“Sampung taon akong natulog Elena, at sa sampung taon na iyon ay nakasama ko sa aking paglalakbay ang iyong ina. Siya ang tumulong sa akin upang makatakas kay Mauricio, at sa paglalakbay namin, inibig namin ang isa't isa.”
“Mauricio? maging sa panaginip mo ay nandoon din si Tiyo Mauro?”
“Oo Elena, siya ang halimaw na gustong kumuha sa kaluluwa ng aking kaibigan, Siya din ang naging dahilan ng muntikan ko nang hindi pagbabalik sa reyalidad, ngayon alam ko na.. kaya ganoon ang itsura niya, kaya naging ganoon ang kinahinatnan ni Mauricio sapagkat binulag siya ng pagmamahal at paghahangad sa pagmamahal niya sa iyong ina. At kaya kami nag tagpo nang iyong ina dahil siya ang nagsilbing anghel ko sa aking panaginip..”
Maging si Enzo ay tuluyan na din na naiyak, garalgal ang kanyang boses na nagpatuloy sa kanyang pagsasalita.
“Minahal ko nang lubusan si Leonora, gusto ko siyang isama sa pagtakas kay Mauricio.. ngunit, itinulak niya ako sa bangin...at naiwan siya doon, hindi ko naisama si Leonora.. kaya noong ibinulong niya sa akin ang lugar na ito kung saan siya nakatira, naglakas loob ako na hanapin siya upang makita siya at makasama...ngayon alam ko na.. alam ko na ang tunay na dahilan kung bakit...”
“Diyos ko.. ang aking ina...”
“Elena..” Pinunasan ni Enzo ang mga luha na naglandas sa kanyang pisngi.
“Maari mo ba akong samahan sa libingan ng iyong ina? Gusto ko lang magpasalamat sa kanyang ginawa..”
Tumango lang sa kanya si Elena.
“Makakapaghintay ka ba? Ginoong?”
Doon lang napagtanto ni Enzo na hindi pa pala siya nagpapakilala sa babaeng kaharap na kanina pa niya kausap.
“E-enzo, p-pasensya ka na..” Pagpapakilala niya sa babae.
Gumanti lang ng ngiti si Elena at marahan na tumango.
“Magbibihis lang ako saglit.”
Pagkabihis ni Elena ay mabilis na nagtungo sila sa Catholic Cemetery kung saan naka lagak ang mga labi ni Leonora.
Leonora Baltazar Villa Gracia
April 26, 1958 - Dec. 17, 1999
Mabilis na bumuhos ang mga luha ni Enzo dahil sa bigat ng kanyang dibdib na makita ang nakaukit na pangalan ni Leonora sa bato na nakadikit ang larawan nito sa ibaba ng kanyang pangalan.
Hindi niya akalain na matagal na pala'ng nawala si Leonora at binigyan lang sila ng pagkakataon na magtagpo sa kanyang panaginip.
“Leonora mahal ko, hindi ko akalain na ganito kita mahahanap, ang akala ko ay makakasama kita pag gising ko sa panaginip... Patawad mahal ko...”
“Maraming salamat Leonora, salamat sa pagligtas mo sa buhay ko..”
“Salamat din sa iyo Ginoong Enzo sa pagpasyal sa Ina ko,”
Napasulyap si Enzo kay Elena, hindi niya namamalayan na nakatingin pala sa kanya ang dalaga.
“Alam ko na naging masaya ang aking Ina na nakilala ka niya at minahal kahit sa panaginip mo lang, nakikita ko kung gaano mo minahal ang akin ina...”
“Elena...”
“Kita ko sa mga mata mo Ginoo ang kadilasayan ng iyong puso at wagas na pagmamahal mo sa aking Ina, dahil kung hindi...hindi ka mapapapadpad dito upang hanapin lang siya sa wala...salamat, salamat at naipadama mo sa kanya kahit sa huli ang pagmamahal mo sa kanya.”
Humarap si Leonora sa puntod nang kanyang Ina at hinaplos ang mukha nito larawan na naka dikit sa lapida.
“Alam ko na nasa maayos na ang aking ina, at nagawa niyang magsakripisyo para sa pagmamahal niya sa iyo, at alam ko.. na may dahilan kung bakit ka napunta dito.. ngunit kung ano man ang dahilan...iyon ay hindi ko pa alam..”
“Ako ang dapat magpasalamat sa Ina mo Elena..At oo, ang iyong ina ang aking unang babaeng minahal sa tanang buhay ko, at hindi iyon magbabago..”
Humarap din siya sa puntod ni Leonora at hinalikan ang larawan nito.
“Maraming salamat sa iyo mahal kong Leonora...pangako ko sa'yo.. hindi magbabago ang pagmamahal ko sa'yo.. mananatili ang pagmamahal at ala-ala mo dito sa puso ko...salamat sa pag ligtas mo sa buhay ko...”
WAKAS ❤️