Kabanata III

1874 Words
                ILANG minuto na lang at sasapit na ang hatinggabi pero hindi pa rin dinadalaw ng antok si Miguel. Dilat na dilat ang kaniyang mata habang nakatitig sa kisame. Uminom na siya ng gatas bago humiga pero mailap pa rin ang antok. Hindi niya alam kung naninibago lang siya sa tinutulugan niya o dahil sa okupado ang isip niya. Kanina pa kasi niya iniisip si Jeric at kung ano na nga ba ang susunod na mangyayari sa kanilang relasyon. Mahal pa niya si Jeric. Hindi niya iyon maipagkakaila. Iniwan niya lang ito pansamantala para ma-realize nito ang kahalagahan niya. Maisip sana nito na mali ang pagtrato na ginagawa nito sa kaniya. Mag-asawa sila at hindi siya dapat nito sinasaktan ng ganoon. Mga magulang niya, hindi siya napalo tapos ito ganoon ang gagawin sa kaniya. Pero sa totoo lang ay nami-miss na niya ang asawa. Iyong magkatabi sila matulog tapos paggising ay ito ang makikita niya agad. Siya ang guigising dito sa umaga kapag may pasok ito. Nauuna kasi itong umalis sa kaniya kapag may trabaho silang dalawa. Habang naliligo ito ay naghahanda na siyang mag-almusal. Sabay silang kakain at ihahatid niya ito sa ibaba hanggang sa makasakay na ito. Saka lang siya mag-aasikaso ng sarili para pumasok sa trabaho. Ganoon umiikot ang buhay ni Miguel sa Australia. Noong una ay hindi niya nararamdaman ang pagod. Hanggang sa nagbago na nga ng ugali si Jeric. Doon na siya na-drain nang dahan-dahan hanggang sa maubos na siya. Sa pagkakataon na iyon ay nagdesisyon na siya na maghiwalay muna sila. Umuwi siya sa Pilipinas nang biglaan kaya naman nagtaka ang pamilya niya. Nang tanungin siya ng mga ito ay sinabi na lang niya na magbabakasyon lang siya ng ilang buwan. Si Mart lang ang nakakaalam ng tunay na dahilan ng kaniyang pag-uwi. Ayaw niyang sabihin sa pamilya niya ang totoo dahil ayaw niyang maging masama si Jeric sa paningin ng mga ito. Asawa niya pa rin si Jeric at pino-protektahan lang niya ang imahe nito sa kaniyang pamilya. Mula sa pagkakatitig sa kisame ay napabalikwas ng bangon si Miguel. Naalala niya na wala pa nga pala siyang pupuntahang lugar para magbakasyon. Hinugot niya ang laptop sa bag at binuksan iyon. In-open niya ang pocket wifi at sinimulan na niya ang pagse-search ng ayos na lugar. Ang gusto niya ay iyong walang masyadong tao para naman makapag-isip siya ng mabuti at ma-refresh ang kaniyang utak. Paano naman siya makakapag-isip kung napakaraming tao, `di ba? Gusto din niya ay iyon malapit lang dito sa Laguna para hindi siya mapagod nang husto sa biyahe. Inuna niya ang paghahanap sa Batangas. Tumingin siya sa mga blogs. May nagugustuhan naman siya kaya lang sa mga pictures pa lang ay halatang marami na ang tao. Napunta siya sa Rizal, sa Cavite hanggang sa Quezon Province. Sa paghahanap niya ng lugar na maganda sa Quezon ay nakuha ng atensiyon niya ang isang isla doon. Ang Alabat Island. Ayon sa blog na nakita niya, isa iyong isla na sobrang simple lang. May beach resort na ni-recommend ang blogger kung saan wala daw masyadong pumupunta. Nang pumunta nga daw ito doon ay ito lang ang guest at ang nobyo nito. Nasolo daw nila ang beach resort. Tumingin-tingin pa siya ng pictures ng isla. Maganda ang dagat. Hindi white sand pero malinis ang baybayin. Binasa rin niya kung paano magtungo doon at mukhang hindi naman mahirap. Sasakay lang siya ng isang bus at isang bangka para marating ang Alabat Island. “Okay. Ito na ang pupuntahan ko!” tumatangong turan niya.             Bukas na bukas din ay pupunta na siya. At dahil hindi pa rin inaantok ay nag-empake na lang siya ng mga dadalhin niya sa Alabat Island para bukas ng umaga ay agad siyang makaalis.   WALANG sigla at pupungas-pungas si Almira nang kinabukasan ng umaga ay magising siya. Alas dose na kasi sila nakauwi ni Maureen mula sa pasayaw. Ayaw pa nga sanang umuwi ni Maureen. Tapusin daw nila dahil hanggang alas dos na lang iyon. Mabuti na lang at napilit niya ito. Tulog na nga ang nanay niya pag-uwi niya. Nagising siya dahil sa pagtunog ng kaniyang cellphone. Kinapa niya iyon sa maliit na lamesa sa tabi ng higaan. Nang makuha niya ay nakita niyang may tumatawag na numero lang ang nakalagay. Hindi pamilyar ang number pero sinagot pa rin ni Almira. “Hello. Sino po `to?” inaantok pa talaga siya. Bahagya pa ngang nakapikit ang mata niya. “Good morning po, Miss Almira!” Isang masiglang boses ng babae ang nagsalita sa kabilang linya. “Ako po si Thea. Iyong i-to-tour ninyo sa Plaridel today.” Parang binuhusan nang malamig na tubig si Almira nang magpakilala ang tumawag. Bakit ba nakalimutan niya na may i-to-tour nga pala siya ngayon na grupo? Nawala tuloy ang antok niya. Sa tingin niya ay nasa biyahe na ang mga ito dahil may naririnig siyang tunog ng mga sasakyan sa background. “G-good morning din, Thea. Pasensiya na, hindi ko pala na-save number mo.” Natataranta niyang turan. “Nasaan na ba kayo?” Bumaba na siya ng kama. “Nasa Pagbilao na po kami, e. Sa Atimonan tayo magkikita, right?” “Oo. Doon nga. Sa bus terminal na malapit sa pier.” Habang kausap niya si Thea ay kumukuha na siya ng damit sa aparador. Bakit ba kasi siya sumama kay Maureen kagabi, e? Iyan tuloy, mukhang male-late pa siya sa mga turista ngayon na kailangan niyang i-tour. Baka magkaroon pa siya ng hindi magandang review sa f*******: page niya. Meron kasi siyang f*******: page para madali siyang makakita ng mga i-to-tour. “Okay po, Miss Almira. Based sa Waze namin, malapit na daw kami. See you po!” “Baka ma-late ako—” Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil naputol na ang kabilang linya. Mahina nga pala ang signal sa may bandang Pagbilao kaya siguro naputol. Kailangan na niyang kumilos ng mabilis. Dapat ay mauna siya kina Thea sa tagpuan nila kahit tila imposible iyong mangyari.   BINILISAN lang ni Almira ang pagligo. Nagbihis na siya agad at hindi na nag-abala pang mag-make up. Pinasadahan lang niya ng hair dryer ang buhok para kahit papaano ay hindi naman iyong sobrang basa. Paglabas niya ng kanilang bahay ay tumakbo na siya sa kalsada at pinara ang tricycle na unang nakita. Pagsakay niya doon ay sinabi niya kung saan siya pupunta. “Pakibilisan na lang, kuya. Salamat!” nagmamadali niyang sabi. Wala namang traffic sa lugar nila kaya makalipas lang ang ilang minuto ay nasa may terminal na siya sa Atimonan. Sa likod niyon ay may pier kung saan may mga bangka na bumabyahe papunta sa Alabat Island na katapat lang ng Atimonan at ng lugar nila. Nagbayad muna si Almira bago bumaba. Tumatakbo na siya papunta sa terminal ng bus nang isang lalaki ang kaniyang nabangga. Hindi niya ito napansin dahil sa pagmamadali niya. “Ay, ano ba?!” sigaw niya. Pagtingin niya sa lalaki ay saglit siyang natigilan. May malaking backpack itong dala. Nakasuot ito ng sando at shorts. Naka-rubber shoes ito. Maputi ang balat ng lalaki. Matangkad. Sa tantiya niya ay hanggang balikat lang siya nito. Maganda ang pangangatawan. Kita niya iyon sa braso nito. Matangos ang ilong at mamula-mula ang labi. Nakasuot ito ng shades kaya hindi niya makita ang mata ng lalaki. Pakiramdam niya ay nawalan siya ng hininga nang alisin ng lalaki ang shades. Bilugan ang mata nito. Makapal ang kilay. Sobrang gwapo ng lalaking nasa harapan niya sa madaling salita! “Miss, okay ka lang ba?” tanong nito. “H-ha? A-anong sabi mo?” Kanda-utal na siya. “Ang sabi ko, okay ka lang—s**t! Maiiwanan na ako no’ng bangka!” Bigla itong tumakbo palayo sa kaniya. Sinundan niya ito ng tingin. Papunta ito sa pier. Nang wala na ang lalaki ay doon lang siya tila natauhan. Napasimangot siya. Sa tingin niya ay taga-Maynila ang naturang lalaki. “Hindi man lang nag-sorry!” irap niya. “Ay, oo nga pala. Sina Thea!” aniya at nagmamadali na siyang tumakbo papunta sa terminal. Pagdating niya doon ay luminga siya at hinanap si Thea. Kilala niya ang mukha nito dahil sa nakita niya sa f*******: account nito. Hanggang sa may tumapik sa balikat niya. Napalingon siya sa gilid at nakita niya ang isang teenager na babae. “Kayo po ba si Miss Almira?” tanong nito sa kaniya. “Thea?” “Ako nga po! Start na po tayo ng tour? Nandoon po mga kasama ko.” Itinuro nito ang isang tindahan na may mga kabataan sa harapan. “Sige. Kanina pa ba kayo?” “Hindi naman po. Kakarating lang din po namin.” Nakahinga si Almira ng maluwag. Mabuti na lang at hindi siya na-late nang husto. At sa pakikipag-usap ni Thea sa kaniya, mukhang hindi naman ito galit.   NAKASAKAY na si Miguel sa malaking bangka na maghahatid sa kaniya sa Alabat Island. Umaga pa sana siya aalis pero naisip niya na baka mainit na sa biyahe. Kaya nang matapos na siya sa pag-eempake ay nagpaalam na siya sa pamilya niya na pupunta siya sa Quezon Province. Hindi niya sinabi kung saan eksakto. Baka kasi sumunod ang mga ito. Iniwan din niya sa bahay ang cellphone dahil baka tumawag na naman si Jeric. Simula kasi nang umuwi siya ay panay ang tawag nito sa Messenger niya. Kinukulit siya na bumalik na sa Australia. Magbabago na daw ito. Pero ayaw niyang maniwala na sa isang iglap ay magbabago na agad si Jeric. Isinulat na lang niya sa isang papel kung paano pumunta sa Alabat Island para hindi siya maligaw. Hindi ganoon karami ang sakay ng bangka. May oras kasi ang alis ng bangka at muntik na siyang maiwanan kanina. Nagmamadali siya tapos may nabangga siyang babae. To be honest, maganda ang babae. Natulala pa nga ito sa kaniya at mukhang nagwapuhan sa kaniya. Kung alam lang nito, hindi sila talo! Sanay na naman si Miguel sa mga babaeng nagpapahiwatig ng paghanga sa kaniya. Karamihan sa mga ito ay nasasayangan kapag nalalaman na bakla siya at may asawa na lalaki. Natatawa na lang siya. Ganoon talaga ang karaniwang isip ng tao. Kapag ang bakla ay gwapo, sayang agad. Para naman sa kaniya, hindi siya sayang. Mas sayang `yong hindi kayang magpakatotoo sa sarili. Habang sakay ng bangka ay pinagsawa ni Miguel ang mata sa malawak na karagatan. Unti-unti ay lumalaki na sa kaniyang paningin ang islang nasa harapan nila. Iyon ang Alabat Island. Pahaba ang hugis niyon. Excited na siyang makatapak sa lugar na iyon. Kanina pa niya iniisip ang mga gagawin niya sa isla habang nasa bus siya. Makalipas ang halos isang oras ay narating na ni Miguel ang isla ng Alabat. Pagkababa niya ng bangka ay may nakita siyang mga batang naglalaro sa dalampasigan. May mga bahay na yari sa pawid. Mga taong masayang nagkukwentuhan at nagbibilad ng isda sa ilalim ng sikat nga araw. Tama nga iyong nakalagay sa blog. Simple at tahimik ang lugar na ito. Sa tingin niya ay hindi siya nagkamali ng lugar na napiling puntahan. Naglakad-lakas siya at naghanap ng mapagtatanungan. Isang may edad na lalaki na naglilinis ng bangka sa dalampasigan ang nakita niya. Nilapitan niya ito. “Magandang umaga po, manong. Magtatanong lang po sana.” Magalang niyang turan. “Aba’y magandang umaga din. Ano `yon?” Itinigil muna nito ang ginagawa. “Saan po ba dito iyong Takipsilim Beach Resort?” Iyon ang pangalan ng beach resort na binanggit sa blog na binasa niya. “Iyon ba? Malapit lang iyon dito. Lakad ka lang diyan…” May itinuro itong daan. “May makikita kang kalsada tapos sakay ka ng tricycle. Sabihin mo sa Takipsilim ka. Kalahating oras ay nandoon ka na. Nasa kabilang bahagi kasi iyon at kung lalakarin mo ay mapapagod ka lang.” “Ganoon po ba? Maraming salamat, manong. Mauuna na po ako. Thank you po ulit!” At iniwanan niya ng isang matamis na ngiti ang pinagtanungan bago siya umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD