Sinipa ko ang maliit na bato na nakita ko dito sa daan, pauwi na ako galing sa trabaho. Alas tres na ng madaling araw at wala akong ginawa kanina kundi ang bumuntong-hininga.
Ano bang mga pinagsasasabi no'n ni Jupiter? Akala niya siguro ay hindi ako napipikon sa mga pang-aasar na ginagawa niya.
Mas malakas pa rin ang epekto ko sa kanya? Saan niya naman natutunan ang mga gano'n niya? Pasalamat siya ay dumating na agad sila Tobias..
Pagkaliko ko sa kanto ng street namin ay napatigil ako sa paglalakad, nakita ko ang matangkad na lalake na nakatayo sa gitna ng nasa anim na lalake. Nasa bakanteng lote sila na madalas pagtambayan ng mga kabataan.
Sinipa ng isang tambay ang likod ng lalake na nasa gitna, muntik na itong mapaluhod kung hindi lang siya nakabalanse.
"Ano? Maghahamon ka ng away pero hindi ka lalaban?!" Galit na tanong nung isa at sinapak ang mukha nito.
Tuluyan na itong napaluhod ng sikmuraan ito, walang anu-ano'y tumayo ulit ito ng parang walang nangyari.
"Balak mo bang maging punching bag?" Natutuwang tanong nung isa. "Kung gano'n.."
Sinimulan nilang pagtulungan na anim ang nag iisang lalake, napahiga na ito sa kalsada habang sinasalo ang lahat ng sipa at suntok. Walang balak lumaban.
Napapailing na nagdiretso ako ng lakad para makauwi ngunit parang dumikit ang paa ko sa daan nang maaninag ko ang mukha ng lalake na pinagtutulungan.
May dugo ang kanyang labi, may sugat ang gilid ng maamo niyang mata.
Hindi agad ako nakagalaw. Anong ginagawa ng Rigo Ignacio na 'to at hinahayaan niyang ginugulpi siya ng ganito?
Kaya ba siya laging may sugat at pasa dahil lagi siyang ginaganito? Bakit hinahayaan niya na mangyari sa kanya ito? Wala akong maisip na dahilan.
Nag-init ang ulo ko. Hindi ako 'yung tao na kapag may nakikitang ginaganito ay dadaanan lang, hindi ako katulad ni Jupiter. Pero nakita ko kung gaano niya tinatanggap ang lahat nang hindi gumaganti, nang hindi man lang sumusubok na lumaban.
Nag-tama ang mata namin habang walang tigil ang pag-sipa sa kanya, hindi siya ngumiwi kahit isang beses. Huminga ako ng malalim at nag iwas ng tingin, humakbang ako paalis at naramdaman ko ang mata niya sa likod ko.
Sinusundan niya ako ng tingin, ginagawa niya ba iyon dahil gusto niyang humingi ng tulong o dahil nag aalala siya na nakita ko siya na gano'n? Wala na akong pakialam, ayoko sa lahat ay 'yung mga taong katulad niya.
Sa halos araw araw na papasok siya na may mga sugat, halatang sanay siya na ginaganon siya. Bahala na siya sa buhay niya. Ayokong makialam sa mga taong hinahayaan lang ang sarili na saktan ng ibang tao.
Umuwi ako ng bahay at nakatulog na iniisip ang nakita ko. Hindi ko pa rin talaga maintindihan si Rigo Ignacio, may mga bagay na nangyayari sa kanya na kahit kailan ay hindi mo malalaman hangga't hindi siya ang tatanungin mo. Parang siya ang humihila sayo para macurious sa pagkatao niya.
"Rigo, may sugat ka na naman.." Umupo sa tapat niya ang isa namin kaklase na babae na isa lagi sa kumukulit sa kanya.
"Saan na naman nanggaling 'yan?" Tanong pa nung isa.
"Wala 'to." Mahinang sagot niya. May band aid ang kanyang labi at gilid ng mata, may gasgas ang kamay niya.
Napailing-iling ako. Hindi ako makapaniwalang hindi siya lumalaban.
"Wala? Sino ba talaga ang gumagawa sayo niyan, Rigo? Sabihin mo. Baka matulungan ka namin!"
Hindi siya sumagot. Hindi ko na rin sila pinansin dahil naiinis lang ako, bakit ba katabi ko pa siya ngayon? Mas maganda pa na si Jupiter ang katabi ko ngayon kaso wala siyang klase; kahit naiinis din ako sa isang 'yon.
"Goodmorning class, we'll be having our long cquiz for today. Get one half sheet of pad paper, lengthwise."
Kinuha ko ang aking bag para kumuha ng papel ngunit naalala ko na hindi pa nga pala ako nakakabili.
"Rigo, oh!" Sabay na inalok ng dalawang babae si Rigo na isa pang walang papel. Naglaro ang maliit na ngiti sa labi niya at parehong tinanggap ito.
Nagbuntong hininga ako at napahawak sa noo. Bakit ba kinalimutan kong bumili ng papel? Wala naman akong kaibigan dito para manghingi.
Magpapaalam na lang ako sa prof at bibili sa labas, tinaas ko ang kamay ko para kunin ang atensyon ng prof ngunit tumigil ang aking kamay nang makita ang isang kamay sa lamesa ko, may hawak na papel.
Nilingon ko si Rigo na nakatingin sa'kin. "Sayo na lang." Aniya bago mag-iwas ng tingin at sulatan ang kanyang papel.
"Teka.."
Napalingon ulit siya at tumaas ang kilay. "Hmm?"
"Question number one.." Napatingin ako sa prof nang magsalita ito. Ayoko sanang tanggapin pero wala akong magiging score kung mag-iinarte ako, nagkibit balikat na lang ako at nagsagot.
Halos inubos ng quiz ang oras ng klase ngayon, kinailangan ng essay sa huli kaya kinain ang maraming oras. Ayos lang, naging maganda ang score ko at gano'n din ang katabi ko. Hindi ko alam na matalino pala ang isang 'to, muntik niya nang mahigitan ang score ng pinakamatalino dito.
Hindi lang inakala ng lahat dahil hindi siya kailanman nag recite. Siguro ay ayaw niya lang talaga na nagsasalita.
"Malapit na ang exams, mag kakaroon tayo ng review this week ngunit mas maigi kung magre-review din kayo sa bahay niyo." Ngumiti ang prof at niyakap ang kanyang lesson plan. "Class dismissed."
Nagsimulang maglabasan ang lahat, nilingon ko si Rigo na tahimik na nag iinat sa gilid ko habang nakatayo. Ini-stretch niya ang kanyang dalawang braso at itinagilid ang kanang bewang, sunod naman ay sa kaliwa.
"Ah, nakakapagod." Aniya, tumunog ang kanyang buto kaya napangiwi siya. "Aw, shit."
Tumaas ang kilay ko. Lumingon siya sa'kin at mukhang nagulat na nandito pa ako. Inubo siya bago mabilis na inayos ang kanyang sarili, kinuha niya ang kanyang bag at sinukbit sa balikat niya saka umalis.
Agad kong dinampot ang bag ko para mahabol siya. Halos nasa dulo na siya ng corridor nang makalabas ako ng room, malapit na siya sa hagdan. Ang bilis naman maglakad.
"Ignacio." Pagtawag ko sapat na para marinig niya, napatigil siya at lumingon.
"Bakit?" Tanong niya na nakasilip sa taas ng kanyang balikat.
Hindi ako gumalaw. Nilabas ko ang piso sa bulsa ko kaya naningkit ang kanyang mata, inaanig kung ano 'yung gusto kong ibigay sa kanya.
"Oh." Sabi ko habang inaabot sa kanya ang piso.
"Ano 'yan?" Halata sa boses niya ang kuryusidad.
"Hindi 'to kusang lalapit sayo kapag nagtanong ka."
Tuluyan na siyang humarap nang nakakunot ang noo pero hindi pa rin siya lumapit. "Ikaw ang may ibibigay, bakit hindi ikaw ang lumapit?"
Napapikit ako dahil sa inis. "Edi wag." Binalik ko ang piso sa aking bulsa, nagulat ako nang malalaki ang hakbang na lumapit siya sa'kin at itinaas ang aking palapulsuhan.
"Nasaan na?" Tanong niya nang makita na wala na akong hawak.
"Wag na, ayaw mo diba?" Hinila ko ang kamay ko at nilagpasan siya.
"Diyan ka rin naman dadaan, anong kaibahan kung ikaw ang lalapit?" Tanong niya habang sinusundan ako. "Nasaan na, Sy? Ano bang ibibigay mo?"
Nilingon ko ang mga nagkaklase sa nadadaanan namin na room. "Wag kang maingay." Saway ko.
"Nasaan na?" Agad kong tinakpan ang tenga ko nang maramdaman ang hininga niya sa tenga ko dahil sa pag bulong niya.
Tinignan ko siya ng masama at kinuha ang piso sa bulsa ko, nakita ko ang pagkagat niya sa kanyang labi habang pinapanood ang kamay ko. Excited ba siya?
"Oh." Nilagay ko ang piso sa nakalahad niyang kamay.
"Piso?" Umarko ang kanyang kilay. Halata sa mukha niya na nalilito siya sa binigay ko.
"Bayad ko sa papel.."
"Uh.." Tinitigan niya ang piso sa kamay niya. Nag-iwas ako ng tingin at nilagpasan na siya.
Kumunot ang noo ko. Hindi ako makapaniwala na na-excite siya sa piso.