Nakahanda na ang lahat ng mga gamit namin para lumipat sa mansyon ni Ivo. Matapos kasing ma-discharge si Avery ay agad kaming umuwi para mag-impake. Sa totoo lang hindi ko alam kung okay ba itong ginagawa namin dahil alam kong may asawa na si Ivo subalit iniisip ko rin ang kambal. Sila at ang nararamdaman nila ang mas importante. Gusto nilang makasama ako kaya titiisin ko na lamang na manilbihan sa mansyon niya kahit na matapakan ang ego ko.
“Nanay, excited na po akong makapunta sa bahay ni Tatay, sabi niya marami raw mga toys doon tapos tig-isa pa kami ni Gavin ng tulugan. Ang galing Nanay ‘no?” masiglang sambit sa akin ni Avery. Napangiti ako sa kaniya. Napaka-jolly ng aking anak kahit na kakagaling lamang nito sa opera. Masaya ako dahil magaling na siya, wala na akong pro-problemahin pa. Hindi pa pala ako nagpapasalamat kay Ivo, siguro kakausapin ko na lamang siya mamaya.
“Ready na ba kayo?” tanong ni Ivo sa amin habang nakasilip sa aming kwarto.
“Tatay! Opo ready na kami!” Si Avery iyon, si Gavin kasi ay busy sa kaniyang libro’t nagbabasa.
“Anak, huwag masiyadong hyper ah, kakagaling mo lang sa opera,” paalala ng kaniyang ama sa kaniya. Tumango lamang ang lalaki at kinarga si Avery. Kinuha ko naman ang aming mga bagahe at tinawag si Gavin.
Nasa labas na si Tiya Sabel at nakaabang sa amin.
“Mag-iingat kayo roon. Huwag kayong mag-alala bibistahin ko kayo kapag may oras ako,” saad niya sa amin. Niyakap ko naman siya’t pati ang mga kambal.
“Mag-iingat din kayo Tiya. Yung gamot niyo huwag niyong kakalimutang inumin,” paalala ko sa kaniya.
“Oo naman, sigurado ka na bang sa kaniya titira? Paano iyong asawa niya?” bulong ni Tiya na tanong sa akin.
“Sabi ni Ivo ay okay lang daw na tumira ako roon sa mansyon. Wala namang kaso sa kaniyang asawa,” pagsisinungaling ko sa kaniya. Ayaw ko kasing mag-alala siya dahil maglalala lang ang sakit niya. Hirap din kasing huminga si Tiya kagaya rin ni Avery ngunit hindi naman malala.
“Ah basta kapag sinaktan ka ng lalaking iyan, sabihan mo ako. Sasampahan natin siya ng kaso,” seryosong saad ni Tiya sa akin kaya napatawa ako ng mahina.
“Hindi niya magagawa iyon, Tiya. Sige na’t nakita kong nakabusangot na iyong tatay ng mga anak ko. Mag-iingat kayo rito,” saad ko sa kaniya at niyakap ulit siya.
“Sige, babye mga apo! Magpakabait kayo roon ah,” bilin ni Tiya sa kanila.
“Opo Lola Sabel!” masiglang sambit ng aking kambal. Hindi naman halatang excited silang dalawa. Mabilis na pumasok ang dalawa sa likod ng kotse kaya sumunod na rin ako. Hindi pa man ako nakakapasok ay agad na nagsalita si Ivo.
“Dito ka sa harapan. Huwag mo akong gawing driver, Gianna,” malamig na sambit niya sa akin kaya napangiwi ako.
“Pasensiya ka na.” Inismiran niya lang ako at mabilis na pumasok sa kotse. Hindi man lang ito nagpaalam kay Tiya, napakasama talaga. Kumaway na lang ako sa matanda at ngitian siya ng napakatamis. Alam kong nag-aalala siya para sa akin kaya kahit papano’y makita niya man lang na masaya akong sumama sa tatay ng aking mga anak. Alam niya kasing masasaktan lang ako kapag nakita kong may kasamang iba si Ivo. Hindi ko rin gusto na manirahan kami sa kanila dahil alam kong masasaktan lang din ang mga anak ko. Sana lang ay maintindihan nila ang sitwasyon namin ng ama nila.
“Naroon ang asawa ko sa bahay, gusto niyang ma-meet ang kambal. She’s really excited kaya agaran ko kayong pina-impake, “ saad sa akin ni Ivo kaya napatango ako. Mahal na mahal niya talaga ang kaniyang asawa. Nakaramdam ako ng kaunting selos dahil doon. Hindi na lang ako umimik tanging sila lang ng kambal ang nag-uusap. Sumasali lang ako kapag tinatanong ako ng kambal.
Hanggang sa ilang minuto lang ang nakalipas, nakarating agad kami sa isang napakaling bahay na animo’y palasyo. Sobrang laki ng gate kaya namamangha akong tumingin doon. Pati ang kambal ay napatingin din, kusang bumukas ang gate at pumasok agad kami. Pinarada niya ang kaniyang kotse sa harapan ng bahay, nanlalaki naman ang aking mga mata nang makitang nakahilera ang mga maids sa labas. Mayroon itong banner na ang nakasulat ay ‘Welcome Avery at Gavin’.
“Nanay ‘di ba pangalan namin ni Gavin iyon?” tanong sa akin ni Avery.
“Oo anak,” ngiti kong saad sa kaniya.
“Wow! Ang laki ng pangalan natin Gavin oh!” masayang sambit ni Avery sa kaniyang kambal. Tumango lang si Gavin at bumalik na sa kaniya binabasang libro. Napahinga ako ng malalim, bookworm talaga itong anak ko.
“Narito na tayo! Bumaba na kayo mga anak,” saad ni Ivo sa kanila kaya agad naman silang bumaba pati ako ay bumaba na rin. Hanggang sa may narinig akong tili kaya napalingon ako kung saan nanggaling iyon.
“O.M.G.! Hubby! You’re back! I miss you!” masiglang saad ng magandang babae at yumakap kay Ivo. Niyakap naman siya ni Ivo at hinalikan sa pisngi. Napaiwas ako ng tingin sa kanila. Siguro siya na iyong asawa ni Ivo, napatingin ako sa aking mga anak, puno ng pagtataka ang kanilang mga mukha.
“Kids, this is your Mommy Shania, she’s my wife,” nakangiting sambit niya sa kambal kaya nanlalaki ang aking mga mata.
“H-Hello po, nice to meet you po,” nahihiyang bati ni Avery sa babae. Si Gavin naman ay nakakunot lang ang noo.
“Mommy, ‘di ba po ikaw ang wife ni Tatay?” tanong ni Gavin sa akin. Napalingon si Shania sa amin at napakunot siya ng noo.
“Oh, maybe hindi niyo pa nasasabi sa mga bata? My bad, by the way ang cu-cute naman ng mga anak mo, Ivo. Manang-mana sa iyo,” saad ni Shania. Tumawa ng mahina si Ivo at lumapit sa amin.
“Akala ko ba alam nilang wala naman tayong relasyon?” tanong niya sa akin ngunit hindi ko na lang siya pinansin. Alam nga nila dahil sinabi ko ito una pa lang at naiintindihan naman nila iyon. Subalit akala siguro ng kambal na hiwalay na sila ng asawa niya’t kaya kami narito.
“Tara pasok kayo, may inihanda akong salo-salo para sa inyo. Alam kong gutom na kayo dahil sa byahe, hali na kayo Avery at Gavin!” masiglang sambit ni Shania sa kambal. Napangiti ako ng tipid, mukhang mabait naman ang asawa ni Ivo kaya siguro siya nagustuhan ng lalaki. Sexy’t maganda rin ito. Napatingin naman ang kambal sa akin na para bang nagpapaalam kung puwede bang sumama sila kay Shania. Tumango lang ako sa kaniya at nginitian sila ng matamis.
“Sumabay na kayo kay Mommy Shania niyo mga anak. Susunod na lang kami ng Nanay niyo,” saad ni Ivo sa kanila. Hawak-kamay namang sumunod sila kay Shania. Maingat naman silang inakay ng babae papasok sa mansion.
“Naroon ang maid quarters, let Manang lead you the way. Manang!” sigaw ni Ivo kaya agad na lumapit ang isang matanda sa amin.
“Ito yung sinasabi ko sa’yong bagong katulong. Ikaw na ang bahala sa kaniya.”
Umalis agad si Ivo ni hindi man lang ako tinapunan ng tingin . Gusto ko sanang pumasok sa loob kaso hindi man lang ako nito binigyan ng pagkakataong magsalita.
“Sundan mo ako, hija,” mahinang sambit ng matanda kaya sumunod na lang ako. Napalingon ako ulit sa bahay, paano kung hanapin ako ng kambal? Damn!