CHAPTER 22
Nash's POV
Isa sa pinakaimportanteng bagay na sinabi sa akin ni Ash ay ang ilang impormasyong alam niya tungkol kay Hash.
Ayon sa kanya, sumali raw ang lalaking iyon sa grupo nila dahil napag-alaman niya na kasali sa grupo ni Dash ang isang taong hinahanap niya rin. Ang kaso, imbes na makuha niya ang taong kailangan niya sa grupo ay lalo pa itong napasama... lalong naging kumplikado ang mga bagay sa pagitan ng grupo ni Ash at Dash dahil sa mga palpak niyang ginagawa dahilan para magalit ng husto ang kabilang panig sa grupong kinaaaniban ko. Iyon na rin ang naging rason kung bakit napaalis siya ng tuluyan sa unang grupong kinabilangan niya.
Malamang, sumali na naman siya sa bagong grupo ngayon na kasama si Mosh at maaring tama pa rin ang kutob ko na ang kasalukuyan niyang amo ay ang taong may galit din sa akin na ang hinala ko naman ay kasamahan ng lalaking napatay ko. Ngayon ay malinaw na sa akin ang rason kaya gusto niya sumali ng isang grupo, para makuha sa grupong ito ang taong hinahanap niya.
Dahil gusto kong magka-ayos sina Bash at Mosh, at mawala sa landas ko ang lalaking may galit sa akin... kailangan kong alisin ang tinik na sagabal sa mga gusto ko na si Hash. Hindi ko akalai na isang lalaking gaya niya na magaling sa suntukan ay matatalo ng isang lalaking ang kakayahan lang naman ay mag kontrol ng tao. Mahina siya kung nagpakontrol siya at wala siyang nagawa sa lalaking iyon.
Pero hindi ko akalain na ang taong hinahanap o gustong kunin ni Hash sa grupong ito ay isang bata, hindi kaya anak niya ito o kapatid?
Di bale, ano man ang rason ay hindi na importante sa ngayon... mas mahalaga ay hawak ko na ang alas para mapaamo ang isang mabangis na asong gaya ni Hash.
Kumunot ang tingin ko sa bata dahil sa ikinikilos niya. Nakasandal siya sa pader at nakayuko habang pinaglalaruan ang mga daliri niya.
"Anong pangalan mo?" tanong ko sa kanya.
Dahan-dahan siyang lumingon sa akin pero bumalik din sa kanyang ginawa nang sagutin niya ako. "D-desh," aniya.
Masyadong mahiyain ang bata, imposibleng kasama ito ni Hash sa dati niyang buhay. Nakakatawang isipin kung kapatid o anak niya ito noon dahil sa ipinapakita nitong pagkilos, kitang-kita ang malaking kaibahan nila ng lalaking iyon.
"Kasama ka bang kinokontrol ng lalaking iyon para kumuha ng blessing ng iba?" muli kong tanong.
Gaya kanina ay nakayuko pa rin siya at sa pagkakataong ito ay tumango lang siya bilang sagot.
Napabuntong hininga ako. "Wala na si Dash, bihag na siya ng mga kasamahan ko. Malaya ka na."
Pagkatapos kong sabihin iyon ay naglakad na akong palayo... at dalawang bagay ang puwedeng mangyari sa pagkakataong ito...
Una, babalik ako para itanong sa kanya kung may pupuntahan ba siya dahil kung wala ay maari ko siyang isama sa kuta ng grupo para masigurong ligtas siya r'on.
At ang palangawa...
"Saglit lang! Ah, pu-puwede bang... su-sumama sa 'yo?"
Napangisi ako habang nakatalikod sa bata... iyon ang hinihintay ko, ang kusa siyang sumama sa akin! Sa puntong ito, hindi ako maaakusahan na kinuha ko ang batang ito ng sapilitan.
Agad ko siyang inaya at dinala sa tinitirhan ni Ash kung saan siya nagtayo ng kanyang office rito, sa lugar din na iyon nakatambay ang mga tauhan niya.
Dahil sa pakikitungo at pag-uugali ni Desh, kinailangan ko pang isama si Bash at Ash para lang makausap ko siya. Madaming bagay kasi akong gustong itanong sa kanya.
Pinapasok ko siya sa opisina ni Ash. Pinaupo siya sa upuan na medyo malayo sa aming tatlo. Alam kong mas magiging komportable siya sa amin kung may babae, pero dahil wala pa rin si Kesh ay wala rin akong mapagkakatiwalaan.
"Sino ba ang babaeng 'yan?" ani Bash.
"Si Desh, sabi nitong si Ash ay gusto raw siyang kunin ni Hash—"
"Huwag n'yo akong ibibigay sa kanya!"
Napalunok ako gawa ng gulat. Hindi ko akalain na may ganoong kalakas na boses ang batang ito para sumigaw ng ganoon.
"Nash, mag-iingat ka sa pananalita. Hindi natin alam kung sino ang batang ito para sa lalaking iyon," sabi naman ni Ash.
Hindi ko nagawang magsalita dahil nagsalita muli si Desh, "Hindi na ako bata! Dalaga na rin ako, kaya lang... napunta ako sa medyo maliit na katawan."
Kumunot ang noo ko sa kanya. "Naaalala mo kung ilang taon ka na?" tanong ko.
Tila nagkaroon na siya ng tapang na humarap sa amin. "Oo, kasi iyon ang unang bagay na naalala ko nu'ng mapunta ako rito. Kaso lang, iyon lang ang naaalala ko at ang..."
"At ang ano?"
Agad kong sinaway si Bash na huwag nang magsalita pa, nakatingin ako sa babae at muli na naman siyang yumuko. Tila ayaw nang maalala ang tungkol sa bagay na iyon.
Nakakapagtaka lang ang sinabi niya na edad niya ang naaalala niya. Halos pareho sila ni Kesh na hindi pamilya ang bagay na naalala nila.
"Hija, kaya ka namin dinala sa kwartong ito ay para makausap ka namin at para masabi mo ang mga hinaing mo. Paano ka namin matutulungan kung hindi ka magsasalita?" ani Ash.
Lihim akong sumang-ayon sa kanya. Nu'ng una ay balak ko sana siyang utusan na kumbinsihin si Hash na umanib sa amin bilang kapalit ng pagligtas namin sa kanya dahil akala ko ay anak o kapatid niya ito. Pero dahil sa ipinakita nitong takot at gulat nang mabanggit ang pangalan ng lalaking iyon, tingin ko ay hindi maganda ang ideyang naisip ko para ipagawa sa kanya.
Mahinahon akong nagsalita, "Desh, pasensya ka na sa nasabi ko kanina. Nasabi ko lang naman iyon dahil iyon lang ang bagay na alam ko tungkol sa iyo. Pero hindi ibig sabihin n'on ay ibibigay ka talaga namin sa kanya. Sana maintindihan mo ako," paliwanag ko.
Seryoso siyang tumingin sa akin. "Naiitindihan ko. Pero ano bang kailangan n'yo talaga sa akin?"
Napabuntong hininga ako bago nagsalita. "May ilang bagay akong gustong itanong sa 'yo, sana masagot mo. At pagkatapos nito, puwede mo rin bang sabihin kung ano ang koneksyon mo kay Hash? Pangako, sasabihin ko rin kung bakit ko ito gustong malaman. At puwede mo rin isumbong sa amin ang kahit ano, tutulungan ka rin namin."
Isa-isa niya muna kaming tiningnan, tila sinusukat kung dapat ba niya kaming pagkatiwalaan. Sa pakikitungo niya sa amin ngayon, medyo naniniwala na akong hindi na nga siya bata.
Napangiti ako nang makita ko pagtango niya. "Sige," aniya.
"Kung gan'on, anong ginagawa mo sa grupo ni Dash? Paano ka napunta sa kanya?" unang tanong ko.
Umayos ng upo si Desh bago siya sumagot. "Nu'ng bagong dating ako rito, wala pa akong ideya sa kung ano ang dapat gawin. Tapos isang lalaki ang lumapit sa akin at nag-alok na tutulungan daw niya ako kung paano ako mabubuhay sa mundong ito. Ginawa niya naman at nakuha niya ang tiwala ko. Ang kaso, nang maging level 2 na ako... doon ko lang nalaman na kaya pala niya akong tinulungang makapagpa-level dahil gusto niya akong dalhin sa Dash na iyon. Pagkatapos, hindi ko na nagawang makatakas... naging alipin na niya ako hanggang sa dumating kayo para iligtas ako," paliwanag niya.
"Ang virtus mo ay invisibility, nagawa mo pa ngang itago ang presensya mo kanina. Paano ka niya nagawang bihagin?" tanong ko na may tunog ng pagtataka sa boses.
"Hindi ko kasi alam na ganoon ang gagawin nila, dahil nga sa tiwala ko sa lalaking tumulong sa akin. Napaniwala niya akong dadalhin niya ako sa grupo niya para matulungan akong magkaroon pa ng mas madaming blessing. Hindi sumagi sa isip ko na gagamitin lang pala nila ako para sa pangongolekta ng blessing para sa kanila."
Sandali akong napatango bilang pag-intindi sa bagay na sinabi niya. Hindi ko akalain na pati bata ay nagawang alipinin ng Dash na 'yon, wala siyang awa!
"Matagal ka na ba sa kanya? Iyon lang ba ang ipinagawa niya sa 'yo?" tanong naman ni Ash.
Bumaling ang tingin ni Desh sa kanya bago sumagot. "Sa tingin ko, matagal na. Pero dahil nga kinukuha niya lahat ng blessing sa akin, hindi na ako nakarating sa level 3. Tingin ko hindi niya talaga hinahayaan na maging level 3 ang mga bihag niya dahil level 2 lang din siya. Wala naman siyang ibang pinagawa sa akin kundi ang kumuha ng blessing para sa kanya."
Naikuyom ko ang kamao ko dahil sa panggigigil sa taong iyon. Sinayang niya ang virtus ni Desh. Madami pa naman akong ideya kung paano iyon mapapakinabangan. Sayang lang at hindi ko siya nakilala ng maaga.
"Paano ba niya gamitin ang virtus niya?" tanong ulit ni Ash.
Kahit bihag na niya si Dash, interasado pa rin siyang malaman ang ilang bagay na tungkol sa taong iyon. Hindi niya kasi matanggap sa sarili niya na hirap na hirap siyang kalabanin ang lalaking iyon dahil sa takot na makontrol din siya nito.
Tumingin muli si Desh sa kanya. "Aalukin ka niya ng pakikipagkamay, tapos ay hindi mo mapapansin na ginamitan ka na niya ng kanyang virtus. Kapag nagkaroon ka ng marka sa palad mo, ibig sabihin n'on ay alipin ka na niya. Susundin mo na ang lahat ng ipag-uutos niya," muling paliwanag niya.
Napatingin naman ako sa kanang palad ko. "Kung gan'on, iyon pala ang dahilan kaya siya nakipagkamay sa akin. Malugod niya pa akong tinanggap sa loob ng opisina niya. Iyon na pala ang paraan niya para makontrol ang isang tao, sa pagpapakita ng magandang trato," sabi ko naman.
Napansin ko ang pagtingin din ni Bash sa kanang palad ko na may itim na marka. "Kung ganoon namarkahan ka pala niya nang hindi mo nalalaman?"
Tumingin din ako sa kanya. "Malay ko, abala ako sa ibang bagay, eh," sagot ko naman.
Kung ako ang may virtus na gaya ni Dash, baka hindi ako nagkaroon ng kasalanan dito sa Domus at baka ginamit ko na lang ang virtus ko para utusan ang iba na patayin ang lalaking iyon. Sayang lang din at hindi ko siya nakilala agad.
"Namarkahan ka niya pero hindi ka niya nakontrol? Kahit isa ka pang level 5, hindi mo iyon magagawang labanan. Pero paano mo 'yon nagawa?"
Sabay na bumaling ang tingin namin ni Bash kay Desh dahil sa naging tanong niyang iyon. Ngumisi ako sa kanya. "Simple lang, dahil mas malakas ako sa kanya. Kaya maging panatag ka rito, hindi ka na masasaktan pa ng kahit na sino basta kumampi ka lang sa akin," sabi ko.
Hindi ko na kailangan pang sabihin sa kanya ang napakasimpleng bagay na ginawa ko, wala naman akong kahirap-hirap na titigan lang si Dash hanggang sa matapos na ang pag-uusap namin dahil alam ko kung ano ang virtus niya. Hindi ko lang talaga alam na ganoon ang paraan niya ng paggamit, dahil wala naman akong pakialam kung paano pa 'yun... hindi na rin naman 'yon gagana sa akin.
Kailangan kong ipakita kay Desh na mapagkakatiwalaan niya ako. Alam kong nakaranas na siya ng panloloko sa kamay ng lalaking nakasama niya na nagdala sa kanya kay Dash, kaya tiyak kong natuto na siyang kilalanin ang mga taong sunod na kakausap sa kanya.
Pero sa kabilang banda, kailangan ko pa ring mag-ingat sa kanya. Ang virtus na hindi ko alam ang kahinaan ay tinuturing kong delikadong kapangyarihan, kaya isa na ang virtus ni Desh doon. Hindi pa rin ako dapat magpakampante.
"Kung kakampi ba ako sa inyo, hindi n'yo ako aalipinin?" pag-aalalang tanong niya.
Nagtinginan muna kaming tatlo. Sumilay sa aming mga labi ang isang matamis na ngiti. Pagkatapos ay bumalik ang tanaw ko sa kanya at saka sumagot, "Magagawa mo ng malaya ang lahat ng gusto mo rito. Ibahin mo kami kay Dash. Kagaya ng sabi ko kanina, dinala ka lang namin dito sa kwartong ito para makausap tungkol sa ilang bagay."
Bukod sa maipakita ko sa kanyang malakas kami, kailangan kong patunayan sa kanya na totoo ang sinasabi ko. Alam kong hindi na siya bata kaya maiintindihan na niya ang mga sinasabi ko. Isa na lang ang kulang ngayon...
Ilang sandali ang lumipas, muli na naman siyang nagpapalit-palit ng tingin sa aming tatlo.
"Gagamitin n'yo rin ba ako?"
Napalunok ako. Napaghandaan ko naman ang sagot sa tanong na ito pero hindi ko maiwasang hindi kabahan ngayong itinanong na niya 'yan. Nakasalalay ang lahat sa bawat sagot ko sa mga tanong niya kaya kailangan ko talagang masiguro na mauunawaan niya ang lahat ng sasabihin ko.
"Desh, ang paghahanap ng blessing ay isang bagay na dapat talaga nating gawin para magdagdag ang level natin at para magamit natin ang virtus natin. Kaya kung makakahati kami sa blessing na makukuha mo, iyon ay dahil sa kagrupo mo kami... pero hindi namin iyon sapilitang kukunin sa 'yo."
Muling gumala ang tingin niya sa amin, halos hindi ako makagalaw dahil sa paghihintay ng isasagot niya. Gusto ko na sanang magtanong pero naunahan na ako ng isang ngiti mula sa kanya.
"Kung ganoon, sige... payag na akong kumampi sa inyo!"
Agad akong nagdiwang sa isip ko. Ngayon, isang bagay na lang ang kailangan ko sa kanya.
Muli, bago pa ako makapagsalita, siya na mismo ang nagsabi ng kailangan ko...
"Tungkol kay Hash, handa akong sabihin lahat ng kailangan n'yong malaman sa kanya."