Iba talaga ang hatid na ligaya sa akin no’ng malaman ko na isinuot ni Eugene ‘yong binigay kong bracelet para sa kanya. Kahit simpleng bagay lang ay napasaya na yung araw ko.
"Todo ngiti ka ata ngayon ah pareng Jiro." Pambungad sa akin Mio pagdating ko sa classroom.
"Mukhang hindi pa siya naka-get over dun sa Baymax na nakuha niya kahapon," sabi naman ni Dave na liit.
"Tigilan mo ako liit!” Pambabara ko sa kanya. “At least mas malaki ako sa binigay na stuffed toy sa akin."
Sadya kasing mas malaki pa sa kanya yung teddy bear na nakuha niya kahapon.
"Grabe siya! Wala namang damayan ng height." Pagtatampo nito.
"Sus, huwag ka nga, small but terrible ka kaya." Pang-aasar ko pa sa kanya.
"Terrible pala ah," sabi nito tyaka tumayo.
Ayon na ‘yong senyales ko na kailangan ko na ang tumakbo dahil hahabulin na ako ng tyanak.
"Hoy bumalik ka dito!" sigaw niya habang hinahabol pa rin ako.
Pero sino ba ang loko-loko ang magpapahabol sa kanya? For sure mabubugbog ako nito kahit na sabihin mong maliit ‘yan pero kayang kaya niya ako patumbahin.
Nasa gano’ng pagtakbo ako nang may biglang humawak sa braso ko at buong pwersa ako nitong itinulak. Napatumba ako at naramdamang tumama ang ulo ko sa pader na siyang nagsanhi ng aking pagkahilo.
"Jiro!" pagtawag ni Dave sa pangalan ko dahil paniguradong nakita niya ‘yong nangyari.
"Ano bang problema mo Greg?" galit na sigaw ni Dave kay Greg.
"Ang iingay niyo, hindi naman sa inyo tong hallway." Pagdadahilan ni Greg.
Tinignan ko sila, mukhang kalmado lang si Greg na parang minamaliit ang kaharap niyang si Dave.
Laking gulat ko na lamang ng biglang sinipa ni Dave ang hita ni Greg kaya't kitang-kita ko kung paano ‘to namilipit sa sakit.
"Walang hiya kang bibwit ka!" galit na galit na sambit ni Greg habang hawakhawak ang kanyang hita na sinipa ni Dave.
Nakita ko rin si Eugene na nakatayo sa likod niya at nakakunot ang noong nakatingin sa akin. Maya-maya pa ay nakaramdam ako ng matinding pagkirot sa ulo ko kaya hinawakan ko ang parteng tumama sa pader.
Ramdam ko ‘yong tila likidong dumadaloy palabas mula sa aking ulo kaya't tinignan ko ang aking kamay at nakita ang dugo galing sa akin ulo.
"Sh*t," tangi ko na lamang nasambit bago tuluyang nagdilim ang aking paningin.
---
Nagising na lamang ako sa hindi pamilyar na lugar, tinignan ko ang buong paligid at agad kong nakita si Dave na papalapit sa akin.
"Mabuti naman at nagising ka na," sabi ni Dave sa akin na mukhang galing pa sa pag-iyak.
Tinangka ko bumangon ngunit nakaramdam ako ng matinding p*******t sa aking ulo.
"Ah!" daing ko at napahawak sa aking ulo.
"Huwag ka munang bumangon,” sabi ni Dave. “Sabi ng nurse kailangan mo munang magpahinga."
Humiga naman akong muli.
"N-nasaan ako?" tanong ko sa kanya.
"Nandito tayo sa school clinic," sagot naman nito sa akin.
Tinignan ko ito ng nakakaloko, may bigla kasing pumasok sa isip ko.
"Lakas naman pala ng kaibigan ko,” sabi ko sa kanya. “Buti nagawa mo akong buhatin papunta dito." Dagdag ko pa na siya namang pinanlakihan niya ng mata.
"Sira ka talaga! Hindi ako ang nagbuhat sayo papunta dito, ano ka sinuswerte?" asik nito sa akin.
"Sus, lakas mo nga kanina, nakita ko pa kung paano mo pinatumba si Greg. Small but terrible ka talaga!" Pang-aasar ko pa sa kanya.
"Hays! Pasalamat ka at wala ka sa tamang kalagayan ngayon kung hindi ay baka mas malala pa ang nangyari." Pananakot nito sa akin.
"I‘m scared! Huhuhu I’m scared!" Pag-arte ko na parang natatakot sa maliit na kasama ko.
"Tse!" Pagsuko nito sa akin.
Maya-maya ay nakarinig kami ng nagtsitsimisan na babae na pumasok din sa clinic.
"Alam mo na ba ‘yong nangyari sa block 3A kanina? May nagsuntukan daw," sabi ng isang babae.
"Talaga ba? Sino daw ‘yong mga nagsuntukan? Hindi ba section ‘yon nila Greg?" sagot naman nung isa.
"Oo section nila ‘yon, si Greg daw at ang bestfriend niyang si Eugene ang nagsuntukan kanina, grabe nga daw ‘yong naging away nila. May nakapagsabi na nagkaroon daw sila ng hindi pagkakaunawaan no’ng nag-uusap sila papunta sa room nila tapos ‘yun na, nagsapakan na silang dalawa." Pagtutuloy ng babae sa kwento niya.
"May ganun? Bakit kaya sila nagsuntukan?" tanong bigla ni Dave.
"Aba malay ko, baka napagdesisyunan nilang ibully ang isa't-isa," sagot ko sa kaibigan ko pero nakaramdam ako ng pag-aalala para kay Eugene.
"Sira ka talaga, dapat ay magkaroon ka ng kaunting simpatya sa crush mong bully dahil buong ingat ka niyang binuhat at dinala dito sa clinic," sabi ni Dave sa akin na siyang namang nagpabangon sa akin.
"Aray!" Reklamo kong muli nang makaramdam muli ng kirot sa aking ulo.
"Ayan, nalaman mo lang na dinala ka ng crush mo dito nabuhay na agad ang dugo mo," sabi nito sa akin ngunit hindi ko na lang pinansin.
Nakaramdam ako ng tuwa nang malaman na si Eugene ang nagdala sa akin sa clinic, sayang, hindi ko naramdaman ‘yong bisig niya habang buhatbuhat niya ako.
"Ayan, tulala ka na, ‘yang laway mo tumutulo," sabi ni Dave sa akin sabay salok sa may bandang baba ko.
Inalis ko ‘yong kamay niya tyaka ko siya binatukan.
"Huwag ka ngang panira ng moment!” sambit ko sa kaibigan ko. ”Alam mo naman na crush na crush ko ‘yong si Eugene kahit na lagi niya akong inaapi."
Hawakhawak ni Dave ang ulo niya, napasakit ata yung pagbatok ko sa kanya.
"Kakaiba ka talaga, kapag si Eugene na ang pag-uusapan nagiging halimaw ka sa pagtatanggol sa kanya." Reklamo nito sa akin.
"Sorry Dave, ganyan talaga." Paghingi ko na lang ng tawad sa kanya.
---
Pagsapit ng tanghali ay pinayagan na akong makalabas ng nurse. Buti na lang din dahil gutom na gutom na kami ni Dave dahil hindi na kami nakakain no’ng breaktime, hindi na rin namin inabala sila Mio at Jules na dalhan kami ng pagkain para makabalik na sila sa classroom dahil malayo ‘tong clinic sa building namin.
"Kumusta na kalagayan mo?" tanong sa akin ni Mio.
Nandito na kasi kami sa canteen ng school.
"Okay naman na, binigyan na ako ng gamot ng nurse," sagot ko sa kaibigan ko.
"Ano ba kasing naisipan niyong dalawa at naghabulan pa kayo sa hallway?” tanong ni Jules sa amin. “Yan tuloy naaksidente ka pa."
Hindi na kasi namin sinabi na tinulak ako ni Greg kaya ako natumba at nabagok, baka kasi magkagulo pa kapag nalaman nila ang nangyari.
"In fairness nga pala, ‘yong mga bully niyong dalawa ay mukhang nag-away raw kanina," sabi ni Mio sa amin.
"Oo nga daw,” tugon ni Dave sa kanya. “Narinig namin kanina doon sa clinic noong may nagtsitsismisan na mga estudyante doon."
"Ano kayang pinag-awayan nila? Mukha kasing napakalalim ng rason at nauwi pa sa suntukan eh," tanong ni Mio na mukhang curious na curious sa pangyayaring iyon.
"Huwag na nga nating isipin ang bagay na ‘yan.” Pagsaway sa amin ni Jules. “Ang importante ay na-divert sa iba ‘yong atensyon nila, mabuti na rin at baka matigil na ang panggugulo ng dalawang ‘yon sa dalawa namang ito."
Nagkibitbalikat na lamang kami at itinuloy ang pagkain namin.
----
"Ok class mayroon tayong napakaimportanteng announcement." Pagpapaumpisa ng adviser teacher namin na si madam Mylla.
"Alam niyo naman ang schedule of events natin kaya siguro ay aware na kayo sa nalalapit na foundation week ng ating school, ang Saint Morning Academy!" masiglang sambit ng teacher namin na mukhang nakasinghot na naman dahil sa pagka-high nito.
"Aware naman kayo na tuwing sasapit ang ating foundation ay ginagawa ang final examination sa katapusan ng February. Ngunit hindi tungkol doon ang gusto kong i-announce sa inyo."
Naglakadlakad si Madam Mylla sa harap na parang lukaret.
"Dahil grade 11 na kayo, sa inyo kukunin ang representatives para sa gagawing Mr. Saint Morning!!" maligalig nitong pasasabi sa amin na parang big deal para sa kanya ang event.
"So class, sino ang napupusuan niyong maging representative ng inyong section?" tanong nito sa amin na animo'y isang hurado na masusing sinisiyasat ang bawat miyembro ng klase.
"Jiro!" pagtawag niya sa akin na nagpapitlag sa akin. "Pumunta ka harapan!" utos pa nito.
Wala naman akong nagawa kundi ang tumayo sa harapan. Si madam Mylla naman ay sinimulang maglakad paikot sa akin na tila sinusuring mabuti ang aking katawan.
"From head to toe, makinis, maganda ang tindig, maganda ang pangangatawan," sabi nito at pinisil pisil pa talaga ang braso ko. "At higit sa lahat, gwapo." May pagkamalanding dagdag niya pa na nagpalunok sa akin.
"So class, what can you say? Si Jiro na ba ang gagawin nating representative ng section na ito?" tanong nito sa buong klase .
Akala ko ay walang sasagot, ngunit laking gulat ko na lang na nagsigawan silang lahat na nagpapahag ng pagsang-ayon sa naisip ni Madam na ideya.
Napakamot na lamang ako ng ulo dahil sa tingin ko ay wala na akong magagawa, nandyan din kasi ‘yong mga kaibigan ko na sigurado akong ipipilit ang gusto nila.
Pagkatapos no’n ay nagdiscuss si Mam tungkol sa mga nagaganap tuwing foundation week at kung bakit Mr. Saint Morning lang ang meron at walang Miss.
"Masyado na kasing nagagamit ang mga babae sa pageant kaya naisip ng school na lalaki lamang ang isabak. Tyaka ayaw niyo ‘yon? Makikita niyong rarampa ang mga naggagwapuhang estudyante ng school na ‘to," mahabang lintanya na tila nagdedeliryo nang mabanggit ang naggagwapuhan na estudyante.
Sa totoo lang ay maganda naman talaga si Mam, ‘yon nga lang ay magpaka O.A. minsan ang mga actions niya pero overall, she's one of the best teacher in school.
----
Natapos na ang klase at nagpaalam na kami sa isa't-isa. Kadalasan ay kasabay ko si Dave na umuuwi pero sabi niya ay may pupuntahan muna siya at ayaw niya na akong isama para daw hindi na niya ako maabala. Ang ginawa ko na lamang ay inabangan ang lalaking nagpapatibok ng aking puso upang muling pagmasdan ang mga gagawin niya.
As usual, dumaan ito sa lagi nitong dinadaan ngunit kakaiba ngayon. Tila ba ang lalim ng iniisip niya at kapansin pansin ang mga galos sa mukha nito na mukhang hindi pa nalalapatan ng first aid.
Hindi ko alam kung anong nag-udyok sa akin ngunit kusang gumalaw ang aking mga paa at humarang sa dinaraan niya.
Mukhang nabigla ito nang makita ako sa kanyang harapan.
"H-hi," nahihiya kong pagbati kay Eugene na ngayon ay nakunot noong nakatingin sa akin.
"Malakas na ang loob mong lumapit sa akin ah, ano?” maangas na turan niya sa akin. “Gusto mo rin ba ng sakit ng katawan?"
Tsk! kahit kailan talaga ay ang yabang ng isang ‘to. Gusto ko lang naman magpasalamat sa kanya.
"A-no kasi..." magsasalita na sana ako nang bigla niya akong lampasan.
Tama ba yun? Kinakausap ko pa siya eh.
"Sandali!" Pagpigil ko sa kanya at talagang napahawak pa ako sa braso niya. (Tsansing na ito!!)
Napabuntong hininga siya at saka humarap sa akin.
"May sasabihin ka ba? Pwedeng pakibilisan? Nagmamadali ako dahil gusto ko nang makauwi." yamot na sabi niya sa akin.
"Salamat.” Iyon lamang ang aking nabanggit.
Tila nagtaka pa ito kung bakit ako nagpapasalamat dahil nabakas ko ‘yon sa kanyang mukha.
"Para saan naman yang pagpapasalamat mo?" tanong niya sa akin.
"A-ano, sa pagbuhat sa akin at pagdala sa akin sa clinic kanina, nasabi sa akin ni Dave na ikaw daw ‘yong bumuhat sa akin," sabi ko sa kanya.
Ewan ko ba, bigla akong nanginig na ewan, ang bilis ng t***k ng puso ko.
"A-a-ah ‘yon ba? W-wag mo na lang alalahin ‘yon, W-wala ‘yon! Oo tama Wala ‘yon kaya huwag mong bigyan ng kung anong kahulugan yun," sabi niya na tila nawala ang angas dahil sa pagkakautal-utal niya at saka tumalikod sa akin at nagsimulang maglakad palayo.
Pero napangiti na lang ako sa inasal niya, pakiramdam ko kasi ay nahihiya siya sa pinakita niyang kabaitan sa akin.
"Teka!" Pagpapahinto ko ulit sa kanya na siya namang ikinalingon niya agad.
"Ano na naman?" tila naiinis na nitong sagot sa akin.
Hindi na ako nag aksaya ng oras at agad lumapit sa kanya at binigyan siya ng halik sa pisngi. Bahala na, paraparaan na lamang ito.
"Salamat talaga,” sabi ko sa kanya. “Huwag kang mag-alala, makakabawi din ako sa kabutihang ginawa mo."
Dali-daling akong tumakbo palayo mula sa kanya. Buti na lamang ay natulala siya sa pagkabigla sa aking ginawa at hindi na niya nagawang mag-react sa paggawad ko ng halik sa kanya.
Paraparaan...
At least na-kiss ko siya, bahala na bukas kung paano niya ako babawian.