Mabilis akong tumayo at kinuha ang gamit ko na nandoon din sa kubo. Ramdam ko ang pagsunod ng tingin nina Gina sa akin ngunit inignora ko sila. Tumakbo ako palapit sa poso at mabilisang nag hugas ng kamay roon.
"Liana, wait!" Sigaw ko habang hirap na hirap sa pagtakbo dahil sa bag ko. "Liana!"
Nilingon niya ako at nang makitang malapit ko na siyang mahabol ay tumakbo na rin siya. Ang pabebe naman! Bumagal ang pagtakbo ko nang makita siyang sumakay na sa tricycle. Nakatingin siya sa akin at wala man lang ekspresyon sa mukha. Hindi man lang naawa!
Palaging ganoon ang nangyayari. Lalapitan ko siya at iiwas naman. Lunes nang sumunod na linggo ay napagpasyahan kong hayaan na lang siya. Mukha namang ayaw niyang makipagkaibigan kaya bahala na siya. Siya rin naman mahihirapan.
"Gina, tumubo na 'yung mga ma-" sumunod ang tingin ko kay Gina na hindi man lang ako pinansin. Dire-diretso ang lakad niya at para akong kaluluwa na hindi niya nakikita.
"Rea," umupo na lang ako sa tabi ni Rea na nakaupo sa kubo. Tinatanaw ko ang mga lower grade na naglalaro, kasama na roon si Kelly. Tahimik lang ang kapatid ko ngunit nakikihalubilo naman hindi gaya ng kaklase kong si Liana na hindi yata marunong magsalita o bilang ang mga salitang dapat niyang ilabas sa isang araw. "Alam mo ba kung bakit hindi ako pinapansin ni Gina? Pati na rin kayo, madalas."
Luminga siya sa paligid kaya hindi ko napigilan at nakigaya na rin ako. Bumuntonghininga siya at pasimpleng bumulong na siyang ikinakunot ng noo ko. "Eh kasi, utos ni Kyle. Nakaaway ka raw niya dati tapos sabi niya kung sino kakausap sa’yo, kaaway na rin niya at pagtitripan nila."
L*cheng Kyle 'yun. Nagulat ako nang biglang tumayo si Rea at patakbong lumapit kina Gina na ngayon ay pabalik na at may dalang buko juice. Nasa likod nila ay si Kyle kasama sina Jeremy na nagtatawanan.
Padabog akong tumayo at lalapit sana sa kanila nang mapansin ko ang pag-iling ni Rea. Pilit siyang ngumiti sa akin. Nagtama ang tingin namin ni Gina at bakas sa mga mata niya ang pagtataka, marahil ay nakita ang senyas ni Rea.
Buong maghapon ay iyon ang iniisip ko. Bukod sa badtrip ako dahil kay Kyle, mas lalo akong nainis nang ako na naman ang inatasang cleaner ngayong araw kasama ang si Liana at ang dalawa pa naming kaklase. Siguro ay kailangan ko nang bawasan ang kagandahan ko dahil madalas na akong napapansin ng mga tao.
"Ronald, ikaw sa banyo." Tinaasan ko ng kilay 'yung kaklase namin na nag-utos. "Sabi ko nga, ako." Kinuha ko ang kanina'y hawak niyang walis tambo at pinalitan siya sa pagwawalis. Mabilis ang lakad niya papasok ng banyo para siguro simulan na ang paglilinis.
"Liana, pakilinis 'yung board." Inabot ko ang eraser sa kaniya na puno na ng chalk. Tinignan niya ako at ang hawak ko. Maya-maya ay bigla siyang nagtaas ng kilay sa akin. What?
Hindi ako nagpatalo kaya tinaasan ko rin siya ng kilay. Nalaglag ang panga ko nang bigla siyang ngumisi, tumalikod, at naglakad palabas hawak ang walis tingting. Naiwan sa ere ang kamay kong nag-aabot ng eraser sa kaniya.
"Ayan, kung ayaw mong gawin sa iyo, wag mo ring gagawin sa iba." Bulong nang isa naming kasama bago kinuha ang eraser sa kamay ko.
Hindi iyon ang huling interaksiyon namin ni Liana. Sa sumunod na araw ay pareho kaming naiwan sa garden dahil parehong hindi maganda ang tubo ng mga tanim namin kaya kailangan daw naming doblehin ang pag-aalaga sabi ng Teacher. Bakit kasi may ganito. Hindi ko naman ito magagamit kapag naging Abogado na ako.
"Ang sabi ni Gina, kausapin mo raw para maganda ang tubo." As usual, walang response si Liana. Napapaisip tuloy ako kung mabaho na ba ang hininga niya dahil hindi siya nagsasalita. Kahit na inaaway-away na siya minsan, wala pa rin siyang imik.
May araw pa na nakita kong tinulak-tulak siya nung lalaking nasa kabilang section pero nakatitig lang si Liana sa lalaki at walang imik. Hinahayaan lang niyang ganunin siya. Tinulungan ko naman syempre pero nagkunwari lang ako na tinatawag ang isang teacher na parating kuno kaya natakot iyong lalaki.
Tumayo ako at lumapit sa kaniya. May sarili na akong gloves. Nagpabili ako kay Kuya kahapon at ibinili naman niya ng walang reklamo dahil alam niyang nag ga-garden kami. Umupo ako sa harapan ni Liana at tinulungan siyang magbunkal.
"Hello, pechay ni Liana. Gayahin ninyo 'yung akin, maganda ang tubo kaso 'yung mga mani ko, pangit. Nakakainis. Kinakausap ko naman sila araw-araw pero lalo lang yatang pumangit ang tubo." Usal ko habang inaayos ang lupa kung saan nakatanim ang mga pechay.
Napaangat ako ng tingin sa kaniya nang bigla siyang tumawa. Pati tawa niya, mainhin hindi gaya ng tawa ko na akala mo sinaniban ng demonyo. "Natatakot daw ang mga mani sa boses mo kaya hindi maganda nag tubo. Wag mo na kausapin ang mga pechay ko, baka mamatay." aniya habang tumatawa pa rin.
Nakakaramdam ako ng pagkapikon pero pilit kong itinago. Ngayon ko kang siya nakitang tumawa sa tinagal-tagal naming magkaklase at ayokong sirain iyon. "Sorry." Sinubukan niyang pigilan ang pagtawa ngunit pilit na kumakawala ang mga ito. Hirap na hirap tuloy siya.
"Ayos lang. Ngayon lang kita nakitang tumawa simula noong maging magkaklase tayo kaya ayos lang."
Kinagat niya ang ibabang labi niya at nag-iwas ng tingin. Ibinalik ko sa mga tanim niya ang tingin ko ng ilang segundo bago ulit iyon ibinaling sa kaniya. Huminga ako ng malalim habang pinagmamasdan siyang mukhang naiilang na naman at nagsisimula ulit na tumahimik.
"Iniiwasan ako ng mga kaklase natin dahil kay Kyle. Alam mo naman na ang kaaway ni Kyle, kailangan maging kaaway rin ng lahat. Akala siguro nila, naaapektuhan ako but the truth is, I don't really care. Well, yes, mahirap pero hindi sapat ang pagkaisip bata nila para masira ako. So I hope, ganoon ka rin, Liana. Hayaan mo kang sila kung ayaw nila sa iyo. As long as your breathing, then you'll be fine."
Hindi siya umimik. Wala sa sarili akong bumunot ng dahon na nasa harapan ko. "Liana, pareho tayong walang friends, " tumawa ako "kaya wag ka ng choosy. Tayo na lang maging friends. Magkakasundo tayo dahil mahilig ako sa barbie at mahilig ka sa robots."
Sa wakas ay nag-angat na rin siya ng tingin sa akin. Patuloy ako sa pagbunot ng dahon habang pinapanood ang ekspresyon niyang nakataas ang kilay habang nakanganga. "Bakit tayo magkakasundo, eh magkaiba ang hilig natin?"
Ngumiti ako. "Opposite attracts. Hindi ka ba nakikinig sa science kanina?"
Hindi na naman siya umimik. Minsan ay iniisip ko na lang na baka mahina connection niya kaya hindi agad nakaka-response o 'di kaya ay nagla-log siya kaya ganito. Maya-aya ay tumango siya. "Sige, friends na tayo."
Wow. Parang napilitan pa siya. Pasalamat siya, nakipag friends ang pinakamagandang estudyante ng eskwelahang ito sa kaniya. "Sige. Punta tayo sa inyo mamaya. Bawal umayaw kasi friends na tayo. Gusto ko makilala parents mo saka diba, may barbie ka?" Ibinulong ko ang huling salita at mabilis na nilingon ang gate. Mahirap na dahil baka nandiyan na si Kuya lalo na't uwian na at susunduin niya si Kelly.
Muli akong humatak ng dahon at hinati-hati iyon nang hindi tinitignan. Naaaliw ako sa panonood kina Kelly na naglalaro ng Chinese garter. "Liana, sali kaya ako sa kanila maglaro? Ano sa tingin mo?"
Halos mapapalakpak ako nang magawang tumalon ni Kelly ng maayos. "Hindi pwede dahil kawawa sila. Ang laki mo na tapos makikisali ka sa larong pambata."
Nilingon ko siya at pagalit na bumunot ulit ng dahon. Nanlalaki ang mga mata niya akong tinignan at laglag pa ang panga niya. Gulat na gulat yata sa mukha kong maganda. "Bakit? Bata pa naman ako, ah? Maliit nga lang sila pero bata pa rin ako! Hindi pa nga ako nag de-debut kaya paano mo nasabing matanda na ako. At isa pa, magkasing-edad lang kaya tayo!"
Kumurap-kurap siya at nakatitig lang sa akin habang ganoong pa rin ang itsura. "Napano ka?" Inosente kong tanong habang pinagmamasdan siya. Muli sana akong bubunot ng dahon nang bigla niyang hawakan ang kamay ko at pigilan.
Unti-unti kong ibinaba ang tingin sa kamay kong hawak niya ngayon at nanlaki ang mga mata ko sa nakita. "Ronald, 'yung pechay ko, inubos mo ang dahon..." hindi ko mawari kung galit ba siya, malungkot, o ano dahil sa tono ng boses niya.
Sa harapan namin ay ang kawawang pechay na lasog-lasog na ang nga dahon at nakapaligid dito 'yung pinagpira-piraso kong dahon kanina. Hindi ko namalayan na pechay niya pala ang binubunutan ko ng dahon kanina pa.
Peke akong tumawa at nag peace sign. "Sorry, hehe."