“WOW! This is… paradise!” Hindi napigilang bulalas ni Miguel nang marating na niya ang Takipsilim Beach Resort. Gandang-ganda siya sa lugar.
Iba ang buhangin sa parteng iyon ng Alabat Island. Pino at bahagyang kulay dilaw na tila ginto. Kalma ang dagat at ang mga kwarto sa resort ay yari sa kubo. Agad siyang nag-check in sa resort at pumili siya ng kubo na nakaharap sa dagat na naibigay naman sa kaniya ng may-ari. Inaasahan niya na mainit sa loob ng kubo pero nang pumasok siya ay nasiyahan siya dahil presko at hindi naman mainit. Malaki rin iyon para sa kaniya na mag-isa lang. Meron namang electric fan, isang higaan, lutuan at hapag-kainan. May upuan at mesa din sa labas na pwede niyang pagtambayan.
Nang humiga siya sa papag na naroon ay doon niya naramdaman ang pagod. Ipinikit muna niya ang mata para umidlip. Kailangan niyang mag-recharge. Masyadong nakakapagod ang naging biyahe niya. Para mamaya ay may energey na siya para libutin ang isla.
PUPUNGAS-PUNGAS na nagising si Miguel. Pagbangon niya ay nasilaw siya sa sinag ng araw na nagmumula sa labas. Nakabukas kasi ang bintana sa tabi niya. Sandali siyang nag-inat at bumaba ng papag. Tiningnan niya ang oras sa wrist watch at nalaman niyang halos tatlong oras din pala siyang nakatulog.
Napahawak siya sa tiyan nang bigla iyong kumalam. Nagugutom na siya. Kailangan na niyang kumain. Meron naman sigurong makakainan dito sa beach resort. Iyong malapit lang. Nakakaramdam na kasi siya ng kaunting pagkahilo dahil sa gutom.
Wallet lang ang dinala niya nang lumabas siya ng kubo. Nakita niya na nakatayo sa labas ng kubo niya ang matandang babae na may-ari ng beach resort. Ito ang sumalubong sa kaniya.
“Manang Grasya, magandang hapon po!” bati niya na ikinalingon nito sa kaniya.
“Magandang hapon din sa iyo, Miguel.” Maaliwalas ang ngiti ng matanda.
Nakwento nito sa kaniya na siya lang ang naka-check in sa resort nito. Hindi na daw kasi ito katulad dati na puntahan ng mga tao. Simula nang marami nang magagandang beach na nadiskubre sa Quezon ay naging matumal na ang pagpunta ng tao sa Alabat Island.
“Mag-isa po kayo diyan? Ano pong ginagawa ninyo?” tanong niya nang makalapit na siya kay Manang Grasya.
“Hinihintay ko ang aking asawa. Pumalaot kasi siya para humuli ng mga isda. Paparating na siya. Nakikita mo ba ang bangka na iyon?” May itinuro itong bangka na tila papalapit na sa pampang.
Tumango si Miguel. “Opo. Si Manong Upeng na ba `yon?”
“Siya nga. Hindi ko nga malaman diyan kay Upeng. Tanghaling tapat naisipan na mangisda.”
Kahit gutom na ay mas pinili ni Miguel na samahan si Manang Grasya na hintayin si Manong Upeng. Hindi nga nagtagal ay narating na ng bangka ng matanda ang pampang. Agad silang lumapit dito. Tinulungan niya si Manong Upeng na hilahin ang bangka sa buhangin.
Isang timba na puno ng iba’t ibang isda at mga alimango ang ibinaba ni Manong Upeng mula sa bangka. Natuwa siyang tingnan ang mga iyon dahil sa dami.
“Wow! Ang dami niyo palang huli, manong!” natutuwang bulalas ni Miguel.
“Sinwerte lang, totoy. Aba, e, ayaw pa nga akong payagan nitong si Grasya na mangisda. Kung hindi ako pumalaot ay wala akong huli na ganire,” pakli ng matandang lalaki.
Inirapan ito ng asawa. “Tanghaling tapat ka naman kasi kung mangisda, e. Pwede namang sa gabi. Lalo nang masusunog balat mo niyan!” iiling-iling pa ito.
“E, kasi naman, para kang naglilihing buntis kanina pang umaga. Panay ang parinig mo na gusto mong kumain ng alimango. Kaya nanghuli ako. Mabuti na lang at may huli na iyong mga baklad ko sa laot!”
“`Sus! Katwiran mo. Hindi naman kita sinabihan na sa tanghali manghuli!” Pairap-irap pa dito si Manang Grasya.
Ibinaba muna ni Manong Upeng ang timba para akbayan ang asawa. “Ito naman… Gusto ko lang naman na maibigay ang gusto mong kainin. `Wag ka nang magtampo diyan. Walang kaso sa akin kahit masunog o lalo pang umitim ang aking balat basta maibigay ko lang ang gusto mo, Grasya.” Pakindat-kindat pa ang matandang lalaki.
True love. Naibulong ni Miguel sa sarili.
Ang sarap pagmasdan ng pagtatampo ni Manang Grasya at pagsuyo dito ni Manong Upeng. Kahit matatanda na ang dalawa ay nakikita pa rin niya ang pagmamahalan ng mga ito. Bigla niya tuloy naitanong sa sarili, `pag matanda na kaya sila ni Jeric ay ganito rin sila?
Napabuntunghininga siya. Kumurap-kurap siya sabay kusot ng mata. Naluluha siya nang maalala si Jeric. Nami-miss na niya ito. Kung pwede nga lang na bumalik na siya sa Australia ay ginawa na niya. Pwede naman pala ngunit kailangan niyang panindigan ang desisyon na ito—ang pansamantalang lumayo kay Jeric para maisalba ang kanilang relasyon.
“Teka, nagtanghalian ka na ba, Miguel?”
“Po?” Hindi gaanong naintindihan ni Miguel ang tanong ni Manang Grasya.
“Tila ang lalim ng iniisip ni Miguel at nakatulala na siya. Naiisip mo ba ang iyong asawa o nobya?”
“Wala po akong nobya.” Pagtatama niya. Asawa meron. Lalaking asawa, dugtong ni Miguel na sa isip lang niya sinabi.
Siniko ni Manang Grasya ang asawa. “Magtigil ka nga, Upeng,” saway nito sabay ngiti sa kaniya. “Tinatanong kita kung nagtanghalian ka na.”
“Hindi pa nga po. May alam po ba kayong pwedeng kainan dito?”
“Marami namang karinderya dito. Pero kung kaya mo pa naman ang gutom mo, hintayin mo na lang itong mga alimango at isda na maluto ko. Sumabay ka na sa amin. Ikaw lang naman ang guest namin ngayon.”
Nanlaki ang mata ni Miguel sa saya. “Talaga po?” Hindi makapaniwalang tanong niya.
“Oo naman. At libre iyon. Masyadong marami ang nahuli ni Upeng para sa aming dalawa.”
“Naku, maraming salamat po. Sige po! Sasabay na ako sa inyo sa pagkain,” masayang turan niya.
Masayang-masaya si Miguel dahil hindi lang paraiso ang natagpuan niya dito sa Alabat Island kundi isang pamilya na rin sa katauhan ng dalawang matanda na nasa kaniyang harapan.
“DAMN! Offline pa rin siya sa lahat ng social media accounts niya at hindi ko ma-contact ang number niya!” gigil na turan ni Jeric. Naiinis na ipinatong niya sa table ang hawak na cellphone sabay tungga ng alak.
Nasa isang bar siya ng gabing iyon kasama ang kaniyang bestfriend na si Sasha. Isang Pinoy na all-out gay. Bakla ito na kumikilos at nagbibihis katulad ng mga babae. Inaya niya itong lumabas ngayong gabi dahil kailangan niya ng makakausap na makakaintindi sa kaniya. Sa iisang kumpanya lang sila nagtatrabaho. Editor ito doon.
Napailing si Sasha. “E, ikaw din naman itong isa’t kalahating tanga. Bakit mo pinayagan ang hubby mo na umuwi ng Pilipinas? Ngayon, ngangawa-ngawa ka kasi hindi mo na ma-contact!” Nilagyan nito ng alak ang baso nito at uminom.
“Ayaw naman niyang magpapigil, e. Hinayaan ko na lang. Wala namang problema sa akin kung gusto niyang lumayo muna. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit parang ayaw niya akong kausapin!”
“Baka naman… may iba na. May kabit!” Tinapunan niya ng masamang tingin si Sasha. “Joke lang!” Nag-peace sign pa ito at pa-cute na ngumiti.
“Hindi ko gusto ang joke mo, bakla!” pakli niya.
“Ito naman. Hindi na mabiro. But pwede namang mangyari iyon. Baka katwiran niya lang na nasasakal siya sa iyo. Hindi mo ba naisip `yon?”
“Kilala ko si Miguel at hindi niya ako magagawang lokohin. He loves me so much. Aminado din naman ako na naging mahigpit at mapanakit ako sa kaniya. Kaya nga nare-realize ko na ang mga bagay na iyon ngayong umalis siya.” Malungkot niyang pahayag.
Itinaas ni Sasha ang dalawang kamay. “Okay. Fine! So, ano na ang plano mo ngayon? Magmumukmok sa condo mo habang hinihintay ang pagbabalik ng iyong mahal na asawa? Ganoon ba? Tama ba?”
Tumingin siya sa kawalan. “Ano kaya kung sundan ko na lang siya doon? For sure, nasa pamilya niya naman iyon,” aniya.
“Well, pwede mo namang gawin iyan pero don’t you think na magandang time ito for yourself, Jeric?”
“What do you mean?” tumingin siya sa kaibigan. May pagtataka.
Maarte nitong itinirik ang mata. “Duh! Acting innocent? May kasabihan nga tayo na, when the cat is away, the mouse will flirt! I mean… play. Perfect time ito for you to play!” At malandi pa itong tumili.
“Magpapaka-single ako habang wala si Miguel?” Umiling siya. “No way. Mahal ko siya kahit na nasisigawan at nasasaktan ko siya.”
“Ano ka ba naman, Jeric? Hindi naman ibig sabihin na lalandi ka sa iba ay hindi mo na siya mahal. You’re just bored…” Umusog ito palapit sa kaniya at kinalabit siya sa tagiliran. “Look at that guy. Iyong nasa katapat nating table!”
Hinanap naman ng mata ni Jeric ang tinutukoy ni Sasha. Isang Australian na lalaki ang nakita niya sa itinuro nito. Mag-isa itong umiinom at tila nakatingin sa kaniya. Gwapo ito kung sa gwapo. Akala mo ay isang modelo ang tindigan.
“That Australian guy?”
“Yes. Siya nga. Ang gwapo at ang yummy, `di ba? Kanina ko pa napapansin iyan na kanina pa ang tingin sa iyo. Mukhang type ka! Lapitan mo na. Mag-hello ka.”
Lumukot ang mukha niya. “Ayoko. Nahihiya ako,” tanggi niya. Ngunit nagtatalo ang dalawang bahagi ng utak niya. Gwapo naman talaga ang lalaki at mukhang siya nga ang tinitingnan.
“Sige na, lapitan mo na. Maghe-hello ka lang naman—”
“Ayoko nga kasi!”
Pinanlakihan siya ng mata ni Sasha. “Maghe-hello ka lang naman, e!” At talagang sumigaw na ito.
“Oo na, oo na!” Natakot siya sa mukha ni Sasha.
Nagsalin muna siya ng alak sa baso at tinungga iyon. Kailangan niya ng lakas ng loob. Saka siya naglakad palapit sa lalaki. Sa tingin naman niya ay tama si Sasha. Hindi ibig sabihin na makikipag-kaibigan siya sa ibang lalaki ay hindi na niya mahal si Miguel. Wala namang masama siguro sa pakikipag-friends.
Habang papalapit siya sa Australian na lalaki ay palaki nang palaki ang ngiti nito.
“Hello!” Magiliw niyang bati. “Can you light me up?” Inilabas niya ang sigarilyo.
“Sorry. I don’t smoke.”
“Oh…”
“But I drink!” Nilagyan nito ng alak ang baso sabay abot sa kaniya.
Walang pag-dadalawang-isip na tinanggap niya iyon. Pinaupo siya nito sa bakanteng upuan sa tabi nito at doon ay sinabi nito na kanina pa nga siya nito tinitingnan. Labis ang kilig na naramdaman ni Jeric ng sandaling iyon. Kaya naman sumulyap siya ng mabilis kay Sasha at ngiting-ngiti naman ito sa kaniya. Kinikilig din ang gaga!
Muli siyang humarap sa Australian. “By the way, my name is Jeric.” Pagpapakilala niya.
Nakipag-kamay ito. “Harry!” Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya na para bang ayaw na nitong pakawalan iyon.