CHAPTER 19
Nash's POV
Tila isang magandang ideya ang ibinigay sa akin ni Nash. Hindi ko man alam kung lahat ba ng sinasabi niya ay totoo, hindi pa rin masama kung gagawin ko ang sinabi niya. Tiyak kong magagamit ko talaga siya para sa isang eksperimento.
Sa ngayon, kahit gaano karaming blessing ang makuha namin ni Bash kahit pa kasama namin si Kesh ay wala namang nagbabago sa nakalista kong kasalanan.
Ang sabi ni Bash, dapat daw ay lalabo ang pagkakasulat nito bilang patunay na nababawasan na ito. Pero kahit anong titig ko, hindi talaga siya nagbabago kaya kailangan ko pa ng marami pang blessing. Tamang -tama ang paglapit sa amin ng grupong ito.
Alam ko ring gagamitin niya lang din ako gaya ng sinabi niya. Pinaikot niya ako upang mahulog ako sa patibong niya. At aminado akong hindi na ako makakatakas pa sa patibong na iyon dahil matindi ang ginamit niyang bitag. Ito ang uri ng patibong na hindi ko na babalaking takasan.
Hindi na rin naman masama ang magiging kapalit ng panggagamit niya sa akin, halos lahat ay pabor sa mga gusto ko. Isa pa, mahirap magpagala-gala ngayong pinagbantaan ako ni Hash. Hindi ko siya lubos na kilala kaya maaring gaya ni Ash ay may sarili na rin itong grupo. Magagamit ko ang grupong ito para labanan siya ngayong nalaman ko na may galit din pala sila r'on.
Sa ngayon, siya ang pinakamatindi kong kaaway dahil sa lakas niya na sinusuporatahan pa ng virtus niya. Balak ko munang isantabi ang pag-iisip kung sino ang isa pang tao na posibleng may kinalaman din sa nangyari sa mama ko. Kailangan ko munang putulin ang ugnayan ni Hash sa grupong ipinagmamalaki niya. Sa ganoong paraan, mababawasan ang galamay ng kalaban.
Kailangan ko na ring kunin ang pagkakataong ito para makumbinsi si Mosh na umanib sa amin kaysa sa grupo nila ni Hash. Bukod sa desidido pa rin akong ipag-ayos silang dalawa ni Bash ay hindi pa rin ako kampante na nasa grupo siya ng kalaban. Kahit papaano, nakakabahala rin ang magkaroon ng kalaban na gaya ng babaeng 'yon... dahil isang pagkakamali lang ay mababasa na niya kung ano ang pinaplano mo. Lalo pa kung mabasa niya ito sa isip ng iba, tiyak na hindi lahat ng narito ay gaya ko na kayang kontrolin kung ano lang ang dapat isipin kapag nasa paligid siya.
Tumingin ako muli kay Ash. "Puwede mo bang ikwento sa akin kung ano ang ginawa ni Hash sa grupo ninyo?"
"Kung iisa-isahin ko sa 'yo, matatagalan tayong matapos sa pag-uusap dahil sa sobrang dami. Sa totoo nga niyan ay kahit masama ang ginawa sa amin ng batang iyon, nag-aalala pa rin ako sa maari niyang kahantungan. Sa dami ng kasalanan niya, hindi malabo na gaya na rin natin siya," paliwanag niya.
Napakagat ako ng labi dahil wala akong nakuhang impormasyon tungkol doon. Ayokong mangulit dahil ayokong mahalata niya na kumukuha lang ako ng impormasyon. Hindi pa ako ganoon kadesididong tulungan siya dahil siya mismo ang nagsabi sa akin na dapat akong mag-ingat.
Naningkit ang mata ko nang maisip ko ang itsura ng lalaking iyon. "Sa tingin ko ay malabong gaya natin siya. Sa pagkakaalala ko nu'ng naglaban kami, parang sanay na sanay na siya kung paano pumatay."
Kahit wala akong maalala sa nakaraan ko, kaya ko pa ring mahusgahan ang tao base sa kilos nito. Sa lagay ni Hash, tiyak kong may kinalaman sa basag-ulo ang ginagawa niya rati nu'ng nabubuhay pa siya dahil sa sakit ng suntok niya. Ang hirap pa naman ilagan dahil bigla na lang siyang lilitaw sa harap mo.
Tumango si Ash sa akin. Ang totoo ay sinusubukan ko lang ulit na kumuha ng impormasyon sa kanya tungkol sa Hash na 'yon. Delikado talaga ang taong iyon kaya kailangan kong kumalap ng impormasyon tungkol sa kanya. Hindi ko puwedeng makakalimutan na obserbahan siya.
"Hindi ako magtataka kung dumating ang araw na isa na sa miyembro ng grupo ang mapatay niya. Madami sa atin ang takot maski makasalubong siya. May ilan pang nagsabi na naging impyerno raw ang buhay nila nang makasam nila ang taong iyon," ani Ash.
Ako naman ang napatango dahil sa sinabi niya. Sang-ayon ako dahil ako mismo ay nakasaksi kung gaano kabasagulero ang taong 'yon. Kung ganyan ang mga sinasabi ng mga tao tungkol sa kanya, maaring ginigipit niya ang mga ito na bigyan siya ng blessing dahil hindi naman niya ito makukuhanan ng level kasi kapag ginawa niya iyon, hihina ang supply niya sa blessing.
"Kailangan natin ng plano paano natin magagawang labanan ang virtus niya. Base sa naging kilos niya sa laban namin, kaya niyang pasukin ang kwarto kahit pa sarado ito," sagot ko.
Walang espesyal sa sinabi ko. Sadya naman talagang makakapunta ka kahit saan mo gusto kapag may teleportation ka, kahit pa nasa malayo ito o sarado ang pinto—basta napuntahan na niya ang lugar. Sinabi ko lang iyon dahil nagbabaka sakali ako na dudugtungan niya ang sinabi ko.
"Bagay na bagay sa kanya ang virtus niya," komento niya.
Sa puntong ito, gusto ko nang sumuko. Mukhang wala talaga siyang alam tungkol sa taong iyon o di kaya ay talagang iniiwasan niya ang makapagsabi ng impormasyon tungkol sa taong iyon.
"Oo nga pala, bakit mo naitanong?" sabi niyang muli.
Sandali akong napaisip ng isasagot. Hindi ako puwedeng magsinungaling kaya kailangan kong magsabi kahit kaunti lang na konektado sa pakay ko. "Dahil siya ang pinakamalaking problema ng grupo. Gaya ng sabi mo, takot sa kanya ang mga miyembro. Ngayong natalo namin sila ng kasama niya, maaring ano mang oras ay magpakita ulit iyon para maghiganti. Kaya bago pa mangyari iyon ay nag-iisip na ako ng paraan para labanan siya ng patas."
Seryoso ako sa bagay na ito ngayon. Kailangan ko talagang mapabagsak ang taong iyon. Sayang, kung narito sana si Kesh ay puwede naming pagplanuhan kung paano niya ito mapapatay. Mas madali sana ang pagpaplano namin kung nandito siya.
"Natalo mo na siya, 'diba? Ibig sabihin, wala na tayong pangamba sa kanya kung kasali kayo sa grupo." Tila tiwalang-tiwala siya na makakaya ko ngang talunin ang taong iyon.
Agad akong umiling. "Mali ka, hindi na uubra sa kanya ang taktikang nagawa ko na para labanan sila dahil tiyak na naipaaalam na niya 'yon ng isa pa niyang kasama. Maari na nilang magamit ang ginawa ko laban sa akin sa susunod naming paghaharap. Madededaho tayo kapag gumamit tayo ng parehong istilo," sagot ko.
May laban naman si Bash sa kanya, nakita ko naman na hindi niya mapapabagsak agad-agad ang kaibigan ko. Pero nagawa niya lang manalo dahil walang virtus si Hash. Mag-iiba na ang sitwasyon kapag hindi ko nagawang kanselahin ang virtus niya.
Kumunot ang noo niya sa akin. "Bakit ka ba sinugod n'on? Ano bang kasalanan mo sa kanya?"
Napabuntong hininga ako. Ayoko sanang sabihin sa kanya ang tunay na rason, pero hindi ako puwedeng hindi magsabi sa kanya ng kahit kaunting katotohanan dahil makakaapekto iyon sa kasalanan kong 'magsinungaling' na ngayon ay burado na sa pahina ko. Nakakapagsisi talagang binura ko iyon ng maaga. Saka isa pa, kailangan ko rin makuha ang tiwala niya.
Hindi lang siguro ako agad makakakuha ng impormasyon sa ngayon, pero naniniwala ako na kapag nagtagal ako rito ay unti-unti ko ring malalaman ang mga alam niya tungkol kay Hash.
Ikinuwento ko kay Ash ang mga nangyari mula sa pagkikita namin ng lalaking pumatay kay mama sa floor ng no level, na nasundan ng panibagong away dahilan para mapatay ko ang taong iyon, at ang huli na nga ay ang paghaharap namin ni Hash.
Hindi ko sinabi sa kanya na may kutob akong ang binanggit na kasama ni Hash ay ang amo nila—na sa tingin ko ay kasamahan ng pinatay kong lalaki. Bukod sa hindi ako sigurado kung sino 'yon, hindi na rin makakabuti sa akin kung malalaman pa niya. Malay ko ba kung kilala niya ang taong iyon, minsan na silang nagkasama ni Hash kaya kailangan talagang magdoble ingat.
Hindi ko puwedeng iwaglit sa isip ko ang posisbilidad na may koneksyon sila ni Hash kaya parang nag-iingat din siya sa sinasabi niya. Nabanggit niya kaninang nag-aalala siya sa maaring sapitin ng lalaking iyon, naiisip ko tuloy na pamilya niya ito o di kaya ay kakilala sa dati niyang buhay.
Kanina pa rin naglalaro sa isipan ko ang posibilidad na siya mismo ang taong pinagmamalaki sa akin ni Hash. Nagbabait-baitan siya sa akin para samantalahin ang pagkakataon. At kapag nakuha na nila ang buo kong atensyon, saka sila aatake.
Nang matapos akong magkwento ay nagsalita siyang muli, "Kasamahan niya pala ang taong napatay mo. Sa puntong ito ay naiisip ko na maaring iyon ang nagtulak sa kanya para sugurin ka."
Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon sa kanya. "May punto ka, dahil wala namang matinong tao na susugod na lang bigla sa 'yo nang walang sapat na dahilan. Pero ang hindi pa natin tiyak... ay kung ano pa ang kaya nilang gawin. Seryoso talaga ako na hindi basta-basta ang lakas ng taong iyon," sabi ko.
Hindi ko na rin binanggit ang tungkol kay Bash at Mosh. Hindi na rin naman niya kailangan malaman na kaya nandoon ang babaeng iyon ay dahil may sarili siyang pakay. Labas na iyon sa pinag-uusapan namin.
"Pero may mas matindi tayong kalaban bukod sa kanya."
Agad na kumunot ang noo ko sa kanya pagbaling ng tingin ko. "Sino naman 'yon?"
"May isang grupo na gumagaya sa ginagawa namin. Ang karamihan sa binibiktima nila ay ang mga kawawang no level o level 1."
Hindi ko napigilan ang sarili kong mapangisi. "Paano naman naging masama sa panggagaya ng istilo ninyo? 'Diba kahit naman kami ay ganoon ang ginagawa?"
Diretso at seryoso ang naging tingin niya sa akin. "Hindi mo naiintindihan, Nash. Iba ang ginagawa ng mga taong ito. Inaalipin nila ang mga nasa no level at level 1, pagkatapos ay ginagamit nila ang mga ito para ang mga maliliit na ito ang kumuha ng blessing para sa kanila. Lahat ng blessing na nakokolekta ng mga mahihina ay sapilitan nilang kinukuha."
"Kung gan'on, anong kinalaman natin sa kanila?" tanong ko.
"Malaki. Dahil nabibiktima na rin nila ang mga kasama natin. Kapag nakuha nila ang blessing ng mga kasama natin, pati tayo ay mawawalan ng blessing."
Tahimik akong sumang-ayon sa kanya. Kapag kasi bumuo kayo ng isang grupo, pantay-pantay na kayo ng makukuhang blessing. Pero kung makukuha iyon ng iba sa sapilitang paraan, pati kaming kasamahan niya ay mawawalan na rin. Sabagay, nakakabahala nga iyon.
"Gaano ba sila karami? Bakit pakiramdam ko sa paraan ng pagkukwento mo ay matagal mo na silang nakakaharap? Kung nang-aagaw lang sila ng blessing, maaring nakarating na sila ng level 5."
"Mali ka. Hindi sila agad makakarating ng level 5 dahil hindi naman sila nagbabawas ng kasalanan, wala silang pakialam sa pag-akyat sa Creator. Hindi rin daw nila kailangan ang katuparan ng hiling mula sa kanya."
"Bakit naging problema na sa inyo ang ganoong tao? 'Diba mas mabuti kung hayaan n'yo lang sila at ibigay n'yo na lang ng kusa kapag nagkita kayo sa daan? Sa ganoong paraan, nakaiwas na kayo sa gulo... nakatulong pa kayo. Blessing din 'yon! Tapos, maghanap kayo ng ibang lugar na wala sila, ang laki-laki ng Domus... imposibleng lagi kayo magkakasalubong n'on. Saka darating din ang pagkakataong maglalaho na lang sila bigla dahil walang nagtatagal dito."
Hindi siya sumagot sa sinabi ko. Napakunot ang noo ko dahil sa nakikita kong reaksyon ng mukha niya na para bang mas pumait. "Bakit? Anong problema? May mali ba sa sinabi ko?" tanong ko.
"Nash, kung nagpagod ka sa isang bagay at bigla na lang kunin sa 'yo 'yon ng sapilitan... masakit iyon at mahirap iyon tanggapin," aniya.
Napabuntong hininga ako. "Kaya nga sabi ko ay humanap sila ng ibang lugar. Bakit ba napakalaking problema na nito sa inyo?"
"Hindi mo talaga naiintindihan."
Kumunot na naman ang noo ko. "Ang alin?"
"Nangunguha sila ng blessing sa iba para patuloy na dagdagan ang buhay na itatagal nila rito sa Domus. Ayaw nilang umalis dito dahil mas gusto nila na may taglay silang virtus at namumuhay sila na walang ibang iniitindi. Sa madaling salita—"
"Gumagawa sila ng sarili nilang teritoryo at madadamay ang mga maliliit sa gusto nilang biglang paglaho. Magandang ideya iyon," tapos ko sa kanyang sinasabi.
Agad na napahampas sa lamesa si Ash. "Huwag kang mabilib sa taong makasarili! Hindi tama ang ginagawa niya at dapat natin siyang pigilan!"
Tumingin ako ng seryoso sa kanya. "Ikaw na ang may sabi na lahat ng tao rito ay makasalanan at walang perpekto. Kaya hindi ko maiwasang mabilib sa mga gaya niya na ginagamit ang bagay na iyon para maging una siya sa lahat. 'Diba ipinayo mo rin 'yon sa akin kani-kanina lang?"
Hindi nagbabago ang tingin niya sa akin. Lalo pa itong sumama at sigurado akong lalo niyang hindi nagustuhan ang sinabi kong huli.
"Kalimutan mo na lang ang sinabi ko tungkol sa grupong iyon. Basta intindihin mo ang sinabi ko kanina, na huwag kang aalis dito para kung sakaling mawala ako anomang oras ay may papalit sa akin. Sige na, makakalabas ka na."
"Nalalamangan nila kayo dahil nagpapalamang kayo. Naaapi nila kayo dahil nagpapaapi kayo. Bakit hindi mo gawin ang pareho ng ginagawa niya? Bawiin mo ang kinuha nila sa inyo."
Muli na namang sumama ang tingin niya sa akin. "Paano ko gagawin 'yon kung mismong mga kasama ko ay sumusuko na? Nakakahiya mang aminin pero ginagawa na nila ang sinasabi mo."
Napabuntong hininga ako, ngayon ko mas naiitindihan ang rason kung bakit gustong-gusto niyang magdagdag ng miyembro. Mahirap talaga kung may taong nang-aabuso.
"Makikinig ka ba kung sasabihin kong may naisip akong plano?" sabi ko saka ngumisi sa kanya.