“HINDI MAN lang yata sumilip si Vera Mae kay Travis,” kaswal na sabi ni Raquel sa kanya matapos ang kanilang almusal. Nailibing na kahapon si Travis matapos ang tatlong araw na burol nito. Napagkasunduan nina Raquel at Honey na ipalibing na rin si Travis lalo at wala na rin namang kaanak na hihintayin pa. Hindi rin pumayag ang mama niya na sa boardinghouse umuwi si Honey. Ito pa ang nakiusap kay Honey na mag-stay sa kanila kahit ilang araw lang. Kagabi ay tamilmil na sumalo ito sa kanilang hapunan bago nagpaalam na mamahinga na. Pare-pareho lang naman silang pagod kaya naman ngayon lang din sila nagkita-kita uli sa malaking bahay na iyon. Kinatok niya si Honey kanina para ayaing mag-almusal pero malamang ay tulog pa ito kaya walang sumagot sa kanya. Kagabi ay pinakiramdaman pa niya ito

