Chapter 20

2180 Words
CHAPTER 20 Nash's POV Kasama ko si Bash na naglakad at naglibot sa level 2. Habang paakyat ako nang paakyat ay napapansin ko na kumokonti ang tao. Siguro dahil hindi talaga madali ang umakyat sa malinis na paraan, maliban na lang kung gagamit ng level booster. Ngayon ko naiintindihan kung bakit ayaw na ayaw akong pagamitin ni Ash nito, hindi nga naman tama kung malalaman ng mga matitino na madali kong naabot ang level na ito nang walang kahirap-hirap. Habang naglilibot kami ay umaasa ako na makikita ko si Mosh dito. Isang magandang pagkakataon din kasi ito para makausap siya. Kaso mula nang mangyari ang pagkatalo nila sa amin, hindi ko na ulit sila nakita. Hindi ko pa rin kilala ang mga kasamahan ni Hash, lalo kaming nahihirapang kumilos ngayon dahil tiyak na kilala na nila kami habang kami ay naghahanap pa. Hindi ko puwedeng makalimutan ang personal niyang galit sa akin. Kahit abala ako ngayon sa ibang bagay, hindi dapat sila mawaglit sa isip ko. "Pare, buo na ba ang tiwala mo sa Ash na 'yun?" ani Bash. Iginala ko muna sandali ang mata ko para tingnan ang paligid, kailangan kong makasiguro na walang tao rito na kasamahan namin sa grupo na maaring makarinig sa pag-uusapan namin. Alam ko kasing gaya naming dalawa ay tiyak na hindi rin ganoon katiwala si Ash sa amin, idagdag pa na pareho kaming may pagdududa sa isa't isa. Nang masiguro kong wala, sumagot ako sa kanya, "Iyan din ang parehong tanong ko sa 'yo. Dapat ba nating pagkatiwalaan ang taong 'yon?" Narinig ko ang pagbuntong hininga niya, patunay lang na ayaw niya sa tanong. "Kung nandito sana si Kesh, siya na ang sasagot sa tanong mo," aniya. Naalala ko na naman ang batang iyon, saan na kaya nagsuot iyon? Huling pag-uusap namin ay nasa level 2 na rin siya, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kami muling nagkikita. Kumusta na kaya 'yon, tumaas na rin kaya ang level niya? Patuloy lang kami sa paglalakad. "Ang kaso ay wala siya, kaya wala kang magagawa kundi ang sagutin ang tanong ko," medyo naging tunog dismayado yata ang boses ko. Pagkatapos kong sabihin iyon ay agad nang sumeryoso ang mukha niya. "Nash, alam mo naman siguro kung ano ang tama, 'diba?" Napangisi ako nang marinig iyon, pareho talaga kami ng takbo ng isip. Hindi talaga dapat pagkatiwalaan ng lubos ang grupong iyon lalo na si Ash. Maaring alam ko nang ginagamit niya lang kami at ginagamit din namin siya, pero bukod doon ay nakakabahala na baka may iba pa siyang kayang gawin na makahadlang sa mga plano ko. Puwede kasing may nagawa kaming bagay o may nakita siyang bagay sa amin na maaring makahadlang sa mga plano niya. Kinakaibigan niya kami para maingatan ang sarili niya, mailayo sa posibilidad na pumapalpak ang nga gusto niyang mangyari. Naiintindihan ko naman siya dahil nakakabahala naman talaga ang magkaroon ng kalaban na ang virtus ay nullify. "Masyado siyang maingat sa pagsasalita, wala akong nalaman sa kanya. Ito nga at nautusan pa tayo," sabi ko naman. Tuwang-tuwa si Ash nang marinig ang plano ko. Para siyang nanalo sa isang palaro dahil sa naging reaskyon niya, ang laki ng tiwala niyang magagawa kong pabagsakin ang grupong iyon. Narinig ko ang pagak niyang pagtawa. "Ayos lang iyon, pabor din naman sa atin." Sang-ayon naman ako r'on. Kahit ang lumalabas ay ginagamit niya lang talaga kami para alisin ang tinik sa landas niya ay magagamit ko rin naman ang mga ibang ideya niya para sa aming dalawa ni Bash. Bigla tuloy akong napatingin sa kasama ko, bakit ba ang dali kong nagtiwala sa kanya at kay Kesh? Habang kay Ash ay may pagdududa ako? May pakiramdam din ba ang tao na maaring kasama ng alaala na nakalimutan ko na rin? "Wala ka bang nakitang kakaiba sa mga kasama niya?" tanong ko. Kung magkakaroon ng kagipitan, siyempre kailangan din namin ang tulong ng mga kasama niya. Lalo na kung mayroong isa sa kanila ang may taglay ng malakas na virtus. Bahagyang tumingala si Bash bago ako sinagot. "Sa pagkakaalala ko, wala naman. Parang normal naman sila kung titingnan mo lang," aniya. Tumango na lang ako bilang sagot sa kanya. Hindi rin naman ganoon kaimportante ang bagay na iyon kaya ayos lang na palampasin ko na lang muna iyon. Saka ko na lang aalamin ang mga virtus nila. Sa laki ng Domus, hindi ko na alam kung saan pa dapat pumunta. Makakaalis na lang yata ako sa lugar na ito ay hindi ko pa rin ito magagawang kabisaduhin. Sa huling liko namin ay saka kami bumaba ni Bash papunta sa no level. Naging tahimik na ang naging lakad namin. Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Bash nang makarating kami sa baba. Habang napangisi naman ako nang makakita agad kami ng target. Wala na kaming naging pag-uusap ng kasama ko dahil alam na namin pareho kung ano ang gagawin sa ganitong pagkakataon. Sinabi ko ang kabuuan ng plano ko sa kanya para magkaroon siya ng ideya sa kung paano haharapin ang mga kalaban. Nang makapagtago ako sa isang gilid ay hinayaan ko na si Bash na lapitan ang tatlong lalaking magkakaharap. Dalawa ang kalaban, ang isa ay ang kinuhanan nila ng blessing na kasama sa grupo ni Ash—na kasamahan na rin namin ngayon. Narinig ko ang pagbati ni Bash sa kanila, "Maganda yata iyang negosyo n'yo riyan, ah," aniya. Hinarap niya ang dalawa at nakita ko pa ang pag-alis ng lalaking ginigipit nila. Alam din naman ng lalaking iyon na bahagi ng plano ito. Marahas na tinulak ng isang lalaki si Bash, galit ang itsura nito. "Bakit ka ba nangingialam?! Kung gusto mo ng blessing, dumiskarte ka ng iyo—" "Inuutusan mo ba 'ko?!" sabi naman ng kasama ko saka gumanti ng tulak sa lalaking kaharap niya. Sa puntong iyon, agad kong ginamit ang virtus ko para pigilan silang dalawa na gamitin ang virtus nila laban sa kasama ko. Mabuti na lang at level 2 na ako, nadagdagan din ang lakas ko. Ang kailangan ko na lang gawin ay panatilihin na makapagtago hanggang matapos ang laban. Agad siyang sinugod ng dalawa. Nauwi sa mano-manong suntukan ang laban. Malakas at maliksi si Bash kaya hindi naging mahirap sa kanya ang makipaglaban sa dalawang tao lang. Idagdag pa na sa tulong ng virtus niya ay nagagawa niyang basahin ang kilos ng kalaban niya. Una niyang hinarap ang lalaking itinulak niya, biniyayaan niya ito ng isang suntok. Hindi pa man niya napapatumba ang lalaking iyon ay agad na siyang nilusob ng isa pang lalaki dahilan para umikot siya ng mabilis kasabay ng isang sipa. Agad na tinamo iyon ng lalaking lumapit sa kanya dahilan para mawalan ito ng balanse. Muli niyang hinarap ang unang lalaking kinalabana niya, sinangga niya gamit ang kaliwang kamay ang suntok na ginawa nito. Tapos nang maramdaman niyang sumugod na naman ang isa pang lalaki ay pinuwersa niya ang unang lalaki para dalhin sa harap niya bilang pangdepensa sa atake ng isa. Tumumba ang lalaking ginamit niyang pangdepensa nang tamaan ito ng suntok mula sa kasama niya. Hindi natinag ang lalaking kalaban ni Bash nang tumumba ang kasama niya, bagkus ay nakuha pa nitong magpakawala ng sipa at tinamaan naman sa sikmura ang kasama ko. Tila hindi siya naapektuhan ng sipang iyon dahil hindi siya natumba. Siya naman ang sumugod ngayon at gumanti siya ng pagsipa. Nasangga iyon ng lalaki at bago niya pa mahawakan ang paa ni Bash ay agad na niya itong binawi. Muling sumugod si Bash at isang suntok ang ibinigay niya sa lalaki, nawalan din ito ng balanse pero nagawa niyang labanan ang pagkatumba niya. At habang tumatagal ang laban, nagtataka na ako dahil hindi sila nauubusan ng lakas. Paano nila nagagawang patuloy na lumaban pa gayong mas mahina na dapat sila kumpara kay Bash? Lalong lumamang ang kalaban, para bang habang nasasaktan sila ay lalo silang tumatapang. Hindi na ako nag-alangan pa, buo na sana ang desisyon kong tulungan si Bash sa laban pero hindi ko na nagawang makagalaw nang nakarinig ako ng boses mula sa likuran ko. "Maganda sana ang taktika ninyo, kumulang lang kayo ng kaunti sa galing," aniya. Napangisi ako. Ngayon ay alam ko na kung ano ang nangyayari... sa tulong ng virtus ng lalaking ito, malakas pa rin ang mga kalaban ni Bash. Hindi ako sigurado pero sa tingin ko ay may kinalaman doon ang virtus niya. Hindi na ako sumubok na gumalaw pang muli, mahirap na dahil baka may iba pa siyang kasama at may gawin pang kung ano. "Hindi mo siguro kilala ang grupo namin kaya malakas ang loob ninyong nakawan ng importanteng bagay ang mga alagad ko," sabi pa niya. Pagak akong natawa. "Mas malakas ang loob mong sabihin na ninakawan namin kayo kung simula palang ay kayo na ang nagnanakaw sa amin," sagot ko naman. "Ah, kung ganoon, kasamahan ka pala ng lalaking iyon... tuta ka pala niya. Para sa isang tuta, masasabi ko namang matapang ka nga." Nakaramdam ako ng bahagyang inis kay Ash dahil hindi niya binanggit sa akin na may ganitong tao pala sa grupo ng kalaban na may delikadong virtus. Halata sa lalaking ito na matagal na niyang kilala ang amo ng grupong kinabibilangan ko ngayon dahil sa kung paano niya ito banggitin ay parang sigurado na siya sa sinasabi niya, kaya tiyak kong ganoon din si Ash sa lalaking ito. Kahit nag-uusap kami ng hindi ko pa rin inaalis sa naglalaban ang mata ko. "Dapat lang naman kaming magmtapang dahil natural lang na bawiin namin ang dapat talagang sa amin," sagot ko naman. Ilang sandali ang lumipas pero wala naman ako naramdamang ibang presensya dito kundi ang galing lang sa lalaking kausap ko. Sa tingin ko ay tagumapay naman ang naging plano namin kaya lihim na akong nagdiwang sa isip ko. "Sa inyo? Nagpapatawa ka ba? Wala nang sa inyo. Dahil lahat ng nandito ay sa amin." Humarap ako sa kanya ng nakangisi, ngayon ay harap-harapan ko na siyang aasarin. "Tama, hanggang dito lang kasi ang kaya mong abutin. Paano naman ang level 3?" Humalakhak siya nang marinig ang tanong ko. "Huwag mo akong patawanin! Wala pang level 3—" Sumadsad sa gilid niya ang dalawang lalaking kalaban ni Bash kanina pa. Hindi nawala ang ngisi sa labi ko nang mapansin kong nagbago ang pinta ng mukha niya. Kapag nalaman ko ang kahinaan ng kalaban, panalo na ako... "Siya ba ang isusunod ko, Nash?" ani Bash. "Dipende, kung hindi siya susunod sa gusto ko." Sumama ang tingin sa akin ng lalaking kaharap ko. Siguro ay napansin na niya kung anong nangyari. "Sino ka ba?" aniya at bakas sa kanyang boses ang pagtataka. Level 2 lang ako pero kaya ko nang alisan ng virtus ang kahit ilang tao na gugustuhin ko basta 'yung makikita ko. Ibig sabihin, kapag inalis ko na ang tingin ko sa kanya, maibabalik na ang virtus nito. Iyon ang rason bakit hindi ko inalis ang tingin ko sa mga kalaban ni Bash. Kahit may gamit silang virtus galing sa suporta ng iba, tiwala pa rin akong matatalo sila ng kasama ko dahil hindi lang ako lumalakas... mas malakas siya. Kailangan ko lang ituloy ang pagbawal sa kanilang dalawa na gamitin ang virtus nila bilang pagpantay sa laban. Nang masiguro ko nang matatalo na ang dalawa ay saka ako bumaling ng tingin sa lalaking kasama ko. Dahil sa oras na mawala ang virtus niya, mabibigla ang dalawang sinusuportahan niya at hindi na nila magagawang depensahan ang atake ni Bash. "Kami ang tatapos sa paghahari n'yo rito..." sagot ko habang nasa labi ko pa rin ang isang ngisi. Ang natural na gawain ng grupo ni Ash ay naghahanap sila ng blessing dito sa no level, dahil madami talaga ritong maari mong kuhanan ng blessing. Ginamit naman iyon ng grupo ng kalaban para sundan ang mga naghihirap naming kasama para sapilitan itong kunin sa kanila. Kasama ito sa plano. Hinati ko ang grupo sa dalawa. Dahil karamihan ay puro level 2 na, sinabihan ko si Ash na hindi lang dapat sila sa no level naghahanap ng blessing. Maganda rin kung makipagsapalaran sila sa level 2. Kaya ang tunay na naghahanap ng blessing para sa aming grupo ay nasa itaas, at lahat ng narito sa baba ay pawang mga patibong lang para lumitaw ang mangunguha. Lalabanan namin sila para kumuha ng atensyon ng ibang kalaban at lahat sila ay lumantad sa amin. Hindi ko naman talaga problema kung ano ang virtus ng mga makakaharap namin dahil kahit ano pa 'yan ay kaya ko naman iyong burahin kung kailan ko gusto. "Hindi mo kami kaya... hindi mo kaya ang virtus ng amo namin!" sigaw niya. Naningkit ang mata ko, alam ko na ang tungkol sa virtus ng amo nila dahil iyon lang ang tanging bagay na sinabi sa akin ni Ash. Kumokontrol siya ng tao para gawin nito ang ano mang gusto niya. Iyon din ang rason bakit dito lang sila sa no level naghahanap ng biktima, dahil madali lang sa kanila na kontrolin ang mga gaya nila. "Bakit hindi mo 'ko iharap sa kanya, nang makita natin kung sino talaga ang mas malakas..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD