Prologue
“Nagkausap kami ng kumpare ni, Tatay noon,” sambit ng matandang si Solomon.
“Oh tapos?” istriktang sagot naman ng ikalawang asawa nito.
“Dating may kasunduan sila ni, Tatay na ipakasal ang apo niya sa apo nito.”
Natigil naman sa pagtutupi ang asawa niya at kinunutan siya ng noo.
“Ano ka ba? Pumayag ka? Eh paano kung palamunin ang apo niyan at walang trabaho dagdag gastusin pa iyan sa ‘tin. Hirap na nga tayong makaraos sa araw-araw,” galit nitong wika at padabog pa.
“Marcela, patapusin mo kaya muna ako,” asik ng asawa nito.
“Naku! Huwag na huwag mong ilalagay sa alanganin ang anak natin diyan ha. Kung gusto mo, iyong anak mo ang ipakasal sa taong iyan. Ni hindi nga natin kilala eh,” saad nito.
“Kilala mo ang pamilya nila. Saka hindi sila mahirap,” sagot naman ng asawa niya.
Tila may kung anong pumitik naman sa taenga ng asawa niya. Halata sa mukha nitong interesadong malaman kung sino.
“Sino?”
“Iyong apo ni, Don Enriquez,” sagot nito.
Napapalakpak naman si Marcela.
“Ba’t hindi mo kaagad sinabi? Siguradohin mong si Sophia ang ipapakasal mo ha. Talagang malilintikan ka sa ‘kin kapag iyong anak mong walang kuwenta ang ipapakasal mo hihiwalayan na talaga kita,” banta nito.
“Siyempre naman, naisip ko na rin iyan,” sagot ng asawa niya.
“Diyos ko! Ito na yata ang sagot sa mga pangarap ko. Hindi ako binigyan ng mayamang asawa, at least naman binigyan ang anak ko ng milyonaryo,” anito at mangiyak-ngiyak pa. Napailing na lamang ang asawa niya.
“Kailangang malaman ito kaagad ni, Sophia. Nasaan na ba ‘yon?” anito at nagmamadali ang kilos.
Ilang saglit pa ay pumasok naman ang isa pa niyang anak. Mukhang kagagaling pa sa trabaho.
“Mano po, ‘Tay,” aniya rito. Kaagad na pinamano naman siya ng ama.
“Ginabi ka yata?” tanong nito.
“Nag-over time po ako sa factory para may pandagdag sa sahod ko. Para na rin may pandagdag sa gastusin natin dito sa bahay,” sagot niya.
“Kristina, sinabi ko naman sa ’yong hindi mo kailangang gawin ‘yan,” wika ng kaniyang ama.
“Okay lang ‘tay. Ba’t pala nagmamadali si Tiya?” usisa niya sa ama.
Huminga naman nang malalim ang ama niya at umupo na sa upuang gawa sa kahoy.
“Iyong kaibigan ng lolo mo, kinausap ako. Gustong ipakasal ang sino man sa inyo na anak ko sa apo niya,” sagot nito.
Natigilan naman si Kristina.
“Naisip kong mas maganda kung ang kapatid mo na lang ang ipakasal. Mayaman ang pamilyang Montejo. Hindi siya mahihirapan kung sakali. Alam kong nasa tamang edad ka na para magpakasal, Kristina. At hindi ko hahadlangan kung may magustuhan ka man. Pabor din ito sa kapatid mo dahil wala iyong alam sa buhay. Kilala mo naman iyon ‘di ba? Saka ang tiya mo,” wika nito.
Tumango naman si Kristina.
“Naiintindihan ko po, ‘tay,” sagot niya.
Ilang sandali pa ay nagtatawanang pumasok sa loob ang mag-ina.
“Kristina, alam mo na ba?” nagmamalaking tanong ni Sophia sa kaniya. Mahinang tumango lamang siya rito.
“Simula ngayon, magiging mayaman na ako. Ako na ang bagong madam sa mansiyon ng mga Montejo. Ikaw, hanggang ngayon nasa pobreng pabrika ka pa rin ng mga sardinas nagtatrabaho. Forever ka na sigurong manangamoy isda,” ani Sophia.
Huminga lamang nang malalim si Kristina. Hindi naman siya nasaktan.
“Okay lang, masaya na rin akong makita kang masaya sa kalalagyan mo,” sagot niya rito.
Tinikwasan lamang siya ng kilay ni Sophia.
“Bukas, pupunta sila rito. Linisin niyo ang bahay. Nakakahiya kung makalat. Ayusin niyo ng ina mo, Sophia,” sambit ng ama nila.
“Ano? Mama, alam mo namang allergic ako sa alikabok. Si Kristina na lang,” busangot nitong saad.
“May duty ako sa pabrika,” sagot niya.
“Ano ba ‘yan?” reklamo nito.
“Sophia, mag-aasawa ka na. Kailangan mong matuto sa mga gawaing bahay kahit man lang pagliligpit,” sabat ng ama nila.
“Solomon, ano ba? Allergic nga siya ‘di ba? Saka kapag naikasal na siya roon sa mapapangasawa niya sigurado akong hindi siya hahayaang magtrabaho roon no. Maraming kasambahay ang gagawa nu’n para sa anak natin. Ako na ang bahala bukas,” saad ng kaniyang ina at inayos pa ang buhok ng anak.
Nakatingin lang si Kristina sa kanila at nagpaalam na matulog. Pagod siya buong maghapon.
“Umuwi ka nang maaga bukas, Kristina. Para na rin makilala mo ang magiging pamilya ni, Sophia kung sakali,” sambit ng kaniyang ama.
“Susubukan ko po,” sagot niya.
“Huwag mong subukan, gawin mo. Makita mo man lang kung gaano ako kaswerte sa buhay,” nagmamalaking sambit ng kapatid niya.
Hindi na lang siya umimik at pumasok na sa loob. Sa sobrang pagod ay nakatulog siya agad.
Kinabukasan ay maaga siyang umalis. Todo linis naman si Marcela habang ang anak niya ay nagce-cellphone lang.
“Sophia! Pakiabot nga ng walis ‘nak,” utos niya rito.
“Mama, kita niyo namang may ginagawa ako,” sagot nito habang nakabusangot. Napailing na lamang ang ina nito.
“Mag-ayos ka na nga lang, hindi puwedeng dugyot kang tingnan ha,” bilin ng ina nito.
“Sa tingin mo mama gwapo kaya ang mapapangasawa ko? Wala kasi akong ideya kung sino sa mga apo ng mga Montejo ang mapapangasawa ko eh,” sambit nito.
“Lahat sila may dugong banyaga kaya paniguradong oo,” kinikilig niya pang sagot.
Pagsapit na ng hapon ay handa na sila. Naka-make up at ayos na ayos ang dalaga habang naghihintay sa labas. Talagang tumawag pa ng audience ang ina niya. Hindi nga nagtagal at may dalawang magagarang kotse na huminto sa labas ng bahay nila.
Magkahawak kamay silang mag-ina at parehong tuwang-tuwa. Ilang sandali pa ay bumaba na ang tatlong lalaking nakasuot ng suit at maingat na inalalayan ang lalaking naka-wheelchair. Guwapo ito pero istrikto. May suot na eyeglass at seryoso.
“M-Mama.” Nag-aalalang napatingin naman ang ina niya sa kaniya.
“Bakit?” tanong nito.
“Ma, hindi niyo sinabi na lumpo siya,” saad nito at tila maiiyak na sa sobrang inis. Napatingin siya sa ama niya na nakikipag-hand shake pa rito.
“Maligayang pagdating senyorito, pasok po tayo sa loob,” nakangiting sambit ng ama niya.
“Mama,” ani Sophia sa ina nito.
Alanganing ngumiti naman ito at hinila siya papasok. Nagpupumiglas pa siya.
“Sophia, ano ka ba? Grasya na iyan. Kahit lumpo iyan mapera naman. Hindi ba ‘yon naman ang gusto mo?” asik ng ina niya rito. Umiling naman ito.
“Ma, ayaw ko. Nakakahiya. Aanhin ko ang pera kung lumpo naman ang asawa ko? Tiyak pagtatawanan ako ng mga kaibigan ko. Mama ayoko,” reklamo niya sa ina at nagpapadyak na.
“Lecheng bata ka talaga. Ano na ang gagawin natin ngayon? Nandito na ‘yan. Alangan namang itaboy natin?” galit nitong sambit.
Bumusangot lamang ang dalaga at umiling ulit.
“Mama, aalis ako. Hindi ko kayang pakasalan ‘yan. Ayoko,” anito.
“Puwede naman si Kristina ‘di ba? Marami akong manliligaw na mayaman din. Hindi kasing-yaman ng pamilya nila pero at least hindi lumpo. Ma, help me. Ayaw ko riyan,” anito at tumutulo na ang luha.
“Saglit lang,” anito at nilapitan ang asawa niya. Alanganing ngumiti si Marcela saka hinila ang
asawa niya papunta sa kusina.
“Bakit?” tanong nito.
“Ayaw ng anak mo. Hindi mo sinabing lumpo pala ‘yan,” sambit nito.
Galit na tiningnan naman siya ng asawa niya.
“Anak ng pucha naman oh. Tigil-tigilan niyo akong mag-ina ha. Huwag niyo akong ipahiya sa pamilya nila. Nasaan na ba ‘yon?” galit nitong wika.
Tinampal naman siya ng asawa niya.
“Ano ka ba, Solomon? Intindihin mo naman ang anak natin. May rason din naman siya eh. Kaya mo bang makita ang anak mong hindi masaya ha? Lumpo ang asawa niya kung sakali, nakakahiya iyon,” giit nito.
“Eh ano ang gusto niyong gawin ko ha? Pauwiin ko ‘yan?”
Huminga naman nang malalim si Marcela.
“Pauwi na ngayon si Kristina. Siya ang ipakasal mo sa kaniya,” wika nito.
“Ano?”
Tila hindi makapaniwala ang asawa niya sa narinig mula rito.
“Marcela, nagusap na tayo kagabi. Ano na lang ang mararamdaman ni, Kristina?” gigil niyang wika rito. Parehong sobrang hina ng boses.
“Baliw ka ba? Hindi lang si Kristina ang anak mo. Anak mo rin si Sophia leche ka. Nag-aalala ka sa babaeng iyon samantalang sa anak natin hindi? Kahit anong sitwasyon kayang-kaya iyon ng anak mo. Sanay iyon sa hirap. Ang anak natin hindi, alam mong malaki ang pagkakaiba nila. Si Kristina kahit itapon mo iyon sa kangkungan mabuuhay iyon,” wika nito.
“Pareho ko silang anak, Marcela,” giit nito.
“Ipakakasal mo si Kristina o lalayas kami ng anak mo?” banta nito.
Hindi naman makapagsalita ang asawa niya.
“Solomon naman, may magandang future pa si Sophia. Hindi puwedeng matali lang siya sa lumpong iyon,” pangungumbinsi nito.
Napabuga na lamang ang matanda at napahawak sa ulo niya.
“Tay?”
Sabay silang napalingon nang makita si Kristina na may dalang supot. Kita ang pagtataka sa mukha nito.
“Nagtatalo kayo? May bisita kayo sa sala kaya dito na ako dumaan sa kusina,” wika nito.
Nakangiting nilapitan naman siya ng tiya niya. Kumunot ang kaniyang noo dahil bihira lang itong ngumiti. Lagi itong bad mood sa kaniya kaya sigurado siyang may hindi ito magandang intensiyon.
“Itong tiya mo kasi at magaling mong kapatid,” sagot ng ama niya.
Sinamaan naman ito ng tingin ng asawa niya.
“Kristina, isalba mo naman ang kahihiyan ng pamilya natin. Ayaw ng magpakasal ni, Sophia sa tagapagmana ng mga Montejo. Ayaw niyang matali sa lalaking iyon. Baka naman ikaw pwede. Bata pa ang kapatid mo,” mahinahong wika nito.
“Po? Eh nag-usap na tayo kagbai ‘di ba? Saka ba’t po nagbago ang isip niya?” tanong niya at hinubad ang suot na sling bag.
Nagtinginan naman ang mag-asawa.
“K-Kasi...”
Nahihintay siya sa sagot ng tiya niya nang hawakan nito ang kaniyang kamay at hinila siya papunta sa sala. Gulat na gulat pa siya nang masilayan ang lalaking prenteng nakaupo sa wheelchair.
“Hijo, ito pala ang anak namin ng asawa ko. Siya ang mapapangasawa mo, si Kristina,” wika ng tiya niya. Hinigpitan pa nito ang hawak sa kaniyang kamay at pinanlakihan pa siya ng mata.
“M-Magandang hapon. Ako si Kristina,” kinakabahan niyang wika at inabot ang kamay dito. Tiningnan naman iyon ng binata at tinanggap.
“Iker Gael Montejo,” sagot nito.
Napalunok naman si Kristina nang magdaop ang kanilang palad. Mabilis niyang nahila iyon pabalik nang parang nakuryente siya sa hawak nito.
Umupo na siya at nahihiyang umiwas ng tingin.
Umupo na rin ang ama at tiya niya sa kaniyang tabi.
“Gaya ng napag-usapan ng lolo ko’t lolo mo, kapa naikasal tayo ay magbibigay ang pamilya namin ng dalawang milyon bilang pasasalamat. Sa susunod na araw ang kasal natin. You’ll live with me. As you can see, may leg problem ako. Kung ayaw mong makasal sa ‘kin I’ll understand,” seryosong sambit nito.
“Naku! Hindi, hindi siya aayaw,” sabat ng kaniyang tiya.
Naikuyom naman ni Kristina ang kamao niya. Ilang sandali pa ay pumasok ang kapatid niyang si Sophia at umupo sa tabi ng ina nito.
“I guess it’s settled, uuwi na rin ako. If you need something huwag kayong mahihiyang magsabi sa ‘kin o nino man sa pamilya ko,” saad nito at umalis na.
Naiwan naman silang apat. Ilang sandali pa ay tuwan-tuwa naman ang kaniyang tiya.
“Diyos ko! Dalawang milyon,” anito at humalakhak pa.
Tiningnan naman siya ng ama niya saka ng kaniyang kapatid na si Sophia.
“Mama, dalhin mo ako sa mall ha. Gusto ko ng bagong cellphone,” wika nito.
Tumayo naman ang ama nila at sinampal ito. Gulat na gulat ito at napanganga na lamang.
“Papa!” sigaw nito sa gulat.
“Solomon!” galit na wika ng asawa nito.
“Ikaw Sophia, kailan ka ba magtatanda ha? Bigla-bigla aalis ka nang ganoon? Pinapahiya mo ako. Kung hindi dumating ang ate mo anong mukha ang ihaharap ko sa binatang iyon?” singhal nito sa anak.
Umiiyak na tumingin naman ito sa ama.
“Kita niyo naman pong lumpo iyon. Hindi makalakad, hindi makatayo. Pera lang ang meron siya. Kapag naikasal na kami paniguradong pagsisisihan ko iyon. Hindi ako magiging masaya. Na-realize ko lang kanina na hindi importente sa ‘kin ang pera. Hindi ko kayang makita ang sarili ko pagdating ng panahon na magsisilbi sa kaniya habang buhay. Mali ba ‘yon? Mali ba na unahin ko ang sarili ko?” rason nito. Kaagad na yumakap ito sa ina.
“Solomon! Hindi naman nagreklamo si Kristrina ah. T’saka tama naman ang anak mo. Bata pa siya. Mas kailangan niyang alagaan at hindi iyong siya ang mag-aalaga. Kaya lang naman siya pumayag dahil akala niya walang deperensiya ang lalaking iyon,” sabat ng ina nito.
Galit na napailing na lamang ang matanda.
“Pareha lang kayong dalawa,” asik nito.
“Tama na, ‘tay. Nakakahiya sa mga kapit-bahay at nagsisigawan kayo,” saad ni Kristina.
“Ito kasing ama mo, napaka-OA ng reaksiyon. Hindi nga nagreklamo si Kristina, ikaw pa?”
“Tama na ho,” inis na saad ni Kristina.
Natahimik naman sila. Huminga nang malalim si Kristina.
“Gagawin ko ‘to para kay lolo at hindi para sa inyo o kay Sophia. Sana man lang kanina, tinanong niyo ako, Tiya. Kayo po ang gustong-gustong magpakasal sa pamilyang iyon ‘di ba? Saka ikaw Sophia, huwag namang ganoon. Huwag mong ipahiya ang pamilya natin. Puwede namang kausapin iyon nang maayos hindi iyong aalis ka na lang bigla,” mahinahong saad niya.
“Pasensiya ka na, Kristina. Eh sa wala na akong maisip na gawin kanina. Kung hindi kita ihaharap doon, paniguradong magagalit ang pamilya nila. Alam mo namang kilala sila sa lugar na ‘to. Malaki ang impluwensiya,” saad nito.
“Saka hindi ka na dehado roon. Kahit lumpo ay guwapo naman. Bagay kayo,” sabat ni Sophia.
Kaagad itong natahimik nang samaan ng tingin ng ama.
“Kristina, iyong two million? Siguro naman ay hindi mo kami pagkakaitan du’n ‘di ba?” sambit ng tiya niya. Napakunot-noo naman siya.
“Tumahimik ka nga, Marcela!” saway ng ama niya.
“Bakit? Eh nakinabang din naman siya rito sa ‘tin ah. Magiging panukli na lang iyan kapag naging asawa na niya ang binatang iyon,” sagot nito.
“Mukhang pera ka talaga,” asik ng ama niya.
“Ay! Totoo naman, makapangasawa ba naman ng walang pera,” sagot nito.
Napailing na lamang ang ama niya.
“Magpapahinga na po muna ako. May trabaho pa ako bukas,” aniya at tumayo na.
“Kristina, sandali lang. Iyong two million hindi pa natin napag-uusapan,” wika ng tiya niya.
Hindi na siya nakinig at dumeritso na sa kaniyang kuwarto at humiga. Tumagilid siya at kinuha ang picture frame ng ina. Hinaplos niya iyon at pagod na ngumiti.
“Hoy! Gising ka pa ‘di ba?”
Napalingon siya at nakita si Sophia na nakatas ang kilay sa kaniya.
“Dapat lang na magpasalamat ka sa ’kin dahil umayaw akong pakasalan ang lumpong iyon. Kaya tama lang na bigyan mo kami ng pera sa two million na matatanggap mo. Hinding-hindi ka magkakaroon ng pera na ganiyan kalaki kung hindi dahil sa ‘kin,” anito.
Natawa naman siya nang pagak dito.
“Hindi ka na rin lugi roon at guwapo naman. Iyon nga lang lumpo. Gagawin ka lang caregiver nu’n at hinding-hindi iyon para sa ‘kin. Iyan na ang tadhana mo, Kristina. Magpasalamat ka na lang dahil kahit papaano ay mayaman naman. May pera,” anito at umalis na.
Naiwan naman siyang hindi makapaniwala sa narinig mula rito.
“Mana talaga sa nanay niya,” aniya at napailing.