"Master, anong oras uwi mo mamaya?" Tanong ni Tobias na nakatayo sa may bintana malapit sa'kin.
Sila lang ni Joaquin ang kaklase ko ngayong subject kaya sila lang ang kasama ko, naghihintay pa kami para sa prof at wala silang ginawa kundi tignan 'yung mga babae dito.
"May klase pa ko pagkatapos nito." Sagot ko. Tumango siya at parang natuwa sila sa sagot ko habang nagbubulungan, sumandal si Joaquin sa may bintana at may pinindot pindot sa kanyang phone.
Ngayong iniisip ko, wala pala akong phone. Sinusubukan akong bigyan ni Jupiter dati pero hindi ko tinatanggap, saan ko naman kasi gagamitin 'yon? Wala naman akong tao na dapat i-contact.
"Oy, ano." Napalingon ako sa tinatawag ni Joaquin, sinesenyasan niya na lumapit ito gamit ang daliri niya. Isa sa mga kaklase namin na player ng baseball dito.
"Bakit?" Maingat na tanong nito habang nag-aalangan na lumapit.
"Pahiram kami niyang nilalaro niyo." Nakangiting sabi ni Joaquin kaya mabilis na inabot sa kanya ang bola ng baseball at gloves pati na rin 'yung baseball bat. "Bait ah? Salamat."
Napailing na lang ako. Anong mabait? Wala lang magawa 'tong isang 'to dahil natatakot sa kanilang dalawa ni Tobias, 'yung ngiti niya ay ngiting mang gugulpi.
"Nice." Sabi ni Tobias nang ibigay sa kanya ni Joaquin 'yung baseball bat. Nagmamadali siyang nagpunta sa unahan ng room at sa bandang likod naman si Joaquin na sinusuot 'yung gloves sa kamay niya.
Napayuko ang lahat habang nakatakip ang kamay sa ulo nang ibato ni Joaquin ang bola at ito namang pinalo ni Tobias ng baseball bat kaya bumalik ang bola, muntik pang matamaan ang isa namin na kaklase.
"Uy, miss. Sorry," Kinagat ni Joaquin ang kaniyang labi bago lingunin si Tobias. "Ayusin mo, Tobi! Baka matamaan ang mga magagandang binibini dito."
Tinaas ni Tobias ang kaniyang gitnang daliri. "Lumalabas na naman ang kalandian mo."
Bumungisngis si Joaquin at binato ulit ang bola kaya automatic na nagyukuan ang lahat dahil sa takot na matamaan. Halatang naiinis 'yung iba ngunit hindi nila magawang magreklamo dahil sa takot nila sa dalawa.
Napailing na lang ako at nagpangalumbaba.
"Aray, s**t!" Hinimas himas ni Tobias ang kanyang binti dahil natamaan ito ng bola. Humalakhak ng malakas si Joaquin at umilag dahil binato rin siya.
Pinulot niya ang bola na gumulong palabas ng room at nilingon ang kung sino na nasa hallway. Umupo siya sa upuan niya at sakto naman na pumasok ang prof kaya nagmamadaling umayos ang lahat, umupo si Tobias sa tabi ko at tinaas ang paa sa likod ng upuan na nasa harap niya.
"Goodmorning, class."
Nagsimula ang mahabang klase, nilingon ko si Tobias na tinatawag ako. Nakangising tinuro niya si Joaquin na nakapangalumbaba at natutulog.
Nilingon ko ang prof na nagsusulat sa white board.
"Gisingin mo." Sabi ko sa kanya kaya tumango siya. Ang kulit ng mga ito, dapat nga ay nagpapakabait na sila para hindi na maulit 'yung nangyari dati.
Mahinang sinipa-sipa ni Tobias 'yung upuan ni Joaquin kaya napapalingon sa kanila 'yung malapit sa'min. Nahulog ang ulo ni Joaquin pero agad din na bumalik sa pwesto habang kinakamot ang ilong.
"Oy, Waki." Kinalabit siya ng maraming beses ni Tobias pero hindi natitinag.
Lumingon si Tobias sa prof at maingat na tumayo. Pumwesto siya sa likod ni Joaquin kaya nagtataka 'yung iba namin na kaklase. Hinanda niya ang sarili niya at malakas na tinampal ang likod ng ulo ni Joaquin.
"ANAK NANG—" Mabilis na tinakpan ni Tobias ang bibig ni Joaquin. Lumingon ang prof kaya agad siyang yumuko at nagpanggap na may kinukuha sa sahig.
"What are you doing, Ortega?" Tumaas ang kilay ng prof kaya nag-ayos ng tayo si Tobias at itinaas ang kanyang ballpen.
"Nahulog." Pagdadahilan niya at bumalik sa upuan. Tumalikod ang prof kaya mabilis na tumayo si Joaquin para gumanti kaya umusog sa'kin si Tobias.
"Master, oh!" Pagsusumbong niya.
"Tigilan mo, Joaquin." Saway ko kaya inis na umupo siya at bumungisngis si Tobias.
"Mamaya tumakbo ka agad." Ani Joaquin kaya ngumiwi si Tobias.
"Nakakatakot naman 'yan."
Umusad ang oras na walang ginawa ang dalawa kundi magmurahan. Pagkalabas ng prof ay mabilis na lumapit sa'kin si Tobias at nagtago sa likod ko, habang si Joaquin naman ay pilit siyang inaabot.
"Halika dito." Pinahaba ni Joaquin ang kamay niya kaya kumapit sa likod ko si Tobias at pinang harang ako.
Napapikit ako dahil sa inis.
"Anong ginagawa mo, Tobias?" Napatigil ang dalawa sa ginagawa nila nang marinig ang boses ni Jupiter mula sa pinto ng room.
Magkasalubong ang kanyang kilay habang nakatingin sa kamay na nakahawak sa may bewang ko. Mabilis na binitawan ako ni Tobias at lumayo, napamura siya nang magantihan siya ni Joaquin dahil do'n. Naghabulan sila palabas ng room at pumasok naman si Jupiter dahilan para maingat na gumalaw ang mga nandito pa sa loob at tahimik na lumabas.
"Anong ginagawa mo rito?" Tanong ko habang inaayos ang gamit ko. Umiling lang siya at umupo sa arm chair habang pinapanood ang ginagawa ko.
"Gusto mong kumain?" Tanong niya kaya tumango ako dahil nagugutom ako.
Sinukbit ko ang bag sa balikat ko na sinundan niya ng tingin, nauna na akong maglakad kaya sumunod siya. Kanya-kanya ng iwas ng tingin ang lahat ng nakakasalubong namin, ganyan naman ang lahat basta si Jupiter.
May mga highschool student na naghaharutan malapit sa hagdan, nakatalikod sila sa'min kaya hindi nila kami nakikita. Tinulak ng isa ang kasama niya at mukhang matatamaan ako kaya mabilis akong hinila ni Jupiter sa bewang, natumba 'yung tinulak sa sahig kaya napalingon sila.
Nag-igting ang panga ni Jupiter habang nakatingin sa mga estudyante na nasa harap namin, kumunot ang noo ko nang makita na sila 'yung mga estudyante kagabi sa internet cafe. Nandito rin 'yung bumasag sa isang monitor doon.
"Oh! Ikaw pala!" Mayabang na tinuro ako sa mukha nung estudyante na 'yon at tumawa ng pang-asar.
"Anong sa tingin mo ang ginagawa mo?" Malamig ang boses ni Jupiter. Nakatingin siya sa estudyante na tumuturo sa'kin.
"Sino ka?" Tanong nung estudyante at binaba ang kanyang kamay. Nakita ko ang pag ngiwi ng mga nakakakilala kay Jupiter na nandito, samantalang ang mga highschool na 'to ay walang kaalam alam kung sino siya.
"Jupiter, nagugutom na ako." Hinila ko siya sa braso at hindi naman siya pumalag.
Napapikit ako sa inis nang maramdaman ang humawak sa palapulsuhan ko, nilingon ko itong highschool student.
"Teka lang, tinatanong ko pa 'yung kasama mo kung sino siya." Mayabang ang pagkakasabi niya.
Mabilis na tinabig ni Jupiter ang kamay nito na nakahawak sa'kin, napamura ako sa isip ko nang hawakan niya ng mahigpit ang mukha nung estudyante gamit lang ang isang kamay.
Biglang parang naging maamong tupa ang mukha nito nang makita ang galit na mata ni Jupiter, pinalibutan kami ng mga nanonood.
"Jupiter.." Hinawakan ko ang damit niya kaya nagtiim bagang siya at marahas na binitawan ang mukha nung estudyante. Halos mapasubsob sa sahig iyon dahil sa lakas ng ginawa ni Jupiter.
Masama ang tingin nung estudyante sa'min at tumalikod para umakyat ng hagdan na sinundan ng tingin ni Jupiter. Huminga ako ng malalim.
"Balak mo pa patulan ang batang 'yon?" Tanong ko kaya umirap siya at bumaba ng hagdan kaya sumunod ako.
"Mas bata lang siya sa'tin, Jack. Pero hindi na iyon bata, alam niya na dapat ang ginagawa niya." Malamig ang mata na lumingon siya. "Alam niya dapat kung sino ang hahawakan niya o hindi."
Hinawakan niya ang braso ko at itinaas na parang pinapakita niya iyon. "Hinawakan ka niya rito, hinawakan ka niya.."
Kinagat ko ang aking labi at binawi ang braso ko. "Hinawakan lang naman.."
"Hanggang kailan ko ba sasabihin 'to? Ayokong hinahawakan ng iba ang akin." Tumigil ako sa paglalakad dahil sa sinabi niya, napatigil din siya at nilingon ako.
"Anong ibig sabihin niyan?" Tanong ko. Kumunot ang noo niya at humakbang palapit, yumuko siya at hinawakan ang dulo ng mga daliri sa dalawang kamay ko. "Pagmamay-ari mo ako, Jupiter?"
Nag-angat siya ng tingin kaya nag-lebel ang mata namin, lumambing ang kanyang mata. Huminga siya ng malalim.
"Sa'kin ka, Jack. Sa'kin ka." Madiin na sabi niya. "Naiintindihan mo? Sa'kin ka lang.."
Hindi ako nakapagsalita, yumuko na lang ako at tumango habang nakatingin sa kamay niyang maingat na hinahawakan ang mga daliri ko.
Naramdaman ko ang kung ano na nagwawala sa tiyan ko, nagugutom na yata talaga ako.