Simula ng magising si Enzo sa kanyang panaginip ay hindi na kailan man nawaglit sa kanyang isipan ang babae sa kanyang panaginip na si Leonora.
Paulit ulit na umuusal sa kanyang tainga ang mga kataga na binitawan nito bago sila itulak sa malalim na bangin.
“Leonora Villa Gracia.. Sampaguita St. Calle Arevalo, Ermita Manila.”
Nagpalakas muna nang katawan si Enzo bago siya nagpasya na puntahan ang lugar na sinambit ni Leonora sa kanyang panaginip. Tulad ng kanyang ipinangako ay hahanapin niya ito upang doon nila ituloy ang naudlot na pag ibig nila sa loob ng kanilang imahinasyon.
“Nakakasiguro ka ba bunso na doon nga ang lugar ng mahiwagang babae na sinasabi mo?” Tanong sa kanya ng kanyang Ate Angie minsan nasa asotea sila ng kanilang bagong bahay at nagkukuwentuhan habang nagkakape.
Naikwento niya na kasi sa kanila ang lahat ng nangyari sa kanyang panaginip at maging sila ay hindi makapaniwala sa nakakatakot na kanyang pinagdaanan sa loob ng kanyang Lucid dreaming.
“Malakas ang kutob ko Ate, bago niya ako itulak ay ibinulong n‘ya iyon sa akin, alam ko na doon siya nakatira.”
“Oh siya, basta mag iingat ka na lang sa paghahanap mo bunso, nawa'y magtagumpay ka na mahanap mo siya.”
“Salamat Ate, mag dilang anghel ka sana..”
Kinaumagahan din na ‘yon ay nagbiyahe na si Enzo papunta sa Ermita Maynila, gamit ang naiwang kotse ng kanyang namayapang Ama ay iyon ang kanyang ginamit patungo sa lugar kung saan nakatira si Leonora.
Habang binabagtas niya ang daan patungo doon ay ang pipi niyang hiling ay sana ay matagpuan niya doon si Leonora.
Sa isang liblib na lugar siya napadpad base sa kanyang mga tao na napag tanungan. Isang malawak na bukirin ang kanyang tinahak at walang masyadong mga bahay at pakonti konti lang ang mga tao na nakikita niyang dumadaan sa lugar na iyon.
Umupo muna siya sa isang upuan na andoon atsaka siya naghintay ng mga tao na dadaan upang may mapagtungan ulit. Lumipas ang ilang sandali ay may isang lalaki na medyo matanda na ang dumaan sa kanyang harapan.
“Manong, mawalang galang na ho, maari po bang magtanong,” wika niya sa matanda ng makalapit siya.
“Ano ‘yon Hijo?”
“May kakilala ho ba kayo na Leonora Villa Gracia?”
Nag isip saglit ang matanda, tapos ay tumingin saglit sa kawalan.
“May kilala akong Leonora Hijo, ngunit hindi ko alam ang apelyido n'ya, halika dito, sasamahan kita sa bahay niya.”
“Ay sige ho, marami hong salamat.”
Iginiya siya ng matanda sa isang makipot na eskinita, tapos ay may nadaanan silang isang bakanteng lote,sa lote na ‘yon ay may isang malaking puno ng akasya na dadaanan. Pumasok sila doon at bumungad sa kanila ang isang malaking bahay na disenyo na bahay kastila.
“Iyan ang bahay ng Leonora na tinutukoy ko Hijo, ipagtanong mo na lang siya diyan at ako ay may pupuntahan pa.”
“Sige ho Manong, maraming salamat ho.” yumuko siya sa matanda tanda ng pasasalamat sa kanya at paggalang, nginitian lang siya at saka tumango bago ito umalis.
Matindi ang kaba na nararamdaman ni Enzo ng mga sandaling iyon, naghintay muna siya ng ilang minuto at kumuha muna ng tiyempo bago siya tumawag sa may ari ng bahay.
“Tao po! Mawalang galang na ho!”
Mamaya lang ay may isang dalaga ang palapit sa kanyang kinaroroonan. Nang tuluyan na makalapit ang babae ay napa atras si Enzo sa kanyang nakita, hindi niya malaman kung ano ang kanyang mararamdaman nang makita ang babae na nakatayo sa kanyang harapan. Na shock siya sa itsura nito, hindi siya maaring magkamali.. Siya nga... siya'ng siya..
“L-leonoraaa....” mahinang sambit niya ngunit hindi siya narinig ng babae.
“Bakit ho? Sino ho ang hinahanap nila?”
“Leonora? Hindi ba ikaw ‘yan? h-hindi mo ba ako maalala?”
Marahan na umiling ang babae,tapos ay ibinuka ang kanyang bibig.
“Matagal nang wala ang aking ina, ako ang anak niya.. ako nga pala si Elena.”
Binuksan ni Elena ang gate at malapad na ngumiti.
“Halika, pumasok ka..”
Hindi maka imik si Enzo, hindi niya alam kung maniniwala ba siya sa babaeng kaharap dahil ang hinanap niya ay ang babaeng kaharap, alam niya, nasa memorya niya ang bawat detalye ng mukha ni Leonora at siya iyon,hindi siya maaring magkamali..
“Ano ang pakay mo bakit mo hinahanap ang aking Ina? ngayon lang kita nakita dito..taga saan ka ba?”
Pinaupo siya ni Elena sa mahaba nilang upuan na yari sa Narra, tapos umalis ito saglit at nang makabalik ay may dala itong isang baso ng juice at sandwich.
“Heto, mag miryenda ka muna.” inilapag niya ang pagkain na dala sa harapan ni Enzo sa may lamesita.
“Huwag ka nang mahiya,”
Nahihiya man ay napilitan na din si Enzo na kumain sapagkat nagugutom na din siya ng mga sandaling iyon.
“Bakit nga pala hinahanap mo ang aking ina?” kapagkuwan ay tanong ni Elena kay Enzo.
Pinilit ni Enzo na malunok ang kanyang kinakain sapagkat na te tense siya sa pagsulyap sa kanya ni Elena.
Ngunit imbis na sagutin ni Enzo ang tanong ng dalaga ay iba ang kanyang sinabi.
“Ano ang sanhi ng pagkamatay ng iyong Ina? Hindi ba talaga ikaw si Leonora?”
Magkakasunod na pag iling ang ipinamalas ni Elena kay Enzo tapos ay ngumiti.
“Ang sabi ng tiya Opel ko, Tinangka daw nang aking Ina na hanapin sa kanyang panaginip ang aking Ama, pumasok daw sa Lucid dreaming ang aking ina sa pag asa na makakausap niya at makakasama ang aking ama kahit sa panaginip man lang, ngunit ayon sa aking Tiyahin, hindi na daw nagawa pang makabalik ng aking Ina na siyang naging dahilan ng tuluyan na niyang pagkatulog at hindi na nagising.”
Biglang yumuko si Elena sapagkat nagbabadya na bumagsak ang kanyang luha.
“Nasawi ang aking Ama sapagkat pinaslang siya ni Tiyo Mauro, kaibigan siya ng aking ina na may obsesyon sa kanya, hindi iyon alam ng aking ina, nalaman lang niya noong malapit na silang ikasal, ayaw niyang makasal ang aking ina sa aking ama kaya kinuha niya ang ina ko at pinaslang niya ang ama ko..”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Enzo sa kanyang kinauupuan, hindi siya makagalaw at tila siya natuklaw ng ahas ng mga sandaling iyon.
“Sakim si Tiyo Mauro, nagawa niyang pumaslang dahil lang kay Ina, ngunit nang nalaman niya na nawala ang aking ina sa pag aakala na nagkatagpo sila sa panaginip at hindi na nagising si Ina, pinaslang ni Tiyo Mauro ang kanyang sarili, pinagtataga niya ang kanyang sarili, at ang sabi ni Tiya Opel, nang mapagod si Tiyo Mauro na pagtatagain ang kanyang sarili ay saka niya nilaslas ang kanyang leeg.”
Lubusang nanghina si Enzo sa kanyang narinig. Nanginig ang kanyang tuhod kasabay ng pagpapawis niya, hindi niya inaakala na ang Mauro o Mauricio na halimaw sa kanyang panaginip ay iisa, at kaya siya kumukuha ng kaluluwa at pumapaslang sa mga naglalakbay sa panaginip ay dahil kay Leonora,ipinagkanulo ni Mauricio ang kanyang sarili sa demonyo dahil sa pagmamahal niya kay Leonora.
Ngayon ay napag tugma tugma na niya ang mga pangyayari, na kaya nagtagpo ang landas nila ni Leonora dahil ito ang nagligtas sa kanya sa kapahamakan, ito ang nagsilbing gabay niya upang hindi siya tuluyang hindi makabalik sa reyalidad.
“Julio ba ang ngalan ng iyong Ama na hinahanap ng iyong Ina?” Kapagkuwan ay tanong niya kay Elena nang makabawi sa pagkabigla.
Sa narinig na iyon ni Elena ay nag angat siya ng kanyang mukha at nagugulamihan ang kanyang isip na tumitig sa binata.
“Paano mo nakilala ang aking Ama? at.. ang aking ina.. paano mo siya natunton dito? Paano mo siya nakilala?” nahihiwagaan na tanong ni Elena sa kanya na hindi maalis ang pagkagulat sa mga mata nito.
“Maniniwala ka ba Elena na natagpuan ko sa aking panaginip ang iyong ina?”
“N-nakausap mo ang aking inaa??? P-pano?, A-anong sinabi niya? K-kumusta siya? ” sunod-sunod na tanong nito sa kanya.
Nasaksihan ni Enzo ang pangungulila ni Elena sa kanyang ina base na din sa luha nito na kay bilis umagos sa kanyang makinis na pisngi.
“Pumasok din ako sa Lucid dreaming upang hanapin ang aking kaibigan at iligtas siya sa kadiliman, alam ko na hindi ka maniniwala ngunit, iyon ang totoo, at sa paghahanap ko sa aking kaibigan.. napadpad ako sa iyong ina.. umiiyak siya,nag iisa at hinihintay ang pagdating ng iyong Ama..”
“Ang ina koooo...” mas lalong lumakas ang hagulgol ni Elena ng mga sandaling iyon, nagpasya si Enzo na itigil na lang ang kanyang pagsasalaysay sapagkat nakikita niya ang paghihirap ng kalooban ni Elena.
“Ipagpatuloy mo lang,”wika ni Elena.
“Gusto kong marinig ang pagtatagpo ninyo nang aking ina at kung ano ang nangyari sa kanya.”
“Napagkamalan ako nang iyong ina na ako si Julio, sinamahan niya ako sa aking paghahanap at paglalakbay sa aking panaginip.. Elena, umibig ako sa iyong Ina.. nangako ako na babalikan ko siya sa reyalidad kapag nagising ako, at dito sa reyalidad ipagpatuloy ang aming naudlot na pag iibigan...ngunit, hindi ko akalain na matagal nang wala ang iyon ina..”