NAPANGITI si Kila nang makitang papalapit sa puwesto na binabantayan niya si Grayson. Kaagad itong ngumiti nang magtama ang mga paningin nila.
Kaagad na napuno ng kaligayahan ang kanyang puso. Nawala agad ang lahat ng pagod niya sa maghapon.
“Nariyan na ba ang sundo mo, Kila?” nakangiting tanong sa kanya ni Aling Tess, ang kanyang amo. May malaki itong puwesto sa palengke at nagtitinda sila ng mga karne ng baboy at manok. Napakarami palagi nitong customer kaya kailangan nito ng katulong. Mula nang magtapos siya ng high school ay nagtrabaho na siya rito. Mabait ito at maayos magpasuweldo kaya gusto niyang nagtatrabaho rito.
“Opo,” tugon niya. Hindi kaila rito ang nararamdaman niya para kay Gray. Lahat yata ng taong nakapaligid sa kanila ay alam na espesyal na espesyal ang binata sa kanyang puso. Alam na rin ng kanyang amo ang kuwento ng buhay nilang dalawa.
“Magsara na tayo at wala naman nang bumibili. Maaga tayo bukas, Kila, ha?”
“Opo,” sagot niya habang nagliligpit na.
“Magandang gabi, Aling Tess!” bati ni Gray nang tuluyan na itong makalapit sa puwesto nila. “Hi, Dakila!”
Napasimangot siya. “Sinabi nang `wag mo akong tatawagin sa buong pangalan ko, eh,” kunwari ay naiinis na sabi niya. Ang totoo, dito at sa mga magulang na lang nito siya hindi nagagalit kapag tinatawag siya ng mga ito sa buong pangalan niya. “Dakila Bonifacio” ang buong pangalan niya. Hindi niya malaman kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga magulang niya nang ibigay ng mga ito sa kanya ang pangalan na iyon. Sa mga importanteng dokumento na lang niya ginagamit ang pangalan niya. “Kila” ang tawag sa kanya ng lahat.
Ginulo ni Gray ang buhok niya. Pinigilan agad niya ang kamay nito. “Ang ganda nga ng pangalan mo, eh. Dakilang-dakila.” Natawa pa ito pagkasabi niyon.
Hinampas niya ang dibdib nito. “Tulungan mo na lang kaya kami sa pagsasara para makauwi na tayo.”
Tinulungan nga sila nito sa pagsasara ng puwesto. Pinauna na siyang pauwiin ni Aling Tess dahil hihintayin pa nito ang sundo nito. Binilinan uli siya nito na pumasok nang maaga kinabukasan.
Bumili si Gray ng isaw at soft drink para sa kanilang dalawa. Kinain nila iyon habang naglalakad pauwi sa bahay. Nagbibiruan sila hanggang sa maging seryoso ang usapan nila. Tinanong kasi niya ito tungkol sa pag-aaral nito. Nasa ikatlong taon na ito ng kurso nitong Civil Engineering.
“Pangako, Kila, kapag natapos ako sa pag-aaral, ikaw naman ang pag-aaralin ko sa college. Hindi mo na kailangang magtinda sa palengke,” seryosong wika nito pagkatapos sabihin na okay lang ang lahat sa pag-aaral nito. Nais sana niyang alamin kung may maitutulong siya. Sa makalawa ay susuwelduhan na siya ni Aling Tess. Maaari niyang ibigay rito ang pera upang maipandagdag sa mga gastusin nito.
Nginitian ito ni Kila at marahang sinuntok ang braso nito. “Alam ko naman `yon. Kaya nga nag-i-invest na ako sa `yo. Para akong nagdedeposito sa bangko. Malapit na ang bayaran ng tuition, hindi ba? Narinig ko kagabi na nag-uusap sina Nanay Perla at Tatay Berting tungkol doon. Magtutungo na naman yata si Nanay kay Bumbay para mangutang. Susuweldo ako sa susunod na araw. Makakatulong naman siguro iyon kahit paano.”
Marahas itong bumuga ng hangin. May inis at galit na dumaan sa mga mata nito. Nagkabahid din ng hiya ang maganda nitong mga mata. “Itabi mo ang suweldo mo, Kila, at baka kailanganin mo sa hinaharap. Hayaan mo na kami nina Nanay at Tatay tungkol sa problema namin sa pera. Nahihiya na kami sa `yo dahil panay ang bigay mo tuwing makukuha mo ang suweldo mo.”
“`Sus, ikaw pa ang nahiya sa `kin. Wala `yon, `no! `Sabi ko nga, parang nagdedeposito lang ako sa bangko. Kailangan mong makatapos. Sayang naman kung titigil ka na lang, eh, nasa third year ka. Ang tali-talino mo pa naman. Ako nga ang dapat na mahiya sa inyo. Malaki ang utang-na-loob ko sa inyong mag-anak kaya dapat lang na tumulong ako sa lahat ng paraang alam ko.”
Noong anim na taong gulang siya, iniwan na lang siya basta ng nanay niya sa bahay at hindi na kailanman bumalik. Hindi niya alam kung ano ang nangyari dito. Hindi niya alam kung saan na ito napadpad. Ni hindi na niya maalala kung nagpaalam ito o hindi sa kanya nang araw na iyon.
Ilang araw siyang iyak nang iyak sa bahay. Hindi siya lumalabas dahil natatakot siya. Dalawang pakete ng noodles lang ang pagkain sa bahay nila noon. Wala sila kahit na isang butil ng bigas. Naubos pagkalipas ng dalawang araw ang noodles na inunti-unti niya ang kain. Umasa siya na babalikan siya ng nanay niya bago pa man siya mamatay sa gutom.
Namilipit siya sa gutom. Iyak siya nang iyak. Tinatawag niya ang kanyang ina. Hanggang sa bisitahin siya ng isang kapitbahay—si Nanay Perla. Nagtataka na raw ito kung bakit walang lumalabas sa bahay nila at palagi nitong naririnig ang pag-iyak niya. Umiiyak na ikinuwento niya rito na hindi pa nagbabalik ang kanyang ina mula nang umalis ito.
Kinupkop siya nito. Buong puso siya nitong pinatira sa bahay ng mga ito. Pinakain siya at binihisan. Doon daw muna siya hanggang sa bumalik ang kanyang ina. Naging napakabait sa kanya ng asawa nito at nag-iisang anak na lalaki, si Grayson.
Sampung taong gulang na siya nang tanggapin niya sa kanyang sarili na hindi na babalik ang kanyang ina. Pinag-aral siya nina Nanay Perla at Tatay Berting. Malaki na ang pasasalamat niya kahit na sa pampublikong paaralan lang siya nag-aral mula kinder hanggang high school. Ang mahalaga ay nakapag-aral siya. Naibibigay rin ng mag-asawa ang mga pangangailangan niya. Inalagaan siya ng mga ito na parang tunay na anak. Kaya naman pinagbubutihan niya ang lahat ng ginagawa niya. Nag-aral siyang mabuti upang hindi madismaya ang mga kumupkop sa kanya. Palagi siyang nangunguna sa klase. Hindi siya gumagawa ng anuman upang sumama ang loob ng mga ito. Hindi rin siya gumawa ng kahit na anong magdudulot ng kahihiyan sa mga ito.
Mahal na mahal niya ang pamilyang nagpatuloy sa kanya sa tahanan ng mga ito. Hindi man maalwan ang buhay nila, masaya pa rin sila. Kahit na sa squatters’ area sila nakatira, tahanan ang turing niya roon at masaya silang magkakasama. Nagtatrabaho sa isang factory si Tatay Berting, samantalang may maliit na karinderya si Nanay Perla sa harap ng maliit nilang bahay.
Hindi lang sa mag-asawang Perla at Berting siya napalapit nang husto. Mas napalapit siya kay Grayson, na tatlong taon ang tanda sa kanya. Unang araw pa lang niya sa bahay ng mga ito ay kinagiliwan na siya nito. Amused nitong pinanood ang maganang pagkain niya. Halos hindi siya makahinga noon sa pagkain dahil ilang araw na hindi nalamnan ang tiyan niya.
Naging sobrang malapit nila sa isa’t isa. Ito at ang mga magulang nito ang dahilan kung bakit siya naging masaya kahit na walang ina na bumalik sa kanya. Naisip niya na baka sadyang hindi na nito kaya ang responsibilidad nito sa kanya. O hindi nito kinaya ang kahirapan ng buhay nila kaya hindi na ito bumalik. Maaari ding naaksidente ito sa daan kaya hindi na nakauwi. Nakakalungkot isipin ang mga bagay na iyon, ngunit wala na siyang magagawa. Anim na taong gulang lang siya noon.
Disisais siya nang mapagtanto niya na umiibig na siya kay Grayson. Wala namang masama sa nararamdaman niya. Hindi naman sila magkapatid. Hindi naman siya legal na inampon nina Nanay Perla at Tatay Berting. Apelyido pa rin ng nanay niya ang ginagamit niya. Alam ng lahat ng tao sa lugar nila ang totoong relasyon nila.
Isang buwan na lang, disiotso na siya. Alam niyang maaaring sabihin ng ilan na masyado pa siyang bata upang makasiguro na pag-ibig nga ang nadarama niya, ngunit kilala niya ang kanyang sarili. Hindi niya sinasabi kay Nanay Perla ang tungkol sa nararamdaman niya sa anak nito dahil natatakot siya. Baka hindi siya nito gustuhin para sa unico hijo nito. Baka rin sabihin nito na hero-worship o adoration lang ang nararamdaman niya. Baka isipin nito na naipagkakamali lang niya sa pag-ibig ang mga damdaming iyon. Alam kasi niya na nais ng mag-asawa na magturingan sila ni Grayson na magkapatid.
Hindi man niya sinasabi nang hantaran ang damdamin niya ukol kay Gray, aware siya na alam ng mga taong nakapaligid sa kanila na mahal na mahal niya ang binata.
Habang lumilipas ang mga araw ay lalong napapamahal sa kanya si Gray. Tila sasabog na ang puso niya minsan sa sobrang pagmamahal. Umaasa siya na ganoon din ang nararamdaman nito para sa kanya. Napakabait nito. Alagang-alaga siya nito. Ipinapanalangin niya na sana ay mahalin siya nito hindi bilang kapatid kundi bilang isang babae.
Kaibig-ibig kasi talaga si Gray. Matangkad ito, guwapo, at makisig. Marami ang nagsasabi na maaari itong maging isang modelo o artista. Bukod sa maganda nitong pisikal na anyo, matalino rin ito at matulungin. Hanggang sa kaya nitong tumulong sa mga nangangailangan, tutulong ito.
Gagawin niya ang lahat para dito at sa mga magulang nito. Ibibigay niya pati ang buhay niya. Hindi siya naghinanakit nang sabihin ng mag-asawa na hindi na siya mapag-aaral ng mga ito sa kolehiyo dahil lumalaki ang mga gastusin ni Gray sa unibersidad. Pangarap kasi talaga ni Gray na maging engineer kaya nagpupursige ang mga magulang nito. Naiintindihan niya ang sitwasyon. Hindi rin naman siya gaanong umasa. Nagpapasalamat nga siya nang malaki dahil siya ang kinuha ni Aling Tess sa puwesto nito. Nagkaroon siya ng trabaho na may regular na sahod. Nakakapagbigay na siya kahit paano kay Nanay Perla upang maipandagdag nito sa mga gastusin nila sa bahay.
Hindi pa sumisikat ang araw ay nasa palengke na siya. Nakakauwi siya sa tanghali dahil wala nang gaanong namimili sa palengke. Sa hapon na uli siya bumabalik sa palengke hanggang sa gabi. Madalas siyang sinusundo ni Gray doon.
Napapitlag siya nang akbayan siya ni Gray. Tila may mga naghabulang daga sa dibdib niya. “Basta ipunin mo lang `yang suweldo mo. Malapit na ang birthday mo. Ibili mo ng magandang damit at bag ang sarili mo.”
Lumabi siya at pilit niyang pinagmukhang kalmado ang kanyang sarili. “Hindi naman importante ang mga bagay na iyon, eh. Nasa palengke lang naman ako palagi kaya hindi ko rin magagamit ang magandang damit at bag na sinasabi mo. Nadudumihan ako palagi. Hayaan mo na akong makatulong sa `yo, Gray.”
Bumuntong-hininga ito. “Nahihiya na ako sa `yo nang husto, Kila. Ang gusto ko rin sana ay makapag-aral ka sa kolehiyo.”
“Darating din tayo roon,” aniya. Kapag nakatapos na ito, mag-iipon na siya para sa sarili. Pagsusumikapan din niyang makatapos para hindi siya kahiya-hiyang itabi rito.
Hinigpitan nito ang pagkakaakbay sa kanya. “Basta, kapag nakatapos ako at nagkaroon ng magandang trabaho, pag-aaralin kita. Ikaw naman ang susuportahan ko. Hindi kita pababayaan.”
“Pangako?”
“Pangako.” Hinagkan pa nito ang sentido niya.
Tila lumundag palabas ang kanyang puso nang lumapat ang mainit nitong mga labi sa balat niya. Panghahawakan niya ang pangako nitong hindi siya nito pababayaan.