Chapter 2

1671 Words
"Anong sinabi mo?" Ang mukha niyang maputi ay naging 'sing pula na ng kamatis ngayon. Ang mga mata niya ay nanlilisik na nakatingin sa akin. Paano kaya kung galitin ko pa siya? Ngumisi ako na mabilis ding napalitan ng pag-ubo dahil bigla niyang hinigpitan ang kapit sa kwelyo ko. Hindi ko na lang pala siya gagalitin dahil baka umusok na ang tenga at ilong niya pag nagkataon. Mabaho pa man din ang hininga niya. Parang imbornal. "Bugbugin mo na, Kyle." Sinamaan ko ng tingin si Jeremy. Kanina pa 'tong lalaking 'to palagi na lang akong pinapahamak. "Oo nga, Kyle. Baka dumating na rin ang sundo mo." Sabat naman ni Jenrik. "Eto na. Matagal na akong nanggigigil sa baklang 'to, eh. Buti at nag flying kiss kanina may dahilan na ako para gawin siyang punching bag." Sinimangutan ko si Kyle nang ilapit pa niya sa akin ang mukha niya. Ramdam ko na ang pagkakasakal ko ngunit kaya pa naman dahil mahina ang pwersa niya. "Kanina pa ako nasusuntok ng hininga mong kasinglakas yata ni Goku, Kyle. Inform lang kita na sobrang baho ng hininga mo kasi baka magulat ka maya-maya ay hihimatayin ako. Para lang alam mo reason." Napadaing ako nang bigla niyang suntukin ang tiyan ko. L*che. Narinig ko ang tawa ng mga barkada niya sa gilid. "Akala mo ba nakikipagbiruan pa ako?" Inilingan ko siya. Okay, seryoso na, Ronald kung ayaw mong umuwing puro pasa. Umubo ako dahil pakiramdam ko napitpit lahat ng bituka ko pati internal organs dahil sa suntok niya. Nang makabawi ay dahan-dahan akong dumiretso nang tayo at napapikit nang kamao niya ang sumalubong sa akin. Kumunot ang noo ko dahil ilang segundo na ay wala pa ring suntok na dumarating. "Ano sa tingin ninyo ang ginagawa niyo, Kyle?" Mabilis akong nagmulat at nakita si Teacher Anna, ang teacher namin sa science na hawak ang kamao ni Kyle. Nilingon niya ako. "Ayos ka lang?" Tumango ako at tumayo ng tuwid. "Bitiwan mo, Kyle or ipatatawag ko magulang mo? Pati kayo, Jenrik." Dahil sa insidenteng iyon ay na-late tuloy ako ng uwi. Nag-aagaw na ang mga kulay sa langit habang naglalakad ako palapit sa maliit naming gate nang matanaw si Papa na nakapamewang at nakatitig sa akin. Napayuko tuloy ako. "Man-" "Bakit ngayon ka lang?" Nabitin sa ere ang kamay ko dahil nagmamano sana nang bigla siyang magsalita. "Ang sabi ni Carol, kanina pa ang uwian ninyo dahil nakita na niya ang kaklase mong taga kabilang baranggay?" Bakit kasi ang hilig maniwala sa chismosang si Aling Carol nitong Tatay ko? Mas naniniwala pa yata siya roon kaysa sa akin na anak niya, eh. "Napasama po kasi ako sa cleaners ngayong araw kaya ganoon. Sorry po." Syempre, hindi ko sasabihin 'yung nangyari kanina. Nakiusap na rin ako kay Teacher Anna at mukhang payag naman siya basta hindi raw mauulit. Walang imik akong pinauna ni Papa sa pagpasok. Pakiramdam ko bawat galaw ko ay nakikita niya kaya naman tuwid na tuwid ang likod ko habang naglalakad. Maging ang tingin ko ay hindi ko magawang iikot sa bahay namin. "Hi, Kuya!" Nginitian at kinawayan ko si Kelly na nasa sala at nagkukulay ng coloring book niya. Tinanguan ko lang siya at mabilis na umakyat sa kwarto ko para magbihis. Pagkatapos ay bumaba ako bitbit ang tatlo kong notebook para makagawa ng assignments sa tabi ng kapatid. "Hey... what's that?" Minsan ay naiinis ako kina Mama dahil pinalaki nilang english speaking ang kapatid ko. Nahihirapan tuloy akong kausapin siya madalas. "Don't you know coloring books? I'm coloring Queen Elsa of Arendelle. You know her?" Tumango na lang ako at pilit na ngumiti. Hinayaan ko na lang siyang mag kulay-kulay roon at ginawa ko na rin ang mga assignments ko. Nang dumating ang dinner ay purong pangaral na naman ang inabot ko. Paulit-ulit na sinasabing dapat ay mag pulis ako, maging ganito, ayusin ang ganyan. Nakakasawa na pero anong magagawa ko? Sila ang magulang ko at dapat ay sumunod ako sa kanila lalo na kung ayokong mapalo ni Papa. Masakit kasi saka kawawa ang puwitan ko, hindi na nga matambok, madalas pa mapalo. Edi pipit. Kinabukasan ay isinabay ako ni Kuya dahil may kukunin daw siya sa school. Hindi ko na tinanong kung ano at baka sabihin pa niya chismosa ako. Kinawayan ko si Gina nang makita siyang maagang nagdidilig sa mga tanim niya. "Wala pa si Ma'am! Mag dilig ka na para mamaya wala na tayong gagawin pagdating niya!" Tumango ako at tumakbo patungo sa room. Nakasabit na sa nakasaranag pintuan ang bag niya kaya no choice ako kundi ang sa sahig ipatong. Lumakad ako sa gilid ng room namin para makapunta sa likurang bahagi nito. Kumuha ako ng maliit na timba at tabo doon at mabilis na naglakad palapit naman ngayon sa posong malapit sa gate. Malayo at dadaanan pa ang hindi kalawakang field ngunit wala kaming magagawa dahil iyon lang ang pwedeng pagkuhanan ng tubig. Kung sanang bukas na ang room namin ay pwede kaming kumuha ng tubig sa cr. "Ano 'yan?" Nilingon ko si Kuya na palabas na ng gate. "Ha? Didiligan ko 'yung mani at pechay na tinanim ko roon." Nginuso ko ang garden naming nasa kabilang dako pa. Tumango lang siya at lumabas na. Nang mapuno ang timba ay binuhat ko na iyon ngunit mabilis ding nabitawan dahil sa bigat. "Gina! Patulong!" Nakapamaywang akong nilingon ng kaklase. "Kaya mo 'yan!" Umirap ako. Ang babaeng iyon talaga, kapag ayaw niya, walang magagawa ang kahit sino. Mabuti nga at napapasunod ng mga teacher ang babaitang 'yun. Hirap na hirap ang sa pagbubuhat ng timba kong halos makalahati na ang laman, hindi pa man ako umaabot sa mga tanim ko. Taas kilay akong nilapitan ni Gina at inagaw sa akin ang timba. "Ang lamya mo! Parang hindi lalake." "Oh? Hindi naman talaga. Babae kaya ako." Inilapag niya ang timba sa gitna ng dalawang taniman kong parang puntod. Pahaba kasi ang mga iyon at medyo makitid. Nasa kaliwa ko ang tanim kong mani at sa kanan ang mga pechay. Hindi ko sigurado kung mabububay ba ang mga mani'ng ito dahil ilang araw na ay wala pa ring lumalabas na dahon-dahon hindi gaya sa mga kaklase ko na mayroon na. "Bakit ba kasi may ganito pang nalalaman, eh hindi naman tayo ang nakikinabang sa mga bunga." Usal ko habang dinidiligan ang mga mani. "Kaya hindi tumutubo 'yang sa iyo kasi panay ka reklamo. Naririnig ka kaya ng mga tanim." Inirapan ko siya. Ang daming alam. Paano kaya maririnig ng halaman eh wala naman silang tainga. Umupo ako at nag seryoso na sa pagdidilig. Hindi rin naman ako nagtagal dahil umiinit na at baka alas otso pa lang, amoy araw na ako kaya naman umupo na lang ako sa maliit na kubo na nasa tapat lang ng garden namin habang pinapanood ang mga kaklase kong masasayang nagdidilig. Hindi kaya tama si Gina? Baka kaya hindi pa tumutubo 'yung mga tanim kong mani kasi bugnutin ako? 'Yung mga kaklase ko, nagtatawanan habang nagdidilig at maganda ang tubo ng tanim nila. Tumayo ako at dahan-dahang lumapit sa mga tanim ko. Maputik na ang daan dahil halos lahat ay nagdidilig na. "Hello, mga mani. Kamusta kayo diyan? Buhay pa ba kayo?" Hinimas ko ang lupang basa pa dahil sa pagdidilig ko kanina. Nilingon ko si Gina na kasama na ang mga kaibigan niya ngayon. "Gina! Totoo ba 'yung sinabi mo kanina na kapag kinausap ko 'to, tutubo sila?" Sigaw kong hindi niya pinansin. Nilingon ko ang ibang mga kaklase ko at tinanong din sila ngunit hindi ako pinansin. Problema ng mga 'to? Nang dumaan sa gilid ko si Rea ay mabilis kong hinawakan ang kamay niya. Nilingon niya ako nang may pagtataka. "Ang sabi ni Gina, kapag kinausap daw ang mga halaman, gaganda ang tubo. Totoo ba?" Kunot pa rin ang noo niya at bakas na bakas sa mukha ang inis. "Aba malay ko. Tanong mo sa nanay mo!" Napanganga ako nang bigla niyang hawiin ang pagkakahawak ko at mabilis na lumapit sa mga kaibigan niya. Kitang-kita ko kung paano sila nagbulungan at tumitingin-tingin sa akin. Ang tataray akala mo naman ang gaganda. Buong hapon ay wala ni isa sa kanila ang pumapansin sa akin. Hindi ko alam kung anong problema nila. Kahapon lang ay nagkakasiyahan pa kami tapos ngayon ni isa walang pumapansin sa akin. Wala tuloy akong kadaldalan kaya wala rin akong choice kundi makinig. Nang hapong iyon ay hindi nagturo ang adviser namin na siyang panghuling subject. Aniya ay ayusin daw namin ang mga tanim namin. Hindi ko na didiligan ang akin dahil diniligan ko naman na kanina. Inayos ko na lang ang hugis ng taniman ko para kahit papaano ay hindi magmukhang puntod. "Hoy, Ronald! Isang taon bago ka matapos diyan dahil sa lamya mo humawak ng asarol!" Sigaw ni Kyle na tinawanan ng lahat. Inismiran ko lang siya. Huwag niya akong kausapin na akala mo ay close kami. Pagkatapos niya akong suntukin kahapon. Kapal ng mukha. Hindi nagkatotoo ang sinabi niya. Mabilis akong natapos sa pag-aayos. Naglakad ako palapit sa likod ng room kung saan namin itinatago ang mga gamit panghardin para ibalik ang asarol na ginamit ko nang malingunan ko si Liana, 'yung kaklase naming babae na madalas nilang awayin. "Bakit dito ang pinili mong pwesto eh ang daming lamok dito?" Dito kasi siya sa sulok nagtanim, katabing-katabi ng mga taguan ng gamit. Wala rin tuloy siyang kausap dahil itong banda dito ang iniwasan naming lahat dahil sa lamok. Umupo ako sa harapan niya at pinanood siya sa ginagawang pagbubungkal ng mano-mano. "Bakit hindi mo gamitin 'yung asarol? Kaysa naman kinakamay mo, eh ang hirap niyan." Ilang minuto akong naghintay ngunit hindi siya nagsalita. "Tulungan na kita. Pahinging gloves." Inilahad ko ang kamay ko. Nag-angat siya ng tingin sa akin at inismiran ako. "Bakit ka lumalapit ngayon sa akin? Kasi hindi ka nila kinakausap? Kasi wala kang kadaldalan? Layuan mo ako. Ayoko ng kaibigang plastic." Napanganga at napakurap ako nang padabog niyang inihagis sa basurahan ang gloves na ginamit niya at mabilis na kinuha ang bag sa kubo saka umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD