Prologue

1107 Words
Prologue Aira Ang tunog ng takong ko sa marmol na sahig ng Ynares Global Headquarters ay tila musika ng panibagong simula o siguro paalala ng isang nakaraan na pilit kong nililibing sa kailaliman ng aking puso. Anim na taon mula nang masira ang buhay ko sa mismong araw na akala ko’y pinakamasaya. Anim na taon mula nang maiwan akong mag-isa sa altar, habang unti-unting nauupos ang dignidad ko sa harap ng mga taong minsang naniwala sa isang “happy ending.” At ngayong araw. Ako si Aira Salmonte, ay muling haharap sa lugar kung saan magtatagpo ang nakaraan at kasalukuyan. Dito sa mismong kumpanya ng lalaking minsan kong minahal nang buong pagkatao. Huminga ako nang malalim at inayos ang ivory na blazer na mahigpit na yumakap sa baywang ko. Sa salamin ng elevator, nasilayan ko ang sarili kong repleksyon. Maputing kutis, maamong mukha na ngayo’y mas matatag na; mapupulang labi na minsang ginamit para mangarap, ngayo’y natutong magsalita ng katotohanan. Ang katawan kong dating payat at marupok ay ngayo’y hubog ng disiplina, sexy pero propesyonal, babae pero may halong tapang. “Head of Corporate Communications, Ms. Salmonte?” bati ng receptionist na may bahagyang pag-aalinlangan habang inaabot ang aking ID badge. Ngumiti ako nang pino at tumango. “Yes. It’s my first day.” Habang papalapit ako sa conference room para sa unang executive meeting, hindi ko maiwasang mapahinto at lingunin ang paligid. Malayo na ang itsura ng kumpanyang minsan ay muntik nang bumagsak. Hindi ko nga akalain na mas malaki ang kumpanyang ito dito sa Holand kaysa Canada. Mas moderno ngayon, mas malaki, at mas makapangyarihan. At sa bawat sulok ng gusaling ito, tila ramdam ko ang presensya niya—ang lalaking minsan kong minahal nang higit pa sa sarili ko. Si Rick Daryl Harris. Ang lalaking nagbago ng lahat ng pananaw ko sa pag-ibig. Ang lalaking sinira ako at iniwan sa altar na parang wala akong halaga. “Miss Aira, this way please.” Nilingon ko ang sekretarya at bahagyang tumango. Inangat ko ang baba ko, pilit na pinatatag ang sarili. Hindi ako ang dating Aira. Hindi na ako ang babaeng umiiyak sa ilalim ng ulan habang suot pa ang wedding gown. Ngayon, ako ang babaeng may pangalan sa industriya, at ako ang magiging ulo ng komunikasyon at imahe ng multinasyunal na imperyo ng Ynares Company. Pagpasok ko sa conference room, halos huminto ang t***k ng puso ko. Nandoon siya. Nakatayo sa gitna ng mahabang mesa, nakatalikod sa amin habang kausap ang isa sa board directors. At nang lumingon siya, parang sandaling huminto ang mundo ko. Si Rick Daryl Harris, sa edad na tatlumpu’t anim, mas lalo siyang naging larawan ng kapangyarihan. Matangkad, balingkinitan ngunit malakas ang presensya. Ang mamahaling navy suit ay nakahulma sa maskulado niyang katawan, at ang bawat galaw niya ay may awtoridad. Ang kanyang panga’y matalim, ang mga mata’y malamig at mapanganib—parang leon na sanay manghuli ng biktima. At ang ngiting minsang nagpatibok ng puso ko, ngayon ay tila panibagong sugat. “Good morning, everyone,” aniya sa boses na baritono’t mapang-akit. Parehong boses na minsang nangako sa akin ng “habambuhay.” Hindi ko inasahan na makakatagpo ko siya agad, sa unang araw pa lang. Akala ko’y kaya kong harapin ito. Akala ko’y sapat na ang mga taon ng paghilom. Pero ngayon, sa bawat hakbang ko papalapit sa mesa, parang bumabalik ang bawat gabi ng pag-iyak, bawat minutong sinumpa ko ang pangalang Rick Daryl Harris. “Mr. Harris, this is Ms. Aira Salmonte—our new Head of Corporate Communications.” Tumigil ang oras. Para bang ang bawat mata sa silid ay napako sa amin habang dahan-dahan niyang ibinaling ang tingin sa akin. At sa unang pagkakataon matapos ang anim na taon, nagtagpo ulit ang aming mga mata. Sandali siyang natigilan. Isang kisap-mata lamang bago bumalik ang malamig na awtoridad sa kanyang ekspresyon. “Ms. Salmonte,” malamig niyang bati, tila walang emosyon. “Welcome to Ynares Company.” Ms. Salmonte. Wala man lang bakas ng kilig o pagkagulat, wala man lang pahiwatig ng nakaraan. At iyon marahil ang pinakamasakit—ang makita siyang ganito, parang hindi niya ako iniwan sa altar, parang hindi niya ako sinira. “Thank you, Mr. Harris,” mahina kong sagot, pilit pinapakalma ang tinig kong nanginginig. “Shall we proceed?” tanong niya sa buong board. Tumango ang lahat, kabilang ako, habang pinipigilan ang sarili kong titigan siya. Ngunit kahit pilitin kong huwag, hindi ko mapigilang mapansin kung paano kumikilos ang katawan niya, may kumpiyansa, may lakas, may aura ng isang lalaking sanay utusan ang mundo. Billionaire. CEO. Hari ng imperyo. At ako? Ako ang babaeng minsan niyang winasak. Habang umaandar ang meeting, tinangka kong ituon ang pansin sa mga graphs at proposals sa harap ko. Ngunit bawat beses na magsasalita siya, tila bumabalik ako sa mga alaala. Ang paraan ng pagkakapit niya sa kamay ko habang nangangako ng habambuhay kami magsasama. Habang buhay niya akong mamahalin, ang init ng kanyang yakap noong unang gabing nagmahalan kami, at ang lamig ng simoy ng hangin noong gabing iniwan niya akong mag-isa. “Aira, your division will be responsible for managing the company’s European image and global media partnerships,” aniya habang nakatingin direkta sa akin. Nalaglag halos ang puso ko sa dibdib. Hindi lang dahil sa bigat ng responsibilidad, kundi dahil sa paraan ng pagbigkas niya ng pangalan ko—buo, pamilyar, parang muli niyang sinasariwa ang lahat. “Yes, Mr. Harris,” sagot ko nang walang bakas ng emosyon. Walang luha, walang pakiusap. Hindi na ako ang Aira na iniwan mo. Pagkatapos ng meeting, mabilis akong nagligpit ng mga papeles. Ayaw kong magtagal doon. Ngunit bago pa ako makalabas ng silid, isang malalim na boses ang pumigil sa akin. “Ms. Salmonte.” Napatigil ako. Mabagal akong lumingon at naroon siya, nakasandal sa gilid ng mesa, nakatitig sa akin. Ang mga mata niyang minsan kong sinamba ay ngayon tila binabasa ang kaluluwa ko. “Six years…” mahina niyang sambit, halos pabulong. “It’s been a long time.” “Not long enough,” malamig kong tugon, saka ako naglakad palabas. Hindi ko siya binigyan ng pagkakataong magtanong pa. Hindi ko siya hahayaang muling guluhin ang buhay kong matagal kong binuo mula sa pagkawasak. Pero habang papalayo ako, hindi ko mapigilan ang katotohanang kumakatok sa loob ko, ang katotohanang sa kabila ng lahat ng sakit, sa kabila ng lahat ng poot, nanatili pa rin siyang dahilan kung bakit mas mabilis ang t***k ng puso ko. At iyon ang bagay na pinakanatatakot kong harapin. Note: Sa gusto mag-avail ng Mr. Harris 2: The Billionaire's Mask. message lang kayo sa f*******: Acc. Ravenababe Stories.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD