Kabanata 2

3363 Words
College of Fine Arts. Tiningala ko ang building kung saan ang lahat ng room ng klase ko. Nag-vibrate ang bulsa ko, may mensahe galing kay Danerie. Langga: Dito muna kami sa lacewing kasi maaga kami masyado Ako: okay… Message not sent… Wala na yata akong load. 7:30 pa lang, alas nuwebe pa ang pasok ko. Makapaglibot muna kaya? Pinuntahan ko muna ang magiging room ko para mamaya hindi na ako maliligaw at hahanapin pa kung saan. Pagtapos ng sa room, pinuntahan ko naman kung saan ang locker area. “Dito ba ‘yon?” Malapit lang daw ayos sa mapa, wala naman akong nakikitang locker area sa hallway kung saan ako pinapapunta. “Excuse me? Nasaan po ‘yong locker area?” Taas-baba akong tiningnan ng babaeng napagtanungan ko. “Bago ka? Bakit dito?” humalukipkip siya, nakaka-intimidate ang tingin niya. Sing-itim ng uling ang mata niya at halos kita rin ang mga tattoo na sumisilip. Puwede pala ang may kulay ang buhok dito? Dark lipstick at make-up? Kumunto ang noo ko at… ngumiti “Ha? Ahh… kasi—” “Anong number ba?” maangas niyang tanong sabay hablot sa papel na hawak ko, mariin niyang tiningnan at ibinalik naman agad sa akin. “Hindi ‘yan dito. Sa second floor ‘yan, tabi ng Class-26.” “Ahh gano’n ba? Salamat ha.” ngumiti ako sa kanya, tinanguan lang niya ako at pinagtaasan ng kilay. Para bang may gusto pang itanong pero minabuti niyang huwag na lang. Bumaba ako ng second floor, agad ko namang nakita ang tinutukoy niyang locker area. Buntong-hininga na lang ulit habang pinagmamasdan ko kung gaano karumi at puno ng vandalism ang buong locker. Hinanap ko nalang kung saan ang number ko. “3872.” Iba’t-ibang mga bagay na ‘di kaaya-aya ang nakasulat doon. Tiningnan ko pa ang iba kung mayroon maayos manlang. Buntong-hininga na lang ulit. Kinuha ko ang alcohol sa bag, binuhusan ko na karampot ang panyong dala at sinubukang burahin ang bastos na nakaguhit doon. Ilang minuto ang ginugol ko roon para mabura ang lahat ng nasa locker ko. Nang ma-satisfy ay kaagad ko iyong binuksan para lang tumambad sa akin ang mas marami pang vandalism sa loob. Buntong-hininga ulit. Nagsisimula pa lang ang araw ko, nakakarami na ako ng buntong-hininga. Kalahating oras ko yatang trinabaho ang locker na ‘yon bago ko mai-lock gamit ang sariling padlock, ginamit ko na lang ang natitirang treinta minutos sa pagpapahinga sa cafeteria sa first floor. “Maganda rin naman…” pampalubag-loob. Binuksan ko ang LG flip phone ko at tumambad ang limang text messages galing kay Danerie. Langga: Nasaan ka ngayon? Langga: Parang walang klase, first day pa lang daw kasi. Langga: Ay mayroon pala klase hahahah cr lang ako Langga: Natanggap mo load? Langga: Text ka naman Ako: Okay naman ako, salamat sa load ‘wag na mag-abala sa susunod hahaha Kaagad akong nakatanggap ng reply, Langga: Nag-aalala kami baka nilamon ka na d’yan hahahah Ako: Ako ang lalamon sa kanila!!! Langga: Hahaha para kang tutang galit Hindi ko pa ubos ang treinta minutos ay umakyat na ako ulit bago pa magsimula ang klase. Unti-unti na rin dumadami ang tao. Fourth floor, 412. Medyo okay naman… tahimik… hindi nga lang kasing tahimik ng sa AU. “Ahhhh!!!! Pangeeeeet!!!!” tila binubura ni tadhana ang mga sinasabi ko. Mariin ako pumikit. Edi okay sige hindi na tahimik, sabi ko sa sarili at nagawa pang umirap. Ayaw ko na nga isipin ‘yang AU. Ang sakit sa dibdib, hindi ako makahinga sa sobrang panghihinayang. Dito na lang ako magfo-focus, okay rin naman siguro dito? Unang klase, okay naman… ilang minuto lang ang itinagal ng Professor namin bilang first day pa lang naman daw ay hindi na muna siya magtuturo at agad na kaming iniwan kahit na may dalawang oras pa siya. “’Di na! ‘Di na ‘ko papasok!” bulyaw ng isa kong kaklase at naglabasan ang sampu sa kanila. Ang sumunod na subject ay ganoon rin ang dahilan, at ang pangatlo hanggang sa nag break. “Chopsuey po at isa pong magnolia ‘yong strawberry.” “Trenta lahat.” Naglapag ako ng 100. “Wala ka bang barya? Umagang-umaga.” umismid ang tindera, Naghanap ako ng barya, tig-limang piso ang mayroon ako kaya iyon na lang ang ibinayad ko. Dahan-dahan kong binuhat ang tray para makapaghanap ng upuan kahit na naririnig ko pa ang tinder ana nagmamaktol sa binayad kong mga barya. Inikot ko ang paligid, lahat ay bakante na. Lumabas din ako para tingnan kung mayroon pang bakante pero lahat ay okyupado na. Halos hilamusin ko ang mukha sa dalawang palad kung wala lang akong bitbit. Paalis na sana ako para maghanap pa ng lugar kung saan ako puwedeng makakain nang matiwasay, tinawag ako ng isang babae. “Dito ka nalang oh!” Umusod siya sa inuupuan at tinanggal ang bag sa lamesa. Agad naman akong lumapit dahil gutom na rin ako at gusto ko nang kumain. “Ikaw ‘yong nagtanong sa akin kanina.” Ngumiti ako. Oo, naalala ko ang maangas niyang mukha. “Jaeda. Ikaw?” pakilala niya habang abala sa pagkilatis sa mga gamit ko. Kinalabit pa niya ang Ghibli keychain ko sabay ngiwi. “Alae…?” pagbasa niya sa pangalan ko sa keychain. Kunot-noo si Jaeda pati ang tingin kong tatlo na kaibigan niya dahil magkakasama sila sa iisang upuan at panay ang kantyawan. “Ala…eh?” Nagsihalakhakan ang mga kaibigan niya sa kanyang remarka, “Bobo ka talaga kahit kailan Jae, wala ka na pag-asa!” asar pa ng isang lalaki. “Paano ba? tinatanga ako ng mga ‘to.” sambit ni Jaeda sa akin, “Alee na lang, para mas madali…” ngiti ko, nahihiya. “Ahh… So para siyang… Alinor? Gano’n?” Tumango ako, “Gets… gets…” tumango-tango rin sila. “So bakit nga ito? Itong school? Havenport.” si Jaeda, sumipsip sa magnolia niya. “Hellport.” sabay-sabay na pagtama pa sa kanya ng mga kaibigan. Hindi ako makasagot, sinasadya kong bagalan ang pagnguya ng sa gayon ay hindi ko na kailangang sagutin. Nahihiya akong sagutin. Nahihiya ako? Kasi alam ko sa sarili ko na hindi dapat dito. “Sa AU ako dapat.” mahina kong sambit, “Oh? Eh bakit hindi ka do’n? Wala namang taga-AU na lumilipat dito, kung meron man sobrang malas naman niya at sa dinami-rami ng paaralan na puwede niyang pasukan ay dito pa.” Buntong-hininga ako ulit. Parang ibang klase ng bala yata ang tumama sa akin sa remarkang iyon ni Jaeda. “Meron namang taga-AU ang nagagawi rito, pero… tadhana na yata nila ‘yon.” tila subconscious ko yata ang isang kaibigan ni Jaeda na nagngangalang Nika. Tulad din ni Jaeda ay may kulay ang buhok niya, pero kung ikukumpara ay mukhang mas maamo ang mukha ni Nika kaysa kay Jaeda. Sumipsip si Jaeda sa kanyang inumin, lumapit kaunti sa akin at mahinang nagsalita, “Kung ako sa’yo aalis na ako rito, wala kang mapapala rito.” anito tila nagbabanta. Kung may choice lang ako ginawa ko na. “Tapos na ako, salamat sa pagpapaupo—” “Dito ka muna.” matalim akong tiningnan ni Jaeda, hawak ang braso ko. Lumunok ako at dahan-dahan ulit naupo. “Pustahan tayo, second sem wala ka na rito.” nakakatakot pa ang mababa niyang boses, Kumunot ang noo ko. “Huh?” “Hindi mo ba alam? Tapunan ‘to ng mga walang pangarap? Fine Arts? Gagraduate kang marunong lang, pero hindi magaling.” “Eh… ‘di ba gano’n naman talaga? Tuturuan ka lang dito ikaw na ang bahala humasa…?” Sumandal sa upuan si Jaeda, malalim ang tanaw. “Ang mga tulad mo Alaenor… madaling mauto. Dito, ang mga madaling mauto, pumasok na santa lumalabas na demonyo.” “Anong ibig mong sabihin?” Pinagmasdan ni Jaeda ang mga tao sa paligid, ganoon din ako. Hindi ko maiwasang pagmasdin din sila dahil sa ingay at kakaiba ang mga tao. Parang… walang batas na lalabagin, parang lahat sila masyado malaya. Saksi ang signage at ang mga locker sa kalayaan ng tao rito. “Malayo ito sa AU. Sobrang layo, loob at labas.” nakisali na si Levi, ang nag-iisang lalaki sa kanila. Ganoon din siya, intimidating tingnan kahit pa walang kulay ang buhok at maayos naman kasuotan niya, simple lang. Siguro dala nila Jaeda ay naging maangas na rin siyang tingnan. “Sa AU, punong-puno ng class, nag-uumapaw na respeto at disiplinado ang lahat. Dito? Walang batas. Dahil estudyante mismo ang gumagawa ng sarili nilang batas.” Kahit ano pang pampalubag-loob ang gawin ko ngayon, sa mga naririnig ko sa kanila Jaeda ay parang imposible talagang hindi ko pagsisihan na napunta ako rito. Kasi gusto ko kahit papaano ay masabi kong tama ang desisyon ni Auntie para sa akin at pinipili niya lang ang lugar kung saan ako nararapat. “Ang sabi nga nila, basurahan ito ng AU. Totoo naman.” si MJ, ngayon lang siya nagsalita. “Hindi lang ang buong campus ang madilim Alaenor. Kung maririnig mo ang lahat ng kwento tungkol dito, hindi mo magugust—” pinutol ng isang malakas na sigaw ang mga salita ni Jaeda. Agad na naglingunan ang lahat sa labas kung saan nagmumula ang malakas na sigaw. “Javi! Please Javi! Balikan mo na ako! Please hindi ko na kaya!” sigaw ng babae, yakap-yakap ang kung anong bag niya habang humahagulgol ng iyak. Bulung-bulungan ang lahat, kani-kanilang chismis at panghuhusga sa babaeng nakatayo sa ibabaw ng lamesa. “Gagawin ko lahat Javi! Mamamatay ako—” “Hoy bumaba ka nga d’yan! Akala mo ang linis ng sapatos!” “p****k!” Ang araw na iyon, ipinakilala sa akin ang bagong mundo. Ipinarinig sa akin ang mga hindi ko dapat naririnig, ipinaalam ang mga bagay na hindi ko naman dapat nalalaman at ipinakita ang mga dapat na hindi ko makita. Kinaya ko ang isang linggo, sinabi kong kakayanin ko ang pangalawa pero hindi na talaga. Ang mga banta ni Jaeda sa akin noong unang araw, maliit pa lang pala ‘yon, hindi pa dapat katakutan. Nang makita ko na ang lahat, nahirapan akong tanggapin na pagtitiisan ko ang lugar na iyon sa apat na taon. May parte sa akin, tuwing uuwi ako. Nakakagalit dahil may karapatan pa rin naman siguro ako sa kung saan ko gusto pumasok, dahil ako rin naman ang nagpapabaon sa sarili ko. Pero… ano pa nga ba ang magagawa ko? Ano pa ang puwedeng maging opsyon. “Uy! Musta gubat?” Second week pa lang ramdam ko na. Ang mga sinasabi sa akin ni Jaeda, dama ko na. “Baka gusto mong labahan damit mo.” Hindi ko pinansin, patuloy lang sa paglakad. Bigla naman akong hinarangan ni Basco. “Oh? Bakit mo ako tinitingnan? Crush mo ‘ko? Baka kulamin mo ‘ko ha?” Diretso akong tumayo, bumuntong-hininga. Nilabanan ko ang tingin niya. “Takot kang makulam?” sambit ko, diretso pa rin ang tingin sa kanya. Humalukipkip si Basco, “Hindi.” at sinipa ang kaliwang paa ko dahilan para maangat ko. Kumaripas siya ng takbo saka ko napagtanto na kinuha niya ang sapatos ko. “Ibigay mo nga sa akin ‘yan! Ano ba!” paghabol ko, Dumami na ang pinagpasahan ni Basco ng sapatos ko, “Hmm… bango! amoy patay na palaka!” inamoy pa ni Quirona. Patakbo na ako sa kanya ng ihagis niya ulit ang sapatos ko kay Basco. “Habol!” Hindi naman ako nagpatinag, hinabol ko rin ang tumatakbong si Basco na inihahagis ang sapatos ko sa kisame at ihahampas sa bintanang madadaanan. Tumigil ako dahil sa sobrang hingal, ganoon rin si Basco pero hindi pa rin natitigil ang pang-aasar niya sa akin. Kolehiyo na ‘tong lalaking ‘to ha? Ang bata pa rin mag-isip! Akala ko si Danerie na ang kilala kong pinaka bata mag-isip mayroon pa palang tatalo. Pumamaywang ako at hinintay humupa ang bilis ng t***k ng puso ko dahil sa hingal. Natulala na lang ako ng may lumapit kay Basco at kinuha ang sapatos ko. Isang matagal na sulyap ang ginawad niya kay Basco kasabay no’n ang obvious na paggalaw ng panga niya na tila nananakot at mistulang maamong tupa’ng si Basco na ang kanina’y walang habas ang pang-aasar. Parang tigreng-gala ang bagal ng lakad niya, punong-puno ng awtoridad at ang lahat ay hindi nagsasalita dahil sa presensyang binigay nito sa buong hallway. Ang mga mata niya habang lumalapit, nasa akin lang. Dahil sa katahimikan, rinig ko kung gaano kalutong ang mga mura ng mga babaeng nasa gilid ko lang at nagpapabilisan mag make-up. Hindi ko namalayan na masyado na pala akong natulala sa kung paano siya lumalakad tungo sa akin. Iniabot niya sa akin ang sapatos ko, ni hindi manlang siya huminto para hintayin ako magpasalamat. Natulala na rin ako masyado para pigilan pa siya at magpasalamat. Unang araw ko pa lang dito ay may naririnig na ako tungkol sa lalaking iyon. Oo, kilala ko na siya, dahil sikat iyon sa AU. Kaya nga namamangha ang lahat dahil dito niya gustong mag-aral. Bukod pa roon? Ay wala na akong alam tungkol sa kanya. Maingay na ang pangalan niya, kalat sa buong Havenport ang mukha niya dahil sa mga babaeng nagkandarapa sa kanya. Unang beses ko siyang nakita ay noong pangatlong araw ko, tahimik ang buong classroom dahil hindi nanaman nagturo ang Professor dahil nga unang week pa lang. Nagulat na lang ako sa isang malakas na sigaw at nagsilabasan ang mga kababaihan, humahangos na nagtungo sa may corridor. Ang lahat ay dumudungaw sa ibaba at hindi ko malaman kung ano o sino ang naroon ng lahat ay isinigaw ang nag-iisang pangalan. “Javi!” Bumbunan na lang yata niya ang naabutan ko nang subukan kong tingnan ko anong itsura ba ng lalaking tinitilian nila. “Ano crush mo na rin? Alam mo? ‘Wag na magtangka.” anang babae na sa ibang section pa yata galing. Wala naman akong balak. Mas lalo siya panigurado. Umismid ako. Iyong sumisigaw na babae sa cafeteria nga parang dumi lang ako sa kuko no’n, tapos wala pa siyang dumi sa kuko. Basta wala! “Huy! Tawag ka ni Ma’am.” kinalabit ako ni Aiscelle. Hindi ko namalayan na natutulala na pala ako dahil sa mga iniisip ko, mabilis kong isinara ang cellphone na hawak matapos basahin ang huling mensahe sa akin ni Helena tungkol kay Javi. Simula kasi noong nangyari ang sapatos accident ay naikukwento ko na siya kay Helena… hindi puwede kay Danerie dahil maghi-hysterical iyon. “Anak, palagay naman ako nito sa lamesa ko.” “Saan po?” “Sa may faculty anak, pasok ka sa College of Engineering building tapos third floor. Pasensya ka na anak ha, ikaw lang ang mauutusan dito.” bulong-bulong ni Mrs. Perez, isa sa mga mababait kong Professor kaya lang hindi rin masyadong nagtuturo. Tumango na lang ako at bago pa makalabas, narinig ko ang hirit ni Basco. “Sipsip!” Tinungo ko ang College of Engineering, kumpara sa building naming medyo mas maayos ang kanila, maaliwalas, ngunit agad din akong na-disappoint nang makita ko ang locker na puno pa rin ng vandalism. Buntong-hininga. Pero sa lahat ng building na napasukan ko na rito? Siguro itong building ang pinaka matino. Ewan ko? Para sa akin lang. Bakit kaya… siya lumipat dito? “Third floor.” Hingal na hingal ako, mabigat kasi itong bag ni Mrs Perez. Madali ko namang natunton ang faculty na sinasabi ni Mrs Perez, tahimik akong pumasok para hindi makagulo sa mga natutulog na teacher. Dahan-dahan kong inayos at inilapag ang mga gamit ni Mrs Perez sa table niya. Tapos no’n ay lumabas na ako, maingat at hindi gumagawa ng ingay dahil baka magising ang nagsisipag na Professor. Sa paglabas ko ay may nakasalubong akong lalaki, mukhang baguhan at siya rin ang unang nag-approach. “Saan ang room 301-B?” tanong niya, kunot-noo naman ako dahil hindi ko iyon alam. “Hindi ko alam eh… bago lang kasi ako—” “Puwede mo kaya akong masamahan? Naliligaw na ako kanina pa.” may pag-aalinlangan niyang sabi. Sinulyapan ko ang wrist watch ko, thirty minutes pa bago ang next subject. Tumango ako at sinamahan siyang hanapin kung saan ang room niya. Umabot kami sa fifth floor. “Dito yata!” eksklama ko nang makita kong sa ‘3’ na nagsisimula ang room number. Bigla na lang akong nakaramdam ng kamay sa likuran. Marahas niya akong tinulak papasok ng classroom, “Anong ginagawa mo? Tulong!” hindi na ako nagdalawang-isip na humingi ng tulong. Mabilis akong tumakbo sa pinto ngunit naabutan niya ako at pinigilan, “Shh! Please huminahon ka mabilis lang—” natataranta niyang hinahalungkat ang bag niya at may nilabas na maliit na kahon. Hinihingal ay inabot niya iyon sa akin, “Ano ‘to?” naguguluhan kong tanong. Lumunok ang lalaki, pinunasan ang mga buti ng pawis at binasa ang nanunuyong labi. Napansin kong itim ang ibaba ng kanyang mga mata at panay ang galaw ng panga. “Ibigay mo kay Francisco—” “Ano? Hindi! Tulong!” “Please! Kailangan ko ng pera!” Nanginginig akong inaabot ang kahon na pilit niyang pinapatong sa palad ko kanina, “Ano ‘to?” tanong ko ulit. “H-hindi ko kilala si Francisco—” “Huling row, tabi ng bintana. Doon siya laging nakaupo, madalas absent pero mamaya papasok siya— please… please… tulungan mo ako…” Hindi ko alam kung anong nangyayari, kung bakit kailangan kong maiabot itong maliit na kahon kay Francisco. At kilala ko naman talaga si Francisco, siya itong palaging tulog tuwing klase, bukod doon ay madalang lang din siyang pumasok. Ang sabi ng iba kaya raw palagi itong tulog ay dahil sa bisyo… hindi ko na alam kung anong bisyo. May pagdadalawang-isip, unti-unti ko pa ring inabot ang maliit na box sa kanya baka sakaling malaki nga talaga ang tulong nito. Ngunit bago ko pa iyon magawa ay tumunog na ang cellphone niya. “He-hello?” Hindi ko rinig ang kabilang linya, pero base sa ekspresyon ng mukha niya ay hindi maganda ang sinasabi nito sa lalaki. Luminga-linga ito sa palagi na para bang may nagbabantay sa kanya ng hindi niya alam. “Nasaan!? Hindi! Ako magbibigay! Nasaan ka ba?” Sinamantala ko ang takot na mayroon siya at sinubukang buksan ang pinto ngunit mabilis niya akong nahatak sa leeg pabalik dahilan para tuluyan akong mapaupo sa sahig. Nabitawan ko ang maliit na box at nagkalat ang mga puting sachet. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita, nagawa pa iyong tadyakan ng paa ko sa gulat, agad naman niya itong niligpit at pinasok muli sa maliit na box. Hindi pa man nakakabawi sa takot ay may marahang nagbukas ng pinto. Marahan, ngunit takot pa rin ang lalaking nasa harap ko. Hindi siya kumikilos, agad niyang itinago ang maliit na kahon sa bag. Pumasok si Javi, at sa pinaka malamig niyang tingin ay halos mangilabot kaming dalawa ng lalaki. Kahit na alam kong wala naman akong kasalanan ay pakiramdam ko kasama ako sa paparusahan niya. “Javi… wala… wala naman akong dala… hindi na…” Dahan-dahang naupo si Javi, tinapatan ang nakaupo rin sa sahig na lalaki, hindi maka-angat ng tingin sa kanya. “Malas mo.” malalim at malamig, dalawang salita ngunit iba na ang hatid. Sabay pa yata kaming napalunok noong lalaki. “Alam ko bawat galaw mo.” sunod pa nitong sabi. Nagulat ako sa pag lingon nito sa akin, kahit mabagal ay parang ilang segundo lang ay lalamunin niya ako. “H-hindi ko siya kilala.” ang tangi kong nasabi bago niya ako pinatayo, “Anong sabi ko sa’yo? Dave? ‘Wag. Dito.” “Oo! Hindi na!” mabilis na sagot ng lalaki, “I’m sick and tired of cleaning your s**t Dave.” Hindi ko na alam kung anong nangyari kay Dave, pagtapos pagsabihan ni Javi ay agad niya akong pinalabas. Bago niya ako tuluyang pakawalan ay sinabihan niya akong walang makakaalam ng kung ano ang nakita ko at wala akong ibang sinagot kundi oo. “You mean like, superhero? Dumarating kung kailan mo kailangan ng tulong?” gulat na sabi ni Helena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD