CHAPTER 16
“Ano?! Manliligaw ka uli?! Bes sa pagkakatanda ko, si Tita ang naaksidente at hindi ikaw. Bakit parang nagka-amnesia ka ata. Nakalimutan mo na ba ‘yung nangyari sa ‘yo nang subukan mo manligaw ng babae? Napasama ka lang naman sa isang party, na-brokenheart, nakilala si Brenda, nakipag-inuman, nalasing, at na-pop the cherry!”
“Eh kung ikaw kaya Cherry ang pina-pop ko diyan! Inisa-isa mo pa talagang ipaalala ‘yung mga nangyari ‘no?!” dinuro-duro ko ‘yung hawak kong ballpen sa kanya. Kunwaring tutusukin ko siya.
“Sino bang nag-umpisa? Ikaw ‘tong bigla na lang magsasabi na manliligaw ka uli.”
“Nasabi ko lang naman ‘yun kasi nabwibwisit na ‘ko sa kadidikit ni Brenda sa ‘kin. Alam mo na, baka lang naman magtigil kapag nakitang meron na ‘kong nagugustuhan na iba.”
“Hindi maganda ‘yang idea mo Bes.” Pailing-iling pa siya. “Tsaka wala ka namang nagugustuhang babae sa ngayon ‘di ba? Maliban na lang kung may sira ka na sa ulo at babalakin mong ligawan uli si Leighla.”
“Yan ang hinding-hindi ko na gagawin! Siya puno’t-dulo ng lahat ng kamalasan ko eh.”
“Kaya nga tigil-tigilan mo ‘yang pinagsasabi mo at mabuti pa sagutin mo na ‘yang tawag sa cellphone mo. Kanina pa ako naririndi sa katutunog niyang cellphone mo. Kanina mo pa kina-cancel ‘yung tawag. Sino ba ‘yan?”
“Si Brenda. Hindi ko kasi sinasagot ‘yung mga text niya kaya tinatawagan na ‘ko.”
“Ano raw kailangan? Baka naman importante ‘di mo sinasagot.”
“Hindi naman importante. Nagtatanong lang ng gusto ko kainin. Gusto ko raw ba ng Adobo, at ano raw gusto ko chicken adobo o pork adobo. Eh kung pinagsasama na lang kaya niya ‘yung dalawa ‘di ba? Laki ng problema niya.”
“Ikaw talaga. Concern lang naman sa ‘yo ‘yung tao. Buti nga sa ‘yo may nagaasikaso nang ganyan. Ang sweet kaya niya, pinagluluto ka pa. Alam mo Bes kapag ‘yan nagsawa sa ugali mo at nakahanap ng iba, bahala ka, ikaw rin. Baka pagsisihan mo ‘yung ginagawa mong pambabaliwala sa kanya.”
“Naku.. Kapag siya, tinantanan ako, magpapa-fiesta talaga ‘ko!”
****
Ilang araw pang nag-stay si Nanay sa ospital at sa bawat araw na nilalagi niya roon, naiisip ko, na palaki rin nang palaki ‘yung utang ko kay Brenda. At lalo pa akong kinakabahan dahil hanggang ngayon wala pa ring pinapagawang trabaho si Brenda sa ‘kin. Baka pagdating ng singilan ang laki ng hingin niya sa ‘kin. Hindi ko pa naman malaman kung anong takbo ng utak meron iyong si Brenda.
“Hon—este Alex!” speaking of Brenda, nandyan na siya. Maingay na naman ang mundo ko.
“Ano?!”
“Alex, nakasinghal ka na naman diyan,” saway ni Nanay sa ‘kin. Sa tuwing naririnig niyang sinusungitan ko ‘tong si Brenda, lagi siyang nakasaway sa ‘kin, kaya tatahimik na lang ako. “Brenda, kamusta ka anak? Na-miss kita. Ilang araw ka ring ‘di dumalaw rito sa ospital.”
“Eh ako nay ‘di mo na-miss?”
“Naku nagselos naman ang anak ko. Palagi naman kasi kitang nakikita Alex, pero itong si Brenda halos isang linggo atang ‘di nagpakita sa ‘kin. Ano bang pinagkaabalahan mo?” tanong ni Nanay kay Brenda.
“Negosyo po Mommy. May bagong negosyo po akong balak umpisahan. Sorry po kung hindi ako nakadalaw ng ilang araw.” Naupo pa si Brenda sa tabi ni Nanay at yumakap sa braso sabay hilig ng ulo. Akala mo siya ‘yung anak kung makapaglambing eh.
“Kung makayapos ka naman kay Nanay, feeling mo ang liit-liit mo.” Inalis ko ‘yung pagkakayakap niya kay Nanay. “Parang madudurog si Nanay sa ‘yo.”
“Hmp! Inggit ka lang, ‘di ka kasi sweet tulad ko, ‘di ba Mommy?”
“Ewan ko sa ‘yo,” sabat ko.
“Tama na,” awat ni Nanay sa ‘min. “Kayong dalawa talaga, para kayong aso’t pusa sa tuwing nagkikita, pero palagi naman kayong magkasama.”
Napailing na lang ako, kung alam lang ni Nanay na ‘yang si Brenda lang naman ang dikit nang dikit sa ‘kin. Sana nga palagi na lang siyang busy sa trabaho, para ‘di ko siya nakikita at ‘di nasisira ‘yung araw ko.
Si Nanay naman kinuha ‘yung kanang kamay ko pagkatapos kinuha ‘yung kaliwang kamay ni Brenda saka ipinatong sa ibabaw ng kamay ko na hawak niya. “Pero kahit ganyan kayo palagi, nakikitang kong mahal niyo ang isa’t-isa,” nakangiting sabi ni Nanay, kaya itong si Brenda kung makangiti wagas.
“Nay naman!” protesta ko, sabay hila sa kamay ko. Natawa lang si Nanay sa ‘kin. “Sa labas na lang po muna ‘ko. Iwan ko muna kayo kasama ‘yang ampon niyo.” Minsan kasi ampon tawag ko kay Brenda, kasi nga feeling anak na siya ni Nanay.
Habang naglalakad sa may pasilyo ng ospital, napatingin ako sa kamay ko at naalala ko ‘yung sinabi ni Nanay. Kinilabutan ako. Ang salitang mahal ata ang salitang hinding-hindi pwedeng gamitin sa isang sentence kapag kasama ang pangalan ko at ni Brenda. Hindi talaga pwede, hindi. Mas bagay ‘yung salitang magnet sa ‘min, magnet na same pole kaya nagre-repel. Kahit anong lapit ang gawin niya lagi lang akong lalayo.