CHAPTER 24
Nash's POV
Nagkaroon pa kaming tatlo ng pag-uusap pagkatapos umalis ni Desh. Napag-usapan namin ang kalagayan ng batang iyon at kung ano pa ang maaari naming magawa para sa kanya. Hindi ko alam kung may anak na ba ako o kung nagkaroon ba ako ng asawa manlang sa dati kong buhay, pero isang anak ang turing ko kay Desh kahit pa halos sampung taon lang ang tanda ko sa kanya.
Maaring dala lang din ito ng matinding pag-aalala dahil sa sinapit niya nu'ng nabubuhay pa siya hanggang nandito na siya sa Domus. Sana lang, isang bagong buhay na ang makamit niya ngayong wala na siya sa puder ni Dash at malayo na siya kay Hash.
"P're, paano pala natin mahahanap ang lalaking iyon?" ani Bash.
Napabuntong hininga ako dahil hanggang dito na nakaupo na kami sa labas ng opisina ni Ash ay dapat ko pa ring isipin ang ganoong bagay. Akala ko pa naman, kaya kami lumabas na dalawa ay para makahinga at makapagpahinga.
"Sa laki ng Domus, imposible ang sinasabi mo. Wala talaga tayong magagawa kundi ang ituloy ang paghahanap ng blessing at pagtatrabaho para mapa-angat ang level natin habang naghihintay ng pagkakataon na makasalubong o makita manlang natin siya. Huwag kang mag-alala, tiyak na hindi rin magtatagal ay maggagala ulit 'yon," sagot ko sa kanya.
Napatingin ako sa kanya nang mapansin kong ang tagal niyang sumagot. Nakatulala siya habang nakayuko, tila may gumugulo na naman sa isip niya. At alam ko na kahit hindi niya sabihin, si Mosh na naman ang iniisip niya.
Hindi ako nakatiis at siniko ko siya sa kanyang braso. "Huwag kang mag-alala, tiyak ko namang nasa mabuting kalagayan ang girlfriend mo. At darating din ang oras na magkakausap kayo para magka-ayos, kalma ka lang, P're," sabi ko.
Tumingin siya sandali sa akin na may alanganing ngiti. Tila hindi rin nakatulong ang sinabi ko dahil hindi bumalik sa dating sigla ang mukha niya.
Sa kabilang banda, nakakaramdam na ako ng bahagyang inggit sa kanya. Dahil abot-kamay lang niya ang taong importante sa kanya. Samantalang ako, hindi manlang mabigyan ng pagkakataon kahit ilang segundo na makita manlang si mama. Ang masakit pa riyan, naaalala kong may mama ako pero hindi ko maalala ang mukha niya o kahit isa manlang ugali niya. Wala akong ideya kung anong klaseng tao ang mama ko.
"P're, ang totoo kasi... naguguluhan ako. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko, gusto ko na lang siyang makita para matapos na ang kalbaryo ko rito sa mundong ito," ani Bash.
Agad na kumunot ang noo ko. "Ano bang sinasabi mo? Huwag ka ngang nagpapatawa!" biro ko sa kanya.
Pero nawala ang ngiti sa labi ko nang tumingin siya sa akin na para bang pinipilit na lang talaga na matawa sa naging biro ko.
Ako naman ang napayuko. "Ang sabi n'yo, naalaala n'yo ang naging nakaraan n'yo. Ibig bang sabihin..."
"May panibago akong naalala, p're. Nang mangyari ang pagpatay sa kanya, matagal na kaming hiwalay."
Naikuyom ko ang aking kamao, iyon marahil ang dahilan bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makumbinsi si Mosh na makipag-usap muli kay Bash... maaring ayaw niya lang din sabihin ang tungkol sa bagay na iyon.
"Kung ganoon, iyon na rin pala ang nagtulak sa 'yo para mapatay siya... purong galit na matagal nang nabuo," sagot ko.
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Tila nanlumo ako dahil para na rin akong nawalan ng pag-asa na matutupad ko ang pangako ko sa kanya na magkaka-ayos pa silang dalawa. Pero sana lang, magkaroon ng pagkakataon na kahit hindi na bilang dalawang taong nagmamahalan... magkabati pa rin sila.
"Ang tagal ko kayong hinanap, tapos ganito lang pala ang aabutan ko?"
Nabuhay ang dugo ko nang marinig ko ang boses na iyon. Dahan-dahan kong iniangat ang tingin ko at hindi nga ako nagkakamali sa narinig ko... boses iyon ni Kesh at narito na siya sa harapan naming dalawa!
Natawa ako ng pagak. Hindi ko alam kung bakit, pero masaya akong makita na ayos siya at nakabalik na siya.
"Ikaw naman, kababalik mo lang ay nagsusungit ka agad. Saan ka ba nanggaling?" tanong ko naman.
Tumayo ako para magpantay kami habang nag-uusap. Nanatili namang nakaupo si Bash pero nakangiti naman siya, sino bang may gusto na ipahalata ang lungkot na nararamdaman mo?
Agad na sumama ang tingin sa akin ni Kesh. "Ikaw pa talaga ang may ganang magtanong sa akin niyan? Bigla kang nawala kung saan kayo nag-uusap ng asawa nitong si Bash. May tiningnan lang ako sandali n'on sa level 2 tapos pagbalik ko, wala ka na. May ideya ka ba kung gaano ko kayo katagal hinanap?" aniya, bakas talaga sa kanyang boses ang inis dahil sa nangyari.
Napakamot ako ng ulo. "Pasensya ka na, alam mo namang hindi inaasahan ang pagkakataong iyon kaya agad kong sinundan si Bash," pagdadahilan ko.
Tumaas ang kilay niya. "Talagang mas inaalala mo pa ang lalaking 'yan kaysa sa akin?"
Napabuntong hininga ako dahil hindi pa rin siya nagbabago, ayaw niya pa ring makarinig ng mga salitang maaring magparamdam sa kanya na hindi siya importante.
"Hindi naman sa ganoon, alam mo namang problemado na siya nu'ng araw na iyon, 'diba? Kaya... naisip kong puntahan muna siya," muling pagdadahilan ko.
Hangga't maari, iiwasan kong magalit si Kesh. Walang araw o orasan sa lugar na ito para malaman kung gaano siya katagal nawala. Pero base sa dami ng nangyari, maaring matagal na iyon. Ibig lang sabihin, maaring mas lumakas pa siya at maaring may nadagdag na sa kayang gawin ng virtus niya. Kaya hindi ko siya dapat galitin dahil baka anong kabaliwan na naman ang gawin nito.
Nabaling ang tingin niya kay Bash. "Kumusta na kayo ng babaeng iyon? Nagka-ayos na ba kayo?" aniya.
Muli akong napabuntong hininga dahil hindi sumagot ang kausap niya. "Kesh, mali ang timing mo," sabi ko.
Kumunot ang noo niya sa akin. "Huh?"
Hinawakan ko siya sa braso para hilahin palayo kay Bash. "P're, hiramin ko lang sandali ang batang ito... may sasabihin lang ako—"
"Bitiwan mo 'ko! Hindi na 'ko bata—"
"Sumama ka na lang, para rin sa 'yo ito."
Dinala ko siya sa pwestong malayo na kay Bash. Ayokong marinig niya kung ano mang mga bagay na mapag-uusapan namin. Baka hindi makapagpigil ang babaeng ito at may masabing hindi maganda.
"Ano bang meron?" bungad niyang tanong sa akin.
Kinalma ko muna ang sarili ko saka ikinuwento sa kanya ang mga sinabi sa akin ni Bash kanina. Sinabi ko na rin ang naiisip kong rason bakit siya nagkakaganoon ngayon.
"Ibig lang sabihin, wala pa ring usad ang kaso niya," komento niya habang nakahawak sa baba at seryosong nakatingin sa kawalan.
Napahawak ako sa noo ko nang sabihin niya iyon, tila wala lang sa kanya ang buong kabuuan ng kwento ko.
Muli siyang nagsalita, "Wala ka bang ibang maiisip na paraan bukod sa makausap siya at subukan silang pagbatiin?"
Agad akong umiling. "Ang tanging paraan na lang na alam ko ay mangolekta ng blessing," sagot ko.
"Pero napakatagal n'on..." sa wakas ay narinig ko na ang pag-aaala sa tunog ng boses niya.
"Wala tayong magagawa, iyon naman talaga ang kadalasang kapalaran ng mga napupunta rito sa Domus, 'diba? Ang burahin ang kasalanan nila sa pinakamadali pero pinakatagal na paraan," sagot ko.
Nakita ko ang pagtango niya. "Sabagay, 'yung kanya nga pangongolekta lang ng blessing ang kailangan niya tapos na ang problema niya. Paano ka naman?" aniya.
Para akong nililitis sa dating ng tanong niya. Muntik ko nang makalimutan na oo nga pala, may sarili rin akong problema.
Napakamot ako agad sa ulo. "Ang totoo ay wala pa akong naiisip na paraan kung paano iyon masusulusyunan. Ang tanging magagawa ko na lang sa ngayon ay mag-ipon lang din ng blessing."
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya. "Gusto n'yo talaga ng paraan na ganyan? Hindi ba kayo naiinip at napapagod na ganyan lang ang nangyayari?" aniya.
Napayuko at hindi ko na nagawang makasagot sa tanong niya. Parang hiyang-hiya ako sa sarili ko na ang dami kong nagawa pero ni isa wala namang nakatulong sa akin. Palagi kong sinasabi sa sarili kong gusto ko nang makalabas dito para sa hiling, pero heto ako ngayon iniisip pa ang problema ng iba kaysa sa sarili kong problema.
"Hayaan mo na, huwag ka nang magdrama. Ka-lalaki mong tao, ang dami mong arte sa buhay," dagdag pa niya.
Naging hudyat naman iyon para ako naman ang magtanong sa kanya, "Ikaw naman, anong nangyari sa 'yo nang mawala ka? Anong mga pinaggagawa mo?"
Tila natulala sa kawalan ang kausap ko nang marinig niya ang tanong ko. Hindi ko alam kung ayaw niya ba sa itinanong ko o talagang hindi niya lang alam ang isasagot.
"Hinanap ko ang sagot sa mga tanong sa utak ko. Inalam ko kung bakit ang gusto kong mangyari ay magkaroon ng pagbabago. Naghanap ako ng kahit kaunting clue manlang kung anong klaseng pagbabago ba talaga iyon. Pero kahit nakarating na ako sa level 4, hindi ko talaga makita ang hinahanap ko."
Hindi ko inintindi ang kwento niya. Nanlaki ang mata ko sa gulat. "Level 4 ka na agad?!" bulalas ko.
Kumunot ang noo niya sa akin. "Bakit parang ayaw mong maniwala? Oo nga!"
Bahagya akong umiling. "Hindi sa ganoon, bumilib lang ako sa 'yo dahil nu'ng huling pag-uusap natin ay level 2 ka lang. Tapos ngayon ay naabutan mo na si Bash."
Sumilay sa labi niya ang isang ngisi. "Ganoon kapag madiskarte, Nash. Hindi padalos-dalos."
Natahimik ako nang sabihin niya iyon dahil halata namang ako ang pinapatamaan niya. Sino pa bang iba ang naging desperadong makapaghiganti, ako lang naman, 'diba?
"Ang kaso, kahit anong gawin ko, hindi naman na ako makakaakyat sa level 5 dahil kulang ang pagkatao ko. Hindi ko pa rin makita ang hinahanap ko," dagdag niya.
Kahit nakakasama ng loob ang mga sinabi niya, hindi ko na lang iyon pinansin. "Ano ba kasi talagang naalala mo sa nakaraan mo? Ano bang kasalanan ang nagawa mo sa dati mong buhay?"
"Lahat ng uri ng away. Riot, sapakan, gang war, makipagghabulan sa pulis, manggulpi ng kaaway sa eskinita. Lahat ng klase ng away!" aniya.
Napangiwi ako sa naging kwento niya, para akong nanliit sa sarili ko dahil ako na lalaki ay parang walang naging ganoong nakaraan. Pakiramdam ko malayong-malayo ang naging buhay niya sa buhay ko.
Bigla ko tuloy naalala na sinabi niya nu'ng unang pagkikita namin. "Kesh, hindi kaya ang dahilan kung bakit wala kang maalala sa nakaraan mo ay dahil..."
"Wala talaga akong pamilya?"
Napalunok ako. Sanay ako na siya ang masakit magsalita. Para bang pinigilan niya akong sa akin manggaling ang salitang iyon para maiwasan din niyang masaktan.
"Ah, ibig kong sabihin—"
"Posible ang naisip mo. Kasi 'diba, puro away ang ginagawa ko sa buhay ko noon? Malay mo nga, sa lansangan talaga ako lumaki at walang magulang na nagpalaki sa akin," aniya.
Hindi ko na nagawang magsalita. Nasaktan ako nang maisip ko na halos pareho lang sila ng kapalaran ni Desh. Pareho pa silang bata, ang mga gaya nila ang dapat nakakaranas ng patnubay at gabay ng magulang. Pero namulat agad sila sa paggawa ng krimen para mabuhay.
Wala akong alam sa naging nakaraan nila, pero kung pagbabasehan ang mga mabibigat na kasalanang nagawa nila... makikita mo agad na mayroon silang masalimuot na nakaraan at marahil sila mismo ay alam na nila iyon.
Tila nahiya ako sa padalo-dalos kong desisyon na patayin ang lalaking pumatay din kay mama. Todo ang pagsasabi kong dapat siyang mamatay... hindi ko manlang naisip na may ibang tao pa sa paligid ko na mas mabigat pa sa akin ang pinagdaanan. Maswerte pa ako na lumaki ako ng may magulang, kahit si mama lang. Habang sila, hindi nila maalala rito kung meron din ba sila noon.
Sinubukan kong ibahin ang usapan. "Siguro mas mabuti kung ang hanapin mo ay tao na maaring may koneksyon sa 'yo. Gaya ko, naalaman ko ang ilang kwento ng buhay ko nang makita ko ang pumatay kay mama. Tapos sina Bash at Mosh, naaalala nila ang nakaraan nilang dalawa kasi nagkita na sila rito. Kaya ang dapat ay—"
"Sa tingin mo hindi ko naisip 'yan? Kaya nga ako umalis para maghanap ng taong ganyan na makakapagbigay sa akin kahit kaunting alaala lang, eh. Anong tingin mo palang ginawa ko kung hindi iyan?" aniya.
Napalunok na lang ako at napaiwas ng tingin sa kanya. Gusto ko siyang intindihin at gusto kong ilabas din niya ang totoo niyang nararamdaman gaya ng ginawa ni Desh. Pero alam ko na kahit banggitin ko ang tungkol sa ginawa ng batang iyon, hinding-hindi iiyak sa harap ko ang babaeng ito.
"Pasensya na, g-gusto ko lang naman t-tumulong," sabi ko na lang.
Napabuntong hininga siya dahilan para mabaling ang tingin ko sa kanya. "Hayaan mo na 'yon. Darating din naman ang pagkakataon na makakakita ako ng taong makakapagbigay sa akin ng kailangan ko."
Bahagya akong tumango at balak ko na sanang bumalik kay Bash para kumustahin siya. Pero hindi pa man ako nakakahakbang ay nagsalita muli si Kesh, "Hoy, saan mo naman balak pumunta? Hindi pa tayo tapos mag-usap."
Napalunok ako dahil habang tumatagal na magkausap kami ay parang mas nagiging matanda na siya sa akin ngayon. Samantalang sa pagkakaalam ko ay mas matanda ako sa kanya base sa itsura.
"Ano pa bang pag-uusapan natin?" tanong ko nang bumaling muli ang katawan ko para harapin siya.
Gamit ang kanyang baba at nguso ay itinuro niya ang opisina ni Ash. "Anong meron diyan? Nakita ko kayong nanggaling sa loob, eh. Sinong nasa loob?" Tapos ay ibinaling na niya muli ang tingin niya sa akin.
Sandali kong binalingan ang tingin ng opisinang iyon at saka bumalik ang tingin sa kanya. Tama lang din siguro na malaman niya rin ang mga nangyari rito nu'ng wala siya, bukod sa mga nangyari sa personal naming buhay ni Bash.