“This is one lucky night for you. Two in a row,” sabi ni Mr. Wil kay Cliff nang ang huling tawaging pangalan na makakasama sa final game na ‘A Dare To Share’ ay si Cliff pa rin.
Sumama na rin umupo sa table nila Enso si Mr. Wil nang magsimulang tumugtog ang Crayons Band para sa second set. Tumabi sa kaniya ang lalaki habang guwardyado pa rin ni Rob si Cliff kaya hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataong tanungin ang binata tungkol sa ex-band mates nito na katatapos lang tumugtog.
“Ako ang partner mo ngayon,” pagprisinta sa sarili ni Rob na sumabay sa pagtayo ni Cliff.
Tumingin si Cliff kay Enso na parang gustong sabihin na siya dapat ulit ang kapartner nito. Ngumiti lang si Enso. Pagbibigyan na muna niya si Rob at baka kung nakamamatay lang ang tingin, baka bumulagta na siya sa sahig sa tingin nito sa kaniya.
“Sabi sa akin ni Cliff,” bungad ni Mr. Wil nang makalayo na sa mesa nila si Cliff at ang pamangkin nito, “libre ka raw.”
Hindi niya nakuha ang sinabi ng lalaki. “Ano po, Mr. Wil?”
Ngumiti si Mr. Wil. “Ibig kong sabihin na libre ka ay iyong wala kang trabaho sa kasalukuyan.”
Hindi siya nagsalita at hindi niya alam kung saan papunta ang sinasabi nito.
Inayos ni Mr. Wil ang inuupuan para humarap sa kaniya. “Baka gusto mong magtrabaho para sa amin kahit temporary lang habang hindi pa nakakakuha ng bagong IT Specialist.”
Mabilis siyang umiling. IT Specialist? Ganoon ba ang trabaho niya? “Maganda po ang alok nyo Mr. Wil kaya lang baka hindi ko po magagampanan ng ayos ang trabahong iyon.”
Hindi naman makapaniwala ang ekspresyon sa mukha ng lalaki. “Nagawa mo ngang paandarin ang laptop at projector kanina pagkatapos lang ng ilang minuto na ilang oras na akong pinahihirapan kaya kakayanin mo rin ang maging IT Specialist.”
“Naku, tsamba lang po iyon.”
Paano kung tsamba nga lang iyong nagawa niya? Mapapahiya lang si Mr. Wil sa kumpanya at makaladkad pa ang pangalan ni Cliff kung sakali. Isa pa, nililimitahan nga niya ang mga taong magiging kakilala at ang magtrabaho para sa kumpanyang pinapasukan ni Cliff ay wala sa to-do list niya.
“I can easily tell people who can perform jobs excellently the moment I saw them. And from judging what you just did, I am sure you’re one of those people Enso. ”
“Ngayon lang po ninyo ako nakilala.”
“May punto ka doon pero,” itinaas nito sa harapan niya ang hintuturo, “una, ikaw ang isinama ni Clifford dito imbes na ang pamangkin kong si Rob. Padalawa, sa bahay ka nila pansamantalang nanunuluyan. Pangatlo, ikaw ang dahilan kung bakit nagpunta si Cliff ngayon which I am very thankful. And lastly, basing from what I saw about him since you two came here together, no doubt, Cliff likes you a lot.”
Hindi makaimik si Enso. Cliff likes you a lot. Iyon ang tumanim sa isip niya at nagdulot ng kiliti na tumagos sa kaniyang puso.
“I knew that fine young man since he was a boy. Kaibigan ko si Irma since our college days. Welcoming you with open arms in their home only tells me that you are a good person, Enso.”
Feeling flattered siya sa sinabi ni Mr. Wil. Pero hindi noon mababago ang katotohanan na hindi siya sure kung kaya niyang gawin ang trabaho kaya napailing siya. “Pasensiya na po at hindi ako pwede.”
Tumayo mula sa pagkakaupo si Mr. Wil nang tawagan ang pangalan nito ng Game Master pero bago umalis, hinawakan siya nito sa balikat. “Enso, can you at least promise me to think about it?”
Ayaw pumayag ng isip ni Enso pero sa huli’y tumango na rin siya. Magaan ang loob niya kay Mr. Wil at wala namang masama kung pag-iisipan niya ang iniaalok nito.
Nag-umpisa na ang ‘A Dare To Share Game’ sa entablado. Bumunot na ang unang kalahok ng kung ano ang gagawin sa Dare Box na hawak ng Game Master. Napatayo na rin si Enso nang ma-block ang harapan niya ng nagtayuan ang mga nakaupo sa mesang nasa unahan niya habang excited na binasa ng Game Master ang dare.
“Will you still do the dare when I read this to you?” tanong ng Game Master sa lalaking constestant na katabi ang babaeng kapartner nito, “or you’ll let us cut your half month salary to share?”
Ngumiti ang empleyadong tinanong at puno ng kumpiyansang sumagot. “I will do the dare!”
Binuksan ng game master ang nakafold na papel na nabunot ng empleyado. “Makipag-holding hands kay Plus One within thirty seconds.”
Napa-yes ang empleyado sa dali ng gagawin niya. Hinawakan ang kamay ng ka-partner nito at hinintay matapos ang countdown timer na naka-flash sa projector. Halos ganoon din ang mga nabunot ng mga sumunod na kailangang gawin sa loob ng tatlumpung minuto. Kandungin si Plus One , pasanin sa likod si Plus One, buhatin na parang bagong kasal si Plus One, at yakapin si Plus One.
“You are supposed to be that person on stage,” sabi ng tinig na nagmula sa tabi ni Enso.
Napatingin siya kay Aldo. Ugali na yata ng lalaking ito ang manorpresa tuwing lalapit sa kaniya. “Ayos lang. Mas maigi ngang hindi ako at si Rob ang pumartner kay Cliff.”
Sina Cliff at Rob lang nag-iisang partner na parehas lalaki at kung ibabase niya sa mga dare na ipinapagawa, mukhang awkward gawin iyon ni Cliff sa kaniya.
Mukhang nabasa naman ni Aldo ang nasa isip niya. “It’s a game. It’s a dare. Also my father’s company is the most gay friendly in the country.”
Napilitan siyang ayunan si Aldo. “Pero okay lang talaga na hindi ako ang kasama niya. Mas matagal naman silang magkakilala ni Cliff kumpara sa akin at kung sakali hindi ganoon ka-awkward ang sitwasyon.”
He smirked. “Are you telling that to me or are you convincing yourself?”
Nakaramdam siya ng inis dahil tama si Aldo. Nanghihinayang siya at si Rob ang kasama ngayon sa stage ni Cliff.
“Now it’s his turn,” sabi ni Aldo na nakatingin sa stage kung saan lumapit si Cliff para kuhanin ang natitirang folded paper kung saan nakasulat ang dare.
Kita ni Enso ang excitement sa mukha ni Rob. Good for the man, at least pagkatapos nito kakaunti na ang mga bagay na ikaiinis nito sa biglang pagsulpot niya sa buhay ni Cliff.
Kinuha ng Game Master ang iniabot ni Cliff na papel saka ito bumalik sa tabi ni Rob. Nang mapatingin sa direksyon niya si Cliff, tinanguan niya ang binata bilang pagsuporta sa gagawing dare.
Pero bago pa basahin ng Game Master ang nakasulat, nilapitan ito ng isang miyembro ng game committee at may ibinulong.
Biglang kinabahan si Enso.
“Now they just noticed it,” side comment naman ni Aldo na nagpalakas lalo ng kutob niya.