kabanata 35

1649 Words
Matapos namin kumain ni Jupiter sa cafeteria ay naglakad kami patungo sa susunod naming klase. Napansin namin ang nagkakagulong estudyante sa tapat ng gate sa labas, hindi na dapat namin 'yon papansinin nang marinig namin ang usapan ng mga estudyante dito malapit sa'min. Narinig namin ang pangalan nung tatlong itlog kaya nilagpasan ko agad si Jupiter at pinuntahan 'yung mga nagkakagulo, nakita agad namin sila Domino, Joaquin at Tobias na nakatayo sa tapat ng limang estudyante na nakapila na nakaluhod. Nakataas ang dalawang kamay at nakayuko. Anong ginagawa ng mga gunggong na 'to? "Ayusin mo." Saway ni Domino sa isang estudyante na bumababa ng konti ang kamay. Umupo si Joaquin para mag lebel ang mata niya sa mga nakaluhod, 'yung estudyante sa gitna ang tinitigan niya. "Bakit ang sama mo tumingin?" Tanong niya ngunit hindi iyon natinag, kinalabit ko si Jupiter na walang pakialam sa ginagawa nung tatlo. Lumingon siya sa'kin at kumunot ang noo, sinenyas ko 'yung tatlo kaya nag buntong-hininga siya. "Domino, tama na 'yan." Naging parang hudyat ang walang emosyon na boses ni Jupiter, mabilis na napalingon ang lahat. Sila Tobias, 'yung mga nanonood at 'yung limang nakaluhod. Napangiwi 'yung tatlo at kumunot ang noo ko nang makita na 'yung pinaparusahan nila ay 'yung mga highschool student sa internet cafe kagabi at 'yung nakasalubong namin ni Jupiter kanina sa hagdan. "Shit." Untad ni Joaquin at sinenyasan na tumayo 'yung lima na mabilis naman na sumunod. "Alis." Ani Domino. Miski 'yung mga nanonood ay umalis, naiwan kaming lima nila Jupiter dito. Nakayuko 'yung tatlo at nagsisisihan kung sino ang may kasalanan. "Diba, sinabi ko sa inyo wag kayong gagawa ng ikasisira niyo rito sa school?" Tanong ko. Walang sumagot sa kanila kaya nagbuntong-hininga ako at nilingon si Jupiter na halatang naboboring sa nangyayari. Siya lang ang kilala kong boss na kahit kailan ay hindi pinakialaman ang ginagawa ng mga kasama niya, ngunit hindi niya rin pinapabayaan kapag nasasangkot sa kung ano. "Hanggang kailan ko kayo pagsasabihan?" Tanong ko at hindi na naman sila sumagot. "Wala akong pakialam kung anong gusto niyong gawin, ang sinasabi ko lang ay wag kayo rito sa school." "Binigyan lang naman namin ng leksyon dahil sa ginawa sayo kagabi." Katwiran ni Domino. Mabilis na kumunot ang noo ni Jupiter kaya tinignan ko ng masama 'yung tatlo. "Anong ginawa sayo ng batang 'yon, Jack?" Sinilip ni Jupiter ang aking mukha. "Wala." Agap ko. Lumingon siya sa tatlo kaya mabilis na nag-iwas ng tingin 'yung tatlo, pasimpleng sinipa nila Tobias si Domino dahil sa nagawa. "Domino." Mabilis siyang lumingon tawag ni Jupiter. "Hindi mo sasabihin?" Ngumiwi siya at lumingon sa'kin bago nagsalita. "Kagabi kasi, boss. May nagwala do'n sa pinag tatrabahuhan ni master, 'yung isa do'n sa mga estudyante kanina ang bumasag do'n sa monitor.." "At binato ng gagong 'yon sa mukha si master ng pera." Dagdag ni Joaquin na mukhang nawala ang takot sa'kin. Paano nila nalaman? "Pinanood namin 'yung CCTV." Ani Tobias na parang narinig 'yung nasa isip ko. Tumango si Jupiter. "Gusto niyong kumain?" Agad na napangisi 'yung tatlo. Sa tanong niya pa lang ay alam ko nang nagustuhan niya 'yung ginawa nung tatlo. Napailing ako, napaka kunsintidor. Binigyan ni Jupiter ng pera 'yung tatlo para kumain kaya maligayang nagpaalam ang mga gunggong. Tumalikod ako at naglakad pabalik ng building nang lingunin ako ni Jupiter. "Ikaw ba nagtuturo sa mga 'yon?" Tanong ko habang naglalakad kami sa hallway. Tumaas ang isang kilay niya. "Wala akong tinuturo sa kanila, Jack. Ang sinabi ko lang ay bantayan ka.." "Kaya ko ang sarili ko." "Bakit hinahayaan mong ganunin ka lang?" Tumigil siya sa paglalakad kaya gano'n din ako. "Hindi kita kilalang ganyan." "Hindi lahat ng oras ay dahas ang papairalin, kailangan ko ang trabaho na 'yon kaya hindi ko pinatulan. Kailangan kong mabuhay, Jupiter." Sambit ko. "Hindi mo naman kailangan mag trabaho." "Tapos aasa ako sayo?" Ngumisi ako. "Masyado ka yatang madaming pera? Ano ba talaga ang trabaho mo, Jupiter?" Natigilan siya dahil sa tanong ko. Nagtama ang mata namin at mukhang wala siyang balak sabihin sa'kin kung saan siya kumukuha ng pera para mabuhay. Umiling-iling ako at nilagpasan siya. Nasa pinto pa lang ako ng room ay nakita ko na si Rigo na nakaupo sa malapit sa dulo, lumipat siya ng upuan? Nagtama ang mata namin kaya nag iwas agad ako pero nanatili ang kaniyang pagtitig. Sinundan niya ako ng tingin hanggang sa makaupo ako, lumipat ang mata niya nang pumasok si Jupiter. Hindi nagtagal ang tingin ni Rigo sa kanya at nilingon ang kumakausap sa kanya. Umupo si Jupiter sa tabi ko sa pwesto dati ni Rigo na hindi ko pinansin, pinanood niya ako at bahagyang ngumuso bago mag iwas ng tingin. Nag-dekwatro siya at humalukipkip. Kumunot ang aking noo, naiinis talaga ako. Apat na kami ngayon dito sa upuan sa pinaka dulo. Ang bintana, ako, si Jupiter, si Sebastian at si Rigo na katabi na rin ng bintana. Kahit may pinto dito sa likod ay walang dumadaan dahil nandito ang dalawang kinakatakutan nila. Magkatabi si Sebastian at Jupiter, mabuti na lang at hindi sila nagpapansinan. Mukhang wala naman silang pakialam sa existence ng isa't isa. Mas maganda, walang gulo. Naramdaman ko ang isang mata na nakatuon sa'kin, akala ko ay si Jupiter pero nung lumingon ako ay nasalubong ng mata ko ang pares ng mata ni Rigo. Nakaubob siya sa lamesa, ginagamit niyang unan ang kanyang kanang braso at nakatagilid ang ulo niya, sa'kin nakaharap. Nakatingin lang siya, walang emosyon ang mukha. Parang nanonood lang ng TV. Nakita ko na dinaanan ng tingin ni Sebastian si Rigo bago ibaling ang tingin sa'kin, tumaas ang isang kilay niya at nag iba ng tingin at humalukipkip. Iniwas ko ang tingin ko at tumingin kay Jupiter na nakasandal lang sa upuan, nakatingala na nakapikit—pinapatunog ang kanyang leeg. Bakit ba tingin ng tingin ang Rigo na 'yon? Hanggang ngayon ay nakatingin pa rin siya, mamaya ay kung ano pa ang isipin ni Sebastian na katabi niya lang. Nag-iwas lang siya ng tingin nung dumating ang prof. Naging tahimik si Jupiter buong klase, tulad na rin ng nakasanayan. "Sino dito ang sasama sa magaganap na Tour?" Maraming nagtaas dahil sa tanong ng prof. Tour? Parang hindi ko naman ma-e-enjoy 'yon. "Wag kayong mag-alala, mag-eenjoy kayo ng sobra. At ang sasama ay mabibigyan ng additional na grade." Doon ako napaisip, hindi ako madalas nakakapasok dahil sa trabaho ko kaya magiging maganda kung madadagdagan ang grade ko. Pero saan naman ako kukuha ng pang bayad sa Tour na iyon? "Sasama ka?" Tanong ni Jupiter nang pauwi na kami. "Ewan ko." Hindi ko siya nilingon. Naramdaman ko ang pagtitig niya, wag niya akong kakausapin kung hindi ko magugustuhan ang sasabihin niya. Hindi ako mahina kaya hindi ko kailangan ng proteksyon, kaya ko ang aking sarili at kaya kong mabuhay ng hindi humihingi ng tulong sa iba. Pero mukhang ang tingin sa'kin ni Jupiter ay hindi gano'n. Para bang ang hina hina ko sa paningin niya. Tahimik na nagsindi siya ng sigarilyo kaya napalingon ako sa kanya, bakit kailangan niyang mag yosi sa tabi ko? Parang gusto ko rin tuloy, bumuga siya ng usok at binaling ang tingin sa'kin. Kumunot ang kanyang noo at agad na tinapon ang halos wala pang bawas na yosi at tinapakan. Sayang naman 'yon. Makabili nga mamaya habang pauwi ako. Sumalubong si Safari pagkadating namin kila Jupiter, wala pa 'yung tatlong itlog na binigyan niya ng pangkain kanina. Mag gagabi na, maya maya lang ay papasok na ako ng trabaho. Nagbuntong-hininga ako at ibinagsak ang sarili sa itim na sofa, nakita ko na hinubad ni Jupiter ang kanyang polo kaya slacks na lang ang tanging suot niya, binuksan niya ang ref para kumuha ng isang lata ng beer at uminom. Nag-iwas ako ng tingin. "Kamusta ang trabaho mo?" Umupo siya sa isang stool sa gilid ng lamesa, pinatong niya ang isa niyang braso sa lamesa at ang isa naman ay may hawak na beer. "Ayos lang." Sagot ko na hindi makatingin sa kanya. Nakita ko sa gilid ng mata ko ang pagtango niya, uminom siya sa beer na hindi inaalis ang tingin sa'kin. "Bakit hindi ka tumitingin sa'kin?" Tanong niya. "Gusto ko lang." Nakita ko ang pag-kunot ng kanyang noo, sinuklay niya ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri. "Ano ba talagang gusto mo?" "Gusto ko?" Nilingon ko siya. "Gusto kong mag damit ka." Tumigil ang kamay niya sa ere, binaba niya ulit ang kamay niyang may hawak na beer. Yumuko siya at narinig ko ang mahina niyang pagtawa, nag-angat ulit siya ng tingin at kinagat niya ang kanyang labi para pigilan ang pag ngisi. "Hindi ko alam na naaapektuhan ka pala?" Tanong niya. "Dati naman ay hindi.." Nag-iwas ako ng tingin. "Ayoko lang na nakikita ka ni Safari ng ganyan." Kumunot ang noo ko nang humalakhak siya. Anong tinatawa nito? Inis na umirap ako sa hangin. "Hindi ka magaling umisip ng dahilan, Jack." Bahagya siyang ngumuso. "May ideya ka ba kung gaano kapula ang mukha mo ngayon?" Tinignan ko siya ng masama. "Tigilan mo ako, Jupiter. Kung ayaw mo mag damit edi wag, hindi kita pinipilit." "Hindi ako magdadamit, gusto kong makita kung anong epekto ko sayo." Lalong nag-init ang aking mukha, nilingon ko ang ash tray sa harap ko. Konti na lang ay babatuhin ko na siya nito kung hindi siya titigil sa pang aasar. Napaigtad ako nang biglang makita ang mukha ni Jupiter sa harap ko. Nakatayo siya sa likod ng sofa na inuupuan ko, nakatukod ang isa niyang kamay sa sandalan at sinisilip ang aking mukha. Naaamoy ko ang beer na iniinom niya dahil sa sobrang lapit. Walang emosyon ang kanyang mukha, pinapanood ang magiging reaksyon ko. "Ginagalit mo ba ko, Jupiter?" Inis na tanong ko at inilayo ang aking mukha. Ngumuso siya at inayos ang kanyang tayo at huminga ng malalim. Nakita ko ang pamumula ng kanyang tenga. "Mas malakas pa rin ang epekto mo." Bigo ang kanyang boses.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD