Prologue
TINIPON ni Intoy ang mga kapatid, anak, pamangkin, at in-laws niya sa villa. Nasa Villa Cattleya ang buong pamilya nila dahil sa labis na pag-aalala nila kay Mama Ancia. Wala pa sa kanila ang handa na mawalan ng ina o lola.
“Nakausap ko ang mga doktor ni Mama bukod kay Pepe,” panimula niya nang naroon na ang lahat. Bilang panganay, tungkulin niyang paalalahanan ang mga ito. “Ang sabi ay hindi na dapat ma-stress ang mama. Mahina na ang puso niya. Kaunting stress ay makakaapekto nang husto sa kalusugan niya. Ayokong may maghahatid ng kahit na anong problema—maliit man o malaki—o kahit na anong bagay na makakapagdulot ng stress sa matanda. Everyone will behave. No one will say or do anything that might upset her. Any little thing,” mariing wika niya. Inilibot niya ang paningin sa lahat. “Have I made myself clear?”
“Yes,” tugon ng ilan. Ang ilan naman ay tumango.
Tumingin siya kay Xander, ang pangatlong anak niya, at sa asawa nito. “You can forget about your annulment. Walang maghihiwalay!” mariing utos niya. Wala siyang pakialam kahit na initially ay pinayagan na niya ang mga ito. Ibang usapan kung madadamay ang kanyang ina.
Sa pasasalamat niya ay tumango ang anak niya at hindi na nagprotesta. Ang asawa nito ay nanahimik lang.
Maigi at naiintindihan ng mga ito ang sitwasyon.
HINAWAKAN ni Kila ang kamay ni Xander at marahang pinisil. Nakaupo sila sa isang mahabang bench sa hallway ng isang ospital. Malapit lang sila sa hospital suite ni Lola Ancia.
“She’s going to be all right,” malumanay niyang sabi rito. Kunot na kunot ang noo nito at kanina pa ito tahimik. Kapag ganoon ito, alam niya na nag-aalala ito nang labis sa kalagayan ni Lola Ancia. Matagal na rin silang nagsasama kaya kabisado na niya ito.
Sa pagkakataon nga lang na iyon, alam niya na hindi niya ito basta-basta na lang mapapayapa. Kahit siya ay nag-aalala sa matanda na walang ibang ipinakita sa kanya kundi pulos kabutihan. Naramdaman niya ang pagmamahal at pagtanggap nito noong mga panahong kailangang-kailangan nila ni Xander ng karamay at pang-unawa. Ayaw niyang isipin na maaaring may mangyaring masama rito, na maaari na sila nitong iwan. Ayaw pa nila. Hindi pa sila handa. Sa palagay niya ay hindi sila kailanman magiging handa roon.
Noong isang araw ay may nanloob sa Villa Cattleya. Nahuli at naparusahan na ang masasamang tao, ngunit labis na naapektuhan si Lola Ancia. Stable na raw ang vital signs nito ngayon. Nasa ospital ito upang makabawi ng lakas. Sinamantala na rin nila ang pagkakataon upang mapatingnan ito nang husto sa mga doktor.
Nais na sanang umuwi ng matanda dahil ilang araw na raw itong hindi nakakabisita kay Lolo Andoy at baka magtampo na raw ang lolo nila, ngunit iginiit ng mga anak nito na manatili pa ito nang ilang araw sa ospital. Mahina pa ito at hindi pa nakakabawi ng lakas.
As soon as they heard from Wilt that Lola Ancia was in the hospital, they dropped everything, left the city, and drove home. Wala nang mas magiging importante pa kundi ang siguruhin na magiging maayos ang matanda. Bahagyang napawi ang pag-aalala nila nang siguruhin ni Uncle Pepe na magiging maayos si Lola Ancia. Masyadong nakaapekto rito ang masamang nangyari sa villa, sa tahanan nito.
Hindi siya sinagot ni Xander. Pinisil lang nito ang kamay niya.
Halos sabay silang nag-angat ng ulo nang bumukas ang pinto ng hospital suite. Lumabas mula roon sina Uncle Nigel at Anne. Si Uncle Nigel ang bunsong anak ni Lola Ancia. Kaagad na tumayo si Xander at nilapitan ang tiyuhin. Sumunod si Kila rito.
“How is she, Uncle?” tanong ni Xander.
Nginitian sila ni Uncle Nigel. “She’s okay. Mas malakas siya ngayon. Nakikiusap na iuwi ko na siya pero hanggang bukas pa raw siya rito sabi ni Kuya Peps. Nasabi ko na naghihintay kayong mag-asawa dito sa labas. Pumasok na kayo at hinahanap niya kayo.”
Tumango si Xander. “Okay. Salamat, Uncle. We’ll go in.”
Pipihitin na sana ni Xander ang doorknob nang pigilan ito ni Uncle Nigel. Nagtatanong ang mga matang napatingin sila rito.
“Hindi sa nakikialam ako, Xan, Kila. Ayoko ring isipin n’yo na pinangungunahan ko kayong mag-asawa sa mga bagay-bagay,” malumanay na sabi nito. “I know Kuya Intoy and Ate Czarina have been giving you such a hard time already. Ayoko na sanang makadagdag pa. Pero hihingin ko pa rin na sana ay `wag n’yong bibigyan ng dahilan para ma-upset ang lola n’yo. She’s so old. Marupok na ang katawan niya. Kaunting stress ay malaki ang magiging epekto sa kalusugan niya. I heard about the annulment. It can wait, right?” Nakikiusap ang mga mata nitong nakatingin sa kanila.
Napalunok si Kila. Hindi ito ang unang nagsabi niyon, ngunit hindi pa rin siya nasasanay sa pakiusap at utos ng pamilya nila na ipagpaliban ang paghihiwalay nila ni Xander. Mula nang malaman nila ang tungkol sa masamang nangyari, ilang kapamilya na ang kumausap sa kanila tungkol sa paghihiwalay nila na kumalat na sa buong pamilya. Si Lola Ancia na nga lang yata ang hindi pa nakakaalam ng tungkol doon.
“We’re not filing for annulment,” ani Xander sa matatag na tinig. “We’ll stay married. We’re working things out.”
Hindi niya alam kung ikatutuwa niya o ano ang narinig mula sa kanyang asawa. Alam niya na hindi nito basta-basta na lang sinasabi iyon upang mapaluguran o mapayapa ang pamilya nito. Kapag ganoon ang tinig nito, gagawin nito ang lahat upang matupad ang mga salitang binitiwan nito.
Alam din niya kung paano ito umibig. Alam niya na minsan sa buhay nito, handa itong ipaglaban hanggang sa dulo ang babaeng iniibig nito. Naging handa ito na kalabanin ang buong pamilya nito. Naging handa itong talikuran ang lahat.
Umaliwalas ang mukha ni Uncle Nigel sa narinig. “Thank you. We’ll go ahead. See you at the villa later.”
Tango lang ang naitugon nilang mag-asawa.
Pumasok sila sa loob ng hospital suite. Kaagad na napangiti si Lola Ancia nang makita sila. Kulang sa sigla ang ngiti nito. Bahagya pa itong namumutla. Tila piniga ang puso ni Kila sa nakita niyang anyo ng matanda. She looked so old, so frail, and so fragile.
Nang itaas nito ang nangungulubot nitong kamay ay kaagad siyang lumapit at hinawakan ito.
“Bibili lang ako ng maiinom, Kuya Xan, Ate Kila,” paalam ni Aline na siyang kasa-kasama ni Lola Ancia bukod sa halinhinang pagdalaw ng mga anak at apo nito. Sinisiguro nila na hindi ito mag-iisa.
Tumango lang si Xander. Tinapik ng matanda ang tagiliran nito at inudyukan silang maupo sa tabi nito. Kaagad naman silang tumalima. Hinawakan din nito ang kamay ni Xander at pinagpatong ang mga kamay nila.
“Ako’y nagtatampo sa inyong mag-asawa,” nakangiting sabi nito. May kaunting lumbay sa mga mata nito. “Hindi na kayo madalas na nakakadalaw sa akin. Hindi na kayo umuuwi sa villa. Hindi rin kayo gaanong tumatawag. Kung wala pa marahil nangyaring hindi maganda dito at kung nagkataong hindi ako narito sa ospital, hindi n’yo pa ako maaalalang dalawin. Hindi pa kayo makakauwi.” Puno ng hinampo ang tinig ng matanda.
Hinagkan ni Xander ang noo nito. “I’m so sorry, Lola. I have no excuse. I’m so sorry for being a lousy grandson.”
“I’m sorry din po,” aniya, saka inihilig ang ulo sa balikat nito. Tama si Xander, wala silang maaaring maging excuse. Masyado silang naging abala sa buhay nila sa lungsod at palagi nilang nakakaligtaan na tawagan ang matanda. Hindi na rin sila nakakauwi sa villa kahit na tuwing weekend lang. May karapatang magtampo ng matanda sa kanila.
Napangiti na ito, bahagyang nawala ang lumbay. “Okay lang, mga apo. Basta, huwag muna kayong magmamadali sa pag-uwi sa Maynila, ha? Samahan n’yo muna ako sa villa. Magbakasyon sana kayo nang matagal. It’s time for another honeymoon.” Lumapad ang ngiti nito at nagkabahid ng panunukso ang mga mata nito. “Malay n’yo, makabuo na kayo sa wakas kapag nagtagal kayo sa villa.”
Nag-init ang mga pisngi ni Kila. Ilang taon na siyang kasal ngunit ganoon pa rin siya. Nais niyang matawa sa kanyang sarili. “Ang lola talaga...” nahihiyang sabi niya na hindi makatingin kay Xander.
“Aba, ilang taon na kayong kasal? Mahigit pito na. Wala pa rin kayong nabubuo. Noong mga naunang taon, naiintindihan ko naman dahil alam kong hindi pa kayo tapos ng pag-aaral. Marami pa kayong dapat na gawin at hindi pa handa sa pagkakaroon ng anak. Pero pareho na kayong may stable na trabaho ngayon. Maaari na kayong bumuo ng aalagaan ko. Gusto ko ng baby na maaalagaan.”
“Basta magpalakas ka lang para maalagaan mo pa ang magiging apo sa amin ni Kila,” sabi ni Xander.
Napabuntong-hininga ito. “Hindi na siyempre maiiwasan na humina ang lola, mga apo. Hindi na ako bumabata, ikaila ko man o hindi. May mga pagkakataon din na nangungulila na ako nang lubos sa Lolo Andoy n’yo. Maraming taon ko na siyang hindi nakikita. Minsan, gusto ko na siyang samahan sa kabilang buhay.”
“Lola, don’t talk like that,” pagsusumamo ni Xander. Mababakas ang pag-aalala at takot sa tinig at sa mukha nito. “Lola, hintayin mo muna na magkaroon ka ng apo sa `min ni Kila. We promise to stay in the villa for as long as you want us there. We’ll drop everything in the city. Makakasama mo kaming mag-asawa sa lahat ng panahon. Just be healthy, okay?”
“Oo nga po, Lola,” segunda niya. Siya man ay labis nang nag-aalala sa kalagayan nito.
Hindi na niya inisip na baka hindi nila maibigay ang apong hinihingi nito. Hindi na baleng magsinungaling sila kung magiging dahilan naman iyon upang magkaroon pa ito ng ganang mabuhay. Hindi tama, alam nila, ngunit gagawin nila ang lahat para dito. Hindi pa ito maaaring mawala sa kanila.
Labis siyang nag-aalala dahil hindi naman ito dating ganoon. Hindi nito inaamin na mahina na ito. Dati ay palagi nitong sinasabi na malakas pa ito at mabubuhay pa nang matagal. Hindi niya gusto ang tono nitong ganoon ngayon.
“Mahal na mahal ko kayong dalawa,” sabi nito sa mahinang tinig. “Gusto kong maging maligaya kayong dalawa. Pahapyaw nang nabanggit sa `kin ni Phillip dati na may mahirap kayong pinagdadaanan. Hindi niya idinetalye ang lahat pero mukhang hindi maganda ang sitwasyon. Don’t force yourselves for my sake. Ang gusto ko lang ay maging masaya kayo. Nais kong makasiguro na magiging masaya kayong dalawa. Malulungkot ako nang husto kapag nagkahiwalay kayo kaya sana ay hindi na umabot sa ganoon. Huwag ang kalagayan ng ibang tao ang iisipin n’yo. Kung hindi naman nakasalalay sa mga taong iyon ang kaligayahan n’yo, huwag kayong makikinig sa mga sasabihin nila. Kung hindi maibibigay ng mga taong nagdidikta sa inyo ng mga dapat gawin ang kailangan n’yo, `wag na kayong mag-aksaya ng panahon. Ang pakinggan ninyo, kung ano ang narito,” anito, sabay turo sa kaliwang dibdib nito. “Alam n’yo naman kasi kung ano ang mas makakapagpaligaya sa inyo. Grab the opportunity to be happy. Gawin n’yo ang lahat upang makamit n’yo ang inaasam n’yong kaligayahan. Do you understand?”
Pareho silang tumango ni Xander. “Opo.”
Pagkasabi niyon ay nahulog si Kila sa malalim na pag-iisip. Gagawin niya ang mga sinabi ni Lola Ancia. Pagbibigyan niya ito hindi dahil may dinaramdam ito. Gagawin niya ang lahat upang maangkin nang tuluyan ang kaligayahan niya dahil nais niyang maging masaya sa buong buhay niya. Tama si Lola Ancia, alam niya kung ano ang makakapagpaligaya sa kanya. Isinisigaw ng kanyang puso ang pangalan ng lalaking iniibig niya.
Napatingin siya kay Xander na tila malalim din ang iniisip nang mga sandaling iyon. Mas naging determinado siya sa nais niyang gawin. Hindi na baleng maparatangan siya na makasarili o nananamantala ng sitwasyon. Hindi na baleng maging sakim siya. Ayaw niyang dumating ang araw na pagsisisihan niya ang lahat dahil wala siyang ginawa. Hindi man maging maganda ang wakas nila, at least, masasabi niya sa sarili na ginawa niya ang lahat ng makakaya niya. Wala siyang madaramang pagsisisi.
PINAGMASDAN ni Xander si Kila na tahimik na isinasalansan ang mga gamit nila sa loob ng antique closet. Nakauwi na sila sa villa galing ng ospital. Sinimulan na nitong ayusin ang mga gamit nila dahil siguradong magtatagal sila roon.
Hindi siya mapapakali sa lungsod hangga’t hindi niya nasisiguro na magiging maayos ang lola niya. Iyon na ang pagkakataon niya upang makabawi sa matanda sa lahat ng ginawa nito para sa kanilang mag-asawa. Iyon na ang pagkakataon niya upang ito naman ang alagaan niya.
“I’m sorry,” sabi niya kay Kila. Tinutulungan niya ito kanina ngunit iginiit nito na kayang-kaya na nito ang gawain.
Nilingon siya nito. Puno ng pagtataka ang mga mata nito. “For what?”
Huminga siya nang malalim saka umupo sa gilid ng kama at sumandal sa malapad na wooden headboard. “Everyone keep on saying we shouldn’t upset or stress Lola. Tila ba alam ng lahat na tayo lang ang makakapagbigay ng sakit sa ulo sa matanda. I’m sorry kung pakiramdam mo, masyado na naman tayong minamanduhan ng pamilya ko.”
She softly smiled. His heart swelled. She was very lovely. Kahit na matagal na silang magkasama, nabibighani pa rin siya ng mga ngiti nito.
“Hindi ganoon ang pakiramdam ko. Hindi naman natin sila masisisi. Totoo naman na tayo lang sa ngayon ang makapagbibigay ng sama ng loob sa kanya na makakaapekto nang labis sa kalusugan niya. Hindi niya magugustuhan kapag nalaman niya na pinlano nating maghiwalay. Hindi naman nila tayo minamanduhan. Concerned lang sila. ”
Huminga uli siya nang malalim. He felt guilty for feeling relieved. May munting bahagi sa kaibuturan niya na tila nais magpasalamat sa mga nangyari. Maybe he still had a chance. Maybe he could still work things out. Maybe he could still save his marriage. Maybe it wasn’t too late for them.
“I’m sorry we have to stay married,” aniya habang hindi nakatingin dito. Natatakot siyang makita ang ekspresyon ng mukha ni Kila. Ayaw rin niyang mabasa nito sa mukha niya na nagsisinungaling lang siya. He was not sorry at all. “We have to stay together for a while.”
Natahimik ito nang ilang sandali. Nang sulyapan ito ni Xander ay abala na uli ito sa pagsasalansan ng mga gamit nila sa closet. Hindi niya makita ang ekspresyon ng mukha nito. Kumabog tuloy ang dibdib niya.
“I understand,” mahinang sabi nito kapagkuwan.
“Would he understand?” nag-aalangang tanong niya. Honestly, he didn’t care one iota about him. He wouldn’t care if he suffered. He just wanted the love of his life. Ngunit alam niya na maaapektuhan din si Kila kapag naapektuhan ang lalaking iyon. Mas iniisip niya ang mararamdaman nito. Mas nag-aalala siya sa magiging kalagayan nito.
“Would she understand?” she countered.
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya. Sandali siyang naguluhan sa tanong nito. Hanggang sa naalala niya si Gabriella. Hindi nga niya ito maaaring kalimutan na lang basta-basta. She had been once an important part of his life.
“She would,” tugon niya. “She has to. What about Grayson?”
“He’ll understand,” simpleng tugon nito.
“Kailangan nating ayusin ang relasyon natin habang narito tayo, habang nasa harap tayo ni Lola.” Sigurado siya na lahat ng gagawin at ipapakita niya rito habang nasa villa sila ay hindi pagkukunwari.
Tumango ito. “I know.”
Nilapitan niya ito. Hindi na niya napigilan ang sariling yakapin ito mula sa likuran. It felt so good. He couldn’t describe how good it felt to have her in his arms again. How could he even think about letting her go? How could he have endured it for weeks?
“I’m sorry you’re stuck with me,” bulong niya. Again, he was not really sorry. Kung sa ganoong paraan niya ito maaangkin, wala na siyang pakialam pa. Ang importante ay nasa tabi niya ito. Gagawin niya ang lahat upang manatili ito sa tabi niya habang-buhay.
Tama ang Lola Ancia niya. Kailangan niyang gawin ang lahat upang maangkin ang kaligayahan niya para wala siyang pagsisisihan sa hinaharap. If he failed, at least he could tell himself that he put up a good fight, that he gave all he got.
Pumihit ito at niyakap din siya. “I’m not stuck with you. Stop saying you’re sorry. It’s okay, Xan. We’re gonna be okay.”
Humigpit ang pagkakayakap ni Xander dito. I’m sorry, Kila, but I’m not letting you go ever. You’ll remain Mrs. Xanderio Castañeda. Kailangan mong matutuhan kung paano ako mamahalin.