero pinipilit ko namang iayos ang lahat, bakit umabot pa rin sa puntong wala pa ring saysay ang lahat ng iyon?! Bakit parang sobra na yata ang pagpapahirap sa akin? Habangbuhay na lang ba talaga akong magiging kawawa?
Ang dami kong tanong sa isip ko at ang dami kong gustong ilaban. Hindi na kasi ayos, bakit lahat na lang ng gawin ko ay mali?! Ginagawa ko naman lahat para magawa ang gusto nila at para makuha ko 'yung sinasabi nilang paraan para makasama ko ulit ang mama ko. Bakit hindi ko pa rin makukuha 'yon?
Hanggang sa inabot na lang ako ng pagod sa ginawa ko. Kusa nang huminto ang kamao ko sa pagsuntok ng pader. Naupo ako at walang ibang laman ang isip kung ano na lang ang silbi ko sa ngayon.
***
Mag-isa kong prinoseso sa utak ko ang lahat. Nang matapos akong ilabas lahat ng sama ng loob ko ay agad kong nilapitan si Bash nang makita ko siya sa isang upuan. Napangiti ako sa pag-iisip na maaring hinihintay niya ang pagbalik ko.
Naupo ako sa tabi niya at wala akong ibang sinabi. Hinintay ko na siya mismo ang magsalita.
"Pare...ayos ka na ba?" bati niya sa akin.
"Nasaan si Ash?" tanong ko.
"Nasa loob, sabi niya kapag daw ayos ka na ay bumalik ka roon."
Hindi na ako sumagot. Kusa na lang gumalaw ang mga paa ko para puntahan siya.
Naabutan ko ang matanda na nakatayo at tila may kung anong pinagkakaabalahan. Kumunot ang noo ko dahil napansin ko ang liwanag mula sa Crime Dictionary, gusto kong matawa dahil may gana pa pala siyang basahin ang kasalanan niya gayong hindi na rin naman siya makakaalis sa lugar na ito.
"Talaga bang naniniwala ka na mabubura pa natin ang kasalanang nagawa natin dito?" aniya.
Ngumisi ako kahit nakatalikod siya sa akin. "Nakakatawa ka. Kanina lang ay ipinipilit mo sa akin na hindi na tayo makakaalis dito, ngayon naman tatanungin mo ako niyan."
Bumaling ang tingin niya sa akin. "Anong pakiramdam ng nakakulong dahil sa sarili mo ring pagkakamali?"
"Pinabalik mo ba 'ko rito para ipamukha sa akin 'yan?"
Naupo siya bago ako sinagot. "Ikaw ang unang tao na nakausap ko na kapareho ng nangyari sa akin."
Kumunot ang noo ko sa kanya. "Ibig sabihin..."
"Nu'ng napatay ko ang taong iyon, gaya mo rin ay naniwala akong makakalabas pa ako rito. Pero hindi ako nagalit nu'ng mapagtanto kong hindi na 'ko makakalabas. Naisip ko, ito na ang katuparan ng hiling ko. Masaya na akong naipaghiganti ko ang asawa kong naging biktima ng panggagahasa ng taong iyon."
Napalunok ako. "Sinasabi mo bang dapat akong matuwa?"
"Dapat kang magpasalamat. Dahil nagawa mong singilin ang taong sumira sa buhay mo. Kahit doon lang, matuto kang makuntento. Lahat ng tao ay may kanya-kanyang kapalaran. Tanggapin mo na lang na ito ang kapalaran mo. Maswerte ka pa nga dahil nagawa mo pa siyang singilin, madaming gaya nating naghahanap ng katarungan sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay pero hindi sila nabigyan ng pagkakataon."
"Wala rin namang saysay ang sinasabi mo. Walang mababago, makukulong pa rin ako rito."
"Gusto kong gumaan ang loob mo kaya ko ito sinasabi. Pagtanggap ang magiging susi para sumaya ka. Isipin mo na lang na kapag nalaman ng mama mo ang ginawa mo para sa kanya, tiyak na ikatutuwa niya iyon."
Hindi ko alam kung bakit ako napangiti nang marinig ko ang tungkol sa bagay na iyon. Iyon na lang talaga ang magagawa ko para bumuti ang kalagayan ko, matutong tanggapin ang mga nangyari.
"Kapag ba naglagi ako rito sa grupo ninyo, makukuha ko rin ang blessing na nangagaling sa mga tinutulungan ninyo?" tanong ko.
"Oo, kasama ka sa mga mabibiyayaan n'on. Bukod doon, may pag-asa pa ring makatulong ka sa kaibigan mo. Nabanggit mo kaninang gusto mo siyang tulungan, 'diba?"
Tumango ako. Matagal ko na rin namang sinasabi na gusto kong gawin iyon, naipakita ko na rin kay Bash na desidido akong gawin iyon at naisip ko na rin ang posibilidad na hindi na nga ako makakalabas. Naging mahirap lang talaga matanggap na may taong gaya ni Ash na magsasabi sa akin n'on ng harapan.
"Paano ko siya matutulungang makalabas dito?"
"Sa tulong ng grupo, mabibiyayaan din si Bash ng blessing. Iyon ang paraang ginagawa ng grupo para makapagpa-level. Ang tulong lang na maiaalok namin ay bigyan kayo ng mas madaming blessing kumpara sa nakukuha ninyo noong kayong dalawa pa lang ang magkasama," paliwanag niya.
"Iyon lang ba talaga ang kailangan mo kaya gusto mo kaming makausap?"
Sa unang pagsabi niya palang ay nahiwagaan na ako sa rason bakit niya ako gustong kausapin. Muli akong nagsalita, "Dalawa lang kami at kung ikukumpara sa grupo ninyo ay di hamak na mas marami kayo. Kaya bakit gustong-gusto mo akong makausap? Bakit pinipilit mo akong maniwala sa mga sinasabi mo?"
Tanggap ko na ang kapalaran ko gaya ng sinabi niya. Pero hindi ibig sabihin n'on ay hanggang dito na lang ang gagawin ko. Sinabi na sa akin ni Bash noon na madaming nangyayari sa Domus na wala pang sapat na paliwanag. Kaya dahil doon, hindi ko dapat kalimutan ang posibilidad na may paraan pa rin na hindi namin nalalaman para makalabas pa rin ako rito.
Hindi ako puwedeng sumuko. Hindi ako puwedeng basta na lang huminto sa kagustuhan kong makalabas, hindi na ako aasa pero gusto ko pa ring mag-imbestiga.
"Gaya ng sinabi ko sa 'yo, ikaw ang unang tao na nakausap kong pareho sa sinapit ko. Kaya higit kanino man, ikaw ang nakakaintindi sa akin. Alam mo na darating ang pagkakataon na mawawala na ako rito sa Domus. At tatapatin na kita, gusto kong ikaw ang pumalit sa akin. Isang tao na gaya ko ay may malakasakit pa rin sa kapwa kahit masalimuot ang sinapit," aniya.
Pagak akong tumawa. "Lumabas din ang totoo! Gusto mo akong paniwalain sa mga sinasabi mo para may mauuto ka na pumalit sa posisyon mo! Bakit mo naman naisip na papayag ako sa gusto mo?"
"Dahil sa kabila ng mga sinabi ko at ng galit mo, gusto mo pa rin makalabas... 'diba?"
Natikom ang bibig ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko inasahan na gigipitin niya ako ng ganito.
"Ano naman sa 'yo?"
"Alam mo ang patakaran ng Domus, ang sikreto para makaalis ka rito ay ang tumulong, manggamit, at manloko. Sa tingin mo, ano ang ginawa ko sa 'yo sa tatlong bagay na iyon?"
Nanlaki ang mata ko nang sabihin niya iyon. Bwisit, bakit nga ba nakalimutan ko ang tungkol sa bagay na iyon?!
Tama siya... maaring naloloko lang ako ng mga sinabi niya!
"Mag-ingat ka, Nash. Hindi lahat ng nakakausap mo ay dapat mong paniwalaan. Maaring hindi ka masyadong maapektuhan sa mga panloloko ng iba... at alam mo naman na ang katapusan ng lahat ay dapat mo pa ring intindihin ang mangyayari sa naging kilos mo at sa naging resulta ng pagkabura ng kasalanan mo sa Crime Dictionary. At ang pinaka importante, huwag kang papayag na malamangan ka ng kahit na sino.
"Sinasabi ko sa 'yo 'to dahil gusto kong maging mas mautak at mas matalino ka. Kung ginagamit ka ng iba, gamitin mo rin sila. Kung niloloko ka ng iba, lokohin mo rin sila. Kung tinutulungan ka ng iba, dapat tulungan mo rin sila. Ang susi sa tagumpay... ay ang maunahan mo sila."
"Anong gusto mong gawin ko?" Napalunok ako pagkatapos kong itanong 'yon.
"Gusto kong manatili ka sa grupong ito, pakinabangan mo ang pinakikinabangan din ng iba. Sa mga naging kilos mo, alam ko na malayo ang mararating mo. Kaya gamitin mo akong basehan ng mga susunod mong hakbang. Gawin mo akong eksperimento, tingnan mo kung ano ang mangyayari sa akin... maglalaho na lang ba talaga ako dahil sa parusa ng kasalanan ko? O makakalabas ako rito na gaya ng sinasabi mo?"