CHAPTER 23
Nash's POV
Tila musika sa tainga ko ang sinabi ni Desh. Nag-uumpisa na talaga akong matuwa sa batang ito dahil marunong siyang umintindi at marunong pang sumunod sa mga gusto ko. Handa siyang gawin ang bagay na kaya niya. Malayong-malayo sa isa pa naming kilalang bata na ang gusto naman ay siya ang masusunod.
"Kung gan'on, una ko nang itatanong sa 'yo... sino ba si Hash?"
Tumingin siya sa akin, 'yung tingin na para bang ipinapakita niya sa akin na buong tapang niyang sasagutin ang tanong ko. "Hindi ko na maalala ang buong detalye, pero nang makita ko siya... parang nalaman ko na kilala ko na siya rati," sagot niya.
Bahagya akong napatango, gaya iyon sa pakiramdam ko nu'ng naramdaman ko ang presensiya ng lalaking pumatay kay mama. Hindi ko siya kilala at mas lalong hindi ko siya nakita noon, pero alam ko na nasa paligid lang siya at alam ko rin na siya ang pumatay kay mama. Tapos kusa nang kumilos ang katawan ko para hanapin siya.
"Ikaw ba ang lumapit sa kanya?" tanong kong muli.
Agad siyang umiling. "Hindi! Kusa na lang siyang lumitaw sa harap ko, hindi ko alam kung paano... basta nu'ng lumitaw siya, takot na takot ako. Ang tanging laman lang ng isip ko nu'ng mga oras na iyon ay makapagtago sa kanya kasi ramdam ko na delikado siyang tao na dapat kong iwasan. Doon ko nalaman kung ano ang virtus ko," paliwanag niya.
Hindi ko mapigilang humanga sa Creator, ang galing niyang magbigay ng virtus sa isang tao. Bukod sa wala pa akong nakikitang kapareho ko, para bang nakatadhana sa amin ang lakas na ito depende sa pangangailangan namin. May alam ba siya sa dati naming buhay?
"Nang makatakas ka sa kanya dahil sa invisibility mo, anong sunod na nangyari?" hindi ko na mapigilan ang sarili ko na sunod-sunod nang magtanong sa kanya.
Tila isang katapangan para sa isang batang kagaya niya ang sumagot sa mga ganitong uri ng tanong. Medyo nag-alala ako na baka hindi niya masagot pero nang makita ko ang paglunok niya, napanatag ako na kaya pa niyang tatagan ang loob niya.
"Naalala ko na lang bigla kung sino ang lalaking iyon. Hindi ko maalala ang pangalan at mukha niya, pero alam ko na magkakilala kami dati. Tapos..."
Napalunok din ako, parang ako ang mas kinakabahan para sa kanya.
"P're, tama na kaya? Hindi na yata tama na itanong pa natin sa kanya ang nakaraan niya. Ikaw ang nagsabi na hindi mo siya sapilitang uutusan, pero sa ginagawa mo parang ganoon na din 'yon, eh. Nakakaawa si Desh baka—"
"Hindi. Sasagutin ko ang tanong," ani Desh.
Muli akong napalunok. Yakap-yakap niya ang sarili niya nang mapatingin ako sa kanya, halatang hindi maganda ang sinapit niya sa kamay ng lalaking iyon. Ayokong mag-isip ng bagay na hindi tama, pero sana ay hindi iyon ang nangyari... maraming bagay naman ang maaaring magtulak sa isang bata o isang babae para magkaroon siya ng takot sa isang tao.
Itinuon ko na ang buong atensyon ko sa kanya nang magsalita na siyang muli. "Naintindihan ko na kung bakit naaalala ko ang edad ko, dahil iyon ang bagay na pinagsisisihan ko... kasi kahit bata palang ako, nakagawa na ako agad ng isang krimen."
Lalo akong natatakot sa ibang bagay na maari niya pang sabihin. Gusto ko nang magsisi na itinanong ko pa sa kanya ang ganitong bagay. Isang bangungot para sa isang batang gaya niya kung pag-uusapan pa namin iyon.
Bago pa siya muling magkwento ay nagsalita na ako, "Desh, tama na. Huwag mo nang ikwento pa. Ayos na 'yung mga nasabi mo, naiitindihan na namin," sabi ko.
Kumilos din si Bash. "Oo nga, mas mabuti pa kung pumasok ka sa isang kwarto na katabi nitong opisina ni Ash. Kwarto iyon para sa mga babae, magpahinga ka na muna r'on," dagdag niya.
Pero imbes na sundin kaming dalawa, kumunot na lang ang noo ko dahil hindi pa rin siya tumitinag. Tila nag-iipon siya ng lakas ng loob para ituloy pa ang usapang ito.
Iniangat niya ang kanyang ulo. "Kung iniisip ninyong ibinenta ko ang katawan ko o kung ano pang bagay na kagaya n'on, nagkakamali kayo. Hindi ko 'yun ginawa at hindi iyon ang pinagawa sa akin ng lalaking iyon."
Para akong nabunutan ng malaking tinik sa dibdib nang sabihin niya iyon. Mabuti na lang at nakalista pa sa pahina ko ang kasalanan kong mapanghusga, kundi panibagong problema na naman ito kapag nagkataon.
"Huwag mo kasing pakakabahin ng gan'on!" sabi naman ni Bash. Natawa na lang ako nang i-relax niya rin ang kanyang sarili.
Muling bumaling ang tingin ko kay Desh nang magsalita siyang muli. "Pasensya na, kasi pakiramdam ko... hindi ko talaga iyon dapat ginawa," aniya at muli na namang napayuko.
Para sa isang murang edad niya, sa tingin ko ay isang malaking kasalanan na sa kanya ang bagay na alam niyang higit na sa natural na pagkakamali ng isang ka-edad niya. Marahil iyon ang dahilan kaya hindi niya halos masabi, maaring pinagnakaw siya ng lalaking iyon. Sa pag-uugali palang ni Hash, alam ko nang masamang tao siya sa dati niyang buhay.
Nabaling ang tingin naming tatlo kay Ash nang magsalita siya, "Ang kasalanan ay bahagi na ng buhay natin, Hija. Maaring mabigat ang kasalanang nagawa mo, pero hindi lang ikaw ang may malaking kasalanang nagawa... ganoon din kami. Pare-pareho tayo rito kaya 'wag ka nang mag-alala. Alam kong gusto mo 'yang sabihin para gumaan ang loob mo, kaya sige na... nakikinig kami," aniya.
Ibinalik ko na ang tingin ko kay Desh, nakita ko ang mahina niyang pagtango bilang pagsang-ayon sa ikinatwiran ng kasama namin.
"Inutusan ako ni Hash na i-hack ang isang system ng bangko para makapagnakaw ng malaking pera."
Halos lumuwa ang mata ko sa sobrang gulat. "Anong sinabi mo?!" bulalas ko.
Nagsimulang bumuhos ang luha sa mata ni Desh. "Hindi ko naman sinasadya, eh! Hindi ko naisip na mali ang ginawa ko, naniwala ako sa mga sinabi ni Hash sa akin. Sabi niya, mas madami akong mabibili kung magkakaroon ako ng maraming pera. Nasilaw na ako sa mga sinabi niya, hindi na ako nagdalawang isip na gawin kasi aminin ko gusto ko rin ng pera!"
Hindi na ako nakapagsalita pa, tanging palahaw na lang ng iyak ni Desh ang naging ingay sa paligid. Awang-awa ako sa kanya dahil alam ko na matagal niyang kinimkim ang pagkakamaling iyon. Maaring ngayon niya lang nagawang sabihin iyon sa buong buhay niya.
Talagang isang tuso ang lalaking iyon, naikuyom ko ang kamao ko dahil sa pag-iisip kung gaano pa kalala ang mga naiisip niyang krimen. Pati bata ginamit niya para sa sarili niyang layaw.
Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Desh, gusto ko siyang lapitan para aluin pero alam kong posible siyang matakot sa akin kaya wala na akong nagawa kundi tumalikod na lang sa kanya para hintayin na matapos siyang ilabas lahat ng bigat sa dibdib niya. Alam kong iyak na lang talaga ang magagawa niya sa pagkakataong ito.
Ilang sandali ang lumipas nang marinig ko na humihikbi na lang si Desh. Humarap akong muli sa kanya at nilapitan ko siya para abutan ng isang panyo. "Ito na lang ang magagawa ko para sa 'yo," mahinahon kong sambit.
"S-salamat," aniya.
"Mas masahol pa sa naisip ko ang ginawa ng taong iyon," ani Bash.
Napabuntong hininga ako. "Wala na tayong magagawa, p're. Nangyari na, eh," sabi ko na lang.
Naging matalim ang tingin niya sa akin. "Hayaan mong ako ang pumatay sa taong iyon."
Hindi ko alam kung may iba pa bang galit si Bash kay Hash, pero dahil na rin ayoko nang madagdagan pa ang problema ko sa kasalanan kong 'pagpatay' ay tumango na lang ako sa sinabi niya.
Nang makita ko na tapos na si Desh sa pagpunas ng kanyang luha ay lumapit at naupo ako para pumantay sa kanya. "Alam ko na mabigat para sa 'yo ang mga nangyari, pasensya na kung pinilit kitang magkwento."
Tumingin siya sa akin. "Ayos lang, gusto ko na rin naman 'yon ilabas dahil hindi ko na rin kayang itago."
Ngumiti ako ng tipid. "Sige, sabihin mo nang lahat at makikinig pa rin kami," sabi ko saka tumayo at bumalik kung saan kami nakatayo ni Bash.
Nagsimulang magkwento muli si Desh, "Nagawa kong i-hack ang system pero hindi namin nagawang kunin ang pera," aniya.
Kumunot ang noo ko. "Bakit?" pagtataka ko.
"Hindi ko alam kung ano pang mga nangyari, basta pagkatapos kong i-hack ang system, sinabi ko lang iyon kay Hash para siya na ang kumuha ng pera. Tapos sumugod siya sa computer shop na tinatambayan ko na galit na galit. Tapos... hindi ko na maalala," ani Desh.
Narinig ko ang pagtanong ni Bash, "Naalala mo ba kung paano kayo nagkilala ni Hash sa dati n'yong buhay?"
Napatingin ako sa kanya ng sandali tapos ibinalik ko rin agad kay Desh. Oo nga pala, kapag nagkita ang dalawang tao na magkakilala sa dati nilang buhay ay babalik din ang alaala nila nu'ng magkasama sila.
"Nakalaro ko siya sa isang computer game. Tuwang-tuwa ako sa kanya kasi magaling siya, nabubuhat niya ang laro namin at mas napapadali na manalo kami. Pakiramdam ko kapag kasama ko siya, ako na ang pinakamalakas na player," sagot ng dalaga.
Napabuntong hininga ako. Kahit pala sa dati niyang buhay ay madali siyang maniwala sa tao, hindi na ako nagtataka na madali siyang na-uto ni Hash. Madali naman talagang mapaniwala ang isang bata kung pupuntiryahin mo ang bagay na gustong-gusto niya.
Ako naman ang nagsalita, "Desh, makinig ka... ito ay payo ko lang sa 'yo bilang mas nakakatanda. Huwag na huwag ka nang maniniwala agad sa mga sinasabi sa 'yo kahit pa sabihin na may makukuha kang gusto mo," paalala ko.
Ngumiti siya sa akin saka tumango. Napanatag naman ang loob ko dahil nakikinig pa siya sa ipinapayo sa kanya.
"Ayos na siguro ang sinabi mo, Desh. Puwede ka nang magpahinga sa kwartong itinuro ko kanina," sabi naman ni Bash.
Hindi pa rin siya natitinag sa pagkakaupo. "Wala na ba kayong itatanong sa akin?" aniya.
Ako ang sumagot, "Ang totoo, gusto ko lang talaga malaman kung ano ang koneksyon niya sa 'yo. Dahil naisip ko na kapag nalaman niya na nasa akin ka, agad siyang kakagat sa patibong ko sa kanya. Ipinangako ko sa 'yong kapag nagkwento ka, ikukuwento ko rin ang dahilan ko, 'diba?"
Muntik ko nang makalimutan ang tungkol sa bagay na iyon, kahit hindi niya itanong ay obligado ko pa ring sabihin iyon sa kanya dahil sa kasunduan namin. Ayokong sumira r'on dahil nakasalalay doon ang patuloy na pagtitiwala sa akin ni Desh.
Agad siyang tumango. Naging hudyat naman ang tugon niyang iyon para magsimula akong magkwento. Inumpisahan ko na ang kwento ko sa pagpunta ko rito sa Domus, hindi ko alam kung bakit pero gusto kong maging patas sa kanya... ikinuwento niya ang lahat ng tungkol sa nakaraan niya kaya gusto ko ring ipaalam sa kanya ang akin.
Itinuloy ko ang kwento hanggang sa pagkikita namin ng lalaking pumatay kay mama at sa paglitaw ni Mosh at Hash. Pati na rin ang tungkol sa iniisip kong maaring may isang tao pa na may kinalaman sa pagkamatay ni mama na gusto ring pumatay sa akin na kasama ngayon ng dalawang iyon. Sinabi ko rin na ang paraang naisip ko para manalo ay alisin muna sa landa ko si Hash, dahil siya talaga ang nakikita kong hadlang sa mga plano ko.
Hindi ko talaga naintindihan ang sarili ko dahil halos sabihin ko na ang lahat sa kanya, kakakilala lang namin pero magaan na ang loob ko sa kanya. Tila wala akong pakialam kahit narito rin sa kwarto sina Bash at Ash. Wala naman kaso kay Bash dahil alam naman niya ang buong kwento ng buhay ko, pero iba si Ash... hindi ko ito nabanggit lahat sa kanya nang mag-usap kami ng minsan.
Alam ko na hindi kami magkakilala ni Desh sa dati naming buhay, dahil kung oo ay dapat naalala na namin iyong dalawa. Nagtataka lang ako kung bakit magaan ang loob ko sa batang ito.
Pero sa kabilang banda, siguro dahil pareho kaming nagnakaw ng pera na hindi naman namin napakinabangan. Pareho kaming nasilaw sa pera dahil sa tindi ng pangangailangan.
Sa huli, wala rin akong nalaman na bagay na maari kong magamit laban kay Hash. Maliban doon sa nabanggit ni Desh na ang lalaking iyon mismo ang humahabol sa kanya, maari pa rin ang ideya ko na ituro ko ang bata na sa akin para lumapit siya. Pero dapat ko pa ring ikunsulta kay Desh kung ayos lang iyon sa kanya.
Idagdag pa ang ideya na hindi raw nakuha ni Hash ang pera. Maaring kaya niya hinahabol si Desh ay dahil sa pag-aakala na kinuha ito ng bata. Ito namang si Desh kaya siya nagtatago kay Hash, kasi natatakot siya sa maaring gawin sa kanya nito.
Pagkatapos kong ikuwento sa bata ang buong talambuhay ko ay sa wakas... napilit na namin siyang magpahinga na muna. Kailangan ko na rin munang mag-isip ng plano kung paano ko matatalo si Hash sa pamamagitan ni Desh nang hindi siya natatakot na susugod ang lalaking iyon dito.