1
PAG-UWI nina Julliana at ng mama niya mula sa selebrasyon ng kaarawan ng isang kaibigan nito ay nadatnan nila ang tatay niya na naliligo sa sariling dugo nito. Halos mawalan siya ng ulirat habang nakatingin sa nakapanlulumong hitsura nito. Kinse anyos pa lang siya kaya hindi pa niya kayang makasaksi ng ganoong uri ng karahasan.
Her mother cried in anguish. Hindi nito alam kung ano ang gagawin habang nakaluhod sa duguang katawan ng kanyang ama. Kung hindi siguro narinig ng mga kapitbahay nila ang pagpalahaw ng kanyang ina ay walang sasaklolo sa kanila. Ang mga kapitbahay na rin nila ang tumawag ng mga pulis at nag-asikaso sa kanilang mag-ina dahil pareho silang tulala at tuliro.
Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, walang awang pinagsasaksak ang papa niya ng mga kriminal na nanloob sa kanilang bahay. Nahuli ng mga ito ang isa sa mga salarin na umaming nagkamali ang mga ito ng pinatay na tao. Hindi na niya inalam kung sino ang dapat na papatayin ng mga ito dahil hindi rin siya hinayaan ng kanyang mama na makinig sa usapan nito at ng mga pulis.
Nang mga sumunod na araw, pinilit ng kanyang mama na maging matatag para sa kanya. Kailangan niya ito, lalo na at napansin nito ang malaking pagbabago niya mula nang mamatay ang kanyang ama. Hindi na siya palakibo at umiiwas na siya sa mga tao. Sa gabi ay madalas siyang sumisigaw dahil sa masasamang panaginip.
Nang sa tingin ng mama niya ay hindi na nakakabuti sa kanya ang pananatili nila sa Aklan, nagdesisyon ito na ibenta ang lahat ng properties nila at lumuwas na lang sila sa Maynila. Naintindihan niya ang naging pasya nito. Ang sabi nito, iniwasan daw nito at ng papa niya na manirahan noon sa lungsod dahil bukod sa masyadong delikado roon ay magastos pa ang pamumuhay. Kung alam lang daw nito na sa probinsiya rin mapapaslang ang kanyang papa, sana raw ay noon pa sila nanirahan sa Maynila.
Hindi sila mayaman pero hindi rin naman sila mahirap. Parehong may matatag na hanapbuhay sa Aklan ang kanyang mga magulang at nag-iisang anak lamang siya kaya kahit paano ay may naipundar ang mga ito. Nang maibenta ng mama niya ang lahat ng mga ari-arian nila ay lumuwas sila sa Maynila. Gamit ang perang napagbilhan ng mga ari-arian nila, nakabili ang mama niya ng isang simple at maliit na apartment sa isang tahimik na lugar sa Maynila. Natanggap din ito bilang sekretarya ng may-ari ng isang security agency. Nakalipat din siya sa isang pribadong unibersidad.
Nahirapan siyang mag-adjust sa bagong kapaligiran niya at sa mga taong nakakasalamuha niya. Ang totoo, maliban sa mama niya ay nahirapan siyang makisama at magtiwala sa mga tao sa paligid niya mula nang patayin ang papa niya. Dati ay palakaibigan at palangiti siya. Aktibo rin siya sa eskuwelahang pinanggalingan niya. Katunayan, naroon ang maraming mga kaibigan niya na naiwan niya sa Aklan.
Minsan ay kinausap siya ng kanyang mama at sinabi nito na baka kailangan nilang dalawa na kumonsulta sa isang psychiatrist. Makakatulong daw iyon para mas maging maganda ang pakikitungo nila sa ibang tao. Pero hindi siya pumayag. Para sa kanya, hindi psychiatrist ang kailangan niya para maging normal uli siya. Ang kailangan niya ay ang kanyang ama. Babalik siya sa dating siya kung babalik din ito sa buhay niya.
Papa’s girl siya. Noong nabubuhay pa ang kanyang ama ay spoiled siya rito. Lahat ng naisin niya ay ibinibigay nito sa kanya. Kahit abala ito o pagod na pagod sa trabaho, napaglalaanan pa rin siya nito ng oras at lagi silang nagkukuwentuhan. Ito ang itinuturing niyang best friend kaya hindi siya nahihiyang sabihin dito ang lahat ng mga saloobin niya. Kaya galit na galit siya sa mga taong walang-awang pumaslang dito. Mabait na tao ang kanyang ama. He was a brilliant doctor. Kung ginusto lamang nito, maaari itong magtrabaho sa mamahaling ospital at maningil ng malaking professional fee. Pero nanatili ito sa provincial hospital para makatulong ito sa mahihirap na mas nangangailangan ng serbisyo nito. Minsan nga ay hindi na ito nagpapabayad ng professional fee, lalo na kapag talagang walang pera ang pasyente nito. Minsan pa nga ay ito pa ang nagbabayad ng hospital bill.
Kaya maraming tumulong para mahuli ang mga pumaslang dito. Marami ring nagluksa at dumalo sa libing nito. Hindi niya matanggap na namatay ito dahil lang sa mistaken identity. Kahit nakakulong na ang pumaslang dito ay hindi pa rin siya kontento roon. Hindi pa rin niyon maibsan ang sakit na idinulot sa kanya ng pagkawala ng kanyang ama.
Napabuntong-hininga siya habang nakatingin siya sa mga kaklase niya na masayang kumakain kasama ng barkada ng mga ito sa cafeteria na kinaroroonan din niya. Samantalang siya ay mag-isang kumakain sa mesa sa isang sulok. Halos hindi niya ginagalaw ang kanyang mga pagkain. Dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang lumipat siya sa unibersidad na iyon pero wala pa rin siyang kaibigan. Wala kasi siyang kinakausap na kahit sino. Nagsasalita lamang siya kapag tinatanong siya ng mga guro niya kaya ang impresyon sa kanya ng mga kaklase niya ay isa siyang weird at freak. Pero wala siyang pakialam doon.
Napabuntong-hininga uli siya. Hindi niya alam kung magiging maayos pa uli siya. Hindi niya alam kung babalik pa siya sa dati. Parang napakahirap nang maging masaya dahil wala na ang kanyang ama.
“HI, DAD,” bati ni Benjamin sa kanyang ama na si Albert Montero pagpasok niya sa security agency nito. Doon siya dumeretso pagkatapos ng huling klase niya. Binisita niya ito para yayain na sabay silang maghapunan. Nang mga huling araw kasi ay napapansin niyang hindi maganda ang eating habit nito kaya tumataas ang blood pressure nito. Madali siyang mag-alala pagdating sa kalusugan nito, lalo na at hindi na ito bumabata.
His father was all he had. Ito na lamang ang natitira niyang pamilya. Ito ang nakasama niya noong mga panahong wala na siyang mapuntahan, nag-aruga, nagpakain, nagbihis, at nagpaaral sa kanya. Nag-aaral siyang mabuti para maging doktor dahil nais niyang siya ang mag-alaga rito.
Hindi niya ito tunay na ama. Isa itong dating NBI agent. Isa ito sa mga nag-imbestiga nang mapaslang ang kanyang ina ng mga miyembro ng isang malaking sindikato. Anim na taong gulang lamang siya nang mangyari ang trahedyang iyon na siya ang tanging saksi. Nakapagtago siya noon sa kisame ng bahay nila kaya hindi siya napaslang ng mga kriminal. His mother’s death was horrible. Ayaw na niya iyong maalala. Kinalimutan na rin niya ang dahilan kung bakit pinatay ito.
Malaki ang naging papel niya sa pagresolba ng kaso nito. Dahil sa testimonya niya ay natugis ang lahat ng miyembro ng sindikato. Hindi siya noon pinabayaan ni Mr. Montero. Inalagaan siya nito. Dahil nagkaroon na sila ng attachment sa isa’t isa ay tuluyan na siyang inampon nito pagkatapos maresolba ang kaso. Hindi niya magawang magtiwala sa ibang tao pero kapag ito ang kasama niya ay nakakaramdam siya ng seguridad. Pakiramdam niya, walang mangyayaring masama sa kanya basta nasa malapit ito.
Tumiwalag ito sa NBI at nagtayo na lamang ito ng sariling security agency. Pakiramdam niya ay ginawa nito iyon para sa kanya. Ayaw raw kasi nito na mabuhay siya sa panganib. Lumago ang ahensiya nito at nang maglaon ay pinasok pa nito ang ibang negosyo. Namuhay sila nang tahimik. Hindi man sila tunay na magkadugo, mag-ama sila sa tunay na kahulugan ng salitang iyon. Hindi na ito nakapag-asawa kaya silang dalawa na lang nito ang laging magkasama.
“O, ba’t nandito ka?” tanong sa kanya ng daddy niya. “Wala ka bang klase?”
Umupo siya sa couch. “Wala na po. I just wanted to check on you. Baka nagtatrabaho ka na naman nang husto. You’re not getting any younger, Dad.”
Tumawa ito. “I’m okay. OA na `yang pag-aalala mo. My body is still in great shape. Ngayong taon lang naman tumaas ang presyon ko. Besides, nasa family history namin ang hypertension.”
“Maigi na iyong iniingatan n’yo ang kalusugan n’yo. Don’t stress yourself too much. Marami ka namang tauhan na puwede mong pagbilinan ng ibang trabaho mo.”
Umiling-iling ito. “Hindi ka pa man doktor ay ganyan ka na kaestrikto. Ano pa kaya ang mangyayari sa akin kapag ganap ka nang doktor? Malamang na hindi na ako makakapagtrabaho. Sino ang mamamahala nitong agency?”
Natigilan siya. Minsan ay nagi-guilty siya dahil hindi siya nakakatulong sa pamamahala ng mga negosyo nito. Hindi naman ito nagde-demand sa kanya; hinahayaan siya nito kung ano ang gusto niyang gawin. Ito pa mismo ang humimok sa kanya na kumuha ng BS Biology bilang premed course. Hindi rin naman daw siya matutuwa kapag ipinilit nito sa kanya ang kursong gusto sana nitong kunin niya. Lagi nitong ipinapaalala sa kanya na nasa likuran lamang niya ito at nakahanda itong itayo siya kapag nadapa siya.
His father was the best father of all.
“I’ll be the best doctor of all,” pangako niya rito. “Gagawin ko ang lahat para maging proud kayo sa akin.”
Nginitian siya nito. “I know you will. I always believe in you, anak.”
Bago pa man siya makasagot ay may kumatok na sa pinto.
“Come in,” anang daddy niya.
Bumukas ang pinto at pumasok doon ang isang babae na hindi pamilyar sa kanya. Pero sa hitsura ng babae ay mukhang ito ang bagong sekretarya ng kanyang ama. Ang dating sekretarya kasi nito ay nag-resign para magtrabaho sa abroad.
“I need your signature here, Sir,” pormal na sabi ng babae paghinto nito sa tapat ng mesa ng daddy niya, saka nito iniabot sa daddy niya ang isang folder. Kinuha iyon ng daddy niya at pinirmahan.
“By the way, Natalie, this is my son, Benjamin. Benj, my new secretary, Natalie,” pakilala sa kanila ng kanyang ama.
“Hello,” bati sa kanya ni Natalie at saka siya nginitian. “It’s nice to meet you.”
“Same here,” ganting-sabi niya, saka niya ito nginitian.
“He’s going to be a doctor, Natalie,” proud na sabi ng daddy niya.
Naging malamlam ang mga mata ni Natalie. “Like my husband.”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Husband?”
“Late husband,” pagtatama ni Natalie. “I have to get back to work, Sir.” Pagkasabi niyon ay lumabas na ito ng pinto.
“Her husband was brutally killed,” sabi sa kanya ng daddy niya. “Mistaken identity daw ang nangyari. He was a very good man, a very noble doctor.”
“Brutally killed? Like my mom,” malungkot na sabi niya.
Tumango-tango ang daddy niya. “Yeah, like your mom.”
Ayaw niyang maalala ang hitsura ng kanyang ina noong walang-awa itong pinaslang. Nais niyang panatilihin sa kanyang alaala ang masaya at magandang imahe nito. Nadakip at naparusahan na ang mga maysala. He had moved on long time ago. He was just going to live happily with his father. He was going to be the man his mother had always loved. He was going to make her so proud of him.