Kabanata 9

1233 Words
Hindi makapali si Gianna sa kaniyang kwarto, gusto niyang puntahan ang kambal sa loob ng mansiyon. Katatapos lang kasi nilang maglibot ni Manang sa mansiyon subalit hindi man lang sila nalagi sa loob no’n. Ang sabi sa kaniya mamaya na lang daw sila papasok dahil busy pa araw ang kanilang amo sa pa-welcome party sa kambal. Napakagat siya ng labi dahil sa selos na nararamdaman niya. Hindi niya mapigilang maluha dahil nararamdaman niyang unti-unting kinukuha ng mag-asawa ang kambal sa piling niya. Hindi siya nakatiis kaya agad siyang pumuslit papunta sa loob ng mansyon. Habang naglilibot kasi sila ay may nakita siyang pintuang bukas doon sa may kusina, roon niya balak pumasok. Gusto niyang makita ang kambal dahil hindi siya mapakali kapag wala ang mga ito sa kaniyang tabi o di kaya’y makita man lang. Dahan-dahan siyang pumasok sa pintuan, napahinga siya nang maluwag nang makitang walang katao-tao roon. Puno ito ng mga pagkain, may pinggan ding nagamit na at wala nang laman. Sa isip niya mukhang tapos na silang kumain, nasaan kaya ang kambal? “Pupunta po tayo sa Mall, Tatay? Bakit po hindi kasama ang Nanay?” rinig niya sa di kalayuan kaya agad siyang lumapit sa kinaroroonan ng boses. Nakita niyang nasa sala pala ang mga ito. Naroon din si Manang na nag-aayos ng mga gamit ng kambal. “Hindi na muna, Avery. Nagpapahinga kasi ang Nanay mo, hindi ba Manang?” tanong ni Shania sa katulong kaya agad namang napatango ang babae sa kaniya. “Tatay, gusto ko pong makita si Nanay, namimiss ko na po siya.” Napakagat si Gianna ng labi nang marinig iyon kay Gavin. Alam niya sa sarili niyang mahal na mahal siya ng kaniyang mga anak at hindi rin sila mabubuhay kapag wala siya sa tabi nila. “Nagpapahinga ang Nanay mo, Gavin kaya tayo na lang muna anak ang pupunta sa Mall. Kasama natin si Mommy Shania mo, ayaw mo ba sa kaniya?” tanong ni Ivo sa anak niyang lalaki. Roon na siya nagpakita dahil naiinis na siya sa mga kasinungalingan nila. “Pati ba naman ang mga bata, pagsisinungalingan niya?” saad n’ya sa sarili. “NANAY!” masiglang tawag ni Avery kay Gianna at niyakap siya ng mahigpit. Kita niyang sinamaan siya ng tingin ni Ivo subalit hindi niya na lang iyon pinansin. “Nanay, pupunta po kaming Mall. Kasama si Tatay at Mommy Shania. Sama po kayo,” saad ni Avery sa kaniya. Mag-oo na sana siya ngunit agad na nagsalita si Ivo. “Gianna, let’s talk!” saad ni Ivo sa kaniya at pumunta sa labas. Napakuyom siya ng kamao dahil sa inis. Kailangan niyang makausap ang lalaki dahil hindi puwedeng mawalan siya ng karapatan sa mga bata. Ginawa na niya ang gusto ng lalaki, bakit ba’y sinisiraan siya nito at nagawa pang magsinungaling sa anak nila. Nang makapunta sila sa garden ay agad siyang nagsalita. “Ano iyong narinig ko sa inyo ni Shania? Bakit kayo nagsinungaling sa kambal? Balak niyo bang kunin ang loob nila at ilayo sa akin? Ako ang ina nila, Ivo at hindi iyon magbabago,” saad niya sa lalaki. Inis siyang tiningnan ni Ivo subalit hindi man lang siya natinag. “Balak naming pumuntang mall, Gianna. KAMI lang at hindi ka kasama. Gusto kong magkaroon din kami ng bonding ng kambal, iyon lang naman ang gusto ko hindi mo pa ba ako mapagbibigyan? Ilang taon mong itinago sila sa akin, ilang oras lang naman iyong hinihingi ko, ayaw mo pa akong mapagbigyan? Pasalamat ka nga’y nasa tabi ka pa nila. Kung hindi lang dahil sa kambal matagal ka nang nakakulong!” galit na pasigaw ni Ivo kay Gianna. “Oo alam ko, ngunit bakit hindi niyo man lang sa akin sinabing pupunta pala kayong mall at nagawa niyo pang magsinungaling sa kambal? Ayaw ko ng gulo, Ivo dahil iniisip ko ang nararamdaman ng kambal. Pero isa lang ang masasabi ko sa’yo kung balak niyong palitan ako at alisin sa buhay ng kambal, hinding-hindi kayo magtatagumpay, hindi niyo maalis-alis na ako at ako pa rin ang hahanapin nila dahil ako ang tunay nilang ina. Galing sila sa sinapupunan ko at ilang buwan at taon ko rin silang inalagaan.” Galit na galit na tumingin si Ivo kay Gianna. Hindi niya in-expect na matapang pala ito, ang dating inosenteng mukha noon na kinahuhumalingan niya ay nagbago na. Sa isip niya, siguro dahil naging isang ina na ito at marami ring napagdaanan sa buhay. Naisip niyang paano kaya kapag nagkaroon din sila ng anak ni Shania? Napailing siya at iniba niya ang kaniyang ekspresyon sa babae. Naging kalmado na ang kaniyang mukha. Kapag kasi naiisip niya ang kaniyang asawa ay nagiging kalmado siya. Sa ilang taong pagsasama nila ni Shania ay natuto niya itong mahalin. Madali lang naman kasi ang babaeng mahalin, nagawa nitong palitan si Gianna sa puso niya. “Pasensiya na kung hindi namin sinabi sa’yo na aalis kami. Alam ko namang kailangan ka ng kambal, naiintindihan ko naman iyon. Pero kailangan ko rin sila, gusto kong magkaroon ng memories kasama sila at sana pumayag ka, Gianna. Ilang taon akong nawala sa piling nila dahil itinago mo sila sa akin. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon?” Napakagat siya ng labi dahil sa awa kay Ivo. Kahit pagbabaliktarin man ang sitwasyon. Siya naman talaga ang may kasalanan, kung hindi sana niya itinago ang lahat sa lalaki ay sana masaya na sila ngayon. Pero hindi niya masisi ang kaniyang sarili dahil ilang taon pa lang siya noon, walang kamalay-malay sa mapanghusgang mundo. At dahil rin sa takot na hindi siya panagutan ng lalaking hindi naman niya kilala ng lubusan. “I’m sorry, naiintindihan ko. Pumapayag na akong pumunta kayong mall kasama ang kambal. Ako na lang ang magpapaliwanag sa kanilang hindi ako makakasama. Pero, Ivo, pakiusap ko lang na sana ay sabihan niyo naman ako kapag aalis kayo para hindi ako mag-alala,” mahinahong sambit niya kay Ivo. Napahinga ng maluwag ang lalaki at tumango. Umalis naman agad ito sa kaniyang harapan kaya sumundo na agad siya. Ngayon lang sila nagkausap ng lalaki ng matino kaya nasisiyahan siya. Nang makapasok siya sa loob ay nakaabang na sa kaniya ang kaniyang mga anak. Siguro hinihintay na sabihin niyang sasama siya sa kanila. “Nanay, sasama ka po ba sa amin?” masiglang tanong ni Avery sa kaniya. Napangiti siya ng matamlay sa bata at umiling. “Kailangan ni Nanay magpahinga, anak kaya hindi muna ako makakasama sa inyo. Hindi ba nag-mall na tayo noong nakaraang araw kaya si Tatay na lang muna ngayon ang kasama niyo,” saad niya sa kaniyang mga anak. Napalingon ang mga bata sa kanilang Tatay, nginitian naman ni Ivo sila. “Hmm. S-Sige po, pero promise, Nanay. Next time sasama ka na sa amin ah. Gusto po kasi naming kasama kayo para happy family tayo,” inosenteng saad ni Avery kaya napalunok siya. Hindi niya alam kung paano ba ipapaintindi sa kanila na hindi na muling magiging kompleto silang pamilya dahil may ibang mahal na ang kanilang ama at si Mommy Shania nila iyon. “O-Oo, next time, anak. Sasama na ako sa inyo,” ngiti niyang sambit sa kanila kaya pumalakpak naman ang kambal dahil sa sobrang saya. Hindi niya alam kung kailan ba iyon mangyayari o mangyayari pa ba? Napatawa siya sa kaniyang naiisip dahil alam niya sarili niyang umaasa pa siyang makokompleto ang kanilang pamilya, balang-araw...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD