Imposible. Iyon ang salitang isinisigaw ng utak ni Enso.
“September 2016 na tayo ngayon Cliff,” mahina niyang sabi marahil sa daloy ng pangyayari maging siya ay parang duda na rin.
Itinigil ni Cliff ang van sa tabi ng kalsada. Kita niya ang pag-agos ng pawis ni Cliff sa may kanang leeg nito pababa. Halos wala kasing lumalabas na hangin sa aircon ng sasakyan kaya minabuti na lang ni Cliff na patayin ito. Ibinaba na lang nila lahat ng window shields kaya pumapasok ang init mula sa labas maging ang maiitim na usok na ibinubuga ng mga nagdaraang sasakyan. Maging si Enso ay hirap na ring huminga sa sobrang init sa loob ng Van.
“Gusto mong pag-usapan natin?”
Kasasabi nga lang ni Cliff na naghahabol ng oras tapos heto ngayon at inihinto pa ang sasakyan para lang pakinggan anomang sasabihin niya. Umiling si Enso.
Hinawakan siya sa kaliwang balikat ni Cliff. “Hindi ka nag-iisa Enso. Nandito ako handang makinig. Hindi ko man maintindihan ang nararamdaman mo pero nakahanda akong tumulong sa kahit anong paraang makakaya ko.”
“Pero hindi ka maniniwala sa sasabihin ko—”
“Try me Enso,” sabad nitong pinisil bahagya ang kaniyang balikat.
“Pero naghahabol ka pa ng oras para sa mga deliveries mo.” Nakakahiya na itong ginagawa niyang pang-aabala sa taong ito na sobrang bait.
Tumingin si Cliff sa oras sa dashboard. “Kaya pa ‘yan at magte-take out naman tayo ng lunch.”
Napabuntong-hininga si Enso bago nagsalita. “Talaga bang September 2006 pa lang ngayon?”
Hinugot ni Cliff sa bulsa ang cellphone nito saka pinindot ang keypad at ipinakita sa kaniya ang black and white na display. Nakalagay sa screen ang kasalukuyang oras at sa baba naman ang petsa ngayon na 24.09.2006 na ibig sabihin ay September 24, 2006.
Pati ang cellphone unit ni Cliff na Nokia 1112 na mukhang candy bar bagama’t bago ay phased out na sa taong 2016.
“Tingnan mo iyon,” itinuro naman ni Cliff ang isang malaking billboard sa labas na nakadikit sa dingding ng isang mataas na gusali.
Nasa tarpaulin na billboard ang advertisement ng kalalabas lang na bagong cellphone unit na Nokia N93 at open na ito for pre-order hanggang September 30, 2006.
Napailing lang si Enso. Totoo ba itong nangyayari sa kaniya? Hindi kaya nananaginip lang siya?
Inilahad niya ang kaliwang palad kay Cliff. “Tampalin mo.”
Tiningnan lang siya ng naguguluhang si Cliff. “Bakit?”
“Basta. Lakasan mo.”
“Okay.”
“Aray,” napasigaw si Enso dahil sa impact hindi niya nakontrol ang kamay na tumama sa center console box ng sasakyan.
Mukhang pinipigil naman ni Cliff ang matawa.“Bakit mo kasi pinatampal sa akin?”
Hindi niya pinansin ang tanong nito. Ibig sabihin, hindi siya nananaginip. Totoong nandito nga siya ngayon sa year 2006. Pero paano siya nakapag-travel ten years backwards?
“May naalala ka na ba?” sumeryeso ang tinig ni Cliff.
Iyon ang isa pang malaking problema. Wala siyang maalala sa mga detalyeng importante sa kaniya.
Umiling si Enso. “Ang tanda ko lang, umakyat ako sa billboard. Bumitiw sa structure na bakal. Nagtaas ng mga kamay saka tumalon. Nagliwanag ang paligid tapos ikaw na ang kasunod na nakita ko.”
“Iyong billboard na ilang daang metro ang layo sa atin ang tinutukoy mo?”
“Oo. Alam kong mahirap paniwalaan pero iyon ang totoo.”
Hindi nagsalita si Cliff kaya hindi alam ni Enso kung naniniwala ito sa sinabi niya o hindi.
“Maging ako, hindi ko maipaliwanag kung paano nangyari. Kung paanong noong tumalon ako 2016 pa, pagbagsak ko 2006 na.”
Tumango-tangpo lang ang lalaki. “Kinunsidera mo talagang mag-suicide?”
Malamang dahil tumalon siya mula sa Billboard. Tumango siya bilang tugon kay Cliff.
“Pwede mo bang sabihin sa akin kung bakit?”
Umiling siya. “Kasama iyon sa hindi ko maalala.”
“Sa ngayon, naiisip mo pa rin bang ituloy iyong plano mo?”
Sa totoo lang hindi niya alam ang isasagot kay Cliff. Pero bakit siya magpapakamatay kung hindi niya alam ang dahilan kung bakit? Isa lang ang wish niya ngayon, na sana’y magising na siya kung panaginip man ito at makabalik sa 2016. Iyon ang present niya at hindi ang panahong ito.
Kinuha ni Cliff ang mga kamay niya, ikinulong sa mga kamay nito. “Sabayan mo ako,” utos nito na pumikit, na siya rin naman niyang ginawa. “Inhale… exhale…”
Mga sampung ulit nilang ginawa iyon habang sinasabihan siya ni Cliff na mag-focus sa kaniyang paghinga. Punuin ng hangin ang kaniyang baga saka marahang ilabas lahat.
Naunang nagdilat ng mga mata si Enso. Ngayon niya napansin na tama nga ang sinasabi ng mga tao sa paligid kanina.
Guwapo si Cliff. Dark brown hair na may bahagyang alon na medyo mahaba na kaya tumakip sa taas na bahagi ng magkabilang tainga nito at sa harapan ng noo. Naka-arko ang medyo makapal na kilay na nasa taas ng nakapikit nitong matang alam ni Enso na kulay gray. Animo’y nililok sa tangos na ilong sa taas ng manipis na pulang labi. Medyo prominente ang mga panga sa katutubong balbas at bigote na malamang dalawang araw ng hindi naaahit.
Ang sarap din ng pakiramdam ni Enso sa pagkakalapat ng kamay nitong nakahawak sa kaniya. Medyo may kalyo nga lang ang palad at mga daliri nito kumpara sa kaniya marahil dahil sa kabigatan ng trabaho nitong pagbubuhat ng mga items for delivery.
At higit sa lahat, ang lakas maka-hero ng ginagawa nitong pagtulong sa kaniya. Kahit ngayon lang niya nakilala ang lalaki at dito pa sa panahong hindi niya matanggap na totoong nangyayari. Aminado si Enso. He felt connected to him in a good way.
Bigla nagmulat ng mga mata si Cliff at nahuli siyang nakatingin sa mukha nito. Matagal din itong tumingin sa kaniya bago nagsalita. “Ano ng pakiramdam mo ngayon?”
Breatheless? Speechless? Dahil sa iyo?
“Nabawasan ba ang bigat ng dibdib mo?”
Nang umiwas siya ng tingin, nahagip naman ng mga mata niya ang manipis na chest hairs na nakasilip sa nakababang zipper ng pang-itaas na bahagi ng suot na light brown coverall ni Cliff kasabay ng pagbawi sa kaniyang mga kamay.
“Medyo.”
“Naiisip mo pa rin bang ituloy ang plano mo?”
“Hindi na muna siguro,” -kailangan munang bumalik ang kaniyang memorya bago siya magdesisyon ulit-, “sa ngayon.”
Bumalik ang pag-aalala sa mukha ni Cliff. “Okay na sa akin iyang sagot mo. Basta nandito lang ako Enso, handang makinig sa sasabihin mo halimbawang may maalala ka. Kahit ano.”
Napahawak si Enso sa kaniyang dibdib. Nasalat niya sa loob ng suot na tshirt ang kwintas na suot. Hinila niya iyon palabas ng collar at tiningnan.
Gawa ang chain ng kwintasn sa makunat na ugat ng puno na nakatirintas at may pendant na itim na parang anito.
Napapikit si Enso at biglang naalala ang isang matandang lalaking nakasalubong niya pagbaba ng hagdan sa MRT Station na nag-alok sa kaniyang bilhin ang kwintas. Ibinigay pa nga niya lahat ng pera niya sa bulsa bilang kapalit. Nagpumilit pa nga ang matandang maisuot ang kwintas sa kaniyang leeg bago siya nito nilubayan.
May kinalaman kaya ang kwintas sa mga nangyayari ngayon sa kaniya?
“Kakaiba ‘yan. Tribal inspired,” ani Cliff na nakatingin din sa kwintas.
Sasabihin ba niya kay Cliff ang nasa isip niya? Edi lalong dadami ang mga bagay na hindi kapani-paniwala sa punto de bista ni Cliff?
Alam niyang hindi naniniwala sa mga sinasabi niya ang lalaki kahit hindi nito direktang sabihin sa kaniya dahil sino nga ba naman ang maniniwala sa kaniya sa panahon ngayon na sobrang advance na ng technology? Computer era na ngayon tapos biglang may mag-claim tungkol sa time-travel and possibility of a magical necklace?
Para kay Cliff, stressed lang ang kaniyang isip na maaaring dulot ng depression sa mga nangyari sa kaniya. Na baka makuha sa pahinga dahil ayaw naman niyang magpunta ng ospital at magpatingin sa doktor.
Ipinasok ulit niya sa loob ng tshirt ang kwintas. Kung may koneksyon man ito sa nangyayari, marapat lamang na pag-ingatan niya ito at baka ito rin ang maging susi para makabalik siya sa present time.
Sobra na ang pang-aabala niya sa lalaking ito. Ayaw niyang maapektuhan ang trabaho nito ng dahil lang sa kaniya kaya mas maigi sigurong kontrolin niya ang sarili at ipakitang ayos lang siya. “Tayo na?”
“Kung okay ka na,” tugon naman ni Cliff na bahagyang ngumiti.
Tumango lang si Enso.