Kabanata 1

3260 Words
Hellport Sa kalawakan ng mundo, mayroon daw isang lugar ang para sa’yo. Kahit saan ka magpunta, kahit saang lupalop pa ‘yan ng mundo, saan ka man dalhin ng mga paa mo. Mayroong isang lugar kung saan malaya ka sa mga bagay na gusto mong gawin, malaya ka na maging ikaw at lahat ng ikanakatakot mo ay magmimistulang hangin; hindi tanaw, hindi rinig, ramdam mo lang. ‘Yan ang sabi ni Kuya. Dahil sa mundong ito, maraming rules. Hindi ka puwedeng sumama sa hindi mo naman talaga kauri, ang lagi mo lamang iisipin ay kung saan ka komportable. Hindi mo puwedeng ipilit ang sarili sa kung saan ka mahina, o hindi tanggap. Doon ka sa mundong… hindi mo kailangang magpanggap. “Hindi ko alam kung papayagan ako ni Auntie na lumipat ng school.” kausap ang puntod habang inaalis ang mga nagkalat na dahon doon. Ipinatong ko ang baba sa magkadikit na dalawang tuhod at bumuntong-hininga. “Mukhang hindi… mahal ang tuition doon, baka… gusto mo ba’ng doon ako?” umihip ang malakas na hangin, Humagikhik ako. “Ako rin…” Hinintay ko na matunaw ang kandila bago tumayo at nagpaalam. Mukhang matatagalan nanaman ang pagdalaw ko sa’yo dahil magpapasukan na, magiging busy na ulit ako ngayon na kolehiyo na ako. Kung siguro kasama pa kita, baka hindi ako nag-aalala sa bukas. Alam mo kasi kung paano pakakalmahin ang puso ko. Hapon na nang makarating ako sa bahay. Bumungad ang maruming sala, nagkalat na mga bote ng alak, at upos ng sigarilyo. Pinagmasdan ang tiyahin na nakahilata sa sofa. Noong nawala si Kuya, tinanggap ko na, na ganito na ang magiging buhay ko. Siguro dahil tinanggap ko na rin na si Auntie na lang ang makakasama ko, ang pamilya na mayroon ako. Nakita ko rin kasi kung ano ang pinagdaanan niya at karamihan doon ay hindi talaga madali. Isa-isa kong pinulot ang nagkalat na mga bote, inayos ang lamesa at itinapon ang mga upos ng sigarilyo. Isinukbit ang nakalaylay na isang paa niya upang maayos ang pagkakahiga at kumuha ng kumot para kumutan siya. “Mahal na mahal po kita… kahit na parati mo akong kinagagalitan…” buntong-hininga ko, Pag nakapagtapos na ako, ibabalik ko lahat ang itinulong mo sa akin Auntie. Sobrang saya ko na mayroon akong tiyahin na tulad mo. Ginising ako ng malakas na tunog na sinabayan pa ng kalabog ng pintuan, ang sarap pa man din ng tulog ko. “Alaenor! Alaenor! Anak ka ng tokwa bumangon ka na! Alas otso na! Wala ka nanamang benta!” “Alae! Gising!” Sabay-sabay pa sila, parang limang tao yata ang gumigising sa akin kahit na si Auntie lang naman iyon. “Opo! Babangon na po!” Pinilit kong bumangon kahit masakit pa ang katawan, hinawi ko ang kurtina at agad akong kinamusta ng araw. Nagawa ko pa ang ngitian ito. “Alaenor! Ano ba!” kalabog ni Auntie sa pinto. Agad kong inayos ang sarili at dali-dali na binuksan ang pinto, bumungad si Auntie na nakapamaywang at maaga pa lang ay may sigarilyo na naka-ipit sa pagitan ng labi. “May benta na ba?” bukas ang palad sa aking harap. Hilaw akong ngumiti. “Wala pa po.” Malalim siyang bumuntong hininga, parang kumuha pa ng buwelo bago ako tadtarin ng mura’t sermon. Hinablot ko na agad ang tuwalya na nakasabit sa pintuan ko, kumuha ng mga damit at kumaripas ng takbo tungo sa banyo. Doon ko na narinig si Auntie. Nasanay na rin ako, matagal na rin kaming magkasama ni Auntie. Noong una syempre nasasaktan pa ako dahil hindi naman ako lumaki sa ganoong klase ng tao. Iyong magkamali ka lang ay katakot-takot na sermon at mura na agad ang aabutin mo. Pero kalaunan ay nasanay na rin ako. Alam ko naman na gano’n na talaga si Auntie. Kahit nga noong kasama pa naming si Kuya, kahit na nasa hospital siya ay napapagalitan pa rin siya ni Auntie, walang ligtas. Mas napapa-amo niya pa nga ito. Ngayon na hindi na namin siya kasama parang hirap na si Auntie na kumalma. Ilang beses ko na rin naman ginawa ang mga ginawa ni Kuya sakaling mapakalma ko rin si Auntie kaya lang ay hindi ko talaga kaya. Ang natatangi na lang na kailangan kong gawin ay ang makinig sa kung anong sasabihin niya, mahalin siya at alagaan siya. “May pupuntahan lang po ako, mga alas dos ako makakapagbukas ng shop” Buong summer ay nasa flower shop lang ako. Ito ang tanging naipamana sa akin ng magulang ko. Noong una ay hindi pa alam ni Auntie ang gagawin sa shop dahil una, hindi naman siya mahilig sa mga bulaklak. Pangalawa, mainipin siya. At pangatlo, gusto niya ang nakahilata lang magdamag. Ngayon, hindi muna ako nagbantay. Kasama ko ngayon sila Helena at Danerie para mag enroll sa AU. Sila ang mga kaibigan ko simula pa noong Elementary ako. Hindi ko nga lang sila madalas kasama noon dahil magkaiba naman kami ng school. Si Danerie, kaibigan ng mga magulang niya ang magulang ko, lahat sila ay mga hayok sa halaman at naisipan na rin na magsama sa isang business. Samantalang si Helena naman ay kababata ni Danerie, sila talaga ang matagal at palaging magkasama. Napasama lang talaga ako dahil wala naman akong ibang kaibigan noon. Private sila, public naman ako. Magkikita lang kapag parehas kami ng uwian o ‘di kaya’y sabay ng break dahil hindi naman kalayuan ang school ko sa kanila, madalas din na sila ang bumibisita dahil mas kaya nila. “Ang sabi nila alas-diyes, pero ayos lang na maaga tayo para mauna sa pila.” ani Danerie, Kung papalarin man ako ngayon sa AU at papayag si Auntie na lumipat ako roon ituturing ko itong isang malaking achievement sa buhay ko. Ang makapag-aral sa ganoong prestihiyosong paaralan, wala na siguro akong mahihiling pa. Saglit kaming nagpahinga sa lacewing, coffee shop malapit sa AU. Palamig lang, patay-oras. Ng mag alas-nuwebe, sabay-sabay naming tinahak ang prestihiyosong unibersidad na iyon. Halos mamangha ako sa unang tapak. Naalala ko noong Highschool pa lang ako, tuwing napapadaan ako rito ay pakiramdam ko nasa ibang mundo ako. Nakikita ko ang mga taong lumalabas-pasok roon parang lahat sila mayaman, wala manlang akong makita na kagaya ko. Nangarap akong makapasok dito noon, ngayon ay narito na ako wala na akong sasayangin. Bakit nga ba gustong-gusto ko rito? Bukod sa kasama ko ang mga kaibigan ko, maganda at tanyag. Dito nagtapos si Papa bilang Inhinyero at minsan niya na ring pinangarap na makapasok dito. Sa pagpupursigi ay nakamit naman niya at nakapagtapos, kasama ang mga malalapit na kaibigan. Nangyari nga lang ang masamang panaginip. “Anong kukunin mo Alae?” tanong ni Helena, lalo akong kinabahan dahil hindi ko sigurado kung tama ba itong tinatahak ko, pero sige na. “Fine Arts.” Halos mamaos ako, tuyot na nga ang lalamunan ko. “Ay doon ka sa first counter, sa may library naman kami kasi roon naman daw ang I.T.” Kaya kahit kinakabahan ay tumango na lamang ako, napagisip-isip na buti pa sila wala ng problema, magbabayad na lang tapos iyon na. Ako? May kailangan pang itanong. Kaya rin naman malakas ang loob ko na mag-enroll dito ay dahil sa scholarship na, na-grant sa akin noong highschool ako. Pinaghirapan ko talaga ‘to, kasi gusto ko tapusin ang sinimulang pangarap ni Kuya. Kaya lang ibang kurso ang gusto niya, Architect. Iyon ang gusto niya dahil kay Papa, sasamahan niya raw si Papa sa kahit saan man ito magpunta. Ako naman ngayon. Sa totoo lang, kaya ayaw ni Auntie pumayag na mag-aral ako rito ay dahil sa may kamalahan talaga, babawiin ko na lang talaga sa scholarship. Hindi ako matalino pero siguro kaya naman? Bukod pa roon, palagi niyang sinasabi sa akin na sa kahit saang eskwelahan daw ako ay parehas lang ang ituturo sa akin. Ang pinagkaiba lang ay ang pasilidad, ang mga taong makakasalamuha mo, pero ang makukuha mong aral ay parehas lang sa lahat ng eskwelahan. Pero alam kong hindi, iba. Mas maraming oportunidad dito. Kung mangangarap na nga lang daw ay dapat taasan na. Kaya nang sabihin sa akin ng admin na okay na ang enrollment ko ay halos magtatatalon ako sa tuwa. Nagkita-kita kami nila Helena at Danerie sa may tapat ng building kung saan ang Fine Arts. “Ang haba ng pila, ang daming gustong mag-I.T!” reklamo ni Helena, “Muntik na ako bumagsak sa exam, tinanong pa ‘ko kung bakit daw gusto kong mag-I.T. Sabi ko lang ano, kasi alam ko mag-ayos ng computer.” halakhak pa ni Danerie, “Sabi naman sa’kin no’ng lalaki doon na hindi lang dapat bumase sa gano’n.” dagdag pa niya. Masaya naman ang naging araw, pagtapos namin ay dumiretso kami sa shop. Sinamahan lang nila ako at pinag-usapan na rin naming kung gaano kaganda ang unibersidad na iyon. “Nag-cr ka ba kanina? Grabe kaya, pati cr may aircon!” mangha na sabi ni Helena. Hanggang sa natapos ang araw, pagka-uwi ay inihanda ko muna ang sarili sa labas ng bahay para sa sasabihin mamaya kay Auntie. Naka-ilang buntong-hininga pa ako bago ko abutin ang doorknob. “Kaya ko… kaya—” napapa-duwal na ako sa kaba, pinihit ko ang doorknob at bago ko pa tuluyang mabuksan ay nagawa na ni Auntie. Hindi man naka-inom, amoy ko naman ang yosi dahil sa pagbuga nito sa mukha ko. “Anong oras na bakit ngayon ka lang?” Ininda ko ang gutom, mabilis kong tinungo ang sofa para ilagay ang gamit ko at dumiretso sa kusina para lumagok ng dalawang basong tubig. Kalma… kung hindi papayag?... bakit hindi siya papayag? Kumamot ako sa ulo. Bukas na lang kaya? “Musta ang shop? Bumili ka ba ng ulam ko?” Nanginginig ako habang isinasalin ang adobong nabili ko sa karinderya, lumunok saka inihain ito sa lamesa. “Auntie… may sasabihin po sana ako.” pati ang mga daliri ko ay hindi na rin mapakali, panay ang pagtatalo nila. Bumuga si Auntie ng usok. “Ano?” padarag nitong sabi, Mariin akong pumikit, dinilaan ang nanunuyong labi at pinakalma ang sarili. Hinawakan ko nang mariin ang locket na nakasabit sa aking leeg, maibsan manlang kahit kaunti ang kaba na nararamdaman ko. “Auntie naka—” “Naka-enroll ka na ba sa… anong pangalan nga no’n? Iyong malapit sa daungan?” Para akong napipe, hindi ko alam kung ano ang susunod na sasabihin. Kung paano ko ipapaalam na hindi ko gustong mag-aral doon. “Hindi pa po—” “Bakit? Bukas mag-enroll ka na, mura lang doon, wala raw babayaran.” galit pa rin ang boses, Alam kong mahirap ito, tingin ko nga ay napaghandaan ko na ang senaryong ito kanina bago pa man ako makauwi. Pero bakit ang hirap pa rin? Bukas na lang siguro? Hindi na ako muling sumagot kahit na gusto kong sundan ang natapos niyang sinabi. Gusto kong sabihin na ibang paaralan ang gusto kong pasukan, kung anong kurso ang gusto kong kuhain at kung bakit hindi ko gusto sa Havenport. Natapos si Auntie kumain, hinugasan ko na rin ang platong pinagkainan niya. Aakyat na lang ako para makapagpahinga kaya lang ay hindi ko naman magawa dahil may parte sa akin na gusto ko nang masabi sa kanya. “Oh? Aakyat ka ba? Kanina ka pa nakatayo sa gilid ko para kang tanga d’yan.” sabay hipak sa bagong sindi na yosi niya. “Auntie…” “Ano ba ‘yon? Kanina ka pa, nag-aadik ka na ba?” Inipon ko ang lakas ng loob, tapang, lahat na. Naki-usap na rin ako na sana ay hindi ako mabigo, na sana ay mapagbigyan naman ako. Kaya lang, hindi pala puwede ang gano’n. “Umakyat ka na nga naaalibadbaran ako sa—” “Sa Ateneum po ako mag-aaral.” pikit-mata, parang gusto kong magpakain sa lupa, iluwa na lang niya ako kapag tapos na ang sermon ni Auntie. Pero kahit gano’n ay umaasa pa rin naman ako na baka hindi sermon ang matatanggap ko. Na baka maintindihan niya rin ang pinanggagalingan ko kung bakit gusto kong doon mag-aral. Ngunit hindi. Imposible. Nagulat ako sa biglaang pagbato nito ng unan sa akin sabay sigaw, “Gusto mo yata akong mamulube!” agad ko namang pinulot ang unan. “Auntie hindi po! May scholarship po—” binato niya ulit ako ng unan pero nailagan ko na at ipinakita ang scholarship sa kanya. “Hindi ka mag-aaral doon! Para kang si Arthuro talaga! Matigas ang bungo!” Tumayo si Auntie sa kinauupuan, hinablot sa akin ang papel na hawak at parang nawasak ang puso ko sa sunod niyang ginawa. “Auntie!” Pinilas niya ang scholarship kasama pa noon ang enrollment form at schedule ko para sa pasukan. Para akong binato ng bato… at gusto kong gumanti, sumigaw, humagulgol. Pero ang tangi kong nagawa? Umiyak. Iyon naman palagi ang takbuhan ko tuwing masakit ang nararanasan ko. Hindi puwedeng ngumawa, magreklamo, magsabi na masakit at mahirap na. Hindi naman ako tinuruan ng magulang ko na magtiis pero bakit iyon ang ginagawa ko ngayon? “Iyong mag-ama walang narating diyan, tapos susunod ka pa? Kayo talagang mga Luna kayo! Ang tatanga niyo pumili ng para sa inyo!” medyo nabilaukan pa siya sa sinabi. Hinakot ko ang mga nagkalat na papel sa sahig, wala akong iniwan ni-isa. Saka ako kumaripas ng takbo tungo sa kwarto ko sa itaas. Buong gabi lang akong umiyak, tinatanong ang sarili kung bakit kung kailan abot-kamay ko na saka pa ipagkakait. Kahit nasa kwarto na ako ay dinig ko pa ang sermon ni Auntie. “Hindi ko malaman sa inyo kung bakit baliw na baliw kayo sa punyetang AU na ‘yan eh pare-parehas lang naman ang matutunan niyo sa bawat eskwelahan.” Hindi ako makahinga, patuloy umaagos ang luha at magulo ang takbo ng isip ko. Hindi ko alam kung galit ba ako? Dahil ayaw kong magalit kay Auntie. Mahal ko siya. Ipinatong ko ang kamay pantakip sa nakakasilaw na ilaw sa poste sa labas at sinabayan pa ng buwang maliwanag. Tahimik kong iniyak ang lahat ng sakit. “Buti sana… buti sana kung may nararating—” Sinubukan kong pawiin ang luha, kaya lang sa bawat punas ay ang panibagong luha nanaman. Bumangon akong muli, marahan kong tinungo ang bedside table, sinindi ang maliit na lamp at pinagmasdan ang mga pilas na papel. Sinubukan ko silang buoin, pagdikit-dikitin, sa pag-asang baka puwede pa. Bumuhos muli ang luha nang mapagtanto kong hindi na talaga. Tila isang napakagandang panaginip at muli akong ginising ng reyalidad. Ang sabi niya? Hindi para sa’yo. “Minsan hindi ko na rin talaga maintindihan ‘yang si Genalyn! Ang lupit-lupit masyado sa’yo Langga parang hindi ka pamangkin! Huwag mo na talaga akong pipigilan pag nadayo ako sainyo at masasampiga ko ‘yang babaeng ‘yan.” matindi ang galit ni Tita Dariella nang malaman niya ang ginawa sa akin ni Auntie. “Ma, kalma baka mapanot ka niyan.” nakuha pang himasin ni Danerie ang likod ni Tita at biruin. “Bwisit!” paghawi ni Tita sa kamay ng anak. Ngumiti na lamang ako. Kasabay ko ngayon sa hapunan ang pamilyang Del Rosario. Sila ang sumama sa akin sa pag-enroll ko sa Havenport kanina. Sinamahan na rin nila ako sa pamimili ng gamit, na madalas naman naming ginagawa simula pa noong nawala si Kuya. Tulong na raw nila sa akin ang mabilhan ako ng gamit para sa eskwela bilang mahilig din daw kasi si Mama na bigyan noon si Danerie ng mga gamit. “Sabihin mo nga d’yan sa Auntie mo 1v1 kami, trashtalk lang.” sabat pa ni Danerie at agad siyang binatukan ni Tita habang nililigpit ang mga pinagkainan namin. Matapos ang araw na iyon, naghintay na lang ako sa mga araw pang darating. Tinanggap ko na lang na baka roon talaga ako itinadhana at ang tanging bagay na dapat kong gawin sa ngayon ay ang pagbutihin ang pag-aaral. Totoo nga ang sabi nila, kapag hinihintay mo… ang bagal. Kapag naman hindi… tila ang bilis-bilis. Dalawang linggo ang hinintay ko pero parang dalawang araw lang para sa akin. Pinahinto ko ang sumisigaw na alarm clock, bumuntong-hininga at ngumiti. “Kaya ko ‘to ano ka ba…” bulong-bulong ko saka bumangon para masimulan ang bagong araw. “Alae, mag-iingat ka ro’n. Nag-research ako kagabi, ang dami palang mga loko-loko roon ‘wag kang papaloko.” banta pa ni Helena. “Lagot sa’kin mga ‘yon, lokohin nila ulo nila.” komento ni Danerie. Kausap ko sila habang naghahanda para sa first day, maibsan manlang ang kaba kahit na halos hindi ko na maipasok ang mga gamit sa crossbody bag na ako pa ang nag gantsilyo. Suot ang mahabang palda dahil iyon lang ang marami ako isama mo na ang plain t-shirt na lahat yata ng kulay ay mayroon ako at iyon lang din ang damit na marami ako. Hindi naman kasi ako mabili ng mga damit, bihira lang din kasi magbaba ng presyo ang mga ukay dito sa Santa Louisa o kahit pa sa La Linea, ang mismong village namin. “Walang loloko sa akin do’n, subukan lang nila.” sambitla ko, habang isinisintas ang medyo puti pa naman na converse shoes ko. “Suuuus, ako nga lagi ang nagtatanggol sa’yo noong highschool tayo.” “Auntie! Alis na ho ako!” Hindi naman kalayuan ang Havenport, malapit lang din kasi kami sa daungan. Paglabas mo sa kanto namin, tatawid ka lang, may mga hagdan sa pagitan ng mga bahay-bahay na puwede mong gawing shortcut kung manggagaling ka sa amin at kung dadaanan mo ang mga hagdan at maliliit na eskenita na iyon ay mahahalina ka sa ganda ng buong daungan. Ang mga nagkalat ng store roon, mga mangingisda at ang kani-kanilang bangka, mga pusa’t aso na hindi pinapabayaan ng mga tao roon, ang kalawakan ng dagat at marami pang iba. Nagtrabaho rin kasi si Kuya sa isang restaurant dito noon, madalas niya akong isama kaya madalas din ako dito. Sa dulo ng daungan ay may malawak na lupain, doon ang Havenport. Hindi pa ako nagagawi roon kaya hindi ko alam kung ano ba ang itsura ng paaralan na iyon. Kung tatanyahin? Mga kinse hanggang bente minutos ang lakad. Malapit lang. Sa buong paglalakad ko, parang gusto ko munang magbanyo. Kinakabahan ako at parang ilang segundo ay duduwal ako. “Suwerte niyo nga, magkasama pa rin kayo.” ani ko kila Danerie at Helena, kausap ko pa rin sila. Ayaw nila ako lubayan dahil kinakabahan din daw sila. “Buti nga hindi ko siya kaklase sa second sem, kasi kung hanggang fourth year kasama ko ‘tong babaeng ‘to baka isuka ko na. Sawang-sawa na rin ako makita ka Len.” Dinig ko pa ang malakas na sapok kahit pa hindi ko sila nakikita ay alam kong ulo ni Danerie ang tinamaan ng kamao ni Helena. “Isa pang salita mo tatamaan ka.” Mabuti na lang ay ganito ang mga kaibigan ko, medyo natatanggal din ang kaba… nanumbalik lang nang makita ko ang Havenport entrance signage at ang bukas na malaking gate na puno ng mga estudyanteng pumapasok. “Dito na ‘ko…” pagdadalawang-isip na sabi ko, unti-unti ay napahinto ako sa paglalakad. Hindi maalis ang tingin ko sa Havenport signage. Diyos ko… Ang Haven ay burado ng linyang pula, sa ibabaw ay nakalagay ang ‘HELL’. Malalim akong bumuntong-hininga. Parang malaking dagok sa buhay ang pumasok sa ganitong paaralan, na kung pagbabasehan ko ang signage na ito ay parang nakakatakot, huwag na lang… “Dito na rin kami, goodluck sa ating tatlo!” Goodluck talaga…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD