Chapter 21

2331 Words
CHAPTER 21 Nash's POV Hindi nagdalawang isip ang lalaking kaharap ko dahil agad siyang pumayag sa hamon kong iharap niya ako sa amo niya. Wala nang atrasan ito, ngayon din mismo ay tatapusin ko ang kalokohan ng taong 'yon. Kailangan kong magkaroon ng matinong grupo nang sa ganoon ay magkaroon din ako ng matinong pagkukunan ng blessing. Kahit alanganin pa ang paglabas ko rito sa Domus, desidido pa rin akong patunayan na makakapunta ako sa pinakatuktok nito at makukuha ko ang katuparan ng hiling ko. Kasama ko si Bash na naglalakad papunta sa lugar ng kabilang grupo sa level 2. Nasa unahan namin ang lalaking may taglay ng virtus na nakakapagpalakas ng katawan ng isang tao. Habang nasa likuran naman namin ang dalawang lalaking binugbog ng kasama ko. "P're, hindi ko na alam ang parteng ito..." ani Bash, pasimple niya akong binulungan dahil nga napapagitnaan kami ng kalaban. "Tiwala ka lang, akong bahala," sagot ko naman. Hindi ko na talaga sinabi sa kanya ang parte ng planong ito dahil mas makakabuti iyon, kailangan kong mag-ingat dahil hindi ko inaaalis ang posibilidad na maaring ang grupong ito ang parehong grupo nina Hash at Mosh. Kung nandito nga ang babaeng iyon, maari niyang mabasa ang isip naming dalawa nang hindi namin napapansin. Hindi ko pa alam ang buong detalye ng kapangyarihan ng babaeng iyon. Ilang sandali lang ay nakarating na rin kami sa ipinagmamalaki nilang lungga nila. Lahat ng taong nakatambay sa parteng iyon ay mayroong masamang tingin sa aming dalawa ng kasama ko. Iginala ko ang mata ko para hanapin si Mosh o kahit si Hash, pero hindi ko sila makita sa paligid. Maaring nasa misyon din sila o talagang hindi sila kabilang sa grupong ito. "Pumasok na kayo sa loob," paanyaya sa amin ng lalaking nagdala sa amin dito. Nakakaisang hakbang palang ako ay pinigil agad ako ni Bash. Magtatanong sana ako kung anong problema, pero nang makita ko ang seryoso niyang mukha na nakatingin sa lalaking nag-aya sa aming pumasok sa loob ay bigla na lang natikom ang bibig ko. "Mas mabuti kung palabasin mo rito ang amo mo," ani Bash. Noong una ay hindi ko naintindihan kung bakit ayaw ni Bash pumasok gayong pumasok naman kami sa kwarto ni Ash nu'ng makilala namin siya. Pero nang mapansin ko na parang nagbago ang kilos ng mga tao sa paligid ay kusa ko nang naintindihan ang kaibahan ng grupong iyon sa grupong ito. Tumingin ako sa lalaking nag-anyaya sa amin at nakita ko ang pagngisi niya sa kasama ko. "Kayo ang may lakas ng loob na pumunta rito, tapos ngayon babahag ang buntot mo na pumasok sa loob?" aniya. "Wala kayo sa posisyon para mag-inarte, sino ba kayo para harapin ng amo namin?" dagdag naman ng isa sa lalaking nakalaban ni Bash kanina. Hindi na sumagot ang kasama ko kaya hinarap ko siya. "P're, kung gusto mo maiwan ka rito sa loob—" "May bisita pala tayo." Agad kong nilingon ang lalaking bagong dating. Naningkit ang mata ko nang makita ko siya, hindi naman pala siya ganoon ka-espesyal na tao... kung itago naman siya ng mga alagad niya akala mo ay masisira kapag nasinagan ng liwanag. "Amo..." Gumala ang mata ko nang mapansin ko ang pagyuko ng tatlong lalaking kanina pa namin kasama. Ganoon din ang ginawa ng ilan pang nandito, lahat sila ay tila nagbibigay ng galang sa lalaking tinawag nilang 'amo.' Ngayon ko nakita ang pagkakaiba ng grupong ito sa grupo ni Ash. "Anong maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong niya. "Gusto kitang makausap, may ilang importanteng bagay lang akong gustong sabihin sa 'yo," sagot ko naman. "Kung gan'on, halika sa loob. Dito tayo mag-usap." Tumingin muna ako kay Bash, alam ko na hindi siya komportableng pumasok sa loob kaya sumenyas na lang ako sa kanya bilang paalam na susunod ako sa lalaki. Tumango naman siya at tila handa naman siyang maghintay sa akin sa labas. Pagpasok ko sa loob, wala namang kakaiba rito. Pareho lang ang mga narito sa mga kwartong napuntahan ko na. Halos lahat naman yata ng kwarto rito sa Domus ay pare-pareho gaya ng buong itsura ng lugar na ito... purong puti. "Pasensya ka na kung medyo simple lang ang meron sa loob, alam mo naman dito... limitado lang din ang makikita," aniya. Kung ikukumpara ko siya kay Ash, mas masayahin ang isang ito at parang sanay na sanay siya sa pagpapakitang tao. Sa unang tingin ay hindi mo aakalain na gumagawa siya ng kalokohan sa kapwa. Kahit dinadaldal niya ako ay hindi ko siya sinasagot, wala rin naman kasing katuturan ang mga sinasabi niya. Ipinapaliwanag niya lang ang lagay ng grupo niya pati na rin ang dahilan bakit ganoon na sila kung ipilit sa akin na pumasok ako rito sa loob. Alanganin na rin ako pumasok nu'ng una dahil sa reaksyon ni Bash, pero dahil alam kong natural na iyon sa taong walang ideya sa plano ko ay pinabayaan ko na lang. Habang nagdadaldal siya ay palihim kong nilibot ang tingin ko sa paligid, nagbabaka sakali na may makikita kong kakaiba pero wala talaga... gaya ng sabi niya ay isa lang itong simpleng kwarto. "Ako nga pala si Dash," aniya saka inilahad ang kamay sa harapan ko. Inabot ko 'yon. "Ako naman si Nash," sagot ko. Pagkatapos ng pagpapakilalang iyon ay maayos niya akong inanyayahan na maupo at naupo rin siya sa harap ko. Masasabi kong maayos siya makitungo sa bisita. Nagsisimula na akong magduda sa mga naging kwento sa akin ni Ash tungkol sa pagkatao ng lalaking ito, pero alam ko na hindi ako dapat magpalinlang dahil lang sa nakikita ko. "Maari mo na bang sabihin kung ano ang sadya mo sa akin?" panimula niya. Hindi na ako nagpaliguy-ligoy pa. "Gusto kong hilingin sa 'yo na huwag mo nang ginugulo ang mga kasamahan ko. Huwag mong kunin ang blessing na pinaghirapan nilang kunin." Ilang segundong katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa. Pero naririnig ko ang pagbulong niya sa salitang 'kasamahan' na para bang prinoproseso ng isip niya kung sino ang kasamahang tinutukoy ko. "Ibig mo bang sabihin ay ang grupo ni Ash?" tanong niya. Napapanatili niya pa rin ang pagngiti kahit na mula kanina ay seryoso lang ang mukha ko. Tumango ako. "Kamakailan lang ay napasali na ako sa grupo niya at siyempre bilang kasali na ako, napapakinabangan ko na rin ang blessing na naiipon ng samahan. Ang kaso, nalaman ko na sapilitan daw na kinukuha ng mga tauhan mo ang dapat ay sa amin. Alam ko na may kalayaan naman ang lahat na manguha ng blessing sa kahit anong paraan, pero ibang usapan na kasi kung gagawin mo iyon sa marahas na paraan," paliwanag ko. "Ikaw na ang nagsabi na may kalayaan ang lahat na kunin ang blessing na 'yan sa kahit anong paraang gusto natin. Kaya bakit mo kukuwestiyunin ang ginagawa ko?" Nananatili ang hinahon ng boses niya kahit pa ganito na ang pinag-uusapan namin. Samantalang ako ay napalunok na lang dahil alam kong may punto siya. Alam kong sa isip niya ay naiintindihan niya kung ano ang punto ko, pero sino bang tao ang magpapatalo sa isang diskusyon? "Kaya nga ako nagpunta rito, para maghain sa 'yo ng isang kasunduan..." Nakita ko ang pagkunot ng noo niya, pero nananatili ang matipid na ngiti sa labi niya. "Anong klaseng kasunduan ang gusto mo?" "Dalawa ang puwede mong pagpilian: una, magkakaroon tayo ng bukod na pwesto o lugar kung saan lang tayo dapat kukuha ng blessing. Lahat ng nasa sakop ng lugar mo, iyo. Lahat ng nasa sakop ng lugar namin, sa amin." "At ano naman ang pangalawa?" "Ipagsasama natin ang dalawang grupo para pare-pareho tayong maghahati sa lahat ng makokolekta natin." Ngayon ay tuluyan nang nawala ang ngiti sa labi niya. Sa wakas ay nakita ko naman na sineseryoso niya ang pag-uusap na ito. Pero ang seryoso niyang mukha ay mabilis na napalitan ng malakas na pagtawa. Sa tunog ng tawa niya, parang nagbitiw na ako ng pinaka nakakatawang biro sa buong Domus. "Saan mo ba nakuha ang ideyang 'yan? Alam mo, Nash, hindi lang tayo ang tao sa lugar na ito. At walang saysay kung ano man sa dalawang sinabi mo ang pagkasunduan natin. Alam mo naman ang patakaran dito, 'diba? Tanggapin mo na lang na ganito talaga rito!" Muli na naman siyang tumawa. Alam ko naman na wala talaga sa ayos ang gusto kong mangyari, sinubukan ko lang din naman kung madadaan ko siya sa ganoong usapan. Sumagot ako, "Kung ganoon..." Huminto siya sa pagtawa nang magsalita ako, tumingin siyang muli sa akin ng seryoso dahilan para magsalita ako ulit, "...alam mo rin siguro na kailangan mong ipaglaban ang dapat ay sa 'yo, 'diba?" Hangga't maari, gusto kong iiwas ang usapan sa maaring magdala sa amin sa kapahamakan. Pero ano ba ang dapat mangyari kung may dalawang grupo ang hindi magkasundo? "Hinahamon mo ba 'ko?" Napalunok ako nang lumalim ang tono ng boses niya. Biglang nawala ang masayahin niyang awra at tila naging ibang tao siya. Sa wakas ay inilabas na rin niya ang totoo niyang kulay, hindi kasi bagay sa kanya ang mag bait-baitan. Ako naman ang ngumisi sa kanya. "Kung iyon ang dating sa 'yo ng sinabi ko, bakit hindi?" Natulala siya sa akin, tila hindi inasahan na ganoon ang isasagot ko sa kanya. "Wala kang alam sa mundong ito, bata," aniya. Humalukipkip ako, ipinapakita ko sa kanya na mataas ang kumpiyansa kong nagkakamali siya ng tingin sa akin. Maaring ginagawa niyang insultuhin ako para masira ang loob ko at bawiin ko ang mga sinabi ko. Sa pagkakaintindi ko, ayaw niya sa dalawang bagay na gusto ko pero ayaw niya rin magkaroon ng giyera sa pagitan naming dalawa. At ang dahilan, ayaw niyang dumagdag iyon sa alalahanin niya. Gusto niyang patuloy na magawa ng malaya ang mga nakasanayan na niyang gawin na walang gagawing hakbang para mapanatili iyon. "Panloloko, pagtulong, panggagamit... lahat iyon ay nagawa ko na. Gaya mo, may gusto rin ako makamit sa mundong ito. Hindi lang ikaw ang manikang binuhay dito kaya hindi tama na solohin mo ang lahat ng pag-asa para mabuhay. Wala mang tama o mali sa mundong ito, pero sa batas ko ay meron. Kaya kung gusto mo talagang huwag ako manghimasok sa munting kahariang binubuo mo, patunayan mong karapat-dapat ka ngang maging hari, " sabi ko. Hindi na talaga bumalik ang ngiti sa labi niya, mas lalo pa ngang uminit ang ulo niya dahil sa mga sinabi ko. "Nakakalimutan mo yatang narito ka sa teritoryo ko?" Ipinakita ko sa kanya ang isang nakakalokong ngisi. "Mukhang ikaw ang walang sa mundong ito. Kahit kailan, hindi mo maaangkin ang lugar na ito dahil hindi ito naging sa 'yo kahit kailan. Lahat tayo rito ay may karapatang puntahan ang ano mang parte ng lugar na ito," sabi ko. "Tama ka, pero huwag mong kakalimutan na tauhan ko ang mga nasa labas. Hindi na kita hahayaang makalabas pa ng buhay dito," aniya. Ako naman ang natawa, isang tawa na gaya ng ginawa niyang pagtawa kanina. "Akala mo talaga susugod ako rito na wala manlang plano?" Kumunot ang noo niya sa akin pero pinili niyang manahimik. Naging daan iyon para ipagpatuloy ko ang sinasabi ko, "Kung ayaw mong madaan sa maayos na pakiusapan, pwes maghanda ka sa marahas na usapan." "Nagpapatawa ka ba?" "Malaya na ang mga tauhang ginagamit mo sa pansarili mong kapakanan. Habang nag-uusap tayo rito, kumilos na ang mga kasama ko para paalisin silang lahat." "Anong sinabi mo?!" Agad siyang natarantang tumakbo palabas. Pero pagdungaw pa lang sa pintuan ay natumba na siya agad dahil sa suntok na iginawad ni Bash sa kanya. Tumayo na rin ako at nilapitan ko siya. "Kung tinanggap mo sana ang alok ko, hindi sana ito mangyayari..." sabi ko. Paglabas ko, wala na ang mga lalaking nakatambay kanina sa labas ng kwartong ito. Isa-isa na silang pinaalis ng mga tauhan ni Ash. Simple lang naman ang nangyari, pagdating ko palang at makita ko si Dash, binura ko na agad ang virtus niya. Kampante siya masyado kaya hindi niya siguro napansin. Pagkatapos kong alisan ng bisa ang virtus niya ay kinausap sila ng grupo ni Ash na plano namin silang palayain... dahil lahat ng tauhan ni Dash ay pawang mga taong kontrolado lang niya. Iyon ang rason kaya hindi siya pumapayag sa hiling ko, alam niyang mababawasan ang blessing na ginagamit niya para patuloy siyang mabuhay at kapag nangyari 'yon, mababawasan din ang lakas ng virtus niya. Takot lang ang rason kung bakit hindi siya nilalaban ng grupo ni Ash, lahat sila ay takot na mahulog sa pangngontrol ni Dash. Pero kung isang gaya ko ang haharap sa kanya, wala na siyang magagawa... mag-isa na lang siya ngayon. Ang planong naisip ko ay gamitin ang panggigipit niya sa mga tauhan ni Ash. Siyempre, kapag nakaharap nila si Bash, makakarating iyon sa kanya. Swerte lang ako na lumitaw sa eksena ang lalaking may virtus na nagpapalakas ng pisikal na lakas ng iba. Habang nangyayari ang laban na iyon ay nasa ibang lugar ang ibang kasama namin para mangolekta ng blessing. Iyon ang nagpalakas sa mga virtus namin ni Bash. Pagkatapos ng harapang iyon ay gaya ng plano, pupuntahan namin ang kuta ni Dash at buburahin ko ang virtus niya sa mga taong naroon. Dahil wala siyang ideya sa virtus ko, madali siyang nagkaroon ng tiwala na hindi ko siya masasaling dahil sa dami ng tauhan niya. Kumpara kay Hash, mas simpleng kalaban ang taong ito. Napadaling pabagsakin, hindi manlang ako pinagpawisan. "Sino ka bang talaga?! Anong ginawa mo paano mo nagawang—" "Kapag alam ko na ang kahinaan ng isang tao, sigurado na ang panalo ko." Isang ngisi ang ipinakita ko sa kanya bago siya sinapak ni Bash para mawalan ng malay. Magiging isang problema sa amin kung gising siyang ihaharap kay Ash. Ngayon, malinis na ang paligid... isa na lang ang dapat kong gawin. "Lumabas na riyan, wala rito si Hash at wala na rin si Dash. Ligtas ka na." Ilang sandali ang lumipas pagkatapos kong magsalita, isang batang babae ang biglang lumitaw sa harap ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD