CHAPTER 25
Nash's POV
Bumalik ako sa pwesto ko at sinimulan ko nang ikwento kay Kesh ang mga nangyari nu'ng bigla siyang nawala. Ang totoo ay nagsasawa na akong marinig ang sarili ko na ikinukwento ang tungkol sa bagay na ito, paulit-ulit na kasi. Ganoon pa man, nagsimula na akong magkwento mula sa pagsugod ni Mosh sa akin at ang pagkakakilala ko kay Hash. At siyempre, binanggit ko rin ang kutob ko na ang nag-utos sa kanila ay isang taong may kinalaman sa kaso ng mama ko.
Sinabi ko sa kanya na plano kong alisin sa landas si Hash dahil siya ang pinakadelikadong kaaway ko. Si Hash ang maaring alas ng kaaway laban sa akin.
Pagkatapos, kinuwento ko na rin sa kanya kung paano kami napunta sa opisina ni Ash at kung anong ginawa namin doon. Natuwa pa nga siya dahil sa ginawa kong pagpaplano para mahuli ang dalawang may magandang uri ng virtus.
At ang huli, sinabi ko ang tungkol kay Desh. Kinuwento ko rin ang koneksyon nito kay Hash at sinabi ko na siya ang susi para makuha ang atensyon ng lalaking iyon.
Isang tango ang una niyang naging sagot sa akin. "Hindi na rin masama. Mapapakinabangan natin sila laban doon sa sinasabi mong Hash pati na rin sa mga kasamahan niya."
Tumango rin ako sa kanya. "Tama ka, naisip ko na rin 'yan. Ang kailangan na lang natin ay bagay na makapagbibigay sa kanila ng rason para sundin tayo."
Isang halakhak ang narinig ko mula sa kanya dahilan para kumunot ang noo ko. Magtatanong na sana ako kung ano ang nakakatawa, pero naunahan na niya ako magsalita.
"Nakakalimutan mo yata ang tungkol sa virtus ko," aniya.
Sandaling nanlaki ang mata ko nang maisip ko ang bagay sinabi niya. Natawa na lang din ako nang ma-realize kong may punto talaga siya r'on. Muntik ko nang mawaglit sa isip ko ang tungkol sa bagay na iyon.
"Sino naman 'yung isang sinasabi mo? Ano naman ang silbi n'on?"
Nabaling ang tingin ko sa kanya na may pagtataka dahil biglang nagbago ang tono ng boses niya. "Ikinuwento ko na, 'diba?"
Napabuntong hininga siya bago sumagot. "Oo nga, pero iyon lang ba ang silbi niya? Wala nang iba?"
Hindi ko maintindihan bigla ang babaeng ito. Para bang nagbago ang paraan ng pagtatanong niya.
"Invisibility ang virtus niya," sagot ko saka nag-iwas ng tingin.
"Anong maiaambag niya? Ganoon lang? Kaya niyang gawing invisible ang sarili niya?"
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at napatanong na ako sa kanya, "Ano bang problema mo kay Desh?"
"Wala akong problema sa kanya! Ang sinasabi ko lang, wala siyang ibang magiging silbi sa grupo," aniya.
Hindi ko alam kung bakit bigla-bigla ay ganito na ang iniisip niya. Maayos naman ang naging takbo ng pag-uusap namin mula kanina.
"Paano mo naman nasabi na wala? Hindi mo pa nga siya nakikita at hindi mo pa alam ang kaya niyang gawin," pangangatwiran ko.
Hindi ko talaga maintindihan minsan ang utak ng mga babae. Wala siyang naging tutol sa uri ng virtus ng dalawang lalaking nabanggit ko ng una. Ano bang pinagkaiba n'on sa virtus ni Desh? 'Diba mas nakakatuwang malaman na lahat sila ay isang puntos para sa amin?
"Ano pang titingnan ko sa kanya kung ikaw na mismo ang nagsabi na ang kaya niya lang gawin ay ang maging invisible?" pagtataray niya.
Napakamot ako sa ulo at saka tumalikod sa kanya. Nagsisimula nang mag-init ang ulo ko dahil sa pag-uugali ng batang ito. Ano bang masama sa naging desisyon ko na kupkupin si Desh? Dapat ba lahat ng desisyon ko nakabase sa lakas ng virtus niya?
Muli akong humarap sa kanya. "Kesh, siya nga ang hinahanap na tao ni Hash! Sinabi ko na nga sa 'yo, 'diba? Magagamit pa rin natin siya!"
Tumingin siya ng diretso sa akin, hindi ko maintindihan kung ano talaga ang gusto niyang ipahiwatig, tila may hindi siya sinasabi sa akin.
Hindi pa rin maproseso ng utak ko kung bakit ipinapaliwanag ko pa ito sa kanya, gayong napakalinaw naman ng dahilan.
"Bakit ka kasi nagdedesisyon na magsali sa grupo na wala ako? Sana wala tayong problemang ganito ngayon!"
Muli na namang kumunot ang noo ko. "Paano ko naman sasabihin sa 'yo kung wala ka? Ano gusto mo, nagkakagulo na kami rito pero dahil gusto mong sabihin ko muna sa 'yo, poproblemahin pa naming hanapin ka bago kami magdesisyon?"
Hindi na siya sumagot sa akin, bigla na lang siyang naglakad palayo. Hindi ko talaga siya naintindihan.
Gusto ko pa sanang itanong sa kanya kung paano naging problema ang pagsali ni Desh sa amin, kaso nilayasan niya agad ako na para bang sobrang laki na ng kasalanang nagawa ko.
Imbes na sundan siya at ituloy ang diskusiyon, pinili kong hayaan na lang din muna siya at bumalik kay Bash. Sana pala ay binalikan ko na talaga siya kanina pa at hindi ko na itinuloy ang pakikipag-usap sa babaeng 'yon.
Paglapit ko sa kanya ay napansin kong kasama niya si Desh, napakunot ang noo ko nang mapansin na parang sobrang seryoso ng pinag-uusapan nila.
"Anong meron?" bati ko sa kanila.
Napayuko si Desh paglapit ko, habang si Bash naman ay nagkibit-balikat na lang dahil sa inarte ng bata.
Dahil wala rin naman akong gagawin, naupo ako sa tabi niya para kulitin siya ng tanong kung ano bang problema. Hanggang sa si Bash na lang ang nagsabi sa akin...
"Magkakilala si Desh at Kesh," aniya.
Napaawang ang labi ko at hindi ko talaga inasahan ang ganoong balita. "Sa dati n'yong buhay?" agad kong tanong sa bata.
Alangan siyang tumingin sa akin saka siya mahinang umiling. "Dito kami nagkakilala sa Domus. Ang totoo, isa siya sa nakuhanan ko ng blessing nu'ng naging alipin ako ni Dash."
Napabuntong hininga na lang ako. "Kaya pala ayaw niya sa 'yo, naiintindihan ko na ngayon."
"Ano bang sinabi niya sa 'yo?" tanong naman ni Bash nang ibaling niya ang atensyon niya sa akin.
Napakamot ako ng ulo. Hindi ko talaga alam paano sasabihin sa kanila, dahil ako mismo ay hindi ko naintindihan kung ano ba ang ipinahihiwatig ni Kesh sa mga sinabi niya kanina. Basta inulit ko na lang ang mga bagay na sinabi niya sa akin.
Nang makita kong lumungkot ang mukha ni Desh dahil sa mga sinabi ko ay muli akong nagsalita, "Pasensya ka na. Ganoon lang talaga ang ugali n'on, pero mabait talaga siya. Madami na siyang naitulong sa amin."
Nasa gitna namin siya ni Bash, sa tingin ko ay naiilang din siya sa amin kaya nagpasya akong tumayo.
Naiintindihan ko kung may galit si Kesh sa kanya dahil sa ginawa nitong pag-agaw sa blessing niya. Pero hindi ako sigurado kung makikinig ba siya kapag ipinaliwanag ko sa kanya ang tungkol sa nangyari sa bata na ito kaya nauwi sa ganoon ang ginawa niya. Iba pa naman ang ugali ng babaeng iyon.
Puwede naman sanang magsawalang-kibo na lang ako kung magkaroon man sila ng alitan na dalawa. Ang kaso lang, ang hirap naman gumalaw kapag ganoon na may magka-away sa grupo. Tapos baka kapag inabot talaga ng topak si Kesh, hindi pa siya tumulong sa amin. Ang masama pa niyan ay maisipan niyang kumampi sa kalaban dahil narito sa grupong ito ang ayaw niya makasama.
Isa lang naman ang dapat kong gawin sa ngayon: ang mapag-ayos sila sa lalong madaling panahon. Pero paano ko naman gagawin 'yun kung nagsimula nang mainis muli ni Kesh?
Habang nagsasalita si Bash na tila kinukumbinsi si Desh na huwag nang isipin ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Kesh, iginala ko naman ang mata ko dahil hindi ko na naman makita sa paligid ang babaeng 'yon. Nag-aalala ko na baka nga tuluyan na siyang umalis at maisipan talaga sumali sa kalaban.
Bumaling muli ang tingin ko kay Bash. "P're, puntahan ko lang si Ash. Sasabihin ko muna sa kanya ang tungkol kay Kesh. Ikaw na muna ang bahala rito," sabi ko saka umalis.
Pero pagpasok ko sa loob, nagulat ako na makita ko rito sa loob si Kesh. Prente siyang nakaupo sa upuang madalas naming upuan ni Bash kapag nag-uusap kami na kasama si Ash.
"Anong—"
Hindi ko na nagawang ituloy pa ang sasabihin ko dahil sa pag-angat ng kanang kamay niya, tanda na pinapahinto niya akong magsalita.
"Alam ko na ang sasabihin mo kaya hindi mo na kailangang magsalita, naiirita lang ako lalo sa tunog ng boses mo," aniya saka ibinaba ang kanyang kamay. Pagkatapos ay muli siyang nagsalita, "Hayaan mong sagutin na kita sa gusto mong itanong. Pumasok ako rito para masaksihan mismo ang mga bagay na sinabi mo sa akin at itanong na rin mismo sa lalaking 'yan ang ilang bagay na gusto kong malaman."
Nabaling ang tingin ko sa lalaking tinutukoy niya. Nanlaki ang mata ko nang makita na nakatulala na lang si Ash. "Anong ginawa mo sa kanya?!"
Nakade-kwatro ng upo si Kesh habang nakahalukipkip. Nakangisi siya sa akin at tila pinapahiwatig ng tingin niya na dapat akong mag-ingat sa kanya.
"Sinabi ko naman sa 'yo, 'diba? Ako ang dapat nasusunod," aniya.
Napalunok ako, nagawa niyang gamitan ng virtus si Ash para kontrolin ito at magsalita ito nang ayon sa gusto niya. Nakakabahala talaga ang virtus ng babaeng ito.
"Ano ba talagang gusto mo?!" irita kong tanong.
"Kung ang ibig mong sabihin ay nag-aalala ka na baka may gawin ako sa 'yo o sa iba mo pang kasama... huwag kang mag-alala dahil hindi naman ako ganoon kasama," aniya. Hindi pa rin siya tumitinag sa posisyon niya.
"Kesh, makinig ka muna! Hindi sinasadya ni Desh na—"
"Wala akong pakialam sa blessing na 'yon. Ganyan ba talaga kababaw ang tingin mo sa akin na para sa isang simpleng bagay lang ay magmamaktol na ako?"
Kahit kailan, hindi talaga nawawalan ng misteryo ang babaeng ito. Hindi ko mabasa kung ano talaga ang gusto niyang mangyari sa amin. Habang lalong tumatagal, mas lalo akong natatakot sa maari pa niyang gawin. Sinabi ko dati na mas gugustuhin ko pa siyang makasama bilang kakampi kahit gusto niyang siya ang nasusunod, kaysa sa kaaway siya kumampi dahil mas malaking problema kapag ganoon ang nangyari. Pero ngayon na mas lalo siyang lumakas... hindi ko na alam kung alin pa sa dalawang iyon ang gusto ko.
"Anong tinanong mo kay Ash? Bakit kailangan mo pang kontrolin ang isip niya?" tanong ko.
"Sinubukan kong hanapin ang sagot sa kanya sa ilang katanungan sa isip ko, pero hindi rin niya iyon nasagot. Kahit sino sa inyo ay walang makasagot sa akin."
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Ibig mong sabihin—"
"Oo, matagal ko na kayong kinokontrol. Hindi mo alam?"
Hindi ko alam kung anong isasagot ko, gusto ko na lang lumabas sa kwartong ito at magwala muli bilang paglabas ng sama ng loob dahil sa pagpapabaya ko. Pero kahit kaunti, hindi ko magawang makagalaw. Hindi ko alam kung parte pa ba ito ng kapangyarihan niya, pero pakiramdam ko ay anomang oras... mawawalan ako ng balanse.
Hindi pa rin nawawala ang pagkontrol niya kay Ash. Muli akong nagtanong, "Papatayin mo ba kami kapag nawalan na kami ng pakinabang sa 'yo?"
Humalakhak siya, hindi ko alam kung dahil ba nahalata niya ang panginginig ng boses ko o talagang nakakatawa para sa kanya ang sinabi ko. "Wala akong pinapatay sa mga taong may pakinabang sa akin! Kahit makuha ko na ang gusto ko, mananatili kayong buhay."
Napalunok ako nang maalala ko si Desh. Malaki ang galit niya sa batang iyon at ngayong nagagawa niyang kontrolin maski ako na may nullify, napakadali na lang para sa kanya ang tapusin siya.
"Huwag kang mag-alala, hindi ko rin papatayin ang babaeng iyon. Pasalamat ka na lang at ikunuwento na sa akin ni Ash ang tungkol sa kanya kaya nagbago ang isip ko, sa tingin ko nga ay tama ka... may silbi siya."
Napakunot muli ang noo ko. "Paano mong—"
"Kaya kong magkontrol ng utak, 'diba? Kaya gamit iyon, nakatatak na sa isip mo na lahat ng laman niyan ay sasabihin mo sa akin sa isip ko."
Wala akong takas sa kanya. Dahil nagawa niya nang pasukin ang isip ko, hindi ko na iyon kaya pang pigilan. Pinagsabay niya ang mind control at telepathy para malaman ang iniisip ko. Kumbaga, kapag nagsasalita o nag-iisip ako sa isip ko... kusa ko na iyong sinasabi sa kanya. Mas delikado siya kumpara kay Mosh.
Bumuntong hininga ako. Wala na akong magagawa sa ngayon kundi at maniwala sa kanya na hindi niya kami sasalingin. Panghahawakan ko ang sinabi niyang kaibigan niya kami at hangad niya ring makalabas kami rito.
Tumingin ako sa kanya, seryoso iyon para ipahiwatig na gusto kong sagutin niya 'ko ng totoo. "Maipapangako mo ba sa akin na magkaka-ayos kayo ni Desh?"
Nawala ang ngisi niya sa kanyang mukha. Tumayo siya at dahan-dahang naglakad palapit sa akin. Lalo akong hindi nakagalaw sa pwesto ko nang tuluyan siyang makalapit sa akin.
Isang malutong na sampal ang lumapat sa mukha ko. Halos hindi ko naramdaman ang parte ng pisngi kong iyon dahil sa lakas nito.
"Ang ayoko sa lahat, 'yung tinuturing akong bata. Miyembro ako ng grupong ito pero nang dumating si Desh, parang hindi n'yo na 'ko naalala. Nawala lang ako sandali, humanap na kayo ng kapalit ko. Ang nakakainis pa, sa isang mas bata pa sa akin na halatang wala namang silbi."