Habang nakapila ang sasakyan nila sa drive-thru ng fast food restaurant, kita ni Enso ang pagkakaiba ng paligid. Ibang-iba sa biglang nag-flash sa isip niyang 2016 version ng resto na malaki ang dining area. Mukhang nagagawi siya sa lugar na ito dahil pamilyar sa kaniya. Posible kayang malapit lang tirahan niya dito?
“Anong sa’yo?” tanong sa kaniya ni Cliff pagtapat nila sa counter.
“Kahit ano,” tugon niya. “Pero tubig lang ang drinks ko.”
“Hindi ka umiinom ng softdrinks?”
Hindi nga ba siya umiinom ng softdrinks? Umiling siya saka nagkibit-balikat. Awtomatiko lang na lumabas sa bibig ang pag-order niya ng tubig.
Sinabi na ni Cliff ang order nila sa crew. Pansin niya ang abot-taingang ngiti ng babae kay Cliff habang inuulit ang order nito for confirmation. Maganda ang babae o mas tamang napaganda ng makeup nito sa mukha. Yumuko pa ito na sa tingin ni Enso para ipakita ang cleavage sa naka-unbutton na tops nito sabay tanong kay Cliff, “Any other you probably want from me Sir?”
Napailing si Enso.
“Wala na Miss, iyan lang at wala ng iba pa other than food,” siya na ang sumagot para kay Cliff na nang umalis sa bintana ang babae at pagkuwa’y tumingin sa kaniya ay bahagyang nakangiti.
“Bakit?”
Umiling si Cliff saka kumuha ng pambayad sa kaniyang bulsa. “May naalala lang ako.”
Bakit nga ba ganoon ang inasal niya? Sa lakas ng appeal ni Cliff, normal lang naman na maraming mga babae ang magpaparamdam ng interes o magpakita ng sekswal na motibo.
Nagmukha ba siyang nagseselos na girlfriend sa isinagot niya sa babae? Sino kaya ang naalala ni Cliff?
Lalo tuloy siyang nahiyang tumingin kay Cliff na hindi na lang niya maiwasan ng iabot sa kaniya ang inorder na pagkain saka muling pinatakbo ng banayad ang sasakyan.
Akala niya busog pa siya pero nang simulan niyang kagatin ang cheeseburger, saka lang niya narealize na mukhang matagal na oras ng hindi nalalamnan ang kaniyang sikmura.
Inialok pa sa kaniya ni Cliff ang pangatlong supot sa inorder na pagkain pero tinanggihan na niya at busog na siya. Isa pa, baka pasalubong iyon ni Cliff sa kapamilya o baka doon sa bigla nitong naalala kanina kung sinoman iyon.
“Huwag,” saway ni Cliff kay Enso nang akma niyang itatapon sa labas ng bintana ang pinag-inumang bote na plastik. “Dito mo ilagay,” sabay abot nito sa pinanggalingang take out plastic bag. “Tulong na lang natin sa mga metro aide nang mabawasan ang nililinis nila sa kalsada.”
“Baka naman mawalan sila ng trabaho niyan kung wala ng lilinisin,” wala sa loob niyang sabi.
“Kung makakasama sana iyang basurang iyan sa malilinis nila walang problema. Ang mahirap kung ilipad ng hangin o mapunta sa estero at makasama sa bultong basura na nakabara na. Tapos kapag umulan lang ng kaunti, baha na agad sa kalsada.”
“Bumabaha dahil umuulan,” parang pabiro lang niyang sabi.
Napatingin sa kaniya si Cliff sa isinagot niya saka niya napagtanto, seryoso ang lalaki. “Umuulan din naman dati pa pero hindi ganito kalala ang problema.”
“Iba kasi noon, iba ngayon.”
Tumango si Cliff. “Tama ka dahil noon kakaunti pa ang tao dito sa Maynila. Ang dami ng pagbabago pero kulang ang plano ng gobyerno hanggang dumating sa punto ngayon na nahihirapan ng solusyonan ang problema.”
“Okay,” sang-ayon ni Enso at ayaw na niyang dagdagan pa ang iniisip niya ng tungkol sa problema ng gobyerno. Kinuha niya ang plastic bag saka inilagay sa loob ang pinagkainan.
“Malaki na ang problema ng siyudad na ito sa basura kaya kahit sa ganitong maliit na paraan ay makatulong tayo,” dugtong pa ni Cliff.
May punto naman si Cliff, hindi lang naman kasi ito problema ng gobyerno kundi problema rin ng mga tao na dapat gumawa ng kani-kaniyang maitutulong.
Naisip ni Enso na mukhang hindi lang relihiyosong tao itong nakasagupa niya kundi isang environmentalist pa.
Ibinuhol ni Enso ang plastic bag ng basura saka inilagay sa may paanan niya. Ilang minuto pa ang nakalipas nang itigil ni Cliff ang sasakyan sa tabi ng kalsada.
“Lalabas lang ako saglit. Hintayin mo na lang ako rito,” paalam ni Cliff habang hawak ang natirang supot ng pagkain.
Nakatingin lang si Enso nang lumabas si Cliff saka isinara ang pinto ng van. Imbes na sundin ang lalaki, lumabas din siya ng van saka binuksan ang hood ng sasakyan at nagmasid. May inayos siyang kaunti sa loob ng makina at nang isasara na ang takip, nakita niyang kausap ni Cliff ang isang lalaking taong-grasa na nakaupo sa bangketa.
Ibinigay ni Cliff sa madungis na lalaki ang supot ng pagkain na inakala ni Enso kanina na ipapasalubong sa mga kasamahan sa bahay.
Nagbago ang naguguluhang reaksyon ng taong-grasa tungo sa maluwang na pagkakangiti nang mabatid ang biyayang ibinibigay sa kaniya ng estrangherong si Cliff. Hindi dinig ni Enso ang usapan ng dalawa pero tingin niya parang maluluha pa nga ito sa pasasalamat kay Cliff. Iyong tipong sa buong buhay niya bilang taong grasa, ngayon lang nakaranas gawan ng mabuti ng kaniyang kapwa.
Bago pa tumalikod si Cliff sa taong-grasa, pumasok na ulit ng van si Enso.
Nakaupo na si Cliff, nakapaglagay na rin ng seatbelt at napaandar na ang makina ng sasakyan nang sabihan ni Enso, “Try nating paandarin ulit ang aircon para mabawas-bawasan ang init. Baka umokey na ngayon.”
“Ganyan pa rin iyan kagaya kanina. Papatingnan ko na lang sa talyer mamaya. Pasensiya ka na kung naiinitan ka,” ani Cliff.
Inabot niya ang switch ng aircon saka binuhay. Normal na ang pagbuga nito ng malamig na hangin.
Rumehistro ang tuwa sa mukha ni Cliff. Hinawakan nito ang krus sa berdeng rosariong nakasabit sa rear view mirror saka muling hinawakan ang manibela, “Salamat Lord, napakabuti mo. Ayos na ang aircon.” Isinara na nito ang mga bintana at nag-umpisa ng lumamig ang loob ng van.
Saloob-loob ni Enso na dapat sa kaniya magpasalamat si Cliff at hinigpitan niya iyong hose na lumuwang sa blower unit kaya lang umandar na ng maayos ang airconditioner. Pero hindi na niya isinatinig iyon dahil tatanungin lang siya ni Cliff kung paano niya nalaman na iyon ang problema na wala na naman siyang maisasagot at by instinct lang ang kaniyang ikinikilos. Hayaan na lang niya si Cliff na isiping tinulungan nga ito ng ‘Lord’ niya.
“Ganyan ka ba talaga?” tanong niya kay Cliff ilang minuto ang nakalipas at normal na ang bilis ng takbo ng sasakyan nila sa highway.
“Anung ganyan?”
“Iyong sa taong-grasa.”
Ngumiti ng bahagya si Cliff. “Ah iyon ba? Wala iyon. Ibinigay ko lang iyong tira nating pagkain.”
Tira ba iyon? Hindi ba’t tatlo talaga ang inorder ni Cliff kanina. “Kasama na nga iyan sa routine mo?”
“Hindi naman. Kapag ganitong mga pagkakataon lang na inaabot ako ng oras ng pagkain sa biyahe. Bibili ako ng sobra para kahit papaano, may isang taong nagugutom rin akong mapakain. Karamihan kasi sa kanila hindi na matandaan kung kailan huling kumain. Iyong iba sa basurahan lang namumulot ng pagkain.”
“Gobyerno kasi dapat ang nag-aasikaso sa kanila.”
Tumango si Cliff. “Tama ka kaya lang nasaan ang gobyerno? Nasaan ang mga LGUs? Wala namang tumutulong sa kanila. Kung may programa man ang DSWD at MMDA, pawang ningas-kugon lang sa pagpapatupad. Itinuturing silang mga obstructions at eyesores sa pinagagandang imahe ng lungsod. Sila ang mga itinatago ng pamahalaan sa tuwing may mga importanteng bisita o International events na tayo ang host country.”
“Lahat na lang ba talaga ng tao, tutulungan mo?” Mukhang kasama siya sa mga itinatanong niya kay Cliff.
Natawa ang lalaki. “Hindi naman lahat. Iyon lang na alam kong kailangan ang tulong ko. Basta kaya ko rin lang tumulong, gagawin ko.”
“At isa na ako sa mga taong iyon?”
“Oo, lalo ka na. Kaya huwag kang lalayo sa paningin ko.”
Matagal na napatitig si Enso kay Cliff. Kakaiba ang ugali ng lalaking ito. Hindi lang panlabas na kaanyuan ang maganda kundi maging ang kalooban nito. Isa si Cliff sa mga taong kapag nakilala mo ay maiiisip mong may mga natitira pa ring mabubuting tao sa mundo.
At naisip ni Enso na maswerte siyang nakilala si Cliff.