Sa paraan kung paano siya pumasok nang walang sabi, naisip ko noong una na baka sinumpong na naman siya ng iritasyon niya. Kaya nga naisip ko na huwag ring sabihin kung si Harry nga ang kausap ko at baka lalo lang lumala. Sa huli, wala akong nagawa kundi sagutin ang tanong niya nang totoo at ipinakitang kaibigan nga niya ang nasa video call. Humingi siya ng permiso upang kausapin ito saglit at pinayagan ko naman. “Nabasa mo ang chat ko?” tanong ni Sir Arch habang hawak ang phone. Nakatayo siya sa gilid ng pinto at nakatapat sa mukha ang front camera. Kaswal na kaswal ang dating niya at `di naman nagsusungit. Siguradong nagulat si Harry dahil hindi ako nag-abiso na kauusapin siya ng amo ko. Pinakinggan ko ang tugon nito sa kabilang linya. “Sa GP ka ba nag-chat? Hindi ko pa nabubuksan.” “

